Sinalakay ni Shishak ang Juda

970 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 12:2–16

2 Nangyari na sa ikalimang taon ng paghahari ni Haring Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Ehipto ang Jerusalem dahil hindi naging tapat ang mga tao kay Yahweh. 3 Kasama niyang dumating ang kaniyang mga kawal na isang libo at dalawang daang karwahe at animnapung libong mangangabayo. Kasama niya ang hindi mabilang na mga kawal mula sa Ehipto: mga taga-Libya, mga taga-Sukuim at mga taga-Etiopia. 4 Sinakop niya ang mga matatag na lungsod na pag-aari ng Juda at nakarating siya sa Jerusalem.

5 Ngayon, pumunta ang propetang si Semaias kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishak. Sinabi ni Semaias sa kanila, “Ito ang sinasabi ni Yahweh. 'Tinalikuran ninyo ako, kaya ibinigay ko rin kayo sa mga kamay ni Shishak.”'

6 Kaya nagpakumbaba ang mga prinsipe ng Israel at ang hari at sinabi, “Matuwid si Yahweh.”

7 Nang makita ni Yahweh na nagpakumbaba sila, nagsalita si Yaweh sa pamamagitan ni Semaias, sinabi niya ito, “Nagpakumbaba sila. Hindi ko sila pupuksain. Sasagipin ko sila sa ganap na kapahamakan at hindi maibubuhos ang aking poot sa Jerusalem sa pamamagitan ng mga kamay ni Shishak. 8 Gayon pa man, magiging mga tagapaglingkod niya sila, upang maunawaan nila kung paano ang maglingkod sa akin at ang maglingkod sa mga pinuno ng ibang mga bansa.”

9 Kaya nilusob ni Shishak na hari ng Egipto ang Jerusalem at kinuha ang mga kayamanan sa tahanan ni Yahweh at ang mga kayamanan sa bahay ng hari. kinuha niya ang lahat, kinuha rin niya ang mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon.

10 Nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga tansong kalasag bilang kapalit ng mga ito at ipinagkatiwala ang mga ito sa mga kamay ng pinuno ng mga tagabantay, na nagbabantay ng mga pