Ang Pagkamatay ni Saul (continued)

1055 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Samuel 29

1 Ngayon sama-samang tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng kanilang hukbo sa Aphek; nagkampo ang mga Israelita sa tabi ng bukal na nasa Jezreel. 2 Dumaan ang mga prinsipe ng mga Filisteo nang daan-daan at nang libu-libo; dumaan si David at ang kanyang mga tauhan sa hulihang bantay kasama ni Aquis.

3 Pagkatapos sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong ito dito?” Sinabi ni Aquis sa mga prinsipe ng mga Filisteo, “Hindi ba ito si David, ang lingkod ni Saul na hari ng mga Israelita na naging kasama ko sa mga araw na ito, o sa mga taon na ito, at wala akong nakitang kapintasan sa kanya mula nang dumating siya sa akin hanggang sa araw na ito?”

4 Ngunit galit sa kanya ang mga prinsipe ng mga Filisteo; sinabi nila sa kanya, “Paalisin mo ang taong iyan, para bumalik siya sa kanyang lugar na ibinigay mo sa kanya; huwag mo siyang hayaang sumama sa atin sa digmaan, upang hindi siya maging kaaway natin sa digmaan. Dahil paano pa ba gagawa ng kapayapaan ang taong ito sa kanyang panginoon? Hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng ating mga tauhan? 5 Hindi ba ito ang David na inawitan nila sa isa-isa sa pamamagitan ng mga sayaw, sinasabing: 'Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo, At si David ang kanyang sampung libo?'”

6 Pagkatapos tinawag ni Aquis si David at sinabing, “Habang nabubuhay si Yahweh, naging mabuti ka, at ang iyong paglabas at pagpasok sa akin sa hukbo ay naging mabuti sa aking pananaw; sapagkat wala akong nakitang kasalanan sa iyo simula ng araw na dumating ka sa akin hanggang sa araw na ito. Gayon pa man, hindi sang-ayon sa iyo ang mga prinsipe. 7 Kaya ngayon bumalik ka at umalis na may kapayapaan, upang hindi ka kagalitan ng mga prinsipe ng mga Filisteo.”

8 Sinabi ni David kay Filisteo, “Subalit ano ba ang nagawa ko? Ano ang nakita mo sa iyong lingkod habang kasama mo ako hanggang sa araw na ito, na hindi ako makakapunta at makipagdigma laban sa mga kaaway ng aking panginoong hari?”

9 Sumagot si Aquis at sinabi kay David, “Alam kong kasinlinis ka ng isang anghel ng Diyos sa aking paningin; gayunpaman, sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, 'Hindi siya maaaring umakyat kasama natin sa labanan.' 10 Kaya ngayon bumangon nang maaga ang mga lingkod ng iyong panginoon na sumama sa iyo; pagkagising ninyo sa madaling araw at may liwanag na, umalis na kayo.”

11 Kaya bumangon si David nang maaga, siya at ang kanyang mga tauhan upang umalis ng umaga, para bumalik sa lupain ng mga Filisteo. Ngunit umakyat ang mga Filisteo sa Jezreel.

1 Mga Cronica 12:19–22

19 Ang ilan mula sa Manases ay umalis upang sumama kay David nang dumating siya kasama ang mga Filisteo upang labanan si Saul. Ngunit hindi nila tinulungan ng mga Filisteo, sapagkat ang panginoon ng mga Filisteo ay sumangguni sa isa't isa at pinaalis si David. Sinabi nila, “Iiwan niya tayo at sasama sa kaniyang panginoon na si Saul at malalagay sa panganib ang ating buhay.” 20 Nang pumunta siya sa Ziklag, ang mga kalalakihan ng Manases na sumama sa kaniya ay sina Adna, Jozabad, Jidiael, Micael, Eliu, at Zillettai, na mga kapitan sa libu-libong mula sa Manases.

21 Tinulungan ng mga lalaking mandirigma si David na lumaban sa mga lumilibot na pangkat ng mga magnanakaw. Pagkatapos, naging mga pinuno sila sa mga hukbo.

22 Araw-araw, may mga lalaking pumupunta kay David upang tulungan siya hanggang sa magkaroon ng malaking hukbo tulad ng hukbo ng Diyos.

1 Samuel 30–31

1 At nangyari na nang bumalik sa Ziklag si David at ng kanyang mga tauhan sa ikatlong araw, na gumawa ng pagsalakay ang mga Amalekita sa Negev at sa Ziklag. Linusob nila ang Ziklag, sinunog ito, 2 at binihag ang mga kababaihan at bawat isang naroroon, kapwa maliliit at malalaki. Wala silang pinatay, ngunit dinala sila habang papaalis sila.

3 Nang dumating sina David at ang kanyang mga tauhan sa lungsod, nasunog na ito—at binihag ang kanilang mga asawa, kanilang mga anak na lalaki, at kanilang mga anak na babae. 4 Pagkatapos nagtaas ng boses sina David at mga taong kasama niya at umiyak sila hanggang wala na silang kakayahang umiyak.

5 Binihag ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na asawa ni Nabal na taga-Carmelo. 6 Labis na namighati si David, sapagkat nag-uusap ang mga tao tungkol sa pagbato sa kanya, dahil ang mga espiritu ng lahat ng tao ay nagdadalamhati, bawat tao para sa kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae; subalit pinalakas ni David ang kanyang sarili kay Yahweh, na kanyang Diyos.

7 Sinabi ni David kay Abiathar na anak ni Ahimelec na pari, “Nagmamakaawa ako sa iyo, dalhin mo dito ang epod para sa akin.” Dinala ni Abiathar ang epod kay David. 8 Nanalangin si David kay Yahweh ng gabay, sinasabing, “Kung tutugisin ko ang hukbong ito, maaabutan ko ba sila? Sumagot si Yahweh sa kanya, “Tugisin mo sila dahil tiyak na maaabutan mo sila, at tiyak na mababawi mo ang lahat.”

9 Kaya umalis si David, siya at ang anim na raang tauhang kasama niya; nakarating sila sa batis Besor, kung saan nanatili ang mga lalaking naiwan. 10 Ngunit patuloy si David sa pagtugis, siya at ang apat na raang tauhan; sapagkat dalawang daang tauhan ang naiwan na mahinang mahina na kaya hindi na makatawid sa batis ng Besor.

11 Natagpuan nila sa bukid ang isang taga-Ehipto at dinala kay David; binigyan nila ng tinapay, at kinain niya ito; binigyan nila ng tubig na maiinom; 12 at binigyan nila ng isang pirasong mamon na gawa sa igos at dalawang kumpol ng pasas. Nang nakakain na siya, bumalik na muli ang kanyang lakas, sapagkat hindi siya kumain ng tinapay ni uminom ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.

13 Sinabi ni David sa kanya, “Kanino ka nabibilang? Saan ka nagmula?” Sinabi niya, isa akong binata ng Ehipto, lingkod ng isang Amalekita; iniwan ako ng aking amo, dahil tatlong araw na ang nakakaraan nagkasakit ako. 14 Gumawa kami ng pagsalakay sa Negev ng mga Chereteo, at kung ano ang nabibilang sa Juda, at sa Negev ng Caleb, at sinunog namin ang Ziklag.”

15 Sinabi sa kanya ni David, “Maaari mo ba akong dalhin pababa sa mga pangkat na ito na sumalakay?” Sinabi ng taga-Ehipto, “Sumumpa ka sa akin sa Diyos na hindi mo ako papatayin o ipagkakanulo sa mga kamay ng aking panginoon, at dadalhin ko kayo pababa sa mga sumalakay na pangkat na ito.”

16 Nang dinala si David ang taga-Ehipto pababa, ang mga sumalakay ay nagkalat sa buong paligid, nagkakainan at nag-iinuman, at nagsasayawan, dahil sa lahat ng mga nanakaw nila mula sa lupain ng Filisteo at mula sa lupain ng Juda. 17 Nilusob sila ni David mula sa takip-silim hanggang sa gabi ng sumunod na araw. Wala ni isang lalaki ang nakatakas maliban sa apat na raang binatang sumakay sa mga kamelyo at tumakas.

18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha ng mga Amalekita; at nailigtas ni David ang kanyang dalawang asawa. 19 Wala ni isang nawala, maging maliliit man ni malalaki, maging anak na mga lalaki ni anak na mga babae, maging ang nanakaw, ni anumang bagay na kinuha sa kanila ng mga sumalakay para sa kanilang sarili. Dinala ni David pabalik ang lahat. 20 Kinuha ni David ang lahat ng kanilang mga kawan at mga pangkat ng hayop, na itinaboy ng mga tauhan sa unahan ng ibang baka. Sinabi nila, “Ito ang nanakaw ni David.”

21 Pumunta si David sa kanyang dalawandaang tauhang naiwan na mahinang mahina para sumunod sa kanya, iyong mga pinaiwan ng iba upang manatili sa batis Besor. Ang mga tauhang ito ang naunang pumunta para salubungin si David at mga taong kasama niya. Nang pumunta si David sa mga taong ito, binati niya sila. 22 Pagkatapos sinabi ng lahat ng masasamang lalaki at mga walang kabuluhang taong sumama kay David, “Dahil hindi sumama sa atin ang mga kalalakihang ito, hindi natin sila bibigyan ng anumang nanakaw na nabawi natin. Maliban na maaaring isama ng bawat lalaki ang kanyang asawa at mga anak, pangunahan sila palayo, at umalis.”

