Ipinagpatuloy ang Paggawa sa Templo (continued)
520 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pagkatapos nito, itiningala ko ang aking mga mata at nakita ko ang isang lalaki na mayroong panukat na lubid sa kaniyang kamay.
2 Sinabi ko, “Saan ka pupunta?” Kaya sinabi niya sa akin, “Susukatin ko ang Jerusalem, upang malaman ang luwang at haba nito.”
3 Pagkatapos, umalis ang anghel na nakipag-usap sa akin at lumabas ang isa pang anghel upang salubungin siya. 4 Sinabi sa kaniya ng ikalawang anghel, “Tumakbo ka at sabihin mo sa binatang iyon: sabihin mo, 'Uupo ang Jerusalem sa bansang walang pader dahil sa napakaraming tao at mga hayop na nasa kaniya. 5 Sapagkat Ako ang magiging pader na apoy sa palibot niya at ako ang magiging kaluwalhatian sa kalagitnaan niya — ito ang pahayag ni Yahweh.
6 Oy! Oy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga'— ito ang pahayag ni Yahweh, 'sapagkat ikinalat ko kayo tulad ng apat na hangin sa himpapawid!' Ito ang pahayag ni Yahweh, 7 'Oy! Tumakas kayo papuntang Zion, kayong mga naninirahan kasama ng mga anak na babae ng Babilonia!”'
8 Sapagkat pagkatapos akong parangalan ni Yahweh ng mga hukbo at ipadala ako laban sa mga bansa na nanamsam sa inyo— sapagkat sinuman ang sumagi sa inyo ay sumagi sa natatangi sa paningin ni Yahweh! Pagkatapos itong gawin ni Yahweh, sinabi niya, 9 “Ako mismo ang kukumpas ng aking kamay sa kanila, at magiging sinamsam sila para sa kanilang mga alipin.” At malalaman ninyo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagpadala sa akin.
10 Umawit ka nang may kagalakan, anak na babae ng Zion, sapagkat ako mismo ang darating at mananahan sa inyo! Ito ang pahayag ni Yahweh.” 11 Pagkatapos, makikiisa kay Yahweh ang mga malalaking bansa sa araw na iyon. Sinasabi niya, “At kayo ang magiging mga tao ko sapagkat mananahan ako sa inyong kalagitnaan.” At malalaman ninyo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagpadala sa akin sa inyo. 12 Sapagkat mamanahin ni Yahweh ang Juda bilang kaniyang nararapat na pag-aari sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem para sa kaniyang sarili. 13 Ang lahat ng laman, manahimik kayo sa harapan ni Yahweh, sapagkat siya ay ginising mula sa kaniyang banal na lugar!
3:1 Pagkatapos, ipinakita sa akin ni Yahweh si Josue na punong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh at nakatayo sa kaniyang kanang kamay si Satanas upang paratangan siya ng kasalanan.
2 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Satanas, “Sawayin ka nawa ni Yahweh, Satanas: Sawayin ka nawa ni Yahweh, na siyang pumili sa Jerusalem! Hindi ba ito isang gatong na hinila mula sa apoy?
3 Nakasuot si Josue ng maruming kasuotan habang nakatayo siya sa harapan ng anghel, 4 kaya nagsalita ang anghel at sinabi sa mga nakatayo sa harapan niya, “Alisin ang maruming kasuotan mula sa kaniya.” At sinabi niya kay Josue, “Tingnan mo! Pinalampas ko ang mabigat mong kasalanan at bibihisan kita ng magandang damit.”
5 Sinabi niya, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante sa kaniyang ulo!” Kaya sinuotan nila si Josue ng isang malinis na turbante sa kaniyang ulo at binihisan siya ng malinis na kasuotan habang nakatayo sa tabi ang anghel ni Yahweh.
6 Pagkatapos nito, taimtim na inutusan si Josue ng anghel ni Yahweh at sinabi, 7 “Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, 'Kung ikaw ay lalakad sa aking pamamaraan at kung pananatilihin mo ang aking mga kautusan, pamumunuan mo ang aking tahanan at babantayan mo ang aking mga hukuman, sapagkat pahihintulutan kita na pumunta at bumalik kasama nitong mga nakatayo sa aking harapan.
