Muling Kinuha ang mga Aliping Hebreo

Nang umalis ang mga Caldeo, muling kinuha ang mga aliping Hebreo.

589 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 34:11–22

11 Ngunit pagkatapos nito, nagbago ang kanilang mga isip. Pinabalik nila ang mga aliping kanilang pinalaya. Pinilit nila silang maging mga alipin muli.

12 Kaya ang salita ni Yahweh ay dumating kay Jeremias at sinabi, 13 “Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Ako mismo ang nagtatag ng isang kasunduan sa inyong mga ninuno sa panahong inilabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa tahanan ng pagkakaalipin. Iyon ay nang sinabi ko, 14 “Sa pagtatapos ng bawat ika-pitong taon, ang bawat tao ay dapat palayain ang kaniyang kapatid, mga kapwa niyang Hebreo na ibinenta ang kaniyang sarili sa inyo at naglingkod sa inyo ng anim na taon. Palayain ninyo siya sa paglilingkod sa inyo.” Ngunit hindi nakinig o nagbigay ng pansin ang iyong mga ninuno sa akin.

15 Ngayon, kayo mismo na nagsisi at nagsimulang gawin ang tama sa aking paningin. Ipinahayag ninyo ang kalayaan, sa bawat tao sa kaniyang kapwa. At itinatag ninyo ang isang kasunduan sa aking harapan sa tahanan na tinawag sa aking pangalan. 16 Ngunit tumalikod kayo at dinungisan ang aking pangalan, pinabalik ninyo sa bawat tao ang kanilang mga aliping lalaki at babae, ang mga pinalaya ninyo upang pumunta kung saan nila naisin. Pinilit ninyo sila na maging mga alipin ninyong muli.'

17 Kaya sinasabi ito ni Yahweh, 'Kayo mismo ay hindi nakinig sa akin. Dapat ipinahayag ninyo ang kalayaan, bawat isa sa inyo, sa inyong mga kapatid at kapwa Israelita. Kaya tingnan ninyo! Ipapahayag ko na ang kalayaan sa inyo—ito ang pahayag ni Yahweh—kalayaan sa espada, sa salot at taggutom, sapagkat gagawa ako ng kakila-kilabot na bagay sa paningin ng bawat kaharian sa lupa.

18 At parurusahan ko ang mga taong lumabag sa aking kasunduan, silang hindi sumunod sa mga salita ng kasuduang ipinatupad nila sa aking harapan noong hinati nila ang isang toro sa dalawa at lumakad sa pagitan ng mga bahagi nito, 19 at pagkatapos lumakad sa pagitan ng mga bahagi ng toro ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko at mga pari, at lahat ng mga tao sa lupain. 20 Ibibigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway at sa mga naghahangad ng kanilang buhay. Magiging pagkain ng mga ibon sa kalangitan at mga hayop sa lupa ang kanilang mga katawan. 21 Kaya ibibigay ko si Zedekias na hari ng Juda at ang kaniyang mga pinuno sa kamay ng kanilang mga kaaway at sa mga naghahangad ng kanilang buhay at sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia na tumindig laban sa inyo.

22 Tingnan ninyo, magbibigay ako ng isang utos—ito ang pahayag ni Yahweh—at ibabalik ko sila sa lungsod na ito upang makipagdigma laban dito at sasakupin, at sunugin nila ito. Sapagkat gagawin kong nawasak na mga lugar ang mga lungsod ng Juda kung saan walang makakatira roon.'''

Muling Ikinulong si Jeremias

Sinubukan ni Jeremias na tumakas mula sa Jerusalem, at muli siyang ikinulong.

Jeremias 37:11–21

11 At nang paalis na ang hukbo ng mga Caldeo sa Jerusalem, paparating din ang hukbo na Faraon, 12 at lumabas si Jeremias mula sa Jerusalem upang pumunta sa lupain ng Benjamin. Ninais niyang kunin ang kaunting bahagi ng isang ari-arian sa lupain doon sa kaniyang mga tao. 13 Habang nasa Tarangkahan siya ng Benjamin, nandoon ang isang pinunong bantay. Ang kaniyang pangalan ay Irijas na anak ni Selemias na anak ni Hananias. Hinawakan niya ng mahigpit si Jeremias na propeta at sinabi, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga Caldeo.”

14 Ngunit sinabi ni Jeremias, “Hindi iyan totoo. Hindi ako tumatakas upang kumampi sa mga Caldeo.” Ngunit hindi nakinig si Irijas sa kaniya. Kinuha niya si Jeremias at dinala siya sa mga opisyal.

15 Nagalit ang mga opisyal kay Jeremias. Binugbog nila siya at inilagay sa bilangguan na tahanan ni Jonatan na eskriba, sapagkat ginawa nila itong bilangguan.

