Ang Pagkabihag at Kamatayan ni Manases

676 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 33:11–20

11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa pinuno ng hukbo ng Hari ng Asiria, na bumihag kay Manases nang nakakadena, at nilagyan ng tanikala ang kanyang mga paa, at dinala siya sa Babilonia. 12 Nang nagdurusa si Manases, nagmakaawa siya kay Yahweh, na kaniyang Diyos at labis siyang nagpakumbaba sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. 13 Nanalangin siya sa kaniya; at nagmakaawa siya sa Diyos, at dininig ng Diyos ang kaniyang pagmamakaawa at dinala siya pabalik sa Jerusalem, sa kaniyang pagiging hari. At napagtanto ni Manases na Diyos si Yahweh.

14 Pagkatapos nito, gumawa si Manases ng panlabas na pader sa lungsod ni David, sa kanlurang bahagi ng Gihon, sa lambak, hanggang sa pasukan na tinatawag na Isdang Tarangkahan. Pinalibutan niya ang burol ng Ofel ng mga napakataas na pader. Naglagay siya ng mga matatapang na pinuno ng kawal sa lahat ng mga pinagtibay na lungsod ng Juda.

15 Inalis niya ang mga diyos ng mga dayuhan, inalis niya ang mga diyus-diyosang mula sa tahanan ni Yahweh at lahat ng altar na itinayo niya sa bundok ng tahanan ni Yahweh at sa Jerusalem, at itinapon ang mga ito palabas ng lungsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog doon ng mga handog pangkapayapaan at handog ng pasasalamat; inutusan niya ang Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Gayuman nag-alay pa rin ang mga tao sa dambana, ngunit ang kanilang alay ay kay Yahweh lamang, na kanilang Diyos.

18 Tungkol naman sa iba pang mga bagay ukol kay Manases, ang panalangin niya sa kaniyang Diyos, at ang sinabi ng mga Propetang nakipag-usap sa kaniya sa pangalan ni Yahweh, na Diyos ng Israel, nakasulat ang mga ito sa mga ginawa ng mga hari ng Israel. 19 Gayundin, ang kaniyang panalangin at kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, lahat ng kaniyang kasalanan at paglabag, at ang mga lugar kung saan siya nagtayo ng mga dambana at naglagay ng mga imahen ni Ashera at ng mga inukit na imahe bago siya nagpakumbaba—nakasulat ang mga ito sa Kasayasayan ng mga Propeta. 20 Namatay si Manases kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing siya sa kaniyang sariling bahay. Si Ammon, na kaniyang anak, ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Hari 21:17–18

17 Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Manasses, lahat ng kaniyang ginawa, at ang kasalanan na kaniyang ginawa, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Juda?

18 Nahimlay si Manasses kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa hardin ng sarili niyang bahay, sa hardin ni Uza. Ang kaniyang anak na si Amon ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Cronica 33:1–10

1 Labing dalawang taong gulang si Manases nang nagsimula siyang maghari; naghari siya ng limampu't limang taon sa Jerusalem. 2 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, tulad ng mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga tao na pinalayas ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel. 3 Sapagkat itinayo niyang muli ang dambana na giniba ni Ezequias, na kaniyang ama, nagpagawa siya ng altar para kay Baal, at nagtayo siya ng imahen ni Ashera, at lumuhod siya upang sambahin ang lahat ng mga bituin sa langit.

4 Nagtayo si Manases ng mga altar ng mga pagano sa tahanan ni Yahweh, bagaman iniutos ni Yahweh na, “Dito sa Jerusalem sasambahin ang aking pangalan magpakailanman.” 5 Nagtayo siya ng mga altar para sa lahat ng bituin sa langit sa dalawang patyo sa tahanan ni Yahweh. 6 Inihandog niya ang kaniyang mga anak bilang mga handog na susunugin sa lambak ng Ben Hinnom; nagsagawa siya ng panghuhula, pangkukulam at salamangka, at sumangguni sa mga nakikipag-usap sa mga patay at sa mga nakikipag-usap sa espiritu. Marami siyang isinasagawang masasama sa paningin ni Yahweh, at ginalit niya ang Diyos.

7 Ang inukit na imahen ni Ashera na kaniyang pinagawa, inilagay niya ito sa tahanan ng Diyos. Ang tahanang ito ang tinutukoy ng Diyos kay David at sa kaniyang anak na si Solomon. Sinabi niya “Sa bahay na ito at sa Jerusalem, na aking pinili mula sa lahat ng mga tribo ng Israel, dito sasambahin ang aking pangalan magpakailanman. 8 Hindi ko palalayasin ang mga Israelita kailanman sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung maingat lamang nilang susundin ang lahat ng iniutos ko sa kanila, susundin ang lahat ng mga batas, kautusan, at alituntunin na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises.”

