Inihula ang Pagpapanumbalik sa mga taga-Juda

597 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 30–31

1 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Yahweh at sinabi, 2 “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Isulat mo mismo sa kasulatang binalumbon ang lahat ng salita na ipinahayag ko sa iyo sa kasulatang binalonbon. 3 Sapagkat tingnan mo, parating na ang mga araw—Ito ang pahayag ni Yahweh—kapag pinanumbalik ko ang mga kayamanan ng aking mga tao, ang Israel at Juda. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Sapagkat ibabalik ko sila sa lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno at aariin nila ito.”'

4 Ito ang mga salita na ipinahayag ni Yahweh tungkol sa Israel at Juda, 5 “Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, ' Narinig namin ang isang nanginginig na tinig ng pangamba at hindi ng kapayapaan. 6 Magtanong at tingnan, kung magsisilang ng isang sanggol ang isang lalaki. Bakit nakikita ko ang bawat batang lalaki na nasa kanilang puson ang kanilang mga kamay? Gaya ng isang babaeng nagsisilang ng isang sanggol, bakit namumutla ang lahat ng kanilang mga mukha? 7 Aba! Sapagkat magiging dakila at walang katulad ang araw na ito. Ito ay magiging panahon ng pagkabalisa para kay Jacob, ngunit maliligtas siya mula rito. 8 Ito ang pahayag ni Yahweh, ang pinuno ng mga hukbo. Sapagkat sa araw na iyon, babaliin ko ang pamatok sa inyong leeg at sisirain ko ang inyong mga tanikala, upang hindi na kayo alipinin ng mga dayuhan kailanman. 9 Ngunit sasamba sila kay Yahweh na kanilang Diyos at maglilingkod kay David na kanilang hari na siyang gagawin kong hari na mamumuno sa kanila. 10 Kaya ikaw Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot at huwag kang panghinaan ng loob, Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat tingnan ninyo, ibabalik ko na kayo sa malayo at ang inyong mga kaapu-apuhan sa lupain ng pagkabihag. Babalik si Jacob at magiging mapayapa at magiging ligtas siya at wala ng katatakutan kailanman 11 Sapagkat ako ay nasa inyo upang iligtas ka—ito ang pahayag ni Yahweh. At magdadala ako ng isang ganap na katapusan sa lahat ng bansa kung saan ko kayo ikinalat. Ngunit tinitiyak ko na hindi ako maglalagay ng katapusan sa inyo, bagaman didisiplinahin ko kayo na may katarungan at tinitiyak kong hindi ko kayo iiwan na hindi naparusahan.'

12 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Ang iyong pinsala ay hindi na magagamot at ang iyong mga sugat ay naimpeksiyon na. 13 Walang sinuman ang nakiusap tungkol sa iyong kalagayan; wala ng lunas ang iyong sugat para ikaw ay pagalingin. 14 Kinalimutan ka na ng lahat ng iyong mga mangingibig. Hindi ka nila hahanapin sapagkat sinugatan kita kagaya ng sugat ng isang kalaban at pagdidisiplina ng isang malupit na panginoon dahil sa iyong napakaraming kasamaan at mga hindi mabilang mong mga kasalanan. 15 Bakit ka humihingi ng tulong para iyong pinsala? Hindi na magagamot ang iyong sakit. Dahil sa napakarami mong kasamaan at hindi mabilang mong mga kasalanan, ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo. 16 Kaya ang lahat ng umubos sa iyo ay mauubos at ang lahat ng iyong mga kaaway ay mabibihag. Sapagkat sa mga nagnakaw sa iyo ay mananakawan at sasamsamin ang lahat ng sumamsam sa iyo. 17 Sapagkat magdadala ako ng kagalingan sa iyo, pagagalingin ko ang iyong mga sugat, ito ang pahayag ni Yahweh. Gagawin ko ito dahil tinawag ka nilang: Itinakwil. Walang nagmamalasakit sa Zion na ito.”'

