Isang Panawagan sa Kabanalan at Kadalisayan
Ipinakikita ni Pablo sa mga nahikayat na Gentil na dapat silang maging banal at dalisay, at binababalaan sila laban sa mga bisyong dati nilang kinagawian, na ginagawa pa rin ng mga pagano. Hinihimok niya silang magmahalan bilang magkakapatid at maging masipag sa kanilang gawain.
A.D. 51
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Sa wakas, mga kapatid, pinapalakas namin kayo at hinihikayat sa Panginoong Jesus. Gaya sa inyong pagtanggap ng mga tagubilin mula sa amin tungkol sa kung paano kayo dapat lumakad at nagbibigay lugod sa Diyos, sa ganitong paraan kayo lumakad, upang magawa ninyo ito ng higit pa. 2 Sapagkat alam ninyo kung anong mga tagubilin sa Panginoong Jesus ang aming naibigay sa inyo.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan. 8 Kaya, ang sinumang magtanggi nito ay hindi ang tao ang tinanggi niya, kundi ang Diyos, na nagkaloob ng Banal na Espiritu sa inyo.
9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa. 11 Hinihikayat rin namin kayo na pagsumikapan ninyong mamuhay ng tahimik, gawin ninyo ang inyong sariling gawain, at magtrabaho kayo sa inyong sariling mga kamay, gaya ng inutos namin sa inyo. 12 Gawin ninyo ito upang makalakad kayo ng maayos na may paggalang sa mga taong nasa labas ng pananampalataya, at upang hindi na kayo mangailangan ng anuman.
Inilalarawan ni Pablo Kung Paano Muling Mabubuhay ang mga Patay
Binababalaan sila ni Pablo laban sa mga masigasig na Judio na mag-aalis sa kanila ng pag-asa sa kaligayahan sa hinaharap. Sinasabihan silang huwag magpadala, gaya ng ginawa ng mga pagano, sa labis na pagdadalamhati sa kanilang mga patay, na pinaniniwalaan ng mga pagano na hindi na muling mabubuhay. Bilang karagdagang katibayan ng dakilang katotohanan ng muling pagkabuhay, inilalarawan ni Pablo kung paano ito mangyayari, ayon sa itinuro sa kanya ni Cristo mismo.
13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.
15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.
18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.
Maging Handa sa Biglaang Pagdating ni Cristo
Ipinakikita ni Pablo ang pangangailangan ng kabanalan batay sa biglaan at kakila-kilabot na pagpapakita ni Cristo, at sa tiyak na pagkapuksa ng masasama at ng mga hindi handa sa araw ng kanyang pagdating. Ang mga nananatiling matatag sa pananampalataya at pagsasabuhay ng ebanghelyo ay inaaliw ng katiyakang ang araw na ito ay magiging araw ng kaligtasan para sa kanila sa pamamagitan ni Jesus Cristo.
1 Ngayon, tungkol sa mga oras at panahon, mga kapatid, hindi kailangang maisulat pa sa inyo ang mga bagay na ito. 2 Sapagkat alam na ninyo ng lubusan na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinabi nilang “Kapayapaan at kaligtasan,” at biglang darating sa kanila ang pagkawasak. Ito ay magiging katulad ng sakit sa panganganak ng isang babaeng buntis. Hindi sila makakatakas dito sa anumang paraan.
4 Ngunit kayo, mga kapatid, wala na kayo sa kadiliman kaya aabutan kayo ng araw na iyon gaya ng isang magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng umaga. Hindi tayo mga anak ng gabi o ng kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng ginagawa ng karamihan. Sa halip, magbantay tayo at maging malinaw ang ating pag-iisip. 7 Sapagkat ang mga natutulog, sa gabi natutulog, at ang mga naglalasing, sa gabi naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.
9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot, kundi upang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Siya ang namatay para sa atin, nang sa gayon, gising man tayo o natutulog, mabubuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga aliwin ninyo ang isa't isa at magpalakasan kayo, gaya ng inyong ginagawa.
Mga Huling Pakiusap ni Pablo sa mga taga-Tesalonica
Hinihimok sila ni Pablo na magpakita ng nararapat na paggalang sa kanilang mga espirituwal na guro, kasama ang iba pang taimtim na pakiusap. Nagtatapos siya sa mga panalangin at pagbati.
12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga gumagawang kasama ninyo at ang mga nakatataas sa inyo sa Panginoon at ang nagbibigay ng payo sa inyo. 13 Hinihiling din namin na pag-ukulan ninyo sila ng lubos na pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Maging payapa kayo sa bawat isa.
14 Hinihikayat namin kayo, mga kapatid: pagsabihan ninyo ang mga magugulo, palakasin ang mga pinanghinaan ng loob, tulungan ang mahina at maging matiyaga para sa lahat.
15 Siguraduhin ninyo na walang sinuman ang gaganti ng masama para sa masama sa sino man. Sa halip, pagsikapang matamo ang makakabuti sa bawat isa at para sa lahat.
16 Magalak kayo lagi. 17 Manalangin ng walang patid. 18 Magpasalamat kayo sa lahat ng bagay. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus.
19 Huwag hadlangan ang Espiritu. 20 Huwag hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ang lahat ng bagay. Panghawakan kung ano ang mabuti. 22 Iwasan ang bawat anyo ng masama.
23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ay gawin kayong ganap na banal. Nawa ang buo ninyong espiritu, kaluluwa, at katawan ay mailaan na walang bahid sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at siya rin ang gagawa ng mga ito.
25 Mga kapatid, ipanalangin ninyo rin kami.
26 Batiin ninyo ang mga kapatid ng banal na halik.
27 Hinihiling ko sa inyo sa ngalan ng Panginoon na ang sulat na ito ay mabasa sa lahat ng kapatid.
28 Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.
Nananatili si Pablo sa Corinto, Nangangaral sa mga Gentil
Tinanggihan ng mga Judio, nananatili si Pablo sa Corinto, na nangangaral sa mga Gentil.
6 Nang hindi sumang-ayon ang mga Judio at siya ay nilait, pinagpag ni Pablo sa kanila ang kaniyang kasuotan at sinabi sa kanila, “Ang inyong dugo ay sumainyong sariling mga ulo; wala akong kasalanan. Simula ngayon sa mga Gentil na ako pupunta.”
7 At siya ay umalis at nagpunta sa tahanan ni Ticio Justu, isang lalaking sumasamba sa Diyos. Ang kaniyang tahanan ay nasa tabi ng sinagoga. 8 Si Crispo na namumuno sa sinogoga at lahat sa kaniyang sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Marami sa mga taga-Corinto na nakarinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.
9 Isang gabi sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka at huwag kang manahimik. 10 Dahil kasama mo ako, at walang sinumang magtatangkang manakit sa iyo, dahil marami akong tao sa lungsod na ito.” 11 Tumira doon si Pablo ng isang taon at anim na buwan, Nagtuturo ng salita ng Diyos sa kanilang kalagitnaan.