Muling Itinayo ang mga Pader ng Jerusalem (continued)
445 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon nang narinig nila Sanbalat, Tobias, at Gesem ang taga-Arabia at ng iba pang mga kalaban natin na muli ko nang naitayo ang pader at wala nang ibang mga bahagi na nananatiling sira, bagama't hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga tarangkahan, 2 nagpadala sina Sanbalat at Gesem sa akin na sinasabing, “Halika, sama-sama tayong magpulong kahit saan sa kapatagan ng Ono.” Pero binalak nila na gawan ako ng masama.
3 Nagpadala ako ng mga sugo sa kanila, na nagsasabing, “Gumagawa ako ng mahalagang gawain at hindi ako makabababa. Bakit kailangang mahinto ang gawain habang iniiwan ko ito at bumaba sa inyo?”
4 Pinadalhan nila ako ng parehong mensahe nang apat na beses, at sumagot ako sa kanila sa parehong paraan sa bawat pagkakataon.
5 Ipinadala ni Sanbalat ang kanyang lingkod sa akin sa parehong paraan nang ika-limang beses, na may isang bukas na liham sa kanyang kamay. 6 Nasusulat dito, “Ito ay nauulat sa mga bansa, at sinasabi rin ito ni Gesem, na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak na maghimagsik, iyan ang dahilan kung bakit mo muling tinatayo ang pader. Mula sa sinasabi ng mga ulat na ito, ikaw ay malapit ng maging hari nila. 7 At nagtalaga ka rin ng mga propeta para ipahayag ang tungkol sa iyo sa Jerusalem, na nagsasabing, 'May isang hari sa Juda!' Matitiyak mong maririnig ng hari ang mga ulat na ito. Kaya halika, mag-usap tayo.”
8 Pagkatapos nagpadala ako sa kanya ng kasagutan na nagsasabing, “Walang ganyang mga bagay ang nangyari gaya ng sinabi mo, dahil sa loob ng iyong puso gawa-gawa mo lang ang mga iyan.”
9 Dahil gusto nilang lahat na takutin kami, nag-iisap na, “Bibitiwan ng mga kamay nila ang kanilang trabaho, at hindi ito magagawa.” Pero ngayon, O Diyos, palakasin mo ang mga kamay ko.
10 Pumunta ako sa bahay ni Semaya anak ni Delaias anak ni Mehetabel, na nananatili sa kanyang tahanan. Sinabi niya, “Sama-sama tayong magpulong sa tahanan ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo, dahil darating sila para patayin ka. Sa gabi, darating sila para patayin ka.”
11 Sumagot ako, “Tatakas ba ang isang lalaking katulad ko? At ang isa bang lalaking tulad ko ay papasok sa templo para lang manatiling buhay? Hindi ako papasok.”
12 Napag-isip-isip ko na hindi ang Diyos ang nagpadala sa kanya, kundi nagpropesiya siya laban sa akin. Binayaran siya nina Tobias at Sanbalat. 13 Binayaran nila siya para takutin ako, para gawin ko kung ano ang sinabi niya at magkasala, para mabigyan nila ako ng masamang pangalan para hiyain ako.
14 Alalahanin mo sina Tobias at Sanbalat, aking Diyos, at lahat ng ginawa nila. Alalahanin mo rin ang babaeng propetang si Noadias at ang iba pang mga propeta na sinubukan akong takutin.
15 Ang pader ay natapos sa ika-dalawampu't limang araw ng buwan ng Elul, pagkaraan ng limampu't dalawang araw.
16 Nang narinig ng lahat ng mga kalaban namin ang tungkol dito, lahat ng mga bansa na nakapaligid sa amin, natakot sila at malaki ang nawalang tiwala sa kanilang sarili. Dahil alam nila na nagawa ang gawain sa tulong ng aming Diyos.
17 Sa panahong ito nagpadala ang mga maharlika sa Juda ng maraming liham kay Tobias, at dumating sa kanila ang mga liham ni Tobias. 18 Dahil marami sa Juda ang nakatali sa panunumpa sa kanya dahil siya ang manugang ni Secanias ni Arah. Ang kanyang anak na si Jehohanan ay napangasawa ang anak ni Mesulam anak ni Berequias.
19 Sinabi rin nila sa akin ang tungkol sa mabubuting mga gawa niya at iniulat ang mga salita ko pabalik sa kanya. Ang mga liham ay ipinadala sa akin mula kay Tobias para takutin ako.