18 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Tingnan mo, ibinabalik ko na ang mga kasaganaan sa mga tolda ni Jacob at magkakaroon ng pagkahabag sa kaniyang mga tahanan. At itatayo ang lungsod sa bunton ng mga pagkawasak at magkakaroon ng isang matibay na tanggulan na muling magagamit. 19 At ang isang awit ng papuri at isang tunog ng kasiyahan ay lalabas mula sa kanila, sapagkat pararamihin ko sila at hindi babawasan; Pararangalan ko sila upang hindi sila hamakin. 20 At magiging tulad ng dati ang kanilang mga tao at itatatag ang kanilang kalipunan sa aking harapan kapag pinarusahan ko ang lahat ng mga nagpapahirap sa kanila ngayon. 21 Manggagaling mula sa kanila ang kanilang pinuno. Lilitaw siya mula sa kanilang kalagitnaan kapag palalapitin ko siya at kapag lumapit siya sa akin. Kung hindi ko ito gagawin, sino pa ang maglalakas-loob na lumapit sa akin? Ito ang pahayag ni Yahweh. 22 At kayo ay magiging aking mga tao at ako ang magiging Diyos ninyo. 23 Tingnan ninyo, ang silakbo ng matinding galit ni Yahweh ay lumabas na. Ito ay silakbong nagpapatuloy. Iikot ito sa ulo ng mga masasamang tao. 24 Ang matinding poot ni Yahweh ay hindi babalik hanggang hindi natutupad ito at naisasakatuparan ang ninanais ng kaniyang puso. Maiintindihan mo ito sa mga huling araw.

31:1 “Sa panahong iyon—ito ang pahayag ni Yahweh— Ako ang magiging Diyos ng lahat ng mga angkan ng Israel at sila ay magiging mga tao ko.”

2 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ang mga tao na nakaligtas sa dumating na pagpatay sa Israel sa pamamagitan ng espada ay nakasumpong ng biyaya sa ilang.”

3 Nagpakita sa akin si Yahweh noong nakaraan at sinabi, “Minahal kita Israel, ng walang hanggang pagmamahal. Kaya inilapit kita sa aking sarili na may matapat na kasunduan. 4 Itatayo kitang muli, upang sa gayon ikaw ay makatatayo, birheng Israel. Maaari mong damputin muli ang iyong mga tamburin at lumabas nang may mga masasayang sayaw. 5 Muli kayong makapagtatanim ng mga ubasan sa kabundukan ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka at gagamitin ang mga bunga sa mabuti. 6 Sapagkat darating ang araw kapag ipinahayag ng taga-bantay sa kabundukan ng Efraim, 'Tumindig kayo at pumunta tayo sa Sion kay Yahweh na ating Diyos.”'

7 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, “Sumigaw sa galak para kay Jacob! Sumigaw ng may kagalakan para sa pinuno ng mga tao sa mga bansa!. Hayaang marinig ang papuri. Sabihing, 'Iniligtas ni Yahweh ang kaniyang mga tao, ang natitira ng Israel.' 8 Tingnan mo, dadalhin ko na sila sa hilagang mga lupain. Titipunin ko sila sa mga pinakamalayong dako ng mundo. Kasama nila ang mga bulag at pilay, ang mga nagdadalang tao at ang mga malapit nang manganak ay kasama nila. Isang malaking kapulungan ang babalik dito. 9 Darating sila na umiiyak, pangungunahan ko sila habang sila ay nagsusumamo. Paglalakbayin ko sila sa mga batis ng tubig sa isang tuwid na daan. Hindi sila madadapa dito, sapagkat ako ang magiging isang ama ng Israel at ang Efraim ang magiging una kong anak.” 10 “ Dinggin ninyo mga bansa ang salita ni Yahweh. Ibalita sa mga baybayin na nasa kalayuan. Kayong mga bansa, dapat ninyong sabihin, “Ang nagkalat sa Israel ang nagtitipon at nag-iingat sa kaniya kagaya ng pag-iingat ng isang pastol sa kaniyang tupa” 11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob at iniligtas siya sa kamay ng napakalakas para sa kaniya. 12 Pagkatapos, darating sila sa taas ng Sion na may galak. Magagalak sila dahil sa kabutihan ni Yahweh, dahil sa mais at sa bagong alak, sa langis at sa anak ng mga kawan at mga inahin. Sapagkat ang kanilang pamumuhay ay magiging katulad ng isang dinidiligang hardin at hindi na sila muling makakaramdam ng anumang kalungkutan 13 At sasayaw nang may galak ang mga birhen at mga binata at mga matatandang kalalakihan. Sapagkat papalitan ko ang kanilang pagdadalamhati ng pagdiriwang. Kahahabagan ko sila at magagalak sa halip na nagluluksa. 14 Pagkatapos, pananatilihin ko na sagana ang pamumuhay ng mga pari. Mapupuno ang aking mga tao ng aking kabutihan. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