8 Makinig ka, Josue na punong pari, ikaw at ang iyong mga kasamahan na naninirahan sa iyo! Sapagkat ang mga taong ito ay isang katibayan, sapagkat ako mismo ang maglalabas sa aking lingkod, ang Sanga. 9 Ngayon tingnan ninyo ang bato na inilagay ko sa harapan ni Josue. Mayroong pitong tapyas sa isang batong ito, at uukitan ko ng isang tatak — ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo—at aalisin ko ang kasalanan ng lupaing ito sa loob ng isang araw. 10 Sa araw na iyon, ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo, 'aanyayahan ng bawat tao ang kaniyang kapwa upang mamahinga sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at ilalim ng kaniyang puno ng igos.”'
4:1 Pagkatapos ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay bumalik at ginising ako na katulad ng isang lalaking ginising mula sa kaniyang pagkakatulog.
2 Sinabi niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” Sinabi ko, “Nakikita ko ang isang patungan ng lampara na gawa lahat sa ginto, may isang mangkok sa ibabaw nito. May pito itong lampara at pitong mitsa sa ibabaw ng bawat lampara. 3 Dalawang puno ng olibo ang nasa tabi nito, isa sa kanang bahagi ng mangkok at isa sa kaliwang bahagi.”
4 Kaya muli akong nagsalita sa anghel na nakikipag-usap sa akin. Sinabi ko, “Ano ang kahulugan ng mga bagay na ito, aking panginoon?”
5 Sumagot ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinabi, “Hindi mo ba alam kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito?” Sinabi ko, “Hindi, aking panginoon.”
6 Kaya sinabi niya sa akin, “Ito ang salita ni Yahweh kay Zerubabel: Hindi sa pamamagitan ng lakas ni sa pamamagitan ng kapangyarihan, ngunit sa pamamagitan ng aking Espiritu,' sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 7 'Ano ka, malaking bundok? Magiging isa kang kapatagan sa harapan ni Zerubabel at ilalabas niya ang itaas na bato upang sumigaw ng, “Biyaya! Biyaya!”'”
8 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh: 9 “Ang mga kamay ni Zerubabel ang naglatag sa pundasyon ng tahanang ito at ang kaniyang mga kamay ang tatapos nito. At malalaman mo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa iyo. 10 Sino ang humamak sa araw ng mga malililit na bagay? Magagalak ang mga taong ito at makikita ang pampantay na bato sa kamay ni Zerubabel. (Ang pitong lamparang ito ang mga mata ni Yahweh na naglilibot sa buong daigdig.)”
11 Pagkatapos, tinanong ko ang anghel. “Ano itong dalawang puno ng olibo na nakatayo sa kaliwa at sa kanan ng patungan ng lampara?” 12 Muli ko siyang tinanong, “Ano ang dalawang sanga ng olibo na ito sa tabi ng dalawang gintong tubo na may gintong langis na bumubuhos mula sa mga ito?
13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga ito?” At sinabi ko, “Hindi, aking panginoon.”
14 Kaya sinabi niya, “Ito ang dalawang puno ng olibo na nakatayo upang paglingkuran ang Panginoon ng buong daigdig.”
5:1 Pagkatapos, lumingon ako at tumingala ako, at nakita ko, masdan ito, nakakita ako ng isang lumilipad na binalumbong kasulatan!
2 Sinabi sa akin ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Nakikita ko ang isang lumilipad na binalumbong kasulatan, dalawampung siko ang haba at sampung siko ang lawak.”
3 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Ito ang sumpa na darating sa ibabaw ng buong lupain, sapagkat mula ngayon, aalisin ang bawat magnanakaw batay sa sinasabi nito sa isang panig habang aalisin ang lahat ng nangako ng isang hindi totoong panata batay sa sinasabi nito sa kabilang panig, ayon sa kanilang mga salita. 4 'Ipapadala ko ito' — ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo, 'kaya papasok ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng isang taong nangako ng hindi totoo sa pamamagitan ng aking pangalan. Mananatili ito sa kaniyang tahanan at tutupukin ang tabla at ang mga bato nito.'”
