Bahagi 5: Itinatag ang Paskua
1491 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nakipag-usap si Yahweh kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto. Sinabi niya, 2 “Para sa inyo, ang buwan na ito ay magiging simula ng mga buwan, ang unang buwan ng taon sa inyo.
3 Sabihan ang kapulungan ng Israel, 'Sa ikasampung araw ng buwan na ito dapat kumuha ang bawat isa ng isang tupa o batang kambing para sa kanilang mga sarili, gagawin ito ng bawat pamilya, isang tupa para sa bawat sambahayan. 4 Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang tupa, ang tao at sa kaniyang kapitbahay ay kukuha ng tupa o karne ng batang kambing na sapat para sa bilang ng tao. Dapat ito ay sapat para sa bawat isa na kakain, kaya kailangan nilang kumuha ng sapat na karne para ipakain sa kanilang lahat.
5 Ang inyong tupa o batang kambing ay dapat walang kapintasan, isang taong gulang na lalaki. Maaari ninyong kunin ang isa sa tupa o mga kambing. 6 Kailangan ninyong ingatan ito hanggang sa ikalabing-apat na araw sa buwan na iyon. Pagkatapos kailangang papatayin ang mga hayop na ito ng buong kapulungan ng Israel sa takip-silim. 7 Kailangan ninyong kumuha ng ilang dugo at ipahid sa dalawang magkabilang poste ng pintuan at sa itaas ng balangkas ng pintuan ng mga bahay na kung saan kakainin ninyo ang karne.
8 Dapat ninyong kainin ang karne sa gabing iyon, pagkatapos na ihawin ito sa apoy. Kainin ninyo ito ng may tinapay na walang lebadura, kasama ang mga mapapait na damong-gamot.
9 Huwag ninyong kainin itong hilaw o pinakuluan sa tubig. Sa halip, ihawin ninyo ito sa apoy kasama ang ulo, mga binti at ng lamang-loob. 10 Huwag ninyong hayaan na may matira nito hanggang umaga. Dapat ninyong sunugin ito anuman ang natira sa umaga.
11 Ganito dapat kung paano ninyo ito kakainin: Suot ang inyong sinturon sa inyong baywang, ang inyong mga sapatos sa inyong paa, at inyong tungkod sa kamay. Kailangan ninyong kainin ito ng mabilisan. Ito ang Paskua ni Yahweh.
12 Sinabi ito ni Yahweh: Pupunta ako sa buong lupain ng Ehipto sa gabing iyon at sasalakayin ang lahat ng mga panganay na anak ng tao at ng hayop sa lupain ng Ehipto. Dadalhin ko ang kaparusahan sa lahat ng mga diyos ng Ehipto. Ako ay si Yahweh. 13 Ang dugo ay magiging isang palatandaan sa inyong mga tahanan para sa pagdating ko sa inyo. Kapag nakita ko ang dugo, lalagpasan ko lang kayo kapag sinalakay ko ang lupain ng Ehipto. Ang salot na ito ay hindi dadapo sa inyo at wawasak sa inyo.
14 Ang araw na ito ay magiging araw ng pag-alaala para sa inyo, kung saan dapat ninyong sundin bilang isang pista para kay Yahweh. Ito ay mananatiling isang batas para sa inyo, sa lahat ng inyong mga salinlahi, na dapat ninyong sundin ngayong araw. 15 Kakain kayo ng tinapay na walang lebadura sa loob ng pitong araw. Sa unang araw aalisin ninyo ang lebadura mula sa inyong mga tahanan. Ang sinumang kakain ng may lebadurang tinapay mula sa unang araw at hanggang sa ika-pitong araw, ang taong ito ay dapat itiwalag mula sa Israel.
16 Sa unang araw magkakaroon ng isang pagpupulong para ilaan sa akin, at sa ika-pitong araw magkakaroon ng ibang ganoong pagtitipon. Walang trabahong gagawin sa mga araw na ito, maliban sa pagluluto para sa makakain ng lahat. Iyon lang dapat ang trabaho na maaari ninyong gawin.
17 Dapat ninyong pagmasdan ang Pista ng Tinapay na walang Lebadura dahil sa araw na ito dadalhin ko ang inyong bayan, armadong grupo sa armadong grupo, palabas sa lupain ng Ehipto. Kaya dapat ninyong sundin ang araw na ito sa lahat ng salinlahi ng inyong bayan. Ito ay mananatiling isang batas para sa inyo. 18 Dapat kayong kumain ng tinapay na walang lebadura mula sa takipsilim ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan ng taon, hanggang sa takipsilim ng ikadalawampu't isang araw ng buwan. 19 Sa loob ng pitong araw na ito, dapat walang lebadura ang makikita sa loob ng inyong mga tahanan. Kung sinuman ang kakain ng tinapay na may lebadura ay dapat itiwalag sa komunidad ng Israel, kahit na ang taong iyon ay isang dayuhan o isang taong ipinanganak sa inyong lupain. 20 Dapat kayong kumain ng walang lebadura. Saanman kayo manirahan, dapat kayong kumain ng tinapay na walang lebadura.'”