15 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Isang tinig ang narinig sa Rama na nananaghoy at mapait na nagluluksa. Ito ay si Raquel na umiiyak para sa kaniyang mga anak. Tumanggi siyang paaliw sa kanila, sapagkat sila ay patay na.”

16 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Pigilin mo ang iyong tinig sa pagluluksa at ang iyong mga mata sa pagluha, dahil mayroong kabayaran para sa iyong paghihirap. Ito ang pahayag ni Yahweh babalik ang iyong mga anak mula sa lupain ng kalaban. 17 Mayroong pag-asa sa iyong hinaharap, ito ang pahayag ni Yahweh, babalik ang iyong mga kaapu-apuhan sa loob ng kanilang mga hangganan.” 18 Tiyak na narinig kong nagdadalamhati ang Efraim, 'Pinarusahan mo ako at ako ay naparusahan. Ibalik mo ako kagaya ng baka na hindi pa naturuan at ako ay babalik, sapagkat ikaw si Yahweh na aking Diyos. 19 Sapagkat matapos akong tumalikod sa iyo, ako ay nagsisisi; matapos akong maturuan, pinaghahampas ko ang aking hita dahil sa kalungkutan. Ako ay nahihiya at napahiya sapagkat dala-dala ko ang pag-uusig sa aking kabataan. 20 Hindi ba si Efraim ang mahal kong anak? Hindi ba siya ang minamahal at kinalulugdan kong anak? Sapagkat sa tuwing magsasalita ako laban sa kaniya, tinitiyak kong inaalala ko pa rin siya sa aking mapagmahal na isipan. Sa ganitong paraan nananabik ang puso ko sa kaniya. Tinitiyak kong kahahabagan ko siya. Ito ang pahayag ni Yahweh.” 21 Maglagay ka ng mga palatandaan sa daan para sa iyong sarili. Magtayo ka ng mga posteng-patnubay para sa iyong sarili. Ituon mo ang iyong isipan sa tamang landas, ang daan na dapat mong tahakin. Bumalik kayo, birheng Israel! Bumalik kayo sa mga lungsod na ito na pagmamay-ari ninyo. 22 Gaano katagal mong ipagpapatuloy ang pag-aalinlangan anak kong walang pananampalataya? Sapagkat lumikha si Yahweh ng isang bagay na bago sa mundo: nakapalibot ang mga babae sa mga malalakas na lalaki upang protektahan sila.

23 Si Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang nagsabi nito, “Kapag ibinalik ko na ang aking mga tao sa kanilang lupain, sasabihin nila ito sa lupain ng Juda at sa kaniyang mga lungsod, 'Pagpalain ka nawa ni Yahweh, ikaw na matuwid na lugar kung saan siya nananahan, ikaw na banal na bundok. 24 Sapagkat ang Juda at ang lahat ng kaniyang mga lungsod ay sama-samang maninirahan sa kaniya. Naroon ang mga magsasaka at mga pastol kasama ang kanilang mga kawan. 25 Sapagkat bibigyan ko ng tubig na maiinom ang mga napapagod at papawiin ko ang pagdurusa ng bawat isa mula sa pagkakauhaw.”

