Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena at binigyan siya ng mensahe para sa mga alagad.
Limang pagpapakita ang nakatala sa araw ng kaniyang muling pagkabuhay, at lima pa pagkatapos nito, sa loob ng apatnapung araw. Ang limang pagpapakita sa araw na ito ay (1) kay Maria Magdalena (Juan at Marcos); (2) sa iba pang mga babae (Mateo); (3) sa dalawang patungo sa Emaus; (4) kay Simon Pedro (Lucas 24:34); (5) sa sampung apostol at sa iba pa.
Jerusalem. Ang unang araw ng linggo (Linggo)
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Marcos 16:9–11
16:9 Maaga sa unang araw ng linggong iyon, matapos siyang bumangon, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kaniya napalayas niya ang pitong demonyo.
10 Umalis si Maria Magdalena at sinabi sa mga kasama niya, habang nagluluksa sila at umiiyak. 11 Narinig nilang buhay si Jesus at nakita niya ito ngunit hindi sila naniwala.
Juan 20:11–18
20:11 Gayunpaman si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis; habang siya ay umiiyak, yumuko siya at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niya ang dalawang anghel na nakaputing kasuotan na nakaupo, isa sa may ulunan, at ang isa sa may paanan, kung saan ang katawan ni Jesus ay inihiga.
13 Sinabi nila sa kaniya, “Babae, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila, “ Dahil kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.
14 Nang sinabi niya ito, napalingon siya at nakitang nakatayo doon si Jesus, ngunit hindi niya alam na ito ay si Jesus.
15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Babae, bakit ka tumatangis? “Sino ang hinahanap mo?” Akala niya na siya ang hardinero kaya sinabi niya sa kaniya, “Ginoo, kung kinuha ninyo siya, sabihin ninyo kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko siya.”
16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Maria!” Iniharap niya ang kaniyang sarili, at sinabi sa kaniya sa Aramaic, “Rabboni,” ibig sabihin “Guro.”
17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakaakyat sa Ama; ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Diyos at inyong Diyos”.
18 Pumunta si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon,” at sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa kaniya.
Nagpakita si Jesus sa Iba Pang mga Babae
Jerusalem. Linggo, ang unang araw ng linggo
Mateo 28:9–10
28:9 Masdan ito, sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Binabati ko kayo.” At lumapit ang mga babae, hinawakan ang kaniyang mga paa at sinamba siya. 10 Pagkatapos nito sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Pumunta kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sa Galilea. Doon makikita nila ako.”
Nag-ulat ang Ilan sa mga Bantay sa mga Pinunong Judio
Mateo 28:11–15
28:11 Ngayon habang ang mga babae ay papunta, masdan ito, ang ilan sa mga tagapagbantay ay pumunta sa lungsod at sinabi sa mga punong pari ang lahat ng nangyari. 12 Nang nagtipun-tipon ang mga pari kasama ng mga nakatatanda at pinag-usapan nila ang pangyayaring iyon, nagbigay sila ng malaking halaga ng pera sa mga kawal 13 at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa iba, 'Pumunta ang mga alagad ni Jesus noong gabi at ninakaw ang kaniyang katawan habang kami ay natutulog.' 14 Kung makarating sa gobernador ang balitang ito, hihikayatin namin sila at alisin sa inyo ang anumang pagkabahala.”
15 Kaya kinuha ng mga kawal ang pera at ginawa kung ano ang iniutos sa kanila. Ang balitang ito ay kumalat agad sa mga Judio at nagpatuloy magpahanggang ngayon.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad na Patungo sa Emaus
Nagpakita si Jesus sa dalawang alagad (si Cleopas at isa pa) na patungo sa Emaus.
Linggo ng hapon
Marcos 16:12–13
16:12 Matapos ng mga pangyayaring ito, nagpakita siya sa kakaibang anyo sa dalawa pang tao, habang naglalakad sila palabas ng bayan.
13 Pumunta sila at nagbalita sa iba pang mga alagad ngunit hindi sila naniwala sa kanila.
Lucas 24:13–32
24:13 Masdan ninyo, sa araw ding iyon, dalawa sa kanila ang papunta sa nayon na tinatawag na Emaus, na animnapung stadia ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng nangyari. 15 Nangyari na, habang nag-uusap sila at nagtatanungan sa isat-isa, lumapit si Jesus mismo at sumama sa kanila. 16 Ngunit ang kanilang mga mata ay nahadlangan upang hindi siya makilala.
17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?” Huminto sila na nalulungkot. 18 Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, “Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?”
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila sa kaniya, “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao. 20 At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito.
22 Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga. 23 Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.”
25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” 27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
28 Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa. 29 Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila. 30 At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila. 31 Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin.
32 At sinabi nila sa isa't-isa, “Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?”