Bahagi 15: Ang Paghahari ni Amon
643 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
19 Dalawampu't dalawang taong gulang si Amon nang magsimula siyang maghari; naghari siya ng dalawang taon sa Jerusalem. Meshulemet ang pangalan ng kaniyang ina, na anak ni Haruz ng Jotba. 20 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang ama na si Manasses. 21 Sinunod ni Amon ang lahat ng landas na tinahak ng kaniyang ama at sinamba ang mga diyus-diyosan na sinamba ng kaniyang ama, at lumuhod sa kanila. 22 Iniwan niya si Yahweh, ang Diyos ng kaniyang mga ama, at hindi lumakad sa daan ni Yahweh.
23 Nagbanta ang mga lingkod ni Amon laban sa kaniya at pinatay ang hari sa sarili niyang tahanan. 24 Pero pinatay ng mga mamamayan ng lupain ang lahat ng nagkaisa laban kay Haring Amon, at ginawa nilang hari si Josias ang anak ng hari bilang kaniyang kapalit.
25 Para sa iba pang mga bagay tungkol sa ginawa ni Amon, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 26 Nilibing siya ng mga tao sa kaniyang puntod sa hardin ni Uza, at si Josias na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.
21 Dalawampu't dalawang taon si Ammon nang siya ay nagsimulang maghari; naghari siya ng dalawang taon sa Jerusalem. 22 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang amang si Manases. Naghandog siya sa lahat ng inukit na imahe na ginawa ng kaniyang amang si Manases, at sinamba niya ang mga ito. 23 Hindi siya nagpakumbaba sa harapan ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang amang si Manases. Sa halip, lalo pang nagkasala si Ammon.
24 Ang kaniyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kaniya at pinatay siya sa kaniyang sariling bahay. 25 Ngunit pinatay ng mga tao ang lahat ng mga nagsabwatan laban kay haring Ammon, at ginawa nila si Josias, na kaniyang anak, bilang hari na kapalit niya.