Ang Unang Pagtitipon ng Bayan
1015 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nang matanda na si David at malapit na ang wakas ng kaniyang buhay, ginawa niyang hari sa buong Israel ang kaniyang anak na si Solomon.
1 Pinulong ni David ang lahat ng mga pinuno sa Israel at Jerusalem: ang mga pinuno ng mga tribo, ang mga pinuno ng bawat pangkat na naglilingkod sa hari sa itinakdang panahon ng kanilang gawain, mga pinuno ng libo-libo at daan-daang mga kawal, ang mga namamahala sa lahat ng mga pag-aari at mga ari-arian ng hari at ng kaniyang mga anak na lalaki, at ang mga pinuno at mga mandirigmang lalaki, kabilang ang mga pinakadalubhasa sa kanila.
2 Pagkatapos tumayo si haring David at sinabi, “Makinig kayo sa akin, mga kapatid at mga mamamayan. Layunin kong magtayo ng isang templo para sa kaban ng tipan ni Yahweh; isang tungtungan ng paa ng ating Diyos, at nakapaghanda na ako sa pagpapatayo nito. 3 Ngunit sinabi ng Diyos sa akin, 'Hindi ka magtatayo ng isang templo para sa aking pangalan, sapagkat ikaw ay isang mandirigma at nagpadanak ng dugo.'
4 Ngunit si Yahweh na Diyos ng Israel, pinili niya ako sa lahat ng pamilya ng aking ama na maging hari sa Israel magpakailanman. Pinili niya ang tribo ni Juda bilang pinuno. Sa tribo ng Juda at sa sambahayan ng aking ama, sa lahat ng lalaking anak ng aking ama, ako ang pinili niya na maging hari sa buong Israel. 5 Mula sa maraming anak na ibinigay ni Yahweh sa akin, pinili niya si Solomon, na aking anak, na maupo sa trono ng kaharian ni Yahweh sa buong Israel. 6 Sinabi niya sa akin, 'Ang anak mong si Solomon ang magtatayo ng aking tahanan at ng aking mga patyo, sapagkat pinili ko siya upang maging anak ko at ako ang magiging ama niya. 7 Itatatag ko ang kaniyang kaharian magpakailanman kung mananatili siyang matapat sa pagsunod sa aking mga kautusan at mga utos, katulad mo sa araw na ito.'
8 Kaya ngayon, sa harap ng buong Israel, at ng kapulungang ito para kay Yahweh at sa harapan ng ating Diyos, kailangan na ingatan at sikapin ninyong isagawa ang lahat ng kautusan ni Yahweh na inyong Diyos. Gawin ninyo ito upang makamtan ninyo ang mabuting lupaing ito at maipamana magpakailanman sa inyong mga anak na susunod sa inyo. 9 At ikaw naman Solomon na aking anak, sundin mo ang Diyos ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng buong puso at may isang espiritu na may pagkukusa. Gawin ito sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang lahat ng puso at nauunawaan ang bawat pag-uudyok ng kaisipan ng bawat isa. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya, ngunit kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakilanman. 10 Isipin mo na pinili ka ni Yahweh na magtayo ng templong ito bilang kaniyang santuwaryo. Magpakatatag ka at gawin ito.”
1 Siya na nananahan sa kanlungan ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. 2 Aking sasabihin kay Yahweh, “Siya ang aking kanlungan at aking tanggulan, aking Diyos, na aking pinagkakatiwalaan.” 3 Dahil sasagipin ka niya mula sa patibong ng mangangaso at mula sa nakamamatay na salot. 4 Tatakpan ka niya ng kaniyang mga pakpak, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay makakatagpo ka ng kanlungan. Ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalasag at proteksyon. 5 Hindi ka matatakot sa kilabot ng gabi, o sa palaso na lumilipad sa araw, 6 o ang salot na gumagala sa kadiliman, o ang sakit na nanggagaling sa katanghalian. 7 Libo ang maaaring mabuwal sa iyong tabi, at sampung libo sa iyong kanang kamay, pero hindi ito makakaabot sa iyo. 8 Mamamasdan mo lamang at makikita ang mga kaparusahan ng masasama. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas. 14 Dahil matapat siya sa akin, ililigtas ko siya. Poproktetahan ko siya dahil matapat siya sa akin. 15 Kapag tumatawag siya sa akin, ako ay tutugon sa kaniya. Makakasama niya ako sa kaguluhan; bibigyan ko siya ng katagumpayan at pararangalan siya. 16 Bibigyan ko siya ng kasiyahan sa mahabang buhay at ipapakita ko sa kaniya ang aking kaligtasan.
Malamang na Isang Awit mula sa Huling Bahagi ng Buhay ni David
1 Ipagbubunyi kita, aking Diyos na Hari; pupurihin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 2 Araw-araw pupurihin kita, pupurihin ko ang ngalan mo magpakailanman. 3 Dakila si Yahweh at karapat-dapat na papurihan; ang kaniyang kadakilaan ay hindi matatagpuan. 4 Ang isang henerasyon ay papupurihan ang iyong mga gawa hanggang sa mga susunod at ipahahayag ang iyong makapangyarihang mga gawa. 5 Magninilay ako sa katanyagan ng iyong kaluwalhatian at sa iyong kahanga-hangang mga gawa. 6 Sila ay magsasalita tungkol sa iyong makapangyarihang mga gawa; ipahahayag ko ang iyong kaluwalhatian. 7 Ihahayag nila ang iyong masaganang kabutihan, at sila ay aawit tungkol sa iyong katuwiran. 8 Mapagbigay-loob at maawain si Yahweh, hindi mabilis magalit at sagana sa katapatan sa tipan. 9 Si Yahweh ay mabuti sa lahat, ang kaniyang mapagmahal na awa ay nasa kaniyang mga gawa. 10 Yahweh, ang lahat ng iyong nilikha ay magpapasalamat sa iyo; silang matatapat sa iyo ay pagpapalain ka. 11 Silang matatapat sa iyo ay magsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at sila ay magsasabi ng iyong kapangyarihan. 12 Kanilang ipapakilala ang makapangyarihang mga gawa ng Diyos sa sangkatauhan at ang maluwalhating kadakilaan ng kaniyang kaharian. 13 Ang iyong kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang iyong kapangyarihan ay mananatili sa lahat ng henerasyon. 14 Itinataguyod ni Yahweh ang lahat ng bumabagsak at ibinabangon silang mga nanghihinang loob. 15 Ang mga mata ng lahat ay naghihintay para sa iyo; ibinigay mo sa tamang oras ang kanilang pagkain. 16 Binuksan mo ang iyong kamay at pinupunan ang nais ng bawat may buhay. 17 Si Yahweh ay matuwid sa lahat ng kaniyang kaparaanan at mapagbigay-loob sa lahat ng kaniyang ginagawa. 18 Si Yahweh ay malapit sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya, ang lahat ng tumatawag sa kaniya ng may pagtitiwala. 19 Tinutupad niya ang nais na mga nagpaparangal sa kaniya; dinidinig niya ang kanilang iyak at inililigtas sila. 20 Pinagmamasdan ni Yahweh ang lahat ng nagmamahal sa kaniya, pero siya ang wawasak sa lahat ng masasama. 21 Sasabihin ng aking bibig ang papuri kay Yahweh; hayaang pagpalain ng sanlibutan ang kaniyang banal na pangalan magpakailanman.