Ang Talinghaga ng Mabuting Pastol

Sa talinghaga (alegorya) ng mabuting pastol, inilalarawan ni Jesus ang mga Pariseong laban sa kaniya at ipinahihiwatig na mamamatay siya para sa kaniyang kawan at muling mabubuhay.

Jerusalem

A.D. 29 o 28

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Juan 10:1–21

10:1 “Tunay nga, sinasabi ko sa inyo, ang hindi pumasok sa pamamagitan ng pinto papasok sa kulungan ng tupa, subalit umaakyat sa ibang daanan, ang taong iyon ay isang magnanakaw at isang tulisan. 2 Ang pumapasok sa pamamagitan ng pinto ay ang tagapag-alaga ng tupa. 3 Binubuksan siya ng tagapagbantay ng tarangkahan. Pinapakinggan ng mga tupa ang kaniyang boses, at tinatawag niya ang sarili niyang tupa sa kani-kanilang pangalan at pinangungunahan silang palabas.

4 Kapag nailabas na niya ang lahat nang sariling kaniya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa sapagkat kilala nila ang kaniyang boses. 5 Hindi sila susunod sa isang estranghero ngunit sa halip ay iiwasan ito, sapagkat hindi nila kilala ang boses ng mga estranghero.”

6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang mga bagay na ito na sinasabi niya sa kanila. 7 Pagkatapos muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Tunay nga, sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto ng mga tupa. 8 Lahat nang naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang tarangkahan. Kung sinumang pumapasok sa pamamagitan ko, siya ay maliligtas; siya ay papasok at lalabas at makakahanap ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.

11 Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang isang bayarang-lingkod, na hindi isang pastol, na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo at pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. Tinatangay ng lobo ang mga ito at pinangangalat ang mga ito. 13 Siya ay tatakbo dahil siya ay isang bayarang-lingkod at hindi nagmamalasakit sa mga tupa.

14 Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang sa akin, at ang sa akin ay nakikilala ako. 15 Kilala ako ng Ama, at kilala ko ang Ama, at ibinigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol.

17 Ito ang dahilan kung bakit ako iniibig ng Ama: Ibibigay ko ang aking buhay upang muli kong kunin. 18 Walang sinumang kukuha nito sa akin, kundi kusa ko itong ibibigay. Ako'y mayroong kapangyarihang ibigay ito, at mayroon din akong kapangyarihan na ito ay kunin muli. Natanggap ko ang utos na ito mula sa Ama.”

19 Isang pagkakabaha-bahagi ang muling nangyari sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 Sinabi ng marami sa kanila, “Mayroon siyang demonyo at nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?”

21 Sinabi ng iba, “Hindi ito ang mga pahayag ng isang inaalihan ng isang demonyo. Kaya ba ng isang demonyo na makapagpadilat ng mga mata ng isang bulag?”

Ang Misyon ng Pitumpu

Ang misyon ng Pitumpu, at ang kagalakan ni Cristo sa kanilang gawain nang bumalik sila.

Narito ang mga bagay na si Lucas lamang ang nagsasalaysay, na malamang na nangyari sa Judea. Ang ilan sa mga ito ay katulad ng mga pangyayari at mga pagtuturo sa ministeryo sa Galilea na isinasalaysay nina Mateo at Marcos.

Malamang sa Judea

(Ihambing sa misyon ng Labindalawa.)

Lucas 10:1–24

10:1 Ngayon, pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghirang ng pitumpung iba pa, at isinugo sila nang dalawahan para mauna sa kaniya sa bawat lungsod at lugar na ninanais niyang puntahan. 2 Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin, ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Kaya nga madaliing manalangin sa Panginoon ng ani, upang magpadala siya ng manggagawa sa kaniyang ani.

3 Humayo kayo sa inyong lakad. Tingnan, Sinusugo ko kayo bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, lalagyang panglakbay, ni mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.

5 Anumang mga bahay na inyong tutuluyan, una ninyong sabihin, 'Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.' 6 Kung ang isang taong payapa ay naroon, ang inyong kapayapaan ay mapapasakaniya, ngunit kung hindi, ito ay babalik sa iyo. 7 Manatili kayo sa bahay na iyon, kumain at uminom ng anumang ibigay nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.

8 Sa lungsod na inyong tutuluyan, at kayo ay tinanggap, kumain kayo ng anumang ihain sa inyong harapan, 9 at pagalingin ninyo ang may sakit na naroroon. Sabihin niyo sa kanila, 'Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.'

10 Ngunit sa anumang mga lungsod na inyong pupuntahan, at hindi nila kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 'Kahit ang alikabok mula sa inyong lungsod na kumapit sa aming mga paa ay aming pinupunasan laban sa inyo! Ngunit alamin ito, ang kaharian ng Diyos ay malapit na.' 12 Sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, higit na mapagtitiisan ang Sodoma kaysa sa lungsod na iyon.

13 Aba sa inyo, Corazin! Aba sa inyo Betsaida! Kung ang makapangyarihang mga gawa na nagawa sa inyo ay nagawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupo sa telang magaspang at sa mga abo. 14 Ngunit mapagtitiisan pa ang Tiro at Sidon sa panahon ng paghuhukom kaysa sa inyo.

15 Ikaw, Capernaum, naiisip mo ba na ikaw ay itataas sa langit? Hindi, kayo ay ibababa sa Hades.

16 Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, at ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.”

17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan.”

18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat. 19 Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan. 20 Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”

21 Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, “Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin.”

22 ''Ang lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin mula sa aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak, at kanino man na naisin ng Anak na ipahayag siya.”

23 Nang humarap siya sa mga alagad, sinabi niya nang bukod, “Pinagpala ang mga nakakakita sa mga bagay na nakikita ninyo. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming mga propeta at mga hari na hinangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, at hindi nila ito nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig, at hindi nila narinig.”