Mga Babala na Tiyak ang Pagkabihag (continued)
Iba't ibang propesiya at panawagan sa mga taga-Juda, na nagpapahayag na tiyak ang kanilang pagkabihag at ang pagkawasak ng Jerusalem.
609 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot, 2 “Hayaang magluksa ang Juda, hayaang gumuho ang kaniyang mga tarangkahan. Tumataghoy sila para sa lupain, lumalakas ang kanilang pag-iyak para sa Jerusalem. 3 Pinadadala ng kanilang mga makapangyarihang tao ang kanilang mga lingkod para sa tubig. Kapag pumunta sila sa mga balon wala silang mahahanap na tubig. Babalik silang lahat na bigo, tinatakpan nila ang kanilang mga ulo na kahiya-hiya at hindi iginagalang. 4 Dahil dito, nabitak ang lupa sapagkat walang ulan sa lupain. Nahihiya ang mga mag-aararo at tinatakpan nila ang kanilang mga ulo. 5 Sapagkat iniiwan din maging ng babaing usa ang kaniyang maliliit na anak sa parang at pinababayaan ang mga ito sapagkat walang damo. 6 Tumatayo sa mga tigang na kapatagan ang mga maiilap na asno at humihingal sa hangin tulad ng mga asong-gubat. Lumalabo ang kanilang mga mata dahil walang halaman.” 7 Kahit na nagpapatotoo laban sa amin ang aming mga kasamaan, Yahweh, kumilos ka para sa kapakanan ng iyong pangalan. Nagkasala kami sa iyo sapagkat lumalala ang kawalan ng aming pananampalataya. 8 Ang pag-asa ng Israel, ang siyang nagligtas sa kaniya sa panahon ng matinding pagkabalisa, bakit ka magiging katulad ng isang dayuhan sa lupain, katulad ng isang banyagang gumagala na nagpapalipas at nananatili lamang ng isang gabi? 9 Bakit ka magiging katulad ng isang taong nalilito, katulad ng isang mandirigma na hindi kayang sagipin ang sinuman? Sapagkat nasa kalagitnaan ka namin, Yahweh! Ipinahayag sa amin ang iyong pangalan. Huwag mo kaming iwanan.
10 Sinabi ito ni Yahweh sa mga taong ito: “Yamang ibig nilang maglibot at hindi nila pinigil ang kanilang mga paa na magpatuloy.” Hindi nalugod si Yaweh sa kanila. Ngayon, inalala niya ang kanilang kasamaan at pinarusahan niya ang kanilang mga kasalanan.
11 Sinabi ni Yahweh sa akin, “ Huwag kang manalangin para sa ikabubuti ng mga taong ito. 12 Sapagkat, kapag nag-ayuno sila, hindi ako makikinig sa kanilang pagdaing at kapag nag-alay sila ng mga handog na susunugin at mga handog na pagkain, hindi ako malulugod sa mga ito. Sapagkat lilipulin ko sila sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot.”
13 At sinabi ko, “O, Panginoong Yahweh! Tingnan mo! Sinasabi ng mga propeta sa mga tao, 'Hindi kayo makakakita ng espada, walang taggutom para sa inyo, sapagkat bibigyan ko kayo ng tunay na katiwasayan sa lugar na ito.”'
14 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Panlilinlang sa aking pangalan ang pahayag ng mga propeta. Hindi ko sila isinugo, ni binigyan ng anumang utos o kinausap sila. Ngunit ang mapanlinlang nilang mga pangitain, ang walang kabuluhan at ang mga mapanlinlang na hula ay nagmumula sa kanilang mga sariling puso, ito ang mga ipinahahayag nila sa inyo.”
15 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, “Tungkol sa mga propeta na nagpapahayag sa aking pangalan ngunit hindi ko ipinadala at ang mga nagsasabing walang espada at taggutom sa lupaing ito. Mamamatay ang mga propetang ito sa pamamagitan ng espada at taggutom. 16 At ang mga tao na kanilang pinagpahayagan ay maitatapon sa labas ng mga lansangan ng Jerusalem dahil sa taggutom at espada, sapagkat walang sinuman ang maglilibing sa kanila. Sa kanila, sa kanilang mga asawang babae o sa kanilang mga anak. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang mga kasamaan.
17 Sabihin mo ang salitang ito sa kanila: 'Hayaang dumaloy sa aking mata ang mga luha sa araw at gabi. Huwag itong pigilan, sapagkat magkakaroon ng isang matinding pagkawasak ang birhen na anak ng aking mga tao. Isang napakalaki at walang lunas na sugat. 18 Kung lalabas ako sa parang at tumingin! mayroong mga pinatay sa pamamagitan ng espada. At kung pupunta ako sa lungsod at tumingin! mayroong mga nagkasakit dahil sa taggutom. Kahit na ang mga propeta at ang mga paring naglilibot sa lupain ay walang nalalaman.”'
19 Ganap mo bang tinalikuran ang Juda? Galit ka ba sa Zion? Bakit mo kami hinahayaang magkasakit gayong walang kagalingan sa amin? Naghangad kami ng kapayapaan, ngunit walang anumang kabutihan. Ngunit tingnan ninyo, para sa oras ng kagalingan, kaguluhan lamang ang mayroon. 20 Inaamin namin, Yahweh, ang aming mga kasalanan at ang kasamaan ng aming mga ninuno, sapagkat nagkasala kami sa iyo. 21 Huwag mo kaming itakwil! Huwag mong gawing kahihiyan ang iyong maluwalhating trono para sa kapakanan ng iyong pangalan. Alalahanin at huwag sirain ang iyong kasunduan sa amin. 22 Mayroon ba sa mga diyus-diyosan ng mga bansa na kayang gawin ang sinuman na paulanin ang kalangitan sa panahon ng tagsibol? Hindi ba ikaw Yahweh, na aming Diyos ang gumawa ng mga ito? Umaasa kami sa iyo, sapagkat ikaw ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito.
