Nakipag-alyansa si Ahaz kay Tiglat Pileser

Nakipag-alyansa si Ahaz kay Tiglat Pileser, hari ng Asiria.

740 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 16:6–9

6 Sa panahong iyon, si Rezin hari ng Aram ay nabawi ang Elat para sa Aram at itinaboy ang mga taga-Juda mula sa Elat. Pagkatapos dumating ang mga taga-Aram sa Elat kung saan sila ay naninirahan hanggang sa mga araw na ito.

7 Kaya nagsugo ng mga tagapagbalita si Ahaz kay Tiglat Pileser hari ng Asiria, sinasabing, ''Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Lumapit ka at iligtas ako mula sa kamay ng hari ng Aram at mula sa kamay ng hari ng Israel, na lumusob sa akin.''

8 Kaya kinuha ni Ahaz ang pilak at gintong mayroon sa tahanan ni Yahweh at kasama ng mga yaman ng palasyo ng hari at ipinadala ito bilang isang handog sa hari ng Asiria. 9 Pagkatapos pinakinggan siya ng hari ng Asiria, at dumating ang hari ng Asiria laban sa Damasco, sinakop ito at ibinilanggo ang kanilang mamamayan sa Kir. Pinaslang din niya si Rezin ang hari ng Aram.

Isaias 28

1 Kaawaan ang ipinagyayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng masaganang lambak ng mga lango sa alak! 2 Masdan ninyo, may isang makapangyarihan at malakas na tao mula sa Panginoon; gaya ng isang ulan ng yelo, isang namiminsalang bagyo, gaya ng isang laganap na napakalakas na ulan. Papaluin niya ang daigdig ng kanyang kamay. 3 Ang ipinagmamayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim ay tatapakan. 4 Ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng mayamang lambak, ay magiging gaya ng unang hinog na igos bago magtag-araw, na kapag nakita ito ng isang tao, habang ito ay nasa kamay pa lamang niya, nilulunok na niya ito. 5 Sa araw na iyon si Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel ay magiging isang magandang korona at isang putong ng kagandahan para sa mga natitira pa sa kanyang bayan, 6 isang espiritu ng katarungan para sa kanya na nakaupo sa paghuhukom, at lakas para sa mga nagpapaatras sa kanilang mga kaaway sa kanilang mga tarangkahan. 7 Pero kahit na ang mga ito ay humahapay-hapay sa alak, at nagpapasuray-suray sa inuming matapang. Ang pari at ang propeta ay humahapay-hapay sa malakas na alak, at nalululon sila ng alak. Nagpapasuray-suray sila sa malakas na alak, nagsusuray-suray sa pangitain at humahapay-hapay sa pagpasya. 8 Tunay nga, lahat ng mesa ay natatakpan ng suka, kung kaya't walang malinis na lugar. 9 Kanino niya ituturo ang kaalaman, at kanino niya ipapaliwanag ang mensahe? Sa mga naawat na sa pagsuso sa ina o sa mga kakaawat pa lamang mula sa mga dibdib? 10 Sapagkat ito ay utos pagkaraan ng utos, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon. 11 Tunay nga, gamit ang mapanuyang mga labi at isang banyagang dila, magsasalita siya sa bayang ito. 12 Sa nakalipas sinabi niya sa kanila “Ito ang kapahingahan, bigyan ng kapahingahan ang siyang napapagod; at ito ang pagpapanariwa,” pero ayaw nilang makinig. 13 Kaya ang salita ni Yahweh ay mapapasakanila, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon; nang sa gayon sumulong sila at mabuwal, at masaktan, mahulog sa bitag at mabihag.

14 Kaya makinig sa salita ni Yahweh, kayo na nangungutya, na namamahala sa bayang ito sa Jerusalem. 15 Sinabi ninyo, “Nakipagtipan kami sa kamatayan; nakipagkasundo kami sa Sheol. Kaya kapag dumaan ang umaapaw na paghatol, hindi nito kami aabutan, sapagkat ginawa naming kanlungan ang isang kasinungalingan, at sa kabulaanan kami ay nagtago.”

