Ikinulong si Jeremias (continued)

589 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 33

1 At ang salita ni Yahweh ay dumating kay Jeremias sa ikalawang pagkakataon, habang nakakulong siya sa loob ng patyo ng bantay, at kaniyang sinabi, 2 “Ito ang sinasabi ni Yahweh na manlilikha, Si Yahweh na umaanyo upang magtatag, Yahweh ang kaniyang pangalan, 3 'Tumawag ka sa akin at sasagutin kita. Magpapakita ako ng dakilang mga bagay sa iyo, mga hiwaga na hindi mo nauunawaan.'

4 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga tahanan sa lungsod na ito at sa mga tahanan ng mga hari ng Juda na nagiba dahil sa mga bunton ng paglusob at sa espada, 5 'Parating na ang mga Caldeo upang makipaglaban at upang punuin ang mga tahanan ng mga bangkay ng mga tao na aking papatayin sa aking galit at poot, kapag ikukubli ko ang aking mukha mula sa lungsod na ito dahil sa lahat na kasamaan nila.

6 Ngunit tingnan mo, magdadala ako ng kagalingan at isang lunas, sapagkat pagagalingin ko sila at magdadala ako sa kanila ng kasaganaan, kapayapaan at katapatan. 7 Sapagkat ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at Israel. Itatayo ko silang muli gaya noong simula. 8 At lilinisin ko sila mula sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa laban sa akin. Patatawarin ko ang lahat ng kanilang mga kasamaang kanilang nagawa laban sa akin, at ang lahat ng kanilang paghihimagsik laban sa akin.

9 Sapagkat ang lungsod na ito ay magiging kagalakan sa akin, isang awit ng papuri at karangalan para sa lahat ng bansa sa daigdig na makaririnig ng lahat ng mabubuting bagay na aking gagawin para dito. At manginginig sila dahil sa lahat ng mabubuting bagay at sa kapayapaang aking ibibigay dito.'

10 Ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Sa lugar na ito na inyong sinasabi ngayon, “Ito ay napabayaan. Walang tao ni hayop sa mga lungsod ng Juda at walang naninirahan sa mga lansangan ng Jerusalem, tao man o hayop.” 11 Muling makaririnig dito ng mga ingay ng kagalakan at pagdiriwang, mga ingay ng mga lalaki at mga babaeng ikakasal, mga ingay ng mga taong nagsasabi, “Magpasalamat kay Yahweh ng mga hukbo, sapagkat siya ay mabuti at ang kaniyang tipan ng katapatan ay walang hanggan.” Magdala ng handog ng pasasalamat sa aking tahanan, sapagkat panunumbalikin ko ang kayamanan ng lupain gaya noong simula,' sabi ni Yahweh.

12 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, 'Sa napabayaang lugar na ito, na ngayon ay mayroon nang tao at hayop, magkakaroon muli ng pastulan sa lahat ng lungsod nito para sa mga pastol na umaakay sa kanilang mga kawan upang mamahinga. 13 Sa mga lungsod sa maburol na lugar, sa mga kapatagan, at sa Negeb, sa lupain ng Benjamin at sa buong paligid ng Jerusalem, at sa mga lungsod ng Juda, daraan muli ang mga kawan sa ilalim ng mga kamay ng bibilang sa kanila,' sabi ni Yahweh.

14 Tingnan mo! Dumarating ang mga araw, ito ang pahayag ni Yahweh, na gagawin ko ang aking ipinangako sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 15 Sa mga araw na iyon at sa panahong iyon, gagawa ako ng isang matuwid na sanga na magmumula sa lahi ni David, at kaniyang ipatutupad ang katarungan at katuwiran sa lupain. 16 Sa mga araw na iyon, maliligtas ang Juda, at mamumuhay nang matiwasay ang Jerusalem, sapagkat ito ang itatawag sa kaniya, “Si Yahweh ay ang ating katuwiran.'”

17 Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh, 'Ang isang lalaki na magmumula sa lahi ni David ay hindi kailanman kukulangin na uupo sa trono sa tahanan ng Israel 18 ni ang isang lalaki mula sa mga Levitang pari ay magkukulang sa aking harapan na magtaas ng mga sinunog na handog, upang maghandog ng mga pagkaing susunugin, at upang maghandog ng mga butil sa lahat ng panahon.'”