9 Pinamunuan ni Manases ang mga taga-Judah at ang mga nakatira sa Jerusalem na gumawa ng masasama ng higit pa sa ginawa ng mga bansang pinuksa ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel.

10 Nakipag-usap si Yahweh kay Manases, at sa kaniyang mga tao; ngunit hindi nila pinakinggan.

Ang Dating mga Lupain ng Sampung Lipi 678 B.C.

Ang kalagayan ng mga lalawigang dating hawak ng sampung lipi.

2 Mga Hari 17:24–41

24 Nagdala ng mga tao ang hari ng Asiria mula Babilonia at mula Cuta, at mula Avva, at mula Hamat at Separvaim, at inilagay sila sa mga lungsod ng Samaria kapalit ng mga Israelita. Pinamahalaan nila ang Samaria at nanirahan sa mga lungsod nito.

25 Naganap ito sa simula ng kanilang paninirahan doon na hindi nila pinarangalan si Yahweh. Kaya nagsugo ng mga leon si Yahweh sa kalagitnaan nila na pumatay ng ilan sa kanila. 26 Kaya sila ay nakipag-usap sa hari ng Asiria, nagsabing, ''Ang bansang dinala mo at inilagay sa mga lungsod ng Samaria ay walang alam sa mga kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain. Kaya siya ay nagsugo ng mga leon sa aming kalagitnaan, at, tingnan mo, pinapatay ng mga leon ang mga tao dahil hindi nila alam ang kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain.

27 Pagkatapos pinag-utos ng hari ng Asiria, sinasabing, '''Kunin ang isa sa mga pari na dinala mo mula roon, at pakawalan siya at hayaang mamuhay doon, at hayaang siyang turuan sila ng kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain.''

28 Kaya ang isang pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at namuhay sa Bethel; sila ay tinuruan niya kung paano nila dapat pararangalan si Yahweh.

29 Ang bawat katutubo ay gumagawa ng kanilang sariling diyos, at nilalagay sila sa mga dambana na ginawa ng mga Samaritano - bawat katutubo sa mga lungsod kung saan sila naninirahan. 30 Ginawa ng taga-Babilonia si Succot Benot; ginawa ng taga-Cut si Nergal; ginawa ng taga-Hamat si Asima; 31 ginawa ng mga Awites si Nibhaz at Tartak; at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak kay Adrammelek at Anammelek, ang mga diyos ng mga Sefarvita.

32 Pinarangalan din nila si Yahweh, at nagtalaga mula sa kanilang sarili ng mga pari sa mga matataas na lugar, na nag-aalay para sa kanila sa templo sa mga dambana. 33 Pinarangalan nila si Yahweh at sumamba rin sa kanilang mga diyos, sa kaugalian ng mga bansa pinanggalingan nila.

34 Sa mga araw na ito nanatili sila sa kanilang sinaunang kaugalian. Hindi nila pinararangalan si Yahweh, ni sundin nila ang mga bilin, atas, ang batas, o ang utos na ibinigay ni Yahweh sa bayan ni Jacob - na siyang pinangalanang Israel - 35 at sa kanila nakipagtipan si Yahweh at inutusan sila, ''Huwag ninyong katatakutan ang ibang mga diyos, ni yuyukod sa mga iyon, ni sasambahin sila, ni mag-aalay sa kanila. 36 Pero si Yahweh, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Egipto nang may dakilang kapangyarihan at isang nakataas na kamay, ay siyang ninyong pararangalan; sa kaniya kayo magpapatirapa, at mag-aalay. 37 Ang mga kautusan at mga atas, ang batas at ang mga utos na sinulat niya sa inyo, ay dapat ninyong sundin magpakailanman. Kaya hindi ninyo dapat katakutan ang ibang mga diyos, 38 at ang tipang ginawa ko sa inyo, ay hindi ninyo makalilimutan; at hindi ninyo pararangalan ang ibang mga diyos. 39 Pero si Yahweh inyong Diyos ay siyang ninyong pararangalan. Siya ang magliligtas sa iyo mula sa kapangyarihan ng inyong mga kaaway.''

40 Hindi sila makikinig, dahil patuloy nilang ginagawa ang ginawa nila dati. 41 Kaya may takot ang mga bansang ito kay Yahweh at sinamba rin ang kanilang mga inukit na imahe, at ganoon din ang ginawa ng kanilang mga anak - tulad ng ginawa ng kanilang mga apo. Nagpapatuloy sila sa ginawa ng kanilang ninuno, hanggang sa araw na ito.