Sumusulat si Pablo sa mga taga-Tesalonica

Isinulat ni Pablo ang kanyang unang liham sa mga taga-Tesalonica upang patatagin sila sa pananampalataya nang malantad sila sa mga pag-atake ng mga Judiong hindi sumasampalataya, sa pamamagitan ng mariing pagpapaliwanag ng katibayan para sa Kristiyanismo.

A.D. 51

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Binabati ni Pablo ang mga taga-Tesalonica

Ang panimula at pagbati.

1 Tesalonica 1:1–4

1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo para sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos para sa inyong lahat, habang binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin. 3 Inaalala namin ng walang tigil sa harapan ng Diyos at Ama ang inyong mga gawa ng pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig, at pagtitiyagang may pagtitiwala para sa hinaharap sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

4 Mga kapatid na iniibig ng Diyos, alam namin ang inyong pagkatawag,

Unang Pangangatwiran ni Pablo: Mga Mahimalang Kaloob

Hinango ni Pablo ang kanyang unang pangangatwiran para sa katotohanan ng Kristiyanismo mula sa mga mahimalang kaloob ng Banal na Espiritu. Nagagalak siya sa kanilang matatag na katapatan sa pananampalatayang Kristiyano, at pinupuri niya ito.

1 Tesalonica 1:5–10

5 kung paanong ang ating ebanghelyo ay dumating sa inyo na hindi lamang sa salita, ngunit gayon din sa kapangyarihan, sa Banal na Espiritu, at sa lubos na katiyakan. Gayon din naman, inyong nalalaman kung anong uri ng tao kami sa inyo para sa inyong kapakanan. 6 ninyo kami at ang Panginoon, gaya nga ng pagtanggap ninyo sa salita sa matinding paghihirap na may kagalakan mula sa Banal na Espiritu.

7 Bilang resulta, kayo ay naging halimbawa sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia at Acaya. 8 Sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay lumaganap, at hindi lamang sa Macedonia at Acaya. Kundi, sa lahat ng dako kung saan ang inyong pananampalataya sa Diyos ay naibalita. Bilang resulta, hindi na namin kailangang magsalita ng ano pa man. 9 Sapagkat sila mismo ang nagbalita kung paano kami dumating sa inyo. Kanilang sasabihin kung paano kayo nanumbalik sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa buhay at tunay na Diyos. 10 Ibinalita nila na kayo ay naghihintay sa kaniyang Anak mula sa langit, na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Ito ay si Jesus, na nagpalaya sa atin mula sa poot na darating.

Pinatutunayan ng Buhay ng mga Mangangaral na Totoo ang Ebanghelyo

Mula sa pagkatao, pag-uugali, at mga pagdurusa ng mga mangangaral ng ebanghelyo, pinatutunayan ni Pablo ang katotohanan nito. Nagpapasalamat siya sa Diyos na tinanggap ito ng mga taga-Tesalonica hindi bilang isang sistema ng pilosopiya kundi bilang salita ng Diyos, gaya ng ipinakita ng impluwensiya nito sa kanilang pag-uugali.

1 Tesalonica 2:1–13

1 Kayo mismo ang nakakaalam mga kapatid, na ang aming pagpunta sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan. 2 Alam naman ninyo na kami ay naghirap noon at inalipusta ng kahiya-hiya sa Filipos, gaya ng inyong alam. Malakas ang loob namin sa ating Diyos na ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos na may labis na pagsisikap.

3 Sapagkat ang aming panghihikayat ay hindi galing sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang. 4 Sa halip, kami ay pinagtibay ng Diyos na napagkatiwalaan ng ebanghelyo, kaya ito ay aming sinasabi. Kami ay nagsasalita, hindi upang magbigay lugod sa mga tao, kundi upang magbigay lugod sa Diyos. Siya ang nakakasiyasat sa aming mga puso. 5 Sapagkat hindi kami kailanman gumamit ng mga matatamis na salita, gaya ng alam ninyo, ni ng pagdadahilan sa kasakiman, ang Diyos ang aming saksi. 6 Ni hindi namin hinahanap ang kaluwalhatian mula sa mga tao, ni sa inyo at sa iba. Nararapat sana naming tanggapin ang aming mga karapatan bilang mga apostol ni Cristo.

7 Sa halip, kami ay naging mahinahon sa inyo na gaya ng ina na inaaliw ang kaniyang mga anak. 8 Sa ganitong paraan kami ay nagmamalasakit sa inyo. Kami ay nalulugod na ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay. Sapagkat kayo ay labis na napamahal na sa amin.

9 Sapagkat inyong naaalala, mga kapatid, ang aming trabaho at pagpapakahirap. Sa araw at gabi kami ay gumagawa upang hindi maging pabigat kaninuman sa inyo. Sa panahong iyon, ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo ay mga saksi, at ang Diyos rin, kung gaano kabanal, makatuwiran, at walang dungis na kami ay nagpakahinahon sa inyo na sumasampalataya. 11 Sa gayon ding paraan, alam ninyo kung papaano ang bawat isa sa inyo, katulad ng ama sa kaniyang mga anak, kayo ay aming hinimok at hinikayat. Pinatotohanan namin 12 na dapat kayong lumakad sa paraan na karapat-dapat sa Diyos na siyang tumawag sa inyo tungo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian.