23 Kaya sinabi ni David, “Hindi kayo dapat kumilos ng ganito sa mga ibinigay sa atin ni Yahweh, mga kapatid. Iningatan niya tayo at ibinigay sa ating kamay ang mga sumalakay laban sa atin. 24 Sinong makikinig sa inyo sa bagay na ito? Dahil gaya ng kabahagi ay para sa sinumang pumunta sa labanan, kaya ganundin ang kabahagi para sa sinumang nagbantay sa mga gamit; makikibahagi sila at magkakapareho bawat kabahagi.”

25 Naging ganoon na mula sa araw na iyon hanggang sa araw na ito, sapagkat ginawang batas iyon ni David at isang kautusan para sa Israel.

26 Nang pumunta si David sa Ziklag ipinadala niya ang ilan sa mga nanakaw sa mga nakakatanda ng Juda, sa kanyang mga kaibigan, sinabing, “Tingnan ninyo, narito ang isang handog para sa inyo mula sa nanakaw mula sa mga kaaway ni Yahweh.” 27 Sa mga nakakatanda na nasa Betuel, at sa mga nasa Ramot sa Timog, at sa mga nasa Jattir, 28 at sa mga nasa Aroer, at sa mga nasa Sifmot, at sa mga nasa Estemoa. 29 At ganun din sa mga nakakatandang nasa Racal, at sa mga nasa lungsod ng mga Jerahmeelita, at sa mga nasa siyudad ng mga Cineo, 30 at sa mga nasa Horma, at sa mga nasa Borasan, at sa mga nasa Athac, 31 at sa mga nasa Hebron, at sa lahat ng lugar kung saan palaging pumupunta mismo si David at ng kanyang mga tauhan.

31:1 Ngayon nakipaglaban ang mga Filisteo laban sa Israel. Nagsitakas ang mga kalalakihan ng Israel mula sa harap ng mga Filisteo at patay na bumagsak sa bundok Gilboa.

2 Tinugis ng malapitan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang anak na mga lalaki. Napatay ng mga Filisteo si Jonatan, Abinadab, at Malquisua, at ang kanyang mga anak na lalaki. 3 Nagpatuloy ang matinding labanan laban kay Saul, at nasukol siya ng mga mamamana. Siya ay nakaranas ng malubhang sugat dahil sa kanila.

4 Pagkatapos sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng baluti, “Hugutin mo ang iyong espada at isaksak mo ito sa akin. Kung hindi, darating itong hindi mga tuli at lalapastanganin ako.” Ngunit ayaw gawin ng kanyang tagadala ng baluti, dahil takot na takot siya. Kaya kinuha ni Saul ang kanyang sariling espada at pinatay nito ang kanyang sarili.

5 Nang nakita ng tagadala ng baluti na patay na si Saul, gayon din pinatay niya ang kanyang sarili ng kanyang sariling espada at namatay nagmagkasama.

6 Kaya namatay si Saul, ang kanyang tatlong anak na lalaki, at kanyang tagadala ng baluti— sama-samang namatay ang mga kalalakihang ito nang araw na iyon.

7 Habang nasa kabilang bahagi ng lambak ang mga kalalakihan ng Israel, at sa mga nasa ibayo ng Jordan, nakita nila na nagsitakas ang mga kalalakihan ng Israel, at nang si Saul at ang kanyang mga anak na lalaki ay patay na, iniwan nila ang kanilang mga lungsod at nagsitakas, at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa lugar nila.

8 Dumating ang sumunod na araw, nang dumating ang mga Filisteo upang tanggalin ang mga patay, na nakita nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na lalaki na patay na sa Bundok Gilboa. 9 Pinutol nila ang kanyang ulo at tinanggal ang kanyang mga pananggang baluti, at nagpadala ng mga mensahero sa lupain ng mga Filisteo sa lahat ng dako upang dalhin ang balita sa kanilang diyus-diyosan sa templo at sa mga tao. 10 Inilagay nila ang kanyang baluti sa loob ng templo ni Astare, at ang kanilang itinali ang kanyang katawan sa pader ng lungsod sa Bethsan.

11 Nang nabalitaan ng mga nakatira sa Jabes Galaad kung ano ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 tumayo ang lahat ng mandirigmang mga kalalakihan at lumakad ng magdamag at kinuha ang katawan ni Saul at ang mga katawan ng kanyang mga anak na lalaki mula sa pader ng Bethsan. Pumunta sila sa Jabesh at doon nila sinunog ang mga ito. 13 Pagkatapos kinuha nila ang kanilang mga buto at inilibing ang mga ito sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sa loob ng pitong araw.

1 Mga Cronica 10:13–14

13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat kay Yahweh. Hindi siya sumunod sa mga tagubilin ni Yahweh, sa halip, humingi siya ng payo sa taong nakikipag-usap sa patay. 14 Hindi siya humingi ng patnubay mula kay Yahweh, kaya pinatay siya ni Yahweh at ibinigay ang kaniyang kaharian kay David na anak na lalaki ni Jesse.