Nahinto at Muling Ipinagpatuloy ang Paggawa sa Templo
519 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
3 At dumating sina Tatenai na gobernador ng Lalawigan sa ibayo ng Ilog, Setar Bozenai, at ang kanilang mga kasamahan at sinabi sa kanila, “Sino ang nag-utos na itayo ninyo ang tahanang ito at ganap na tapusin ang mga pader na ito?”
4 Sinabi pa nila, “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking gumagawa sa gusaling ito?”
5 Ngunit ang mata ng Diyos ay nasa mga nakatatanda ng mga Judio, at hindi sila pinigilan ng kanilang mga kalaway. Naghihintay sila ng isang liham na ipapadala ng hari at para sa isang utos na ibabalik sa kanila patungkol dito.
6 Ito ang liham nina Tatenai, Setar Bozenai, at ang kanilang mga kapwa opisyal kay haring Dario. 7 Nagpadala sila ng isang ulat, isinusulat ito kay haring Dario, “Sumainyo nawang lahat ang kapayapaan.
8 Malaman nawa ng hari na kami ay pumunta ng Juda sa tahanan ng dakilang Diyos. Ito ay itinatayo sa pamamagitan ng malalaking bato at ang mga trosong nakalapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay ginagawa ng lubos at umuusad ng mabuti sa kanilang mga kamay.
9 Tinanong namin ang mga nakatatanda, 'Sino ang nagbigay sa inyo ng utos para itayo ang tahanang ito at ang mga pader na ito?'
10 Tinanong pa namin ang kanilang mga pangalan nang sa gayon ay maaari mong malaman ang mga pangalan ng bawat taong nanguna sa kanila.
11 Tumugon sila at sinabi, 'Kami ay mga lingkod ng nag-iisang Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang tahanang ito na itinayo ng dakilang hari ng Israel maraming taon na ang nakalilipas at binubuo namin ito. 12 Gayunman, nang ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, ibinigay niya sila sa kamay ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia, na siyang sumira ng bahay na ito at ipinatapon ang mga tao sa Babilonia.
13 Gayunpaman, sa unang taon nang si Ciro ay hari ng Babilonia, naglabas si Ciro ng isang utos na itayong muli ang tahanan ng Diyos. 14 Ibinalik din ni haring Ciro ang ginto at pilak na nabibilang sa tahanan ng Diyos na kinuha at dinala ni Nebucadnezar mula sa templo sa Jerusalem tungo sa templo sa Babilonia. Isinauli niya ang mga ito kay Sesbazar, na siyang iniluklok niyang gobernador. 15 Sinabi niya sa kaniya, “Kunin mo ang mga kagamitang ito. Pumunta ka at ilagay ang mga ito sa templo sa Jerusalem. Nawa maitayong muli ang tahanan ng Diyos doon.”
16 At dumating itong si Sesbazar at inilagay ang pundasyon para sa tahanan ng Diyos sa Jerusalem; na ginagawa ngayon ngunit hindi pa tapos.
17 Ngayon kung mainam ito para sa hari, masuri nawa ito sa tahanan ng mga talaan sa Babilonia kung may isang pasya doon mula kay Haring Ciro para itayo ang tahanang ito ng Diyos sa Jerusalem. Kung gayon, maaring ipadala ng hari ang kaniyang pasya sa amin.”
6:1 Kaya si Haring Dario ay nag-utos ng isang imbestigasyon sa tahanan ng mga talaan sa Babilonia. 2 Sa tanggulang lungsod ng Ecbatana sa Media natagpuan ang isang kasulatang binalumbon; ito ang nakasulat sa talaan:
3 Sa unang taon ni Haring Ciro, naglabas siya ng isang utos tungkol sa tahanan ng Diyos sa Jerusalem: 'Maitayo nawa ang tahanan para sa paghahandog. Maitayo nawa ang mga pader nito na may animnapung siko ang taas at animnapung siko ang lapad, 4 na may tatlong patong ng malalaking bato at isang patong ng bagong troso. At ang tahanan ng hari ang magbabayad ng gastusin.