16 Kaya inilagay si Jeremias sa seldang nasa ilalim ng lupa, kung saan siya nanatili ng maraming araw.

17 At nagpadala si Haring Zedekias ng isang tao na nagdala sa kaniya sa palasyo. Sa kaniyang tahanan, tinanong siya ng hari ng sarilinan, “Mayroon bang ibang salita mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon pang isang salita: Ibibigay kayo sa kamay ng hari ng Babilonia.”

18 At sinabi ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Paano ako nagkasala laban sa iyo, sa iyong mga lingkod o sa mga taong ito upang ilagay mo ako sa bilangguan? 19 Nasaan ang iyong mga propeta, ang mga nanghula para sa iyo at sinabing ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa iyo o laban sa lupaing ito? 20 Ngunit ngayon, makinig ka aking panginoon na hari! Hayaan mo na ang aking pagsamo ay makarating sa iyong harapan. Huwag mo akong ibalik sa tahanan ni Jonatan na eskriba, kung hindi mamamatay ako roon.”

21 Kaya nagbigay ng isang utos si Haring Zedekias. ipinasok ng kaniyang lingkod si Jeremias sa loob ng patyo ng mga bantay. Binibigyan siya ng isang tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga panadero, hanggang maubos ang lahat ng tinapay sa lungsod. Kaya nanatili si Jeremias sa patyo ng mga bantay.

Inulit ni Jeremias ang Kanyang mga Propesiya sa Hari 588 B.C.

Nang lumapit sa kanya ang hari upang humingi ng tulong, inulit ni Jeremias ang kanyang mga naunang propesiya.

Jeremias 21

1 Ito ang salita na nagmula kay Yahweh para kay Jeremias nang ipinadala ni Haring Zedekias si Pashur na anak ni Malchias at ang pari na si Zefanias na anak ni Maaseias sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya, 2 “Humingi ka ng payo mula kay Yahweh para sa amin, sapagkat nakikipagdigma sa amin si Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Marahil ay gagawa si Yahweh ng mga himala para sa amin gaya ng mga nakalipas na panahon at gagawa siya ng paraan para umurong siya sa amin.”

3 Kaya sinabi ni Jeremias sa kanila, “Ito ang dapat ninyong sabihin kay Zedekias, 4 sinabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tingnan ninyo, ibabalik ko ang mga sandatang pandigma na nasa inyong kamay, na inyong ginagamit sa pakikipaglaban sa hari ng Babilonia at sa mga Caldeo na pumapalibot sa inyo mula sa labas ng mga pader! Sapagkat titipunin ko sila sa gitna ng lungsod na ito. 5 At ako mismo ang lalaban sa inyo na nakataas ang kamay at malakas na bisig, at may matinding poot, kabangisan at matinding galit. 6 Sapagkat lulusubin ko ang mga naninirahan sa lungsod na ito, maging tao at hayop. Mamamatay sila sa matinding salot.

7 Pagkatapos nito— ito ang pahayag ni Yahweh—si Zedekias na hari ng Juda, ang kaniyang mga lingkod, ang mga tao, at ang sinumang natira sa lungsod na ito pagkatapos ng salot, ang espada at ang kagutuman—ipapasakamay ko silang lahat kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia, na kanilang mga kaaway at sa mga naghahangad ng kanilang buhay. At papatayin niya sila gamit ang talim ng espada. Hindi niya sila kaaawaan, ililigtas, o kahahabagan.'

8 At dapat mong sabihin sa mga taong ito, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan ninyo, inilalagay ko sa harapan ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan. 9 Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng espada, kagutuman at salot; ngunit sinuman ang lalabas at magpapatirapa sa harapan ng mga Caldeo na nasa palibot ninyo ay mabubuhay. Maililigtas niya ang kaniyang sarili. 10 Sapagkat nagpasya ako laban sa lungsod na ito upang magdala ng sakuna, at hindi ang magdala ng kabutihan—ito ang pahayag ni Yahweh. Ito ay naibigay sa kamay ng haring Babilonia, at susunugin niya ito.'

11 Tungkol sa sambahayan ng haring Juda, makinig sa salita ni Yahweh. 12 Sa sambahayan ni David, sinasabi ni Yahweh, 'Magdala ka ng katarungan sa umaga. Iligtas ang isang ninakawan sa kamay ng mapang-api, kung hindi lalabas ang aking matinding galit na kagaya ng apoy at magliliyab. Dahil walang makakaapula nito dahil sa masama ninyong mga gawain. 13 Tingnan ninyo, mga naninirahan sa lambak! Ako ay laban sa inyo, bato sa kapatagan—ito ang pahayag ni Yahweh—Ako ay laban sa sinumang nagsasabing, “Sino ang bababa upang lusubin kami?” o “Sino ang papasok sa aming mga tahanan?” 14 Nagtakda ako ng bunga ng inyong mga gawain na maging laban sa inyo—ito ang pahayag ni Yahweh—at magsisindi ako ng apoy sa mga kasukalan, at lalamunin ang lahat ng nakapalibot dito.”