Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

Sinasagot ni Jesus ang isang dalubhasa sa kautusan na nagtatanong tungkol sa buhay na walang hanggan, at isinasalaysay ang talinghaga ng mabuting Samaritano.

Malamang sa Judea

A.D. 29 o 28

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Lucas 10:25–37

10:25 Masdan ito, may isang guro ng kautusan ng Judio na tumindig at sinubukan siya, sinabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”

26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nakasulat sa kautusan? Paano mo ito binabasa?”

27 Sumagot na nagsabi siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

28 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong sinabi. Gawin mo ito, at mabubuhay ka.”

29 Ngunit ang guro na naghahangad na na bigyang katuwiran ang kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

30 Sumagot na nagsabi si Jesus, “May isang tao na bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem. Nahulog siya sa kamay ng mga magnanakaw, na sumamsam sa kaniyang mga ari-arian, at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na.

31 Nagkataon na may isang pari ang bumaba sa daang iyon, at nang siya ay nakita nito, siya ay dumaan sa kabila ng daan.

32 Gayon din naman sa isang Levita, nang siya ay dumating sa lugar at nakita siya, ay dumaan sa kabila ng daan.

33 Ngunit isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya. Nang makita siya, siya ay nahabag. 34 Lumapit siya sa kaniya at binendahan ang kaniyang mga sugat, nilagyan ng langis at alak ang mga ito. Sinakay siya sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-panuluyan, at inalagaan siya.

35 Nang sumunod na araw, siya ay kumuha ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Alagaan mo siya at anumang magagastos mong labis, sa aking pagbalik, babayaran kita.'

36 Sino sa tatlong ito, sa tingin mo, ang naging isang kapwa sa kaniya na nahulog sa mga magnanakaw?”

37 Sinabi ng guro, “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka at gayon din ang gawin mo.”

Panauhin nina Marta at Maria si Jesus

Bethania, malapit sa Jerusalem

Lucas 10:38–42

10:38 Ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, siya ay pumunta sa isang nayon, at isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa loob ng kaniyang bahay. 39 Mayroon siyang isang kapatid na nagngangalang Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kaniyang salita. 40 Ngunit si Marta ay sobrang abala sa paghahanda ng pagkain. Lumapit siya kay Jesus, at sinabi, “Panginoon, pababayaan mo ba na iniwan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Kaya sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.”

41 Ngunit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kaniya, “Marta, Marta, masyado kang abala tungkol sa maraming bagay, 42 ngunit iisang bagay lamang ang kinakailangan. Pinili ni Maria kung ano ang pinakamabuti, na hindi makukuha mula sa kaniya.”

Muling Nagbibigay si Jesus ng Huwaran ng Panalangin

Muling nagbibigay si Jesus ng huwaran ng panalangin at hinihikayat ang kaniyang mga alagad na manalangin. Ang talinghaga ng matiyagang kaibigan.

Malamang sa Judea

Lucas 11:1–13

11:1 At nangyari nang si Jesus ay nananalangin sa isang lugar, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin na gaya ng tinuro ni Juan sa kaniyang mga alagad.”

2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mananalangin, sabihin ninyo, 'Ama, sambahin ang iyong pangalan. Ang kaharian mo ay dumating. 3 Bigyan mo kami ng aming tinapay sa araw-araw. 4 Patawarin mo kami sa aming mga kasalan gaya ng pagpapatawad namin sa may pagkakautang sa amin. Huwag mo kaming itungo sa tukso.'”

5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan, at pupunta ka sa kaniya sa hating gabi, at sasabihin mo sa kaniya, 'Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay, 6 sapagkat kararating lamang ng isang kaibigan ko mula sa paglalakbay at wala akong anumang maihahanda sa kaniya.'

7 At ang nasa loob na sasagot na magsasabi na, 'Huwag mo akong gambalain. Sarado na ang pinto, ako at ang aking mga anak ay nakahiga na. Hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo ng tinapay.'

8 Sinasabi ko sa inyo, kahit na siya ay hindi bumangon at magbigay sa iyo ng tinapay dahil ikaw ay kaibigan niya, ngunit dahil sa iyong hindi nahihiyang pagpupumilit, siya ay babangon at bibigyan ka ng tinapay ayon sa dami ng iyong kailangan.

9 Sinasabi ko rin sa inyo, humingi kayo at ito ay maibibigay sa inyo, maghanap at inyong matatagpuan. Kumatok, at ito ay mabubuksan para sa inyo. 10 Sapagkat ang bawat tao na humihingi ay makatatanggap at ang tao na naghahanap ay makatatagpo at sa tao na kumakatok, ito ay mabubuksan.

11 Aling ama sa inyo, kung ang iyong anak na lalaki ay humingi ng isda ay bibigyan mo ng ahas sa halip na isda? 12 O kung siya ay humingi ng itlog, bibigyan mo ba siya ng alakdan? 13 Kaya, kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama mula sa langit na ibibigay ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kaniya?”