13 Sa dahilang ito kami rin ay walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Sapagkat nang inyong natanggap mula sa amin ang mensahe ng Diyos na inyong napakinggan, ito ay inyong tinanggap hindi bilang salita ng tao. Sa halip, tinanggap ninyo itong totoo, ang salita ng Diyos. Ito rin ang salita na gumagawa sa inyo na sumasampalataya.

Ang Mapang-usig na Diwa ng mga Judio

Ipinakikita ni Pablo ang mapang-usig na diwa ng mga Judio, na sumusubok sa kapangyarihan ng ebanghelyo at sa pananampalataya ng mga nahikayat. Ipinakikita niya ang kanilang pagtutol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil, ang kanilang kasamaan, at ang kanilang pagkapuksa. Ipinahahayag niya ang kanyang pag-ibig sa mga taga-Tesalonica at ang kanyang pagnanais na makita sila, na nahadlangan lamang ng impluwensiya ni Satanas sa mga puso ng kanyang mga kalaban.

1 Tesalonica 2:14–20

14 Sapagkat kayo, mga kapatid, ay naging katulad din ng mga iglesiya ng Diyos na nasa Judea kay Cristo Jesus. Sapagkat kayo ay nagdusa din ng gayong mga bagay sa inyong mga kababayan, katulad ng ginawa sa kanila ng mga Judio. 15 Ang mga Judio rin ang pumatay sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa mga propeta. Ang mga Judio rin ang nagpalayas sa atin. Sila ay hindi naging kalugod-lugod sa Diyos. Sa halip, naging kaaway ng lahat ng tao. 16 Pinagbabawalan nila kaming makipag-usap sa mga Gentil upang sila ay maligtas. Ang naging resulta ay lagi nilang pinupunuan ang kanilang mga kasalanan. Ang poot ay darating sa kanila sa katapusan.

17 Kami, mga kapatid, ay nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa presensya, hindi sa puso. Ginawa namin ang aming makakaya na may malaking pagnanais upang makita ang mukha ninyo. 18 Sapagkat ninais naming makapunta sa inyo, ako, si Pablo, na minsan at muli, ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano ba ang aming inaasahan sa hinaharap, o kagalakan, o korona ng pagmamalaki sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagdating? Hindi ba't kayo at ang iba? 20 Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Isinusugo ni Pablo si Timoteo upang Patatagin Sila

Ipinahahayag ni Pablo ang kanyang pag-aalala para sa mga taga-Tesalonica, at ipinapaalala sa kanila na isinugo niya si Timoteo upang patatagin ang kanilang pananampalataya at aliwin sila sa maraming kapighatiang nararanasan ng lahat ng Kristiyano, gaya ng naibabala na sa kanila noon.

1 Tesalonica 3:1–5

1 Kaya naman, nang hindi na namin kayang tiisin pa ito, inakala naming mabuti ang maiwan sa Atenas ng mag-isa. 2 Pinapunta namin si Timoteo, ang ating kapatid at lingkod ng Diyos sa ebanghelyo ni Cristo upang palakasin at aliwin kayo tungkol sa inyong pananampalataya. 3 Ginawa namin ang mga ito upang walang isa man ang mayanig sa mga pagdurusang ito. Sapagkat inyong nalalaman na sa bagay na ito kami ay hinirang. 4 Katunayan, nang kami ay kasama ninyo, sinabi na namin sa inyo na kami ay magdurusa sa kapighatian at nagkatotoo ito gaya ng inyong nalalaman. 5 Sa kadahilanang ito, nang hindi ko na kayang tiisin pa, nagsugo ako upang malaman ang tungkol sa inyong pananampalataya. Maaaring ang manunukso ay tinukso kayo, at ang aming pagtatrabaho ay nawalan ng kabuluhan.

Inaaliw si Pablo ng Ulat ni Timoteo

Ipinahahayag ni Pablo na naaaliw siya sa ulat ni Timoteo tungkol sa kanila. Nananabik siya sa isa pang pagkakataong makita silang muli, at idinadalangin niyang magpatuloy sila sa kabanalan hanggang sa pagdating ni Cristo.

1 Tesalonica 3:6–13

6 Ngunit pumarito si Timoteo sa amin galing sa inyo at dinala sa amin ang mabuting balita ng inyong pananampalataya at pag-ibig. Sinabi niya sa amin na laging nasa inyo ang aming mga mabubuting alaala, na nasasabik kayong makita kami gaya ng aming pananabik na makita kayo. 7 Dahil dito, mga kapatid, naaliw kami dahil sa inyong pananampalataya, sa lahat ng aming pagkabalisa at pagdadalamhati. 8 Sapagkat ngayon, nabubuhay kami kung mananatili kayong matatag sa Panginoon.

9 Sapagkat anong pasasalamat ang maibibigay namin sa Diyos dahil sa inyo, para sa lahat ng kagalakan na mayroon kami sa harap ng ating Diyos dahil sa inyo? 10 Gabi at araw nananalangin kami ng buong tiyaga upang makita namin kayo ng harapan at maipagkaloob kung ano ang kulang sa inyong pananampalataya.

11 Nawa ang ating Diyos Ama, at ang ating Panginoong Jesus ang manguna sa amin sa inyo. 12 Nawa palaguin kayo at pasaganahin ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't-isa at sa lahat ng tao, na gaya ng ginagawa namin sa inyo. 13 Nawa ay gawin niya ito upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harap ng ating Diyos at Ama sa pagdating ng ating Panginoong Jesus kasama ang lahat ng kaniyang mga banal.