Nagpahayag ng Propesiya si Amos Laban sa mga Bansa at sa Israel (continued)

Ipinahayag ni Amos ang paghatol sa mga kalapit na bansa, at sa Israel at Juda.

793 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Amos 5:1–7:9

1 Pakinggan ninyo ang mga salitang ito na itinataghoy ko sa inyo, o sambahayan ng Israel. 2 Bumagsak na ang birheng Israel; hindi na siya muling makatatayo; pinabayaan siya sa kaniyang bayan; at wala ni isang tutulong upang itayo siya.

3 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Ang lungsod na isang libo ang lalabas ay isang daan ang matitira, at ang isa na lalabas na may isang daan ay sampu ang matitira na pagmamay-ari ng sambayanan ng Israel.”

4 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa sambahayan ng Israel: “Hanapin ako at mabuhay! 5 Huwag hanapin ang Bethel; ni pumasok sa Gilgal, at huwag dumaan sa Beer-seba. Dahil tiyak na bibihagin ang Gilgal, at magdadalamhati ang Bethel. 6 Hanapin si Yahweh at mabuhay, kung hindi, magliliyab siya na parang apoy sa tahanan ni Jose. Ito ay tutupok, at wala kahit isa na makapapatay nito sa Bethel. 7 Ang mga taong ginagawang mapait na bagay ang katarungan at itinatapon sa lupa ang katuwiran!” 8 Nilikha ng Diyos ang Pleyades at Orion; ginawa niyang umaga ang dilim; pinagdidilim niya ang araw na maging gabi at tinawag niya ang mga tubig sa dagat; ibinubuhos niya ang mga iyon sa ibabaw ng mundo. Yaweh ang kaniyang pangalan! 9 Nagdudulot siya ng biglang pagkawasak sa malalakas upang sa gayon masisira ang mga tanggulan 10 Kinamumuhian nila ang sinumang magtuwid sa kanila sa tarangkahan ng lungsod at kinapopootan nila ang sinumang magsasabi ng katotohanan. 11 Dahil tinatapakan ninyo ang mahihirap at kinukuha ninyo ang mga bahagi ng trigo mula sa kanila—at kahit na nagtayo kayo ng mga bahay na gawa sa bato, hindi ninyo matitirahan ang mga ito. Mayroon kayong masaganang ubasan, ngunit hindi ninyo maiinom ang mga alak nito. 12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong nagawang pagkakasala at kung gaano karami ang inyong mga kasalanan—kayo na nagpapahirap sa mga matutuwid, tumatanggap ng mga suhol, at tinalikuran ang mga nangangailangan sa tarangkahan ng lungsod. 13 Kaya sinumang taong matino ang pag-iisip ay tatahimik sa panahong iyon, sapagkat panahon ito ng kasamaan. 14 Hanapin ang mabuti at hindi ang masama, upang kayo ay mabuhay. Upang si Yahweh, na Diyos ng mga hukbo, ay tiyak na makakasama ninyo, tulad ng inyong sinabi. 15 Kamuhian ang kasamaan, ibigin ang mabuti, magtatag kayo ng katarungan sa tarangkahan ng lungsod. Baka sakaling mahabag si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, sa mga nalalabi ni Jose.

16 Kaya, ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon: “May tumataghoy sa lahat ng mga liwasan, at sasabihin nila sa lahat ng lansangan, 'Aba! Aba!' Tatawagin nila ang mga magsasaka upang magluksa at ang mga mangluluksa upang managhoy. 17 May tumatangis sa lahat ng ubasan, sapagkat dadaan ako sa kalagitnaan ninyo,” sabi ni Yahweh.

18 Aba sa inyo na naghahangad sa araw ni Yahweh! Bakit ninyo hinahangad ang araw ni Yahweh? Ito ay kadiliman at hindi liwanag. 19 Gaya ng isang tao na tinatakasan niya ang isang leon at isang oso ang sumasalubong sa kaniya, o kaya pumapasok siya sa tahanan at inihawak ang kaniyang kamay sa pader at isang ahas ang tutuklaw sa kaniya. 20 Hindi ba kadiliman ang araw ni Yahweh at hindi liwanag? Makulimlim at walang liwanag? 21 “Kinamumuhian ko, at kinasusuklaman ko ang inyong mga kapistahan, hindi ako nasisiyahan sa inyong mga taimtim na mga pagpupulong. 22 Kahit na ihandog ninyo sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyan, ni hindi ko titingnan ang mga pinataba ninyong hayop na ihahandog ninyong pangkapayapaan. 23 Huwag ninyong iparinig ang ingay ng inyong mga awit; hindi ko pakikinggan ang mga tunog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, paaagusin ninyo ang katarungan na tulad ng tubig na umaagos, at paaagusin ninyo ang katuwiran tulad ng batis na patuloy sa pag-agos. 25 Kayong mga sambahayan ni Israel, nagdala ba kayo ng mga alay at mga handog ninyo sa akin sa ilang ng apatnapung taon? 26 Bubuhatin ninyo si Sakut bilang inyong hari, at si Kaiwan, na bituwing diyus-diyosan ninyo—mga diyos diyusan na ginawa ninyo para sa inyong sarili. 27 Kaya ipabibihag ko kayo sa kabila ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay ang Diyos ng mga hukbo.

