Muling Sumusulat si Pablo sa mga taga-Tesalonica
Isinulat ni Pablo ang kanyang ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica upang ituwid ang kanilang maling pagkaunawa tungkol sa biglaang pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ipinopropesiya niya ang paglitaw, paglago, at pagbagsak ng isang malawakang pagtalikod sa pananampalataya sa iglesyang Kristiyano.
A.D. 52
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Muling Binabati ni Pablo ang mga taga-Tesalonica
Ang pagbati ni Pablo.
1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo, para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica sa Diyos na ating Ama at sa ating Paginoong Jesu-Cristo.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Nagagalak si Pablo sa Kanilang Pagtitiis
Nagagalak si Pablo sa kanilang katatagan sa gitna ng pag-uusig, at tinitiyak sa kanila na ang kanilang matiyagang pagtitiis ay katibayan ng isang paghuhukom sa hinaharap, kung kailan tatanggapin nila ang kanilang gantimpala.
3 Kami ay dapat magpasalamat lagi sa Diyos para sa inyo, mga kapatid. Sapagkat ito ang nararapat, dahil ang inyong pananampalataya ay lumalago, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay nananagana sa isa't isa. 4 Kaya sa aming mga sarili ay pinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig sa inyo. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga pagdadalamhiti na inyong tiniis.
5 Ito ay tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang resulta ay ibibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos kung saan kayo ay nagdusa. 6 Matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo,
Darating si Cristo upang Humatol
Ipinopropesiya ni Pablo ang pagdating ni Cristo upang humatol, at ang walang hanggang pagkapuksa ng lahat ng tumanggi sa kanyang ebanghelyo.
7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin. Gagawin niya ito sa pagpapakita ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ng mga anghel ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa naglalagablab na apoy siya ay maghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumugon sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay daranas ng kaparusahan sa walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Gagawin niya ito sa kaniyang pagbabalik sa araw na iyon para maluwalhati sa pamamagitan ng kaniyang mga tao at para mamangha sa pamamagitan ng lahat na naniwala. Sapagkat ang aming mga patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil dito lagi namin kayong ipapanalangin. Pinapanalangin namin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa inyong pagkatawag. Pinapanalangin namin na tuparin niya ang bawat pagnanais ng kabutihan at bawat gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan. 12 Pinapanalangin namin ang mga bagay na ito upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluwalhati sa pamamagitan ninyo. Pinapanalangin namin na maluwalhati kayo sa pamamagitan niya, dahil sa biyaya ng ating Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Dapat Munang Dumating ang Malawakang Pagtalikod sa Pananampalataya
Sinisimulan ngayon ni Pablo na ituwid ang kanilang maling pagkaunawa tungkol sa nalalapit na pagdating ni Cristo upang humatol. Binababalaan niya sila laban sa anumang mga kunwaring kapahayagan mula sa Diyos o mga pekeng liham, at ipinapaalala sa kanila ang sinabi na niya sa kanila: dapat munang mangyari ang isang malawakang pagtalikod sa pananampalataya. Inilalarawan niya nang lubusan ang katangian nito.
1 Ngayon tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagtitipon nang sama-sama upang makasama niya: hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag kaagad kayong mabalisa o mabahala, maging sa pamamagitan ng espiritu, ng mensahe, o ng sulat na parang nagmula sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag ninyong hayaan na kayo ay malinlang sa kahit na anong paraan. Sapagkat hindi ito darating hanggang sa mangyari ang pagbagsak at ang taong suwail ay maihayag, ang anak ng pagkawasak. 4 Siya ang kakalaban at itataas ang kaniyang sarili laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sa mga sinasamba. Bilang resulta, siya ay uupo sa templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos.
5 Hindi ba ninyo naalala na noong kasama ninyo ako ay sinabi ko ang mga bagay na ito? 6 Ngayon alam na ninyo kung ano ang pumipigil sa kaniya, upang siya ay maihayag sa tamang panahon lamang. 7 Sapagkat ang hiwaga ng kawalan ng batas ay kumikilos na, may isa lamang na pumipigil sa kaniya ngayon hanggang sa siya ay maalis. 8 Pagkatapos ang taong suwail ay maihahayag, na siyang papatayin ng ating Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Dadalhin siya sa kawalan ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagdating.
9 Ang pagdating ng isang Suwail ay dahil sa gawain ni Satanas ng may buong kapangyarihan, tanda, at mga maling himala, 10 at panloloko ng kasamaan. Ang mga bagay na ito ay para sa mga napapahamak, dahil hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan para sila ay maligtas. 11 dito, ipinapadala ng Diyos sa kanila ang gawa ng kamalian upang sila ay maniwala sa kasinungalingan. 12 Ang resulta nito ay mahahatulan silang lahat, ang mga hindi naniwala sa katotohanan sa halip ay nahumaling sa kasamaan.