Itinalaga ang Pader ng Jerusalem
27 Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem, hinanap ng mga tao ang mga Levita saanman sila nanirahan, para dalhin sila sa Jerusalem para magdiwang ng pagtatalaga ng may kagalakan, may pasasalamat at umaawit na may mga pompiyang, alpa, at may mga lira. 28 Ang samahan ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa distrito sa paligid ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga taga-Netofa. 29 Sila ay nagmula rin sa Beth Gilgal at mula sa mga kabukiran ng Geba at Azmavet, dahil ang mga mang-aawit ay gumawa ng mga nayon para sa kanilang mga sarili sa paligid ng Jerusalem. 30 Ang mga pari at ang mga Levita ay dinalisay ang kanilang mga sarili, at pagkatapos ay dinalisay nila ang mga tao, ang mga tarangkahan, at ang pader.
31 Pagkatapos ay kasama ko ang mga pinuno ng Juda na umakyat sa taas ng pader, at nagtalaga ako ng dalawang malaking pangkat ng mang-aawit na magbibigay pasasalamat. Ang isa ay pumunta sa kanan ng pader patungo sa Tarangkahan ng Dumi. 32 Si Hoshaias at kalahati ng mga pinuno ng Juda ay sumunod sa kanila, 33 at pagkatapos nila ay pumunta sina Azarias, Ezra, Mesulam, 34 Juda, Benjamin, Semaias, Jeremias, 35 at ilan sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta, at si Zacarias na anak ni Jonatan na anak ni Semaias na anak ni Matanias na anak ni Micaias na anak ni Zacur, ang kaapu-apuhan ni Asaf. 36 Naroon din ang mga kamag-anak ni Zacarias, sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Nathanael, Juda, Hanani, na may instrumento sa musika ni David ang lingkod ng Diyos. Si Ezra ang eskriba ay nasa harap nila. 37 Sa pamamagitan ng Tarangkahan ng Bukal, sila ay pumanhik sa pamamagitan ng mga hagdanan sa lungsod ni David paakyat ng pader, sa itaas ng palasyo ni David, patungo sa Tarangkahan ng Tubig sa silangan.
38 At ang ibang pangkat ng mang-aawit na nagbigay pasasalamat ay pumunta sa ibang direksiyon. Sinundan ko sila sa pader kasama ang kalahati ng mga tao, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, sa Malapad na Pader, 39 at sa itaas ng Tarangkahan ng Efraim, at sa pamamagitan ng Lumang Tarangkahan, at sa pamamagitan ng Tarangkahan ng Isda, at ng Tore ni Hananel at ng Tore ng Sandaan, patungo sa Tarangkahan ng mga Tupa, at huminto sila sa Tarangkahan ng Bantay.
40 Kaya ang parehong mga pangkat ng mang-aawit na nagbigay pasasalamat ay pumunta kung saan sila nakatalaga sa tahanan ng Diyos, at pumunta rin ako kung saan ako nakatalaga kasama ang kalahati ng mga pinuno. 41 At ang mga pari ay pumunta rin kung saan sila nakatalaga: sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias, at Hananias, na may mga trumpeta, 42 sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malquijas, Elam, at Ezer. Ang mga mang-aawit ay umawit kasama si Jezrahias bilang tagapanguna.
43 At naghandog sila ng maraming mga alay ng araw na iyon, at nagsaya, dahil dinulot ng Diyos na sila ay magdiwang ng may labis na kagalakan. Ang mga babae rin at mga bata ay nagsaya. Kaya ang kagalakan ng Jerusalem ay maririnig mula sa malayo.
Bumalik si Nehemias sa Persia
1 Nang matapos maitayo ang pader at nailagay ko na ang mga pinto nito, at naitalaga na ang mga bantay ng mga tarangkahan at mga mang-aawit at mga Levita, 2 ibinigay ko sa aking kapatid na si Hanani ang pamamahala sa Jerusalem, kasama ni Hananias na namuno sa tanggulan, dahil siya ay taong tapat at may takot sa Diyos higit pa kaysa sa karamihan. 3 At sinabi ko sa kanila, “Huwag ninyong buksan ang mga tarangkahan ng Jerusalem hangga't hindi pa tirik ang araw. Habang may nagbabantay sa tarangkahan, maaari ninyong isara ang mga pinto at lagyan ng harang ang mga ito. Magtalaga kayo ng mga tagapagbantay mula doon sa mga naninirahan sa Jerusalem, ang ilan ay italaga sa kanilang himpilan, at ang ilan sa harap ng kanilang mga bahay.”
4 Ngayon ang lungsod ay malawak at malaki, pero kaunti lang ang mga taong nasa loob nito, at wala pang mga bahay ang muling naitatayo.