Mga Babala na Tiyak ang Pagkabihag (continued)
Iba't ibang propesiya at panawagan sa mga taga-Juda, na nagpapahayag na tiyak ang kanilang pagkabihag at ang pagkawasak ng Jerusalem.
609 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin, nagsasabi, 2 “Huwag kang mag-aasawa, at huwag magkaroon ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito.
3 Sapagkat sinasabi ito ni Yahweh sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, sa mga ina na nagsilang sa kanila, at sa mga ama na naging dahilan ng pagkakasilang nila sa lupaing ito. 4 Sila ay mamamatay sa sakit. Walang magluluksa para sa kanila at manlilibing. Magiging katulad sila ng dumi na nasa lupa. Sapagkat darating ang kanilang wakas sa pamamagitan ng espada at taggutom, at ang mga bangkay nila ay magiging pagkain ng mga ibon sa kalangitan at ng mga hayop sa lupa.'
5 Sapagkat sinasabi ito ni Yahweh, 'Huwag kang pumasok sa anumang bahay kung saan may nagluluksa. Huwag kang pupunta sa may nananaghoy, at huwag kang makidalamhati sa mga taong ito. Dahil tinipon ko ang aking kapayapaan, tipan na may katapatan, at mga gawang may kaawaan, mula sa mga taong ito! —Ito ang pahayag ni Yahweh— 6 kaya ang dakila at ang hamak ay mamamatay sa lupang ito. Sila ay hindi ililibing, at walang sinumang magluluksa para sa kanila. Isa man ay walang magsusugat sa kanilang sarili o mag-aahit ng kanilang mga ulo para sa kanila. 7 Wala isa mang magbabahagi ng pagkain sa pagluluksa upang aliwin sila dahil sa kamatayan, at walang dapat magbigay ng pang-aliw na baso sa kaniyang ama o ina para aliwin sila.
8 Hindi ka dapat pumunta sa handaan sa isang tahanan upang makiupo sa kanila na kumain at uminom.' 9 Sapagkat si Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito, 'Tingnan mo, sa harapan mo, sa iyong mga araw at sa lugar na ito, wawakasan ko ang inyong mga tugtugang masasaya at pagdiriwang, ang mga tinig ng lalaki at at ng babaeng ikakasal.'
10 At kung nangyari ito, ibalita mo sa lahat ang mga salitang ito sa mga tao, at sasabihin nila sa iyo, “Bakit niloob ni Yahweh ang lahat ng malaking sakunang ito sa atin? Anong kasamaan at kasalanan ang aming nagawa laban sa ating Diyos na si Yahweh?
11 Kaya sabihin mo sa kanila, 'Dahil iniwan ako ng inyong mga ninuno—Ito ang pahayag ni Yahweh—at sumunod sila sa ibang mga diyos at sumamba at lumuhod sa mga ito. Iniwan nila ako at hindi sinunod ang aking kautusan. 12 Ngunit nagdala kayo ng higit na kasamaan kaysa sa inyong mga ninuno, sapagkat tingnan ninyo, bawat tao ay lumalakad sa katigasan at kasamaan ng kaniyang puso; wala isa mang nakikinig sa akin. 13 Kaya ipapatapon ko kayo mula sa lupaing ito patungo sa isang lupaing hindi ninyo kilala, kayo o ang inyong mga ninuno, at sasamba kayo roon sa ibang mga diyos sa araw at gabi, sapagkat wala na akong ibibigay sa inyo na anumang tulong.”
14 Kaya tingnan ninyo! Darating ang mga araw—ito ang pahayag ni Yahweh—at hindi na magtatagal wala ng magsasabi nito, 'Buhay si Yahweh, na siyang nagdala sa mga tao ng Israel mula sa lupain ng Egipto.' 15 Sapagkat buhay si Yahweh, ang nagdala sa mga tao ng Israel sa hilagang lupain at sa mga lupain na kung saan ikinalat niya sila, ibabalik ko sila sa lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 Tingnan ninyo! magpapadala ako ng maraming mangingisda—Ito ang pahayag ni Yahweh—upang hulihin nila ang mga tao. Pagkatapos nito, ipadadala ko ang maraming mangangaso upang hanapin sila sa lahat ng kabundukan at mga burol, at sa mga bitak ng bato.
17 Sapagkat ang aking paningin ay laging nasa kanilang mga gawa. Hindi sila makapagtatago sa harapan ko. Ang kanilang mga kasamaan ay hindi nalilingid sa aking mga paningin. 18 Una kong pagbabayarin ng dalawang beses ang kanilang kasamaan at kasalanan dahil dinungisan nila ang aking lupain ng kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosang imahen, at dinungisan nila ang aking mana ng kanilang mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan.” 19 Yahweh, ikaw ang aking matibay na tanggulan, aking kanlungan, aking ligtas na lugar sa panahon ng kabagabagan. Ang mga bansa ay pupunta sa iyo mula sa wakas ng lupa at magsasabi, “ Tunay na ang aming mga ninuno ay nagmana ng panlilinlang. Wala silang alam; walang pakinabang sa kanila. 20 Gumawa ba ang mga tao ng diyus-diyosan para sa kanilang mga sarili? Ngunit sila ay hindi mga diyos. 21 Kaya tingnan ninyo! Ipapaalam ko sa kanila sa panahong ito, ipapakilala ko sa kanila ang aking kamay at ang aking kapangyarihan, kaya makikilala nila na ang pangalan ko ay Yahweh.”
