Muling Itinayo ang mga Pader ng Jerusalem (continued)
445 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon nang narinig ni Sanbalat na itinatayo namin ang pader, ito ay nagpaalab ng kaniyang kalooban, at siya ay galit na galit, at kinutya niya ang mga Judio. 2 Sa harapan ng kaniyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ang ginagawa ng mga mahihinang Judiong ito? Nais ba nilang maibalik sa dating kalagayan ang lungsod para sa kanila? Sila ba ay maghahandog ng mga alay? Matatapos ba nila ang trabaho sa isang araw? Nais ba nilang buhayin ang mga bato mula sa mga tumpok ng durog na bato pagkatapos itong masunog?
3 Si Tobias na Ammonita ay kasama niya, at sinabi niya, “Kung ang isang asong-gubat ay aakyat sa kanilang itinatayo, maaaring ikabagsak ito ng kanilang pader na bato!”
4 Makinig ka, aming Diyos, dahil kami ay hinahamak. Ibalik mo ang kanilang mga panunuya sa sarili nilang mga ulo at pabayaan mo sila para nakawan sila sa lupain kung saan mga bilanggo sila. 5 Huwag mong pagtakpan ang kanilang mabigat na sala at huwag mong burahin ang kanilang kasalanan mula sa harap mo, dahil ginalit nila ang mga tagapagtayo.
6 Kaya itinayo namin ang pader at lahat ng pader ay naitayo hanggang sa kalahating taas nito, dahil ang mga tao ay may pagnanais na magtrabaho.
7 Pero nang marinig nina Sanbalat, Tobias, na mga taga-Arabia, ang mga Ammonita, at ang mga Asdod na nagpapatuloy ang gawain sa pagsasaayos ng mga pader sa Jerusalem, at isinasara na ang mga nasirang bahagi ng pader, nag-alab ang matinding galit sa kanilang kalooban. 8 Silang lahat ay sama-samang nagsabwatan, at pumunta sila para makipag-away laban sa Jerusalem at magdulot ng pagkalito rito.
9 Pero nanalangin kami sa aming Diyos at naglagay ng bantay bilang tagapagtanggol laban sa kanila araw at gabi dahil sa kanilang pananakot.
10 Pagkatapos sinabi ng mamamayan ng Juda, “Ang lakas nilang mga umako ng trabaho ay nanghihina. Napakarami ng durog na bato, at hindi na namin kayang itayong muli ang pader.”
11 At sinabi ng aming mga kaaway, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang makalapit kami sa kanila at mapatay sila, at mapatigil ang trabaho.”
12 Sa panahong iyon, ang mga Judiong naninirahan malapit sa kanila ay dumating mula sa lahat ng direksiyon at nakipag-usap sa amin ng sampung beses, binalaan kami tungkol sa mga pamamaraan na kanilang ginagawa laban sa amin.
13 Kaya naglagay ako ng mga tao sa pinakamababang bahagi ng pader sa lantad na mga lugar. Nagbigay ako ng pwesto sa bawat pamilya. Sila ay may kanya-kanyang tabak, mga sibat, at mga pana.
14 Tumingin ako at tumayo, at sinabi sa mga maharlika, at sa mga namumuno, at sa natitirang ibang mga tao, “Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang Panginoon, na dakila at kahanga-hanga. Ipaglaban ninyo ang inyong mga pamilya, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.
15 Nangyari na nang narinig ng aming mga kalaban na batid na namin ang kanilang mga balak, at binigo ng Diyos ang kanilang mga balak, lahat kami ay bumalik sa pader, bawat isa sa kaniyang trabaho. 16 Kaya mula noon kalahati ng aking mga lingkod ay nagtrabaho lamang sa pagtatayo muli ng pader, at kalahati sa kanila ay may hawak na mga sibat, panangga, mga pana at nagsuot ng kalasag, habang ang mga pinuno ay nakatayo sa likuran ng lahat ng mamamayan sa Juda. 17 Kaya ang parehong mga manggagawa na nagtatayo ng pader at nagdadala ng mga pasanin ay nagbabantay din ng kanilang mga kinalalagyan. Ang bawat isa ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng isang kamay, at sa kabilang kamay naman ay hawak ang kaniyang sandata. 18 Bawat tagapagtayo ay nagsuot ng kaniyang espada sa kaniyang tagiliran at ganoon siya nagtatrabaho. At nanatili sa aking tabi ang nagpapatunog ng trumpeta.
19 Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga opisyales at sa natitirang mga tao, “Ang gawain ay malaki at malawak, at kami ay napahiwalay doon sa pader, malayo sa isa't-isa. 20 Bilisan ninyo ang takbo sa lugar kung saan maririnig ninyo ang trumpeta at kayo ay magtipon doon. Ang ating Diyos ang lalaban para sa atin.”
21 Kaya ginagawa namin ang trabaho. Kalahati sa kanila ay may hawak-hawak na mga sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. 22 Sinabi ko rin sa mga tao sa oras na iyon, “Hayaan ninyo ang bawat lalaki at ang kaniyang lingkod na magpalipas ng gabi sa kalagitnaan ng Jerusalem, sa gayon sila ay magiging bantay natin sa gabi at manggagawa sa araw.”