16 Kaya sinasabi ni Yahweh, “Tingnan ninyo: Maglalagay ako ng isang pundasyong bato sa Sion, isang subok na bato, isang tanging panulukang bato, isang tiyak na pundasyon. Siya na naniniwala ay hindi mapapahiya. 17 Gagawin kong panukat na kahoy ang katarungan, at panukat na hulog ang katuwiran. Tatangayin ng ulan na yelo ang tanggulan ng mga kasinungalingan, at tatabunan ng mga tubig baha ang taguan. 18 Mawawalang bisa ang inyong tipan sa kamatayan, at ang kasunduan ninyo sa Sheol ay hindi magkakabisa. Kapag dumaan ang rumaragasang baha, tatabunan kayo nito. 19 Tuwing dumadaan ito, aanurin kayo nito, at tuwing umaga dadaan ito at sa araw at sa gabi ay darating ito. Kapag naunawaan ang mensahe, ito ay magdudulot ng matinding takot. 20 “Dahil napakaikli ng kama para makapag-unat ang isang tao, at napakakitid ng kumot para talukbungan niya ang kanyang sarili.” 21 Aakyat si Yahweh tulad ng sa Bundok ng Perazim; gigisingin niya ang kanyang sarili tulad ng sa lambak ng Gideon para gawin ang kanyang gawain, ang kanyang kakaibang trabaho, at isakatuparan ang kanyang kakaibang gawa. 22 Kaya ngayon huwag kayong mang-inis o ang mga gapos ninyo ay hihigpitan. Nakarinig ako mula sa Panginoon, Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, isang kautusan ng pagkawasak sa daigdig.

23 Bigyan ninyo ng pansin at makinig sa aking tinig; bigyan ninyo ng masusing pansin at makinig sa aking mga salita. 24 Ang magsasaka ba na buong araw nag-aararo para maghasik, ay nag-aararo lang ng lupa? Patuloy ba niyang binubungkal at sinusuyod ang bukid? 25 Kapag naihanda na niya ang lupa, hindi ba niya ikinakalat ang buto ng anis, inihahasik ang linga, inilalagay ang trigo sa mga hanay at ang sebada sa tamang lugar, at ang espelta sa mga gilid nito? 26 Tinatagubilinan siya ng Diyos; tinuturuan niya siya nang may karunungan. 27 Higit pa rito, ang linga ay hindi ginigiik gamit ang isang paragos, ni pinapagulungan ang linga ng gulong ruweda ng karitela; pero ang anis ay binabayo ng isang kahoy, at ang linga ng isang pamalo. 28 Ang butil ay ginigiling para sa tinapay pero hindi napakapino, at kahit na ikinakalat ito ng mga gulong ng kanyang karitela at ng kanyang mga kabayo, hindi ito dinudurog ng kanyang mga kabayo. 29 Ito rin ay nanggagaling mula kay Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, na kahanga-hanga sa pagpapayo at mahusay sa karunungan.

2 Mga Cronica 28:20–23

20 Si Tiglat-Pileser, hari ng Asiria, ay nagpunta at ginulo siya sa halip na palakasin siya. 21 Sapagkat sinamsam at pinagnakawan ni Ahaz ang tahanan ni Yahweh at ang mga tahanan ng mga hari at mga pinuno upang ibigay sa mga hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kaniya.

22 Ang Haring ito na si Ahaz ay nagkasala pa ng mas matindi laban kay Yahweh sa panahon ng kaniyang pagdurusa. 23 Sapagkat nag-alay siya sa mga diyos ng Damasco, mga diyos na tumalo sa kaniya. Sinabi niya, “Dahil tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Syria, mag-aalay ako sa kanila, upang matulungan nila ako.” Ngunit sila ang sumira sa kaniya at sa buong Israel.

2 Mga Hari 16:10–18

10 Nagtungo sa Damasco si Haring Ahaz para makipagkita kay Tiglat Pileser hari ng Asiria. Sa Damasco nakita niya ang isang altar. Pinadala niya kay Urias ang pari ang isang modelo ng altar at pagpaparisan nito at ang plano ng lahat ng kailangang gawin. 11 Kaya si Urias ang pari ay nagtayo ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco. Ito ay natapos bago bumalik si Haring Ahaz mula sa Damasco.

12 Nang dumating ang hari mula sa Damasco nakita niya ang altar; lumapit ang hari sa altar at nag-alay dito. 13 Inalay niya ang kaniyang handog na susunugin, at handog na butil, ibinuhos niya ang kaniyang handog na iinumin, at iwinisik ang dugo ng handog ng pakikisama sa altar. 14 Ang tansong altar na nasa harap ni Yahweh - inilipat niya ito mula sa harap ng templo, mula sa pagitan ng kaniyang altar at templo ni Yahweh at nilipat ito sa gawing hilaga ng kaniyang altar.

