Sinalanta ni Peka ang Juda

741 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 28:4–19

4 Nag-alay at nagsunog siya ng insenso sa mga dambana, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang puno.

5 Kaya ipinasakamay siya ni Yahweh na Diyos ni Ahaz sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at kinuha mula sa kaniya ang napakalaking bilang ng mga bilanggo at dinala sila sa Damasco. Napasakamay din si Ahaz sa hari ng Israel, na tumalo sa kaniya sa isang matinding labanan. 6 Si Peka na anak ni Remalias ay nakapatay ng 120, 000 na mga kawal sa Juda sa loob ng isang araw, lahat ng mga matatapang nilang kawal, dahil tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 7 Pinatay ni Zicri na isang malakas na lalaki mula sa Efraim si Maasias na anak na lalaki ng hari, si Azrikam na tagapamahala sa palasyo, at si Elkana na kanang kamay ng hari. 8 Nagdala ng mga bihag ang hukbo ng Israel mula sa 200, 000 na asawang babae ng kanilang mga kamag-anak, mga anak na lalaki at babae. Marami rin silang sinamsam na dinala nila pabalik sa Samaria.

9 Ngunit naroon ang isang propeta ni Yahweh, Oded ang kaniyang pangalan. Siya ay lumabas upang salubungin ang hukbo na papasok sa Samaria. Sinabi niya sa kanila, “Dahil nagalit si Yahweh sa Juda, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ipinasakamay niya sila sa inyo. Ngunit pinagpapatay ninyo sila sa galit na abot hanggang langit. 10 At ngayon, gusto pa ninyong gawing alipin ang mga kalalakihan at kababaihan ng Juda at Jerusalem. Ngunit hindi ba kayo mismo ay nagkasala kay Yahweh na inyong Diyos? 11 Makinig kayo ngayon sa akin: ibalik ninyo ang mga bilanggo na inyong binihag mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding poot ni Yahweh ay nasa inyo.”

12 Pagkatapos, may ilang pinuno ng Efraim ang tumayo laban sa mga bumalik mula sa digmaan, ang mga lalaking sina Azarias na anak ni Johanan, si Berquias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Sallum at si Amasa na anak ni hadlai. 13 Sinabi nila sa kanila, “Hindi ninyo dapat dalhin ang mga bilanggo rito, sapagkat ang gusto ninyo ay isang bagay na magdadala sa atin ng kasalanan laban kay Yahweh na magdaragdag sa ating mga kasalanan at mga paglabag; sapagkat napakalaki ng ating paglabag at mayroong matinding poot laban sa Israel.”

14 Kaya iniwan ng mga kawal ang mga bilanggo at ang mga sinamsam sa harapan ng mga pinuno at sa buong kapulungan. 15 Ang mga lalaking itinalaga ay tumayo at kinuha ang mga bilanggo at dinamitan ang mga walang kasuotan mula sa mga nasamsam. Dinamitan nila sila at binigyan sila ng sandalyas. Binigyan sila ng makakain at inumin. Ginamot nila ang kanilang mga sugat at isinakay ang mga nanghihina sa mga asno. Ibinalik sila sa kanilang mga pamilya sa Jerico, (na tinatawag na lungsod ng mga Palma). Pagkatapos bumalik sila sa Samaria.

16 Nang mga panahong iyon, nagpadala si Haring Ahaz ng mga mensahero sa mga hari ng Asiria upang pakiusapan silang tulungan siya. 17 Sapagkat muling nagbalik ang mga Edomita at sinalakay ang Juda at kumuha ng mga bilanggo. 18 Sinakop din ng mga Filisteo ang mga lungsod sa mga mabababang lupain at ang Negev ng Juda. Kinuha nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco kasama ang mga nayon nito, Timna kasama ang mga nayon nito, at gayon din ang Gimzo kasama ang mga nayon nito. Nagpunta sila upang manirahan sa mga lugar na iyon. 19 Sapagkat ibinaba ni Yahweh ang Juda dahil kay Ahaz, ang hari ng Israel; sapagkat napakasama ng kaniyang ginawa sa Juda at labis na nagkasala kay Yahweh.