17:1 “Ang kasalanan ng Juda ay nasulat gamit ang isang panulat na bakal na may diyamante sa dulo. Ito ay nakaukit sa kanilang mga puso at sa mga sungay ng inyong mga altar. 2 Naalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga altar at ang imahen ni Ashera na nasa madahong mga puno sa mataas na mga burol. 3 Naalala nila ang kanilang mga altar na nasa mga bundok sa nayon. Gagawin ko ang inyong mga kayamanan bilang samsam para sa iba. Sapagkat ang inyong kasalanan ay nasa lahat ng mga hangganan. 4 Mawawala sa inyo ang mga mana na ibinigay ko sa inyo. Aalipinin kayo ng inyong mga kaaway sa lupaing hindi ninyo alam, sapagkat kayo ang nagpaalab ng aking galit, kung saan mag-aapoy magpakailanman.”
5 Sinasabi ni Yahweh, “Sumpain ang mga tao na nagtitiwala sa kapwa tao; ang kaniyang kalakasan ay sa laman ngunit itinalikod niya ang kaniyang puso palayo kay Yahweh. 6 Sapagkat siya ay tulad ng maliit na halaman sa Araba at hindi makikita ang anumang kabutihang darating. Siya ay nananatili sa mabatong lugar sa ilang, tigang na lupain na walang nananahan. 7 Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8 Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga. 9 Ang puso ay higit na mapanlinlang sa anumang bagay. Ito ay sakit; sino ang nakakaunawa rito? 10 Ako si Yahweh, ang nakakasaliksik ng kaisipan, ang sumusubok sa puso. Ibibigay ko sa bawat tao ang nararapat sa kaniya, parurusahan ko siya sa bunga ng kaniyang mga nagawa. 11 Nililimliman ng isang pugo ang itlog na hindi naman siya ang nangitlog. Maaaring may taong yayaman sa kalikuan. Ngunit sa panahon ng kalakasan sa kaniyang buhay, iiwan siya ng mga kayamanang iyon at magiging mangmang sa huli.”
12 Ang lugar ng ating templo ay isang maluwalhating trono, nakataas mula sa simula. 13 Si Yahweh ang pag-asa ng Israel. Lahat ng mang-iwan sa iyo ay mapapahiya. Ang mga tumalikod sa iyo na nasa lupain ay puputulin. Sapagkat iniiwan nila si Yahweh, ang bukal ng tubig ng buhay. 14 Pagalingin mo ako, Yahweh, at ako ay gagaling! Iligtas mo ako, at ako ay maliligtas. Sapagkat ikaw ang aking awit ng papuri. 15 Tingnan ninyo, sinasabi nila sa akin, 'Nasaan na ang salita ni Yahweh? Hayaang ito ay pumarito! 16 Para sa akin, hindi ako tumakbo sa pagiging isang pastol na sumusunod sa inyo. Hindi ko hinangad ang araw ng sakuna. Alam mo ang mga pahayag na lumabas sa aking mga labi. Sila ay ginawa sa iyong harapan. 17 Huwag maging katatakutan sa akin. Ikaw ang aking kanlungan sa panahon ng kalamidad. 18 Nawa ang mga tumutugis sa akin ay mapapahiya, ngunit huwag mo akong gawing kahiya-hiya. Nawa sila ay panghinaan ng loob, ngunit huwag mong hayaang panghinaan ako ng loob. Ipadala ang araw ng sakuna laban sa kanila at wasakin sila ng ibayong pagkawasak.”
19 Sinabi ni Yahweh ito sa akin: “Pumunta ka at tumayo sa tarangkahan ng mga tao kung saan pumapasok at lumalabas ang mga hari ng Juda, at sa lahat ng ibang tarangkahan ng Jerusalem.
20 Sabihin mo sa kanila, 'Pakingggan ninyo ang salita ni Yahweh, mga hari ng Juda at lahat ng mga tao ng Juda, at sa bawat naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga tarangkahang ito. 21 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Maging maingat kayo alang-alang sa inyong mga buhay at huwag kayong magpapasan ng mabibigat sa Araw ng Pamamahinga upang dalhin ito sa tarangkahan ng Jerusalem. 22 At huwag kayong magdala ng pasan mula sa inyong bahay sa Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong gagawa ng anumang gawain, kundi ilaan ninyo ang Araw ng Pamamahinga kay Yahweh, gaya ng aking inutos sa inyong mga ninuno na gawin. 23 Hindi sila nakinig o nagbigay pansin, kundi pinatigas nila ang kanilang mga leeg upang hindi na nila ako pinakinggan ni tanggapin ang aking pagtutuwid.
24 Ito ay mangyayari kung tunay na nakinig kayo sa akin—ito ang pahayag ni Yahweh—at huwag kayong magbuhat ng pasan sa mga tarangkahan ng lungsod na ito sa Araw ng Pamamahinga ngunit sa halip ilaan ninyo kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga at huwag kayong gagawa ng anumang gawain— 25 At ang mga hari, mga prinsipe, at sa mga umupo sa trono ni David na pupunta sa mga tarangkahan ng lungsod na ito na nakakarwahe at may mga nakakabayo, sila at ang kanilang mga pinuno, mga kalalakihan ng Juda at lahat ng naninirahan sa Jerusalem. At ang lungsod na ito ay mananatili magpakailanman. 26 Darating sila mula sa mga lungsod ng Juda at sa lahat ng nasa palibot ng Jerusalem, at mula sa lupain ng Benjamin at mula sa mababang lupain, mula sa mga bundok at mula sa Negev, magdadala ng mga susunuging handog, mga alay, at mga pagkaing handog at kamanyang. At magdadala sila ng mga handog pasasalamat sa aking tahanan.
27 Ngunit kung hindi kayo makikinig, upang ilaan ang Araw ng Pamamahinga kay Yahweh—kung magpapasan kayo ng mga pasanin sa mga tarangkahan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, kung gayon sisindihan ko ng apoy ang mga tarangkahan, apoy na susunog sa mga tanggulan ng Jerusalem, at hindi ito mapapatay.”