15 Pagkatapos inutusan ni Haring Ahaz si Urias ang pari, sinasabing, '' Sa malaking altar sunugin ang pang-umagang handog na susunugin at sa gabi ang handog na butil, at ang handog na susunugin ng hari at kaniyang handog na butil, kasama ang handog na susunugin ng lahat ng mga tao sa lupain, at ang kanilang handog na butil at kanilang handog na iinumin. Wisikan itong lahat ng dugo ng handog na susunugin at lahat ng dugo ng iaalay. Pero ang tansong altar ay para sa aking paghingi ng tulong ng Diyos.

16 Ginawa nga ni Urias ang pari kung ano ang pinag-utos ni Haring Ahaz.

17 Pagkatapos inalis ni Haring Ahaz ang mga balangkas at palanggana mula sa mga nalilipat na patungan; inalis din niya ang dagat mula sa bakang tanso na nasa ilalim nito at inilapag sa batong nakalatag. 18 Inalis din niya ang may bubong na daanan na kanilang itinayo sa templo para sa araw ng Pamamahinga, kasama ang pasukan ng hari sa labas ng templo, lahat dahil sa hari ng Asiria.

2 Mga Cronica 28:24–25

24 Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan sa tahanan ng Diyos at pinagpuputol ang mga ito. Ipinasara niya ang mga pintuan ng tahanan ni Yahweh at gumawa siya ng mga altar para sa kaniyang sarili sa bawat sulok ng Jerusalem. 25 Gumawa siya ng mga dambana sa bawat lungsod ng Juda upang pagsunugan ng mga alay sa ibang mga diyos, at ito ang naging dahilan upang magalit si Yahweh, ang Diyos ng kaniyang mga ninuno.

Hosea 5

1 Pakinggan ninyo ito, mga pari! Bigyan ninyo ng pansin, sambahayan ng Israel! Makinig, sambahayan ng hari! Sapagkat paparating na ang paghuhukom laban sa inyong lahat. Naging isang bitag kayo sa Mizpa at isang nakalatag na lambat sa buong Tabor. 2 Nalunod sa pagkakatay ang mga maghihimagsik, ngunit sasawayin ko silang lahat. 3 Kilala ko ang Efraim at hindi lingid sa akin ang Israel. Efraim, ngayon na naging tulad ka ng isang babaing nagbebenta ng aliw; nadungisan ang Israel. 4 Hindi sila pahihintulutan ng kanilang mga gawa upang manumbalik sa akin, na kanilang Diyos, sapagkat nasa kanila ang espiritu ng pangangalunya, at hindi nila ako nakikilala, si Yahweh. 5 Nagpapatotoo ang pagmamataas ng Israel laban sa kaniya; kaya matitisod ang Israel at Efraim sa kanilang mga kasalanan; at matitisod din ang Juda kasama nila. 6 Aalis sila kasama ang kanilang mga kawan at mga bakahan upang hanapin si Yahweh, ngunit hindi nila siya matatagpuan, sapagkat lumayo siya sa kanila. 7 Hindi sila naging tapat kay Yahweh, sapagkat nagkaroon sila ng mga anak sa labas. Lalamunin sila ngayon ng mga pista ng bagong buwan kasama ng kanilang mga bukirin. 8 Hipan ang tambuli sa Gibea, at ang trumpeta sa Rama. Patunugin ang hudyat ng pakikipaglaban sa Beth-aven: 'Susunod kami sa iyo, Benjamin!' 9 Magiging isang lagim ang Efraim sa araw ng pagpaparusa. Kabilang sa mga tribo ng Israel na aking ipinahayag kung ano ang tunay na mangyayari. 10 Ang mga pinuno ng Juda ay tulad ng mga naglilipat ng batong palatandaan. Ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na tulad ng tubig. 11 Nadurog ang Efraim, nadurog siya sa paghuhukom, dahil disidido siyang yumukod sa mga diyus-diyosan. 12 Para akong isang tanga sa damit sa Efraim, at tulad ng bulok sa tahanan ng Juda. 13 Nang makita ng Efraim ang kaniyang pagkakasakit, at nakita ng Juda ang kaniyang sugat, pumunta ang Efraim sa Asiria at nagpadala ang Juda ng mga mensahero sa dakilang hari. Ngunit wala siyang kakayahan upang pagalingin kayong mga tao o pagalingin ang inyong sugat. 14 Kaya magiging tulad ako ng isang leon sa Efraim, at tulad naman ng isang batang leon naman sa sambahayan ng Juda. Ako, maging ako, ang gugutay at aalis; ako ang mag-aalis sa kanila at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila. 15 Aalis ako at babalik sa aking lugar, hanggang sa aminin nila ang kanilang kasalanan at hanapin ang aking mukha, hanggang sa hanapin nila ako ng masigasig sa kanilang pagdadalamhati.”