Hinihimok Sila ni Pablo na Manindigang Matatag
Nagagalak si Pablo dahil sa mga taga-Tesalonica, at hinihimok niya silang manatiling matatag sa mga aral na ibinigay sa kanila.
13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Ito ang dahilan kung bakit niya kayo tinawag sa pamamagitan ng ating ebanghelyo upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat.
16 Ngayon, nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo, at ang ating Diyos Ama na nagmamahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa hinaharap sa pamamagitan ng biyaya, 17 ang mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso para sa mabuting gawa at salita.
Hinihiling ni Pablo ang Kanilang mga Panalangin
Hinihiling ni Pablo na ipanalangin nila siya at ang kanyang mga kasama, upang ang ebanghelyo ng Diyos ay maluwalhati rin sa ibang mga bansang Gentil gaya sa kanila, at upang mailigtas sila mula sa kanilang mga mang-uusig. Inuulit niya ang kanyang panalangin para sa kanilang pananampalataya at pagtitiis.
1 At ngayon, mga kapatid, manalangin kayo para sa amin, na ang salita ng Panginoon ay mapadali at maluwalhati, gaya ng ginagawa ninyo. 2 Ipanalangin ninyo na mailigtas kami mula sa mga makasalanan at masasamang tao, dahil hindi lahat ay may pananampalataya 3 Ngunit tapat ang Panginoon, na magpapatatag at magbabantay sa inyo mula sa masama. 4 Mayroon kaming tiwala sa Panginoon tungkol sa inyo, na pareho ninyong gagawin at ipagpapatuloy ang mga bagay na iniutos namin sa inyo. 5 Nawa ang Panginoon ang magpatnubay sa inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis ni Cristo.
Paano Pakikitunguhan ang mga Tamad at Magulo ang Pamumuhay
Pinapayuhan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica kung paano pakikitunguhan ang mga namumuhay pa rin nang magulo at tamad, na salungat sa malinaw na mga utos na tinanggap nila mula sa kanya. Ang kanyang panalangin at basbas.
6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na lumayo kayo sa mga taong tamad sa pamumuhay at hindi ayon sa mga kaugalian na inyong tinanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin. Hindi kami namuhay na nakasama ninyo na katulad ng mga taong ito na walang disiplina. 8 At hindi kami kumakain ng pagkain ng iba nang hindi nagbayad para dito. Sa halip, gumagawa kami sa gabi at araw ng mabibigat na gawain at paghihirap, dahil ayaw namin na maging pabigat sa inyo. 9 Ginagawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan. Sa halip, ginagawa namin ito ng maayos upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”
11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama.
14 Kung mayroon mang hindi sumusunod sa mga salita na aming isinulat, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mahiya. 15 Huwag ninyo siyang ituring na kaaway, ngunit pagsabihan ninyo siya bilang isang kapatid.
16 Nawa ang Panginoon ng kapayapaan aymagbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng paraan. Nawa ang Panginoon ay sumainyong lahat.
17 Ito ang aking pagbati, akong si Pablo, sa aking sariling kamay, kung saan ay tanda sa bawat sulat. Ganito ako sumulat.
18 Nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat.
Dinala si Pablo sa Harap ni Galio
Si Pablo, na nasa Corinto pa rin, ay dinala sa harap ng hukuman ng prokonsul na si Galio, na kapatid ni Seneca.
12 Ngunit nang si Galio ay naging Gobernador ng Acaya, sama-samang nag alsa ang mga Judio laban kay Pablo at dinala siya sa harap ng hukuman; 13 sinabi nila, “ Ang lalaking ito ay nanghihikayat sa mga tao na sumamba sa Diyos na labag sa batas.”
14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio, “kayong mga Judio, kung totoo man na ito ay tungkol sa isang pagkakamali o isang krimen, nararapat lamang na harapin ko kayo. 15 Ngunit dahil ito ay mga katanungan lamang tungkol sa mga salita at mga pangalan at sarili ninyong batas, lutasin ninyo ito sa inyong mga sarili. Hindi ko gustong maging hukom ng mga bagay na ito.” 16 Pinaalis sila ni Galio sa hukuman.
17 Kaya sinunggaban nila si Sostenes na pinuno ng mga sinagoga at binugbog siya sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang kanilang ginawa.
18 Matapos manatili doon ni Pablo ng marami pang mga araw, iniwanan ang mga kapatid at naglayag papunta ng Siria kasama sina Priscila at Aquila. Bago siya umalis sa daungan ng Cencrea, ipinaahit niya ang kaniyang ulo dahil sa kaniyang panatang Nazaro.