Bahagi 7: Ang Tipan kay Noe
2347 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
13 Nangyari na sa ika-anim na raan at isang taon, sa unang buwan, sa unang araw ng buwan, na natuyo na ang mga tubig mula sa mundo. Inalis ni Noe ang takip ng arka, tumingin sa labas, at masdan, nakita niya ang ibabaw ng lupa ay tuyo na. 14 Sa pangalawang buwan ng ikadalawampu't pitong araw ng buwan, ang mundo ay tuyo na.
15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka sa arka, ikaw, ang iyong asawa, ang iyong mga anak na lalaki, at ang mga asawa ng iyong mga anak na lalaki. 17 Dalhin mo palabas ang bawat buhay na nilalang ng lahat ng laman na kasama mo, pati na ang mga ibon, ang mga alagang hayop, at ang bawat gumagapang na bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, upang sila ay lumaganap sa buong mundo, maging mabunga, at magpakarami sa mundo.”
18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang mga anak na lalaki, kanyang asawa, at mga asawa ng kanyang mga anak na lalaki na kasama niya. 19 Bawat buhay na nilikha, bawat gumagapang na bagay, at bawat ibon, lahat ng bagay na gumagalaw sa mundo, ayon sa kanilang mga pamilya, ay umalis sa arka.
20 Gumawa ng altar si Noe para kay Yahweh. Kumuha siya ng ilang malinis na hayop at ilang malinis na ibon, at naghandog ng handog na susunugin sa altar. 21 Naamoy ni Yahweh ang kaaya-ayang halimuyak at sinabi niya sa kanyang puso, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa sangkatauhan, kahit na ang ninanais ng kanilang mga puso ay masama mula sa pagkabata. Ni muli kong wawasakin ang lahat ng may buhay, tulad nang ginawa ko. 22 Habang ang mundo ay nananatili, ang panahon ng pagtatanim at pag-aani, lamig at init, tag-araw at tagginaw, at ang araw at gabi ay hindi hihinto.”
9:1 At pinagpala ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi sa kanila, “Maging mabunga kayo, magpakarami, at punuin ang mundo. 2 Ang takot at ang sindak sa inyo ay mapupunta sa bawat nabubuhay na hayop sa mundo, sa bawat ibon sa langit, sa lahat ng bagay na nasa lupa, at sa lahat ng isda sa karagatan. Ibinigay ko ang mga ito sa inyong kamay. 3 Magiging pagkain para sa inyo ang bawat gumagalaw na bagay na nabubuhay. Tulad nang ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ngayon ibinigay ko na ang bawat bagay sa inyo. 4 Subalit hindi ninyo dapat kainin ang karneng may buhay pa—iyon ay ang dugo nito—na narito. 5 Subalit para sa iyong dugo, ang buhay na nasa iyong dugo, hihingin ko ang kabayaran. Mula sa kamay ng bawat hayop hihingin ko ito. Mula sa kamay ng sinumang tao, iyon ay, mula sa kamay na pumatay ng kanyang kapatid, aking hihingin ang pagsusulit sa buhay ng taong ito. 6 Sinuman ang magpapadanak ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao dadanak ang dugo niya, sapagkat ayon sa wangis ng Diyos ay nilalang niya ang tao. 7 Para sa inyo, maging mabunga kayo at magpakarami, lumaganap kayo sa buong mundo at magpakarami rito.”
8 At nakipag-usap ang Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak na kasama niya, sinabing, 9 “Samantala ako, makinig kayo! Itatatag ko ang kasunduan sa inyo at sa inyong mga kaapu-apuhang susunod sa inyo, 10 at sa bawat nabubuhay na nilalang na kasama ninyo, pati mga ibon at mga alagang hayop, at bawat nilalang sa mundo na kasama ninyo, mula sa lahat ng lumabas sa arka, hanggang sa bawat nabubuhay na nilalang sa mundo. 11 Sa pamamagitan nito itinatatag ko ang aking kasunduan sa inyo, na hindi na kailanman ang lahat ng laman ay muling mawawasak sa pamamagitan ng tubig baha. Hindi na kailanman muling magkakaroon ng bahang sisira sa mundo.”
12 Sinabi ng Diyos, “Ito ang palatandaan ng kasunduang aking gagawin sa pagitan ko at ninyo at sa bawat nabubuhay na nilalang na kasama ninyo, sa lahat ng hinaharap na salinlahi: 13 Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ang palatandaan ng kasunduan sa pagitan ko at ng mundo.
14 Ito ay mangyayari kapag dinadala ko ang ulap sa ibabaw ng mundo at ang bahaghari ay natatanaw sa ulap, 15 sa gayon isasaisip ko ang aking kasunduan sa pagitan ko at ninyo, at sa bawat nabubuhay na nilalang ng lahat ng laman. Ang mga tubig ay hindi kailanman muling magiging bahang wawasak sa lahat ng laman. 16 Ang bahag-hari ay mapapaloob sa mga ulap at makikita ko ito, upang gunitain ang walang hangang kasunduan sa pagitan ng Diyos at bawat nabubuhay na nilalang ng lahat ng laman na nasa mundo.”
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang palatandaan ng aking kasunduan na aking itinatag sa pagitan ko at ng lahat ng laman na nasa mundo.