Bumalik ang Dalawang Alagad upang Magbalita
Ang ulat ng dalawang alagad, at ang balita tungkol sa pagpapakita kay Simon Pedro.
Jerusalem. Linggo ng gabi
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Lucas 24:33–35
24:33 Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila, 34 sinasabi, “Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon”.
35 Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad nang Wala si Tomas
Nagpakita si Jesus sa mga nagtatakang alagad (wala si Tomas) at binigyan sila ng isang atas. Hindi nila nakumbinsi si Tomas.
Jerusalem. Linggo ng gabi
Marcos 16:14
16:14 Sa ibang pagkakataon, nagpakita si Jesus sa labing-isa habang nakasandal sila sa hapag, at sinaway sila dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, dahil hindi sila naniniwala sa mga nakakita sa kaniya matapos siyang bumangon mula sa mga patay.
Lucas 24:36–43
24:36 Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, “Kapayapaan ay sumainyo.” 37 Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita.
38 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo naguguluhan? Bakit may mga katanungan sa inyong puso?
39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, na ako talaga ito. Hawakan ninyo ako at tingnan ninyo. Sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” 40 Pagkatapos niyang sabihin ito, pinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa.
41 Habang sila ay hindi pa rin makapaniwala dahil sa galak, at namangha, sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon ba kayong anumang makakain?” 42 Siya ay binigyan nila ng inihaw na isda. 43 Kinuha ito ni Jesus at kinain niya ito sa harapan nila.
Juan 20:19–25
20:19 Kinagabihan ng araw na iyon na unang araw ng linggo, at habang nakasara ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”
20 Nang sinabi niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. At nang makita ng mga alagad ang Panginoon, nagalak sila.
21 At muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo. Kung paano ako isinugo ng Ama, gayun din ko kayo sinusugo.” 22 Nang sinabi ito ni Jesus, hiningahan niya sila, at sinabi sa kanila, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung kanino mang kasalanan ang inyong patatawarin, ang mga ito ay pinatatawad para sa kanila; kung kanino mang mga kasalanan ang inyong pinanatili, ang mga ito ay mananatili.”
24 Si Tomas, na isa sa Labindalawa, na tinatawag na Didimo, ay hindi nila kasama nang si Jesus ay dumating. Paglaon ay sinabi ng iba pang mga alagad sa kaniya, 25 “Nakita namin ang Panginoon.” Sinabi niya sa kanila, “Maliban na makita ko ang mga bakas ng mga pako sa kaniyang mga kamay, at mailagay ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako maniniwala.”
Muling Nagpakita si Jesus at Nakumbinsi si Tomas
Nagpakita si Jesus sa mga alagad nang sumunod na Linggo ng gabi, at nakumbinsi si Tomas.
Jerusalem
Juan 20:26–31
20:26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ang mga alagad at si Tomas ay kasama nila. Dumating si Jesus habang ang mga pinto ay nakasara, tumayo sa gitna nila at sinabi, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo.”
27 At sinabi niya kay Tomas, “Iabot mo dito ang iyong daliri at tingnan ang aking mga kamay; iabot mo rito ang iyong mga kamay at ilagay sa aking tagiliran; huwag maging walang pananampalataya ngunit maniwala ka.”
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya, “Aking Panginoon at aking Diyos.”
29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala”. Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala.”
30 Ngayon, si Jesus ay gumawa ng maraming mga tanda sa harapan ng mga alagad, mga tandang hindi naisulat sa aklat na ito, 31 ngunit naisulat ang mga ito upang kayo ay maniwala na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang habang kayo ay naniniwala, kayo ay magkakaroon ng buhay sa kaniyang pangalan.