Sinaway ni Esteban ang Konseho

Si Esteban, na naputol ang pagsasalita habang ipinagtatanggol ang sarili, ay sinaway ang konseho bilang mga pumatay sa kanilang Mesias.

A.D. 33 o 34

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Gawa 7:51–53

51 Kayong mga tao, na mapagmatigas at hindi tuli sa puso at mga tainga, lagi ninyong nilalabanan ang banal na Espiritu; ginawa ninyo ang kagaya ng ginawa ng inyong mga ninuno. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga naunang propeta na nagpahayag sa pagdating ng Matuwid; at kayo rin ngayon ang mga nagkanulo at mga pumatay sa kaniya, 53 kayong mga tao na tumanggap ng kautusan na itinatag ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito iningatan.”

Binato si Esteban Hanggang sa Mamatay A.D. 34

Binato si Esteban hanggang sa mamatay, habang ipinapanalangin niya ang mga pumatay sa kanya.

Mga Gawa 7:54–8:2

54 Ngayon, nang marinig ng mga kasapi ng konseho ang mga bagay na ito, nasugatan sila sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga ngipin ay nagngalit kay Esteban. 55 Ngunit siya na puspos ng Banal na Espiritu ay kusang tumingala sa langit at kaniyang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos; at nakita niya si Jesus na nakatayo sa kanang kamay ng Diyos. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo, nakita ko na binuksan ang kalangitan, at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang kamay ng Diyos.”

57 Ngunit ang mga kasapi ng konseho ay sumigaw ng may malakas na boses, at tinakpan ang kanilang mga tainga, at sinunggaban siya, 58 itinapon siya nila sa labas ng lungsod at siya ay binato: at inilatag ng mga saksi ang kanilang balabal sa paanan ng binatang ang pangalan ay Saulo.

59 Habang binabato nila si Esteban, patuloy siyang tumatawag sa Panginoon at sinasabing, ''Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.'' 60 Lumuhod siya at tumawag ng may malakas na boses, ''Panginoon, huwag mong ipataw ang kasalanang ito laban sa kanila.” Nang matapos niyang sabihin ito, siya ay nakatulog.

8:1 Si Saulo ay may kinalaman sa kaniyang pagka matay. Kaya nagsimula sa araw na iyon ang malaking pag-uusig laban sa iglesia sa Jerusalem; at ang lahat ng mga mananampalataya ay nagsikalat sa lahat ng rehiyon ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol. 2 Mga lalaking may takot sa Diyos ang naglibing kay Esteban at nagkaroon ng matinding pagdadalamhati para sa kaniya.

Isang Malawakang Pag-uusig sa mga Kristiyano

Isang malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano, kung saan nanguna si Saulo (na kalaunan ay tinawag na Pablo).

Mga Gawa 8:3

3 Ngunit pininsala ng matindi ni Saulo ang iglesia; pumupunta siya sa bawat bahay upang kaladkarin ang mga lalaki at babae at inilagay sila sa kulungan.

Nangaral si Felipe sa Samaria

Si Felipe na diyakono, matapos lisanin ang Jerusalem dahil sa pag-uusig, ay pumunta sa Samaria, kung saan siya nangaral at gumawa ng mga himala.

Mga Gawa 8:5–13

5 Si Felipe ay pumunta pababa sa lungsod ng Samaria at ipinahayag si Cristo sa kanila. 6 Nang mapakinggan at makita ng maraming tao ang mga palatandaan na ginawa ni Felipe, nakinig sila ng mabuti sa kaniyang sinabi. 7 Dahil ang karamihan sa kanila ay nagtataglay ng maruruming espiritu habang sumisigaw ng malakas; at gumaling ang maraming lumpo at mga paralitiko. 8 At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod.

9 Ngunit mayroong isang lalaki sa lungsod na ang pangalan ay Simon na gumagawa na noon pang una ng pangkukulam; ginagamit niya ito upang mamangha ang mga tao sa Samaria upang angkinin na siya ay mahalagang tao. 10 Binigyang pansin siya ng lahat ng mga Samaritano, mula sa pinaka mababa hanggang sa pinaka dakila, at kanilang sinabi. “Ang taong ito ay ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.” 11 Nakinig sila sa kaniya dahil labis niya silang pinamangha sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kaniyang pangkukulam.

12 Ngunit nang paniwalaan nila ang ipinangaral ni Felipe tungkol sa ebanghelyo na tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, kapwa mga lalaki at babae. 13 At si Simon mismo ay naniwala: pagkatapos niyang mabautismuhan, nagpatuloy siyang kasama ni Felipe; nang makita niya ang mga tanda at mga makapangyarihang gawa, siya ay namangha.

Bumaba sina Pedro at Juan Patungong Samaria

Bumaba sina Pedro at Juan mula sa Jerusalem patungong Samaria upang ibigay ang mga kaloob ng Banal na Espiritu sa mga bagong sumampalataya.

Mga Gawa 8:14–17

14 Ngayon nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay tinanggap ang salita ng Diyos, sinugo nila sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay dumating, nanalangin sila para sa kanila na tanggapin ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat ng mga panahong iyon hindi pa dumating ang Banal na Espiritu sa sinuman sa kanila. Nabaustimuhan lamang sila sa pangalan ng Panginoon. 17 Pagkatapos ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

Sinaway ni Pedro si Simon na Mangkukulam

Mga Gawa 8:18–24

18 Ngayon nang makita ni Simon na naipagkaloob ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpatong ng mga kamay ng mga apostol sa kanila, inalok niya sila ng pera. 19 Sinabi niya,” Ibigay mo rin sa akin ang kapangyarihang ito upang sinumang patungan ng aking mga kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.”

20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya, “Masawi ka sana kasama ng iyong pilak, sapagkat iniisip mong makakamit mo ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng pera. 21 Wala kang kabahagi o karapatan sa bagay na ito, dahil ang iyong puso ay hindi tama sa Diyos. 22 Samakatuwid magsisi ka sa iyong mga kasamaan, at manalangin sa Panginoon, upang ikaw ay patawarin sa kung ano ang iyong hinahangad. 23 Sapagakat nakikita ko na ikaw ay nasa lason ng kapaitan at naka gapos sa kasalanan.”

24 Sumagot si Simon at sinabi, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na hindi mangyari sa akin ang mga bagay na iyong sinabi.”