Pinarusahan ang Bulaang Propetang si Ananias

Paunang ipinahihiwatig ang sasapitin ng mga nakapaligid na bansa. Pinarusahan ng kamatayan ang bulaang propetang si Ananias.

595 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 27–28

1 Sa pasimula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula kay Yahweh. 2 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh, “Gumawa ka ng mga tanikala at pamatok para sa iyong sarili. Ilagay mo ang mga ito sa iyong leeg. 3 At ipadala mo ang mga ito sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga Amonita, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon. Ipadala mo ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay ng mga sugo ng hari na pumunta sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda. 4 Magbigay ka ng mga utos sa kanila para sa kanilang mga panginoon at sabihin, 'Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: Ganito ang dapat ninyong sabihin sa inyong mga panginoon, 5 “Ako mismo ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at ng aking nakataas na braso. Ginawa ko rin ang mga tao at mga hayop sa lupa at ibibigay ko ito sa sinumang nararapat sa aking paningin. 6 Kaya ngayon, ako mismo ang magbibigay ng lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod. Gayundin, ibinibigay ko sa kaniya ang mga bagay na nabubuhay sa mga parang upang maglingkod sa kaniya. 7 Sapagkat maglilingkod sa kaniya ang lahat ng mga bansa, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga apo hanggang sa dumating ang panahon na magwakas ang kaniyang lupain. At maraming bansa at mga makapangyarihang hari ang tatalo sa kaniya.

8 Kaya ang bansa at kahariang hindi maglilingkod kay Nebucadnezar, na hari ng Babilonia at hindi maglalagay ng kaniyang leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot hanggang sa mawasak ko sila sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ito ang pahayag ni Yahweh.

9 At kayo! Itigil na ninyo ang pakikinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa mga nagpapaliwanag ng inyong mga panaginip at sa mga salamangkero na nagsasalita sa inyo at sinasabi, 'Huwag ninyong paglilingkuran ang hari ng Babilonia.' 10 Sapagkat nagpapahayag sila ng panlilinlang sa inyo upang sa gayon maipatapon kayo sa malayo mula sa inyong mga lupain, sapagkat ipatatapon ko kayo at kayo ay mamamatay. 11 Ngunit ang bansa na naglalagay ng leeg nito sa pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kaniya, pahihintulutan kong magpahinga sa lupain nito at ihahanda nila ito at gagawa ng kanilang mga tahanan dito. Ito ang pahayag ni Yahweh.”'”

12 Kaya sinabi ko kay Zedekias na hari ng Juda at ibinigay ko sa kaniya ang mensaheng ito, “Ilagay ninyo sa inyong mga leeg ang pamatok ng hari ng Babilonia at paglingkuran siya at ang kaniyang mga tao at mabubuhay kayo. 13 Bakit kayo mamamatay, kayo at ang inyong mga tao sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot, gaya ng ipinahayag ko tungkol sa bansa na tumanggi na paglingkuran ang hari ng Babilonia?

14 Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita sa inyo at sinasabi, 'Huwag ninyong paglilingkuran ang hari ng Babilonia,' sapagkat mga kasinungalingan ang ipinapahayag nila sa inyo. 15 'Sapagkat hindi ko sila isinugo dahil nagpapahayag sila ng panlilinlang sa aking pangalan upang ipatapon ko kayo at mamamatay, kayo at ang mga propeta na nagpapahayag sa inyo. Ito ang pahayag ni Yahweh.'”

16 Ipinahayag ko ito sa mga pari at sa lahat ng tao at sinabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propetang nagpapahayag sa inyo at sinasabi, 'Tingnan ninyo! Ang mga bagay na pag-aari ng tahanan ni Yahweh ay ibinabalik ngayon mula sa Babilonia!' Nagpapahayag sila ng mga kasinungalingan sa inyo. 17 Huwag kayong makinig sa kanila. Dapat ninyong paglingkuran ang hari ng Babilonia at mabuhay. Bakit kailangang maging isang lungsod ng pagkawasak ang lungsod na ito?

18 Kung mga propeta sila at totoo na dumating ang salita ni Yahweh sa kanila, hayaan mong magmakaawa sila kay Yahweh ng mga hukbo na huwag ipadala sa Babilonia ang mga bagay na nananatili sa kaniyang tahanan, ang tahanan ng hari ng Juda at Jerusalem.