23 Kaya kahit ako, maging ang aking mga kapatid na lalaki, aking mga lingkod, mga lalaki na nagbabantay na sumunod sa akin, ay hindi nagpalit ng aming mga damit, at bawat isa sa amin ay nagdala ng kaniya-kaniyang sandata, kahit na siya ay kumukuha ng tubig.
5:1 Pagkatapos, ang mga lalaki at ang kanilang mga asawa ay dumaing nang napakalakas laban sa kanilang mga kapwa Judio.
2 Dahil may mga iba na nagsabi “Kasama ng aming mga anak na lalaki at babae, kami ay marami. Kaya hayaan ninyong makakuha kami ng butil para makakain kami at patuloy na mabuhay.”
3 May mga iba rin na nagsabing, “Sinasanla namin ang aming mga bukirin, ang aming ubasan, at ang aming mga bahay para makakuha ng butil sa panahon ng taggutom.”
4 May mga iba rin na nagsabing, “Humiram kami ng pera para bayaran ang buwis ng hari sa aming mga bukirin at sa aming mga ubasan. 5 Pero ngayon ang aming laman at dugo ay pareho na ng sa mga kapatid namin, at ang aming mga anak ay pareho na ng kanilang mga anak. Napilitan kaming ipagbili ang aming mga anak na lalaki at babae para maging mga alipin. Ang iba naming mga anak na babae ay inalipin na. Pero wala sa aming kapangyarihan na baguhin ito dahil ibang mga tao na ngayon ang nagmamay-ari ng aming mga bukirin at aming mga ubasan.”
6 Galit na galit ako nang narinig ko ang kanilang daing at ang mga salitang ito. 7 Pagkatapos ay pinag-isipan ko ito, at nagharap ng sakdal laban sa mga maharlika at opisyales. Sinabi ko sa kanila, “Naniningil kayo ng tubo, bawat isa sa kanyang sariling kapatid.” Nagdaos ako ng isang malaking pagpupulong laban sa kanila 8 at sinabi sa kanila, “Tayo, hangga't makakaya natin, ay muling binili mula sa pagkaalipin ang ating mga kapatid na Judio na naipagbili sa mga bansa, pero kayo ipinagbibili pa ninyo ang inyong mga kapatid na lalaki at babae para muling maipagbili sa amin!” Tahimik sila at ni minsan ay walang masabi ni isang salita.
9 Sinabi ko rin, “Hindi mabuti ang ginagawa ninyo. Hindi ba dapat kayong lumakad na may takot sa ating Diyos para maiwasan ang paghamak ng mga bansa na mga kaaway natin? 10 Ako at ang aking mga kapatid at ang mga lingkod ko ay nagpapautang sa kanila ng pera at butil. Pero dapat nating itigil ang paniningil ng tubo sa mga pautang na ito. 11 Ibalik sa kanila ngayon mismong araw na ito ang kanilang mga bukirin, ang kanilang ubasan, at kanilang taniman ng olibo at ang kanilang mga bahay at ang porsiyento ng pera, ng butil, ng bagong alak, at ng langis na siningil ninyo mula sa kanila.”
12 Pagkatapos sinabi nila, “Ibabalik namin kung ano ang kinuha namin sa kanila, at wala kaming hihingin mula sa kanila. Gagawin namin ang sinabi mo.” Pagkatapos tinawag ko ang mga pari, at pinanumpa sila na gagawin ang kanilang ipinangako. 13 Ipinagpag ko ang tiklop ng aking kasuotan at sinabi, “Ganito nawa ipagpag ng Diyos mula sa kanyang bahay at mga ari-arian ang bawat taong hindi tutupad ng kanyang pangako. Ganito nawa siya maipagpag at mawalan.” Lahat ng kapulungan ay nagsabing, “Amen,” at pinuri nila si Yahweh. At ginawa ng mga tao ang ipinangako nila.
14 Kaya mula ng pahanon na itinalaga ako bilang gobernador nila sa lupain ng Juda, mula sa ika-dalawampung taon hanggang sa ika-tatlumpu't dalawang taon ni Artaxerxes ang hari, labindalawang taon, hindi ako kumain, maging ang aking mga kapatid na lalaki, ng pagkain na inilaan para sa gobernador.
15 Pero ang mga dating gobernador na nauna sa akin ay nagpatong ng mabibigat na mga pasanin sa mga tao, at kinuha mula sa kanila ang apatnapung sekel ng pilak para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at alak. Kahit ang kanilang mga lingkod ay pinahirapan ang mga tao. Pero hindi ko ito ginawa dahil sa takot sa Diyos. 16 Patuloy rin akong gumawa sa pader, at wala kaming biniling lupa. At lahat ng mga lingkod ko ay nagtipon doon para sa gawain.
17 Sa mesa ko ay mga Judio at opisyales, 150 lalaki, maliban pa sa mga dumating sa amin mula sa mga kasamang bansa na nakapaligid sa amin. 18 Ngayon ang hinanda bawat araw ay isang baka, anim na piling tupa, at mga ibon din, at sa bawat sampung araw sagana sa lahat ng uri ng alak. Gayumpaman para sa lahat ng ito hindi ko hiningi ang nakalaang halaga para sa pagkain ng gobernador, dahil ang mga hinihingi ay masyadong mabigat sa mga tao.
19 Alalahanin mo ako, aking Diyos, sa kabutihan, dahil sa lahat ng aking ginawa para sa mga taong ito.