5 Pagkatapos, lumabas ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinabi sa akin, “Tumingin ka sa taas at tingnan kung ano ang dumarating!”
6 Sinabi ko, “Ano ito?” Sinabi niya, “Isang basket ito na naglalaman ng efa na paparating. Ito ang kanilang kasamaan sa buong lupain.”
7 Pagkatapos, itinaas ang isang takip na tingga sa basket at may isang babae sa ilalim nito na nakaupo sa loob nito!
8 Sinabi ng anghel, “Kasamaan ito!” At itinapon niya ang babae pabalik sa loob ng basket at itinapon niya ang takip na tingga sa ibabaw nito.
9 Tumingala ako at nakita ko ang dalawang babaeng papalapit sa akin at ang hangin ay nasa kanilang mga pakpak—sapagkat may mga pakpak sila na tulad ng mga pakpak ng isang tagak. Itinaas nila ang basket sa pagitan ng lupa at langit.
10 Kaya sinabi ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang basket?”
11 Sinabi niya sa akin, “Itatayo ang isang templo sa lupain ng Sinar para rito, upang kapag handa na ang templo, ilalagay doon ang basket sa inihandang patungan nito.”
6:1 Pagkatapos, lumingon ako at tumingala, nakakita ako ng apat na karwahe na palabas sa pagitan ng dalawang bundok at gawa sa tanso ang dalawang bundok. 2 Ang unang karwahe ay may mga pulang kabayo, ang pangalawang karwahe ay may mga itim na kabayo, 3 ang pangatlong karwahe ay may mga puting kabayo at ang pang-apat na karwahe ay may mga batik na kulay abo na mga kabayo.
4 Kaya sumagot ako at sinabi sa anghel na kumausap sa akin, “Ano ang mga ito, aking panginoon?”
5 Sumagot ang anghel at sinabi sa akin, “Ito ang apat na hangin ng langit na lumabas mula sa lugar kung saan sila nakatayo sa harapan ng Panginoon ng buong daigdig. 6 Ang karwahe na may mga itim na kabayo ay papunta sa hilagang bansa, ang karwahe na may mga puting kabayo ay papunta sa kanlurang bansa at ang karwahe na may mga batik na kulay abo na mga kabayo ay papunta sa bansang timog.”
7 Lumabas ang mga malalakas na kabayong ito at hinangad na pumunta at maglibot sa buong daigdig, kaya sinabi ng anghel, “Humayo kayo at maglibot sa buong daigdig!” at umalis sila patungo sa buong daigdig.
8 Pagkatapos, tinawag niya ako, nagsalita at sinabi sa akin, “Tingnan mo ang mga papunta sa bansang hilaga, pahupain nila ang aking espiritu patungkol sa bansang hilaga.
9 Kaya dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 10 “Kumuha ka ng isang handog mula sa mga ipinatapon, mula kina Heldai, Tobias at Jedaias. Pumunta ka rin sa araw na ito at dalhin mo ito sa bahay ni Josias na anak ni Zefanias na dumating mula sa Babilonia. 11 At kunin mo ang pilak at ginto, gumawa ka ng isang korona at ilagay mo ito sa ulo ng pinakapunong pari na si Josue na anak ni Jehozadak.
12 Kausapin mo siya at sabihin, 'Sinasabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: “Ang lalaking ito, Sanga ang kaniyang pangalan! At lalago siya kung nasaan siya at itatayo niya ang templo ni Yahweh! 13 Siya ang magtatayo ng templo ni Yahweh at magtataglay ng karangyaan nito, uupo siya at maghahari sa kaniyang trono. Siya ang magiging pari sa kaniyang trono at ang pang-unawa sa kapayapaan ang iiral sa pagitan ng dalawa.
14 Ilalagay ang isang korona sa templo ni Yahweh upang parangalan sina Heldai, Tobias at Jedaias at bilang pag-alaala sa kabutihang-loob ng anak ni Zefanias. 15 At darating ang mga nasa malayo at itatayo ang templo ni Yahweh, kaya malalaman ninyo na ipinadala ako sa inyo ni Yahweh ng mga hukbo, sapagkat mangyayari ito kung tunay kayong nakinig sa tinig ni Yahweh na inyong Diyos!”'”