Obadias 1

1 Ang Pangitain ni Obadias. Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh tungkol sa Edom: Nakarinig kami ng ulat na mula kay Yahweh, at isang kinatawan ang ipinadala sa mga bansa, na nagsasabi, “Tumindig kayo! Tayo ay tumindig laban sa kaniya para sa digmaan!” 2 Tingnan mo, gagawin kitang maliit sa lahat ng mga bansa, ikaw ay labis na hahamakin. 3 Nilinlang ka ng pagmamataas ng iyong puso, ikaw na naninirahan sa mga siwang ng bato, sa iyong matayog na tahanan, sinasabi mo sa iyong puso, “Sino ang makapagpapabagsak sa akin sa lupa? 4 Kahit na ang iyong tore ay mataas ka gaya ng paglipad ng agila, at kahit na nakalagay na ang iyong pugad kasama ng mga bituin, ibababa kita mula roon sabi ni Yahweh. 5 Kung pumunta sa iyo ang mga magnanakaw, kung dumating sa gabi ang mga magnanakaw (paano ka nahiwalay!), hindi ba nanakawin lamang nila ang sapat para sa kanilang mga sarili? Kung pumunta sa iyo ang mga mag-aani ng ubas, hindi ba iiwan nila ang mga nalaglag? 6 Paano nawasak si Esau at nakita ang kaniyang mga nakatagong kayamanan! 7 Ang lahat ng kalalakihan na iyong kaanib ay ipadadala ka sa hangganan ng daraanan. Nilinlang ka ng mga taong kasundo mo, at nanaig sila laban sa iyo. Ang mga kumain ng iyong tinapay ang naglagay ng bitag sa ilalim mo. Walang pang-unawa sa kaniya. 8 Sabi ni Yahweh, hindi ba wawasakin ko sa araw na iyon ang mga matatalinong lalaki ng Edom, at aalisin ang kaalaman sa bundok ni Esau? 9 At panghinaan ng loob ang iyong mga malalakas na kalalakihan, Teman, upang maihiwalay ang bawat lalaki sa bundok ni Esau sa pamamagitan ng malupit na pagpatay.

10 Dahil sa karahasang ginawa sa iyong kapatid na si Jacob, ikaw ay matatakpan ng kahihiyan at mahihiwalay magpakailanman. 11 Nang araw na tumayo ka sa malayo, nang araw na kinuha ng mga dayuhan ang kaniyang kayamanan at pinasok ng mga dayuhan ang kaniyang mga tarangkahan, at nagsapalaran sila sa Jerusalem, para ka na ring katulad nila. 12 Ngunit huwag mong ikalugod ang araw ng iyong kapatid, ang araw ng kaniyang kasawian, at huwag mong ikagalak ang mga tao ng Juda sa araw ng kanilang pagkawasak; huwag magyabang sa araw ng kanilang paghihirap. 13 Huwag kang pumasok sa tarangkahan ng aking bayan sa araw ng kanilang kapahamakan; huwag mong ikalugod ang kanilang paghihirap sa araw ng kanilang sakuna, huwag mong nakawin ang kanilang kayamanan sa araw ng kanilang pagkawasak. 14 At huwag kang tumayo sa sangang daan, upang pigilan ang kaniyang mga tumatakas; at huwag mong ibigay ang mga nakaligtas sa araw ng kanilang pagkabalisa.

15 Sapagkat ang araw ni Yahweh ay malapit na sa lahat ng mga bansa. Anuman ang iyong ginawa, ay gagawin din sa iyo; at lahat ng iyong mga ginawa ay babalik sa iyong sariling ulo. 16 Sapagkat kung paano kayo uminom sa aking banal na bundok, ganoon patuloy na iinom ang lahat ng bansa. Iinom sila, at lulunok, at para bang hindi sila kailanman nabuhay.

17 Ngunit sa Bundok n Sion mayroong mga nakatakas, magiging banal ito; aariin muli ng sambahayan ni Jacob ang sarili nilang mga ari-arian. 18 Magiging isang apoy ang sambahayan ni Jacob, at isang liyab ang sambahayan ni Jose, at ang magiging pinaggapasan ang sambahayan ni Esau, at susunugin nila sila, at sila ay tutupukin. Walang makaliligtas sa sambahayan ni Esau, sapagkat sinabi ito ni Yahweh. 19 At aariin ng mula sa Negeb ang bundok ni Esau, at aariin ang mga nasa Shepelah ang lupain ng mga Filisteo; at aariin nila ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria; at aariin ng Benjamin ang Gilead. 20 Aariin ng mga ipinatapon na mga Israelita ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Aariin ng mga ipinatapon na taga-Jerusalem na nasa Sardis ay aariin ng Negeb. 21 Pupunta ang mga magliligtas sa bundok ng Zion upang hatulan ang bundok ni Esau, at ang kaharian ay magiging kay Yahweh.

