Bahagi 6: Ang Baha
2348 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
5 Ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa kanya.
6 Si Noe ay anim na raang taong gulang nang dumating ang baha sa mundo. 7 Si Noe, ang kanyang mga anak na lalaki, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak na lalaki ay sama-samang pumasok sa arka dahil sa mga tubig ng baha. 8 Ang mga malinis at hindi malinis na mga hayop, mga ibon, at lahat ng mga gumagapang sa lupa, 9 dala-dalawa, lalaki at babae, ang pumunta kay Noe at pumasok sa arka, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.
10 Nangyari na matapos ang pitong araw, dumating ang tubig ng baha sa mundo. 11 Sa ika-anim na raang taon ng buhay ni Noe, sa pangalawang buwan sa ikalabimpitong araw ng buwan, sa parehong araw, ang lahat ng mga bukal ng kailaliman ay sumambulat, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan. 12 Nagsimulang umulan sa mundo sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13 Sa araw ding iyon si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, na sina Sem, Ham, at Jafet, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na lalaki ay kasama niyang pumasok sa arka. 14 Pumasok sila kasama ang bawat mababangis na hayop ayon sa kanilang uri, at bawat klase ng alagang mga hayop ayon sa kanilang uri, at bawat gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo ayon sa kanilang uri, at bawat klase ng ibon ayon sa kanilang uri, bawat uri ng nilikha na may mga pakpak. 15 Dalawa sa lahat ng laman na may hininga ng buhay ay pumunta kay Noe at pumasok sa arka. 16 Ang mga hayop na pumasok ay lalaki at babae ng lahat ng laman; pumasok sila gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya. Pagkatapos isinara ni Yahweh ang pintuan sa likod nila.
17 Pagkatapos dumating ang baha sa mundo sa loob ng apatnapung araw, at tumaas ang tubig at binuhat ang arka. Umangat ito mula sa mundo. 18 Rumagasa ang tubig at lubhang tumaas sa mundo, at lumutang ang arka sa ibabaw ng tubig. 19 Ang tubig ay buong lakas na tumaas nang tumaas sa mundo. Tinakpan nilang tuluyan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng buong langit.
20 Tumaas ang mga tubig ng labinlimang kubit sa ibabaw ng mga tuktok ng mga bundok. 21 Namatay ang lahat ng mga nabubuhay na nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng mundo: ang mga ibon, ang mga alagang hayop, ang mga mababangis na hayop, lahat ng nagkukumpol na mga nilikha na nagkumpol sa ibabaw ng mundo, at lahat ng sangkatauhan. 22 Lahat ng nilalang na may hininga nang espiritu ng buhay sa kanilang ilong, lahat ng nasa tuyong lupa, nangamatay. 23 Kaya bawat buhay na bagay na nasa ibabaw ng mundo ay nalipol, mula sa sangkatauhan hanggang sa malalaking mga hayop, mga gumagapang na mga bagay, at mga ibon sa himpapawid. Nawasak silang lahat mula sa mundo. Tanging si Noe at ang kanyang mga kasama sa arka ang natira.
24 Nangibabaw ang tubig sa mundo sa loob ng isandaan at limampung araw.
8:1 Isinaalang-alang ng Diyos si Noe, lahat ng mga mababangis na hayop, at lahat ng alagang mga hayop na kasama niya sa arka. Ginawa ng Diyos na umihip ang isang hangin sa ibabaw ng mundo, at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Ang mga bukal sa ilalim at ang mga bintana ng langit ay nagsara, at tumigil ang pag-ulan. 3 Ang mga tubig baha ay nagpatuloy na humupa mula sa mundo. At pagkalipas ng isandaan at limampung araw, ang tubig ay lubhang nabawasan.
4 Sumadsad ang arka sa ikapitong buwan, sa ikalabimpitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat. 5 Ang tubig ay nagpatuloy na humupa hanggang sa ikasampung buwan. Sa unang araw ng buwan, ang mga tuktok ng mga bundok ay lumitaw.
6 At nangyari pagkaraan ng apatnapung araw na binuksan ni Noe ang bintana ng arka na kanyang ginawa. 7 Nagpalipad siya ng isang uwak at ito ay nagparoo't nagparito hanggang sa natuyo ang tubig mula sa mundo.
8 Pagkatapos ay nagpalipad siya ng isang kalapati upang tingnan kung ang tubig ay humupa na mula sa ibabaw ng lupa, 9 pero ang kalapati ay walang nakitang lugar upang ipahinga ang kanyang paa, at bumalik ito sa kanya sa arka, dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Iniabot niya ng kanyang kamay, at kinuha at dinala niya ito kasama niya sa arka.
10 Naghintay siya ng pito pang mga araw at pinalipad niyang muli ang kalapati mula sa arka. 11 Bumalik ang kalapati sa kanya kinagabihan. Masdan! Sa kanyang bibig ay may sariwang pitas ng dahon ng olibo. Kaya nalaman ni Noe na ang tubig ay humupa mula sa mundo.
12 Naghintay siya ng pito pang araw, at pinalipad niyang muli ang kalapati. Hindi na ito muling bumalik sa kanya.