6:1 Aba sa mga taong panatag sa Zion, at sa mga taong ligtas na nasa burol ng bansang Samaria, ang mga tanyag na kalalakihang pinakamahuhusay sa mga bansa, na silang hinihingian ng tulong ng sambahayang Israel! 2 Sinasabi ng inyong mga pinuno, “Pumunta kayo sa Calne at tingnan ninyo; mula roon pumunta kayo sa Hamat, ang tanyag na lungsod; pagkatapos bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo. Mas mabuti ba sila kaysa sa dalawa ninyong kaharian? Mas malawak ba ang kanilang nasasakupan kaysa sa inyong nasasakupan?” 3 Aba sa inyong nagpapaliban ng araw ng kapahamakan at naglalapit sa trono ng karahasan. 4 Humihiga sila sa mga higaang gawa sa garing at nagpapahinga sa kanilang mga malalambot na upuan. Kinakain nila ang mga batang tupa mula sa kawan at mga pinatabang guya mula sa kuwadra. 5 Umaawit sila ng mga walang kabuluhang mga awitin sa tugtugin ng alpa; gumagawa sila ng mga pansarili nilang instrumento gaya ng ginawa ni David. 6 Umiinom sila ng alak mula sa mga mangkok at pinahiran ang kanilang mga sarili ng mga pinakapurong langis, ngunit hindi sila nagluluksa sa pagkawasak ni Jose. 7 Kaya dadalhin silang bihag ngayon kasama ng mga naunang bihag, at ang mga pista ng mga nagpapahinga ay lilipas na.

8 Ako, ang Panginoong Yahweh, ang mismong nangako —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo: “Kinamumuhian ko ang pagmamalaki ni Jacob. Kinamumuhian ko ang kaniyang mga tanggulan. Samakatuwid ipapasakamay ko ang lungsod kasama ang lahat ng nasa loob nito.”

9 At mangyayari na kung may sampung kalalakihang naiwan sa isang bahay, mamamatay silang lahat. 10 Kapag dumating ang kamag-anak ng isang lalaki upang kunin ang kanilang mga bangkay—na magsusunog sa kanilang mga bangkay pagkatapos nitong ilabas sa bahay—kung sasabihin niya sa taong nasa loob ng bahay na, “Mayroon ka bang kasama?” At kapag sumagot ang taong iyon ng, “Wala,” kung gayon, sasabihin niya, “Tumahimik ka, dahil hindi natin dapat banggitin ang pangalan ni Yahweh.”

11 Sapagkat, tingnan ninyo, magbibigay si Yahweh ng utos, at madudurog sa maliliit na mga piraso ang malaking bahay at pagpipira-pirasuhin ang maliliit na bahay. 12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa mga mabatong bangin? May nag-aararo bang baka roon? Ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan at kapaitan ang bunga ng katuwiran. 13 Kayong mga nagagalak sa Lo Debar, na nagsasabi, “Hindi ba namin nasakop ang Karnaim sa aming sariling kalakasan?” 14 “Ngunit tingnan ninyo, pipili ako ng isang bansang laban sa inyo, sambahayan ni Israel”—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo. “Pahihirapan nila kayo mula sa Lebo Hamat hanggang sa batis ng Araba.”

7:1 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong si Yahweh. Tingnan, lumikha siya ng isang pulutong ng mga balang nang magsimula ang tagsibol ng mga pananim, at, tingnan, ito ang huling pananim pagkatapos ng pag-ani ng hari. 2 Nang matapos nitong kainin ang mga halaman sa lupain, pagkatapos sinabi ko, “Panginoong Yahweh, isinasamo ko patawarin mo sila; paano makaliligtas si Jacob? sapagkat napakaliit niya.”

3 Nahabag si Yahweh tungkol dito. “Hindi ito mangyayari,” sinabi niya.

4 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Tingnan, tumawag ang Panginoong Yahweh ng apoy upang humatol. Tinuyo nito ang napakalawak, malalim na tubig sa ilalim ng lupa at sisirain pati na rin ang kalupaan. 5 Ngunit sinabi ko, “Panginoong Yahweh, isinasamo ko na itigil mo na; paano makaliligtas si Jacob? Sapagkat napakaliit niya.”

6 Nahabag si Yahweh tungkol dito. “Hindi rin ito mangyayari,” sinabi ng Panginoong Yahweh.

7 Ito ang ipinakita niya sa akin: Tingnan, nakatayo ang Panginoon sa gilid ng isang pader, na may isang hulog sa kaniyang kamay. 8 Sinabi ni Yahweh sa akin. “Amos, ano ang nakikita mo?” sinabi ko, “Isang hulog.” Pagkatapos sinabi ng Panginoon, “Tingnan mo, ilalagay ko ang isang hulog kasama ng aking mga taong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan pa. 9 Mawawasak ang matataas na lugar ni Isaac, masisira ang mga santuwaryo ni Israel, at tatayo ako laban sa sambahayan ni Jeroboam na may kasamang espada.”