19 Dumating ang salita ni Yahweh kay Jeremias at sinabi, “ 20 Ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Kung magagawa ninyong sirain ang aking tipan sa araw at sa gabi nang sa gayon wala nang araw at gabi sa kanilang tamang panahon, 21 kung gayon ay magagawa rin ninyong sirain ang aking tipan kay David na aking lingkod, nang sa gayon hindi na siya magkakaroon ng isang anak na lalaking uupo sa kaniyang trono, at ang aking tipan sa mga paring Levita, na aking mga lingkod. 22 Gaya ng mga hukbo ng langit na hindi mabilang, at ng mga buhangin sa dalampasigan na hindi masukat, tulad nito ang pagpaparami ko sa mga kaapu-apuhan ni David na aking lingkod at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”

23 Dumating ang salita ni Yahweh kay Jeremias at sinabi, 24 “Hindi mo ba isinaalang-alang ang ipinahayag ng mga taong ito nang sabihin nila, 'Ang dalawang angkan na pinili ni Yahweh, ngayon sila ay tinanggihan niya? Sa paraang ito, hinamak nila ang aking mga tao, sinasabi na hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin. 25 Akong si Yahweh ang nagsabi nito, 'Kung wala na ang aking tipan para sa araw at gabi, o hindi ko pinanatili ang kaayusan ng langit at lupa, 26 at kung gayon, hindi ko tatanggapin ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at David na aking lingkod, at hindi ako magdadala sa kanila ng isang taong mamumuno sa lahat ng kaapu-apuhan ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan at magiging mahabagin ako sa kanila.”

Itinigil ng mga Caldeo ang Pagkubkob sa Jerusalem

Itinigil ng mga Caldeo ang pagkubkob sa Jerusalem, at nagmartsa laban kay Faraon Hophra, hari ng Egipto.

Jeremias 37:5

5 Lumabas ang mga hukbo ng Faraon mula sa Egipto at ng narinig ng mga Caldeo na sumalakay sa Jerusalem ang mga balita tungkol sa kanila, at umalis sa Jerusalem.

Inihula ang Kapahamakan ng mga Filisteo at mga taga-Ehipto

Jeremias 47

1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay propetang Jeremias tungkol sa mga Filisteo. Dumating ang salitang ito sa kaniya bago sinalakay ni Faraon ang Gaza. 2 “Sinasabi ito ni Yahweh: Tingnan mo, tumataas ang maraming tubig sa hilaga. Magiging tulad ng umaapaw na ilog ang mga ito! Pagkatapos, aapaw ang mga ito sa lupain at sa lahat ng naroon, sa mga lungsod nito at sa mga naninirahan dito! Kaya sisisgaw ng tulong ang bawat isa, at tatangis ang lahat ng mga naninirahan sa lupain. 3 Sa tunog ng malalakas na pagpadyak ng mga paa ng kanilang mga kabayo, sa dagundong ng kanilang mga karwahe at ingay ng kanilang mga gulong, hindi tutulungan ng mga ama ang kanilang mga anak dahil sa kanilang sariling kahinaan. 4 Sapagkat darating ang araw na wawasak sa lahat ng mga Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon ang bawat nakaligtas na nagnanais silang tulungan. Sapagkat winawasak ni Yahweh ang mga Filisteo, ang mga nalalabi mula sa pulo ng Caftor. 5 Makakalbo ang Gaza. Sa Ashkelon naman, patatahimikin ang mga taong naiwan sa kanilang mga lambak. Gaano katagal ninyong susugatin ang inyong mga sarili sa pagluluksa? 6 Kapighatian, ang espada ni Yahweh! Gaano katagal hanggang sa manahimik ka? Bumalik ka sa iyong kaluban! Tumigil ka at manahimik. 7 Paano ka mananahimik, sapagkat inutusan ka ni Yahweh. Tinawag ka niya upang salakayin ang Ashkelon at laban sa mga kapatagan sa tabi ng dagat.”

Jeremias 37:6–10

6 At dumating ang salita ni Yahweh kay Jeremias na propeta at sinabi, 7 “Ito ang sinasabi ni Yahweh na Diyos ng Israel: Ito ang sasabihin mo sa hari ng Juda, sapagkat ipinadala ka niya upang humingi ng payo mula sa akin, 'Tingnan ninyo, ang hukbo ng Faraon na dumating upang tulungan kayo ay pabalik na sa Egipto sa kanilang sariling lupain. 8 Babalik ang mga Caldeo. Makikipaglaban sila laban sa lungsod na ito, bibihagin at susunugin ito.'

9 Ito ang sinasabi ni Yahweh: Huwag ninyong linlangin ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng pagsasabi, 'Tiyak na iiwanan tayo ng mga Caldeo,' ngunit hindi sila aalis. 10 Kahit na matalo ninyo ang buong hukbo ng Caldeo na nakipaglaban sa inyo, kaya, ang mga sugatan na kalalakihan na natitira sa kanilang mga tolda, babangon sila at susunugin ang lungsod na ito.”