Isaias 1:2–31

2 Makinig kayong mga langit, at pakinggan mo ako lupa; dahil nagsalita si Yahweh: “Nag-alaga at nag-aruga ako ng mga bata pero nagrebelde sila sa akin. 3 Kilala ng baka ang nagmamay-ari sa kaniya, at alam din ng asno ang pakainan ng kaniyang amo, pero ang Israel hindi, hindi nakauunawa ang Israel. 4 Nakalulungkot —ang mga bansa, mga makasalanan, mga taong lubog sa kasalanan, mga anak ng mga mapaggawa ng masama, mga anak ng tiwali! Iniwan nila si Yahweh, kinasuklaman nila ang Banal ng Israel, lumayo sila mula sa kaniya. 5 Bakit pa kayo nasasaktan? Bakit pa kayo nagrerebelde nang paulit-ulit? May sakit ang inyong buong ulo, nanghihina ang buong puso niyo. 6 Mula talampakan hanggang sa ulo, walang bahagi na katawan niyo ang walang pinsala; mga gasgas, at pasa at mga sariwang sugat; hindi sila nagsara, ni nilinisan, ni ginamot o nilagyan ng langis. 7 Wasak ang bansa niyo; sinunog ang mga lungsod niyo; sa harapan niyo, sinisira ng mga dayuhan ang lupain niyo; iniwan nila itong wasak at sira-sira, pinabagsak ng mga dayuhan. 8 Ang anak na babae ng Sion, iniwan na parang kubo sa ubasan, gaya ng isang silong sa hardin ng pipino, gaya ng isang lungsod na sinakop. 9 Kung hindi nag-iwan si Yahweh ng mga hukbo ng ilan sa ating mga kababayan, naging tulad na sana tayo ng Sodoma, naging gaya tayo ng Gomorra.

10 Dinggin niyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tagapamahala ng Sodoma; makinig kayo sa batas ng ating Diyos, kayong bayan ng Gomorra: 11 “Ano ang silbi ng marami ninyong mga alay sa akin?” sabi ni Yahweh. “Sawa na ako sa mga tupa, at taba ng mga hayop na sinunog niyo para ihandog; at sa dugo ng toro, tupa at kambing, hindi ako nalulugod. 12 Sa tuwing lalapit kayo sa harapan ko, sinong nagsabi sa inyo na maaari niyong yurakan ang aking mga patyo? 13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; kasuklam-suklam sa akin ang insenso; ang mga pagtitipon niyo tuwing bagong buwan at araw ng pamamahinga —hindi ko na matiis ang lahat ng makasalanan niyong mga pagtitipon. 14 Namumuhi ako sa mga bagong buwan at mga pista ninyo; pabigat sila sa akin; pagod na akong tiisin sila. 15 Kaya sa tuwing itinataas ninyo ang mga kamay ninyo, tinatago ko ang mga mata ko sa inyo; kahit na nag-alay kayo ng maraming panalangin, hindi ako makikinig; puno ng dugo ang mga kamay ninyo. 16 Maghugas kayo, linisin ninyo ang mga sarili niyo; alisin ninyo ang kasamaan sa mga gawain ninyo sa paningin ko; tigilan ninyo na ang pagiging masama; 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.” 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita.”

21 Naging babaeng bayaran ang tapat na lungsod! Siya na dating puno ng katarungan ay puno ng katuwiran, pero ngayon puno siya ng mamamatay-tao. 22 Naging marumi ang mga pilak ninyo, at ang alak ninyo hinaluan ng tubig. 23 Mga rebelde at kasama ng mga magnanakaw ang mga prinsipe niyo; ang bawat isa, nagnanais ng suhol at naghahabol ng bayad. Hindi nila pinoprotektahan ang mga ulila, maging ang mga hinaing pang-legal ng mga balo sa kanilang harapan. 24 Kaya, ito ang pahayag ng Diyos, si Yahweh ng mga hukbo, ang Magiting ng Israel: “Kaawa-awa sila! Maghihiganti ako laban sa mga kaaway ko, at ipaghihiganti ko ang aking sarili laban sa mga kalaban ko; 25 itutuon ko sa inyo ang kamay ko para alisin ang kalawang sa inyo at para tanggalin ang lahat ng karumihan ninyo. 26 Ibabalik ko ang mga hukom ninyo gaya noon, at ang mga taga-payo ninyo gaya noong simula; matapos nito, tatawagin kayong lungsod ng katuwiran, isang tapat na bayan. 27 Mababawi ang Sion sa pamamagitan ng katarungan, maging ang mga nagsisisi sa pamamagitan ng katuwiran. 28 Parehong madudurog ang mga rebelde at mga makasalanan, at ang mga tumalikod kay Yahweh ay maglalaho. 29 Dahil ikahihiya ninyo ang banal na mga punong owk na ninais ninyo, at ipapahiya kayo ng mga hardin na pinili ninyo. 30 Dahil magiging tulad kayo ng mga owk, na ang mga dahon ay nalalanta, at tulad ng isang hardin na walang tubig. 31 Ang malakas ay magiging tulad kusot, at ang ginagawa nila ay magiging tulad ng kislap; magkasama silang masusunog at walang aapula sa mga ito.”