19 Sapagkat si Yahweh ng mga hukbo ay nagpapahayag tungkol sa mga haligi, sa ipunan ng tubig at sa pundasyon at sa iba pang mga bagay na nananatili sa lungsod na ito, 20 ang mga bagay na hindi kinuha ni Nebucadnezar, na hari ng Babilonia, nang dinala niya sa pagkabihag si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia kasama ang lahat ng mga maharlika ng Juda at Jerusalem. 21 Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga bagay na nananatili sa tahanan ni Yahweh, ang tahanan ng hari ng Juda at Jerusalem, 22 'Dadalhin ang mga ito sa Babilonia at mananatili doon hanggang sa dumating ang araw na aking itinakda para sa mga ito at dadalhin ko ang mga ito at ibabalik sa lugar na ito.'” Ito ang pahayag ni Yahweh.

28:1 Nangyari ito sa taong iyon, sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ika-apat na taon at sa ika-limang buwan, si Ananias na anak ni Azur na propeta, na mula sa Gibeon ay nagsalita sa akin sa tahanan ni Yahweh sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga tao. Sinabi niya, 2 Si Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito: Binali ko ang pamatok na ipinataw ng hari ng Babilonia. 3 Sa loob ng dalawang taon ibabalik ko sa lugar na ito ang lahat ng mga bagay na pag-aari ng tahanan ni Yahweh na kinuha ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia mula sa lugar na ito at dinala sa Babilonia. 4 At ibabalik ko sa lugar na ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda at lahat ng mga bihag ng Juda na ipinadala sa Babilonia, sapagkat sisirain ko ang pamatok ng hari ng Babilonia.” Ito ang pahayag ni Yahweh.

5 Kaya nagsalita si Jeremias na propeta kay Ananias na propeta sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong nakatayo sa tahanan ni Yahweh. 6 Sinabi ni Jeremias na propeta, “Gawin nawa ito ni Yahweh! Patunayan nawa ni Yahweh ang mga salita na iyong ipinahayag at ibalik sa lugar na ito ang mga bagay na pag-aari ng tahanan ni Yahweh at ang lahat ng mga bihag mula sa Babilonia.

7 Gayunpaman, makinig sa mga salita na aking ipapahayag sa inyong pandinig at sa pandinig ng lahat ng mga tao. 8 Ang mga propeta na nauna sa akin at sa inyo matagal ng panahon ang lumipas ay nagpahayag din tungkol sa maraming bansa at laban sa mga dakilang kaharian, tungkol sa digmaan, tag-gutom at salot. 9 Kaya ang propetang nagpapahayag na magkakaroon ng kapayapaan, kung magkakatotoo ang kaniyang sinabi, kung gayon malalaman na tunay siyang propeta na isinugo ni Yahweh.”

10 Ngunit kinuha ni Ananias na propeta ang pamatok sa leeg ni Jeremias na propeta at binali ito. 11 At nagsalita si Ananias sa harap ng lahat ng tao at sinabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh, Katulad lamang nito, sa loob ng dalawang taon babaliin ko mula sa leeg ng bawat bansa ang pamatok na ipinataw ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia.” At nagpatuloy sa kaniyang daan si Jeremias na propeta. 12 Pagkatapos baliin ni Ananias na propeta ang pamatok mula sa leeg ni Jeremias na propeta, ang salita ni Yahweh ay dumating kay Jeremias at sinabi, 13 “Pumunta ka at magsalita kay Ananias at sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: binali mo ang pamatok na kahoy, ngunit, sa halip gagawa ako ng pamatok na bakal.”

14 Sapagkat si Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito: Inilagay ko ang pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang paglingkuran si Nebucadnezar na hari ng Babilonia at maglilingkod sila sa kaniya. Ibinigay ko rin sa kaniya ang mababangis na hayop sa mga parang upang pamunuan.”

15 Sumunod na sinabi ni Jeremias na propeta kay Ananias na propeta, “Makinig ka Ananias! hindi ka sinugo ni Yahweh, ngunit ikaw mismo ang naging dahilan upang maniwala sa kasinungalingan ang mga taong ito. 16 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan mo palalayasin na kita sa mundong ito. Mamamatay ka sa taon na ito, yamang ipinahayag mo ang paghihimagsik laban kay Yahweh.”

17 At namatay si Ananias na propeta sa ika-pitong buwan sa taong iyon.