26 Pagkatapos nito, nagising ako at napagtanto ko na ang pagtulog ko ay naging kaginha-ginhawa.

27 mo, ang mga araw ay dumarating, Ito ang pahayag ni Yahweh, kapag hahasikan ko ang mga tahanan ng Israel at Juda kasama ang mga kaapu-apuhan ng tao at hayop. 28 Sa nakalipas, pinasubaybayan ko sila upang bunutin sila at upang sirain, pabagsakin, wasakin at magdala ng pinsala sa kanila. Ngunit sa darating na mga araw, babantayan ko sila upang itayo sila at upang itanim sila. Ito ang pahayag ni Yahweh.

29 Sa mga araw na iyon, wala nang magsasabi na, 'Kumain ang mga ama ng mga maaasim na ubas, ngunit mapurol ang mga ngipin ng mga bata.'

30 Sapagkat mamamatay ang bawat tao sa kaniyang sariling kasalanan. Magiging mapurol ang mga ngipin ng sinumang kumain ng mga maaasim na ubas. 31 Tingnan mo, paparating na ang mga araw. Ito ang pahayag ni Yahweh. Kapag magtatatag ako ng isang bagong kasunduan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 32 Hindi na ito kagaya ng kasunduan na itinatag ko sa kanilang mga ama sa mga panahong kinuha ko sila sa kanilang mga kamay upang ilabas mula sa lupain ng Egipto. Iyon ang mga araw na nilabag nila ang aking kasunduan, bagaman, ako ay isang asawang lalaki para sa kanila. Ito ang pahayag ni Yahweh. 33 Ngunit ito ang kasunduan na aking itatatag sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na ito. Ito ang pahayag ni Yahweh. Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban at isusulat ito sa kanilang puso, sapagkat ako ang kanilang magiging Diyos at sila ay magiging aking mga tao. 34 At hindi na tuturuan ng bawat tao ang kaniyang kapwa o tuturuan ng isang tao ang kaniyang kapatid at sabihin, “Kilalanin si Yahweh!' Sapagkat lahat sila mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila ay makikilala ako. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan at hindi na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.”

35 Ito ang sinasabi ni Yahweh. Si Yahweh ang nagdudulot sa araw upang magliwanag sa umaga at umaayos sa buwan at sa mga bituin upang magliwanag sa gabi. Siya ang nagpapagalaw ng dagat upang ang alon nito ay dadagundong. Yahweh, ng mga hukbo ang kaniyang pangalan. Ito ang sinasabi niya, 36 “Kung kusang mawawala ang mga permanenteng bagay na ito sa aking paningin —Ito ang pahayag ni Yahweh—hindi titigil ang mga kaapu-apuhan ng Israel sa pagiging isang bansa sa harapan ko.”

37 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Kung ang pinakamataas na kalangitan ay masusukat, at kung malalaman ang pundasyon ng mundo, tatanggihan ko ang lahat ng mga kaapu-apuhan ng Israel dahil sa lahat ng kanilang mga ginawang iyon. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

38 Tingnan mo, paparating na ang mga araw—kapag muling itatayo ang lungsod para sa akin, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Sulok ng Tarangkahan. Ito ang pahayag ni Yahweh. 39 At ang linyang panukat ay muling pupunta sa malalayo, sa burol ng Gareb at sa palibot ng Goah. 40 Ang buong lambak ng libingan at mga abo at ang lahat ng mga parang sa Kapatagan ng Kidron hanggang sa sulok ng Tarangkahan ng Kabayo sa silangan ay ilalaan para sa akin, kay Yahweh. Hindi na ito kayang hugutin o kaya patumbahing muli.