5 Ibalik din ninyo ang ginto at pilak na nabibilang sa tahanan ng Diyos na dinala ni Nebucadnezar mula sa templo ng Jerusalem patungo sa templo ng Babilonia. Ipadala ninyo ang mga iyon sa templo ng Jerusalem at ilagay ang mga iyon sa tahanan ng Diyos.'
6 Ngayon, Tatenai, Setar Bozenai, at ang iyong mga kapwa opisyal na nasa ibayo ng Eufrates, lumayo kayo sa lugar na iyon. 7 Pabayaan ninyo ang paggawa sa tahanan ng Diyos. Ang gobernador at ang mga nakatatandang Judio ay itatayo ang tahanang ito ng Diyos sa lugar na iyon.
8 Ipinag-uutos ko sa inyo na dapat ninyong gawin ito para sa mga nakatatandang Judiong nagtatayo ng tahanan ng Diyos: Ang mga pondo mula sa pagkilala sa hari sa ibayo ng Eufrates ay gagamitin para bayaran ang mga lalaking ito na hindi tumitigil sa kanilang paggawa. 9 Anuman ang kakailanganin—mga batang toro, mga lalaking tupa, o mga batang tupa para sa mga alay na susunugin sa Diyos ng Kalangitan, butil, asin, alak, o langis ayon sa utos ng mga pari sa Jerusalem—ibigay ninyo ang mga bagay na ito sa kanila araw-araw nang walang palya. 10 Gawin ninyo ito para sila ay makapagdala ng handog sa Diyos ng Kalangitan at ipanalangin ako, ang hari, at ang aking mga anak.
11 Ipinag-uutos ko na kung sinuman ang lalabag sa utos na ito, isang barakilan ang dapat hilahin mula sa kaniyang bahay at dapat siyang ituhog dito. Dahil dito, ang kaniyang tahanan ay dapat gawing isang tambak ng gumuhong mga bato. 12 Nawa ang Diyos na nabubuhay doon ay ibabagsak ang sinumang hari at mga tao na lalabag sa tahanang ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong, si Dario, ang siyang nag-uutos nito. Gawin ninyo ito nang lubusan!”
13 At ginawa nina Tatenai, Setar Bozenai, at ng kanilang mga kasamahan ang lahat ng bagay na inutos ni Haring Dario.
1 Magpapasalamat ako sa iyo ng buong puso; aawitan kita ng mga papuri sa harap ng mga diyos-diyosan. 2 Luluhod ako sa iyong banal na templo at magpapasalamat sa iyong ngalan para sa katapatan sa tipan at sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan. Dinakila mo ang iyong salita at iyong pangalan higit sa lahat. 3 Sa araw na tumawag ako sa iyo, sinagot mo ako; pinalakas mo ang aking loob at ang aking kaluluwa. 4 Yahweh, lahat ng hari sa mundo ay magpapasalamat sa iyo dahil maririnig nila ang mga salita ng iyong bibig. 5 Tunay nga na aawitin nila ang mga ginawa ni Yahweh, dahil dakila ang kaluwalhatian ni Yahweh. 6 Kahit na mataas si Yahweh, sa mga mabababa siya nag-aaruga, pero malayo sa kaniya ang mga mapagmalaki. 7 Kahit na lumakad ako sa kalagitnaan ng kapamahakan, pangangalagaan mo ang aking buhay; iuunat mo ang iyong kamay laban sa galit ng aking mga kaaway, at ililigtas ako ng iyong kanang kamay. 8 Kasama ko si Yahweh hanggang sa huli; Yahweh panatilihin mo ang iyong katapatan sa tipan magpakailanman; huwag mong pabayaan ang mga nilikha ng iyong mga kamay.