15:1 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na tumayo sa aking harapan si Moises o si Samuel, hindi pa rin ako maaawa sa mga taong ito. Paalisin sila sa aking harapan para makapunta sa malayo. 2 At mangyayari na sasabihin nila sa iyo, 'Saan kami dapat pumunta?' At dapat mong sabihin sa kanila, 'Sinasabi ito ni Yahweh: Dapat mamatay ang mga nakatakda sa kamatayan; dapat sa espada ang mga nakatakda sa espada. Dapat magutom ang mga nakatakda sa pagkagutom at dapat mabihag ang mga nakatakda sa pagkabihag.'
3 Ito ang pahayag ni Yahweh: Sapagkat itatalaga ko sila sa apat na pangkat. Ang espada ay upang patayin ang ilan, ang mga aso ay upang kaladkarin ang ilan palayo, ang mga ibon sa kalangitan at ang mga mababangis na hayop sa daigdig ay upang kainin at wasakin ang ilan. 4 Gagawin ko sa kanila ang mga katakut-takot na bagay sa lahat ng mga kaharian sa daigdig, sa pananagutan ni Manases na anak ni Hezekias na hari ng Juda dahil sa ginawa niya sa Jerusalem. 5 Sapagkat sino ang mahahabag para sa iyo, Jerusalem? Sino ang magluluksa para sa iyo? Sino ang lilingon upang magtanong tungkol sa iyong kapakanan? 6 Ito ang pahayag ni Yahweh: Tinalikuran mo ako at lumayo ka sa akin. Kaya hahampasin kita ng aking mga kamay at wawasakin kita. Pagod na akong magkaroon ng awa sa iyo. 7 Kaya, tatahipan ko sila sa mga tarangkahan ng lupain sa pamamagitan ng isang pantuhog ng mga dayami. Gagawin ko silang ulila. Wawasakin ko ang aking mga tao yamang hindi sila tumatalikod sa kanilang mga gawain. 8 Gagawin kong mas marami ang bilang ng kanilang mga balo kaysa sa mga buhangin sa dalampasigan. Sa katanghalian, ipadadala ko ang mga maninira laban sa mga ina ng mga batang lalaki. Hahayaan kong dumating sa kanila ng biglaan ang pagkasindak at pagkatakot. 9 Mawawalan ng malay ang isang ina na mamamatay ang pitong anak. Kakapusin siya sa paghinga. Magdidilim ang kaniyang araw habang maliwanag pa. Mahihiya at mapapahiya siya, sapagkat ibibigay ko ang mga natira sa espada ng kanilang mga kaaway. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
10 Kaawa-awa ako, aking ina! Dahil isinilang mo ako, isa akong tao na pinag-uusapan at pinagtatalunan sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, ni walang sinuman ang umutang sa akin, ngunit sinusumpa nila akong lahat.
11 Sinabi ni Yahweh: “Hindi ba kita sasagipin para sa iyong kabutihan? Titiyakin ko na hihingi ng tulong sa panahon ng kalamidad at matinding pagkabalisa ang iyong mga kaaway. 12 Kaya ba ng isang tao na durugin ang bakal? Lalung-lalo na ang mga bakal na nagmula sa hilaga na may halong mga tanso? 13 Ibibigay ko sa iyong mga kaaway ang iyong karangyaan at mga kayamanan bilang malayang pagnanakaw. Gagawin ko ito dahil sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa lahat ng inyong nasasakupan. 14 At hahayaan kong dalhin kayo ng inyong mga kaaway sa isang lupain na hindi ninyo alam, sapagkat magliliyab ang isang apoy at sisiklab ang aking poot sa inyo.” 15 Alam mo sa iyong sarili, Yahweh! Alalahanin mo ako at tulungan ako. Ipaghiganti mo ako laban sa aking mga manunugis. Sa iyong pagtitiis, huwag mo akong ilayo. Kilalanin mo na nagdusa ako sa pagsisi para sa iyo. 16 Natagpuan ang iyong mga salita at naintindihan ko ang mga ito. Kagalakan sa akin ang iyong mga salita, isang kagalakan sa aking puso, sapagkat ipinahayag sa akin ang iyong pangalan, Yahweh na Diyos ng mga hukbo. 17 Hindi ako umupo sa gitna ng mga nagdiwang at nagsaya. Umupo akong nag-iisa dahil sa makapangyarihan mong kamay, sapagkat pinuno mo ako ng iyong pagkagalit. 18 Bakit hindi nawawala ang sakit at walang lunas ang aking mga sugat at hindi gumagaling? Magiging katulad ka ba ng mapanlinlang na tubig sa akin, mga tubig na natuyo?
19 Kaya sinabi ito ni Yahweh, “Kung magsisisi ka Jeremias, panunumbalikin kita at tatayo ka sa aking harapan at maglilingkod sa akin. Sapagkat kapag pinaghiwalay mo ang mga bagay na walang kabuluhan sa mga mahahalagang bagay, magiging tulad ka ng aking bibig. Babalik sa iyo ang mga tao, ngunit dapat hindi ikaw ang mismong bumalik sa kanila. 20 Gagawin kitang tulad ng isang tansong pader na hindi matitibag ng mga taong ito at magsasagawa sila ng digmaan laban sa iyo. Ngunit hindi ka nila matatalo sapagkat kasama mo ako upang iligtas at sagipin ka. 21 Sapagkat sasagipin kita mula sa kamay ng mga masasama at tutubusin kita mula sa kamay ng mga mang-aapi. Ito ang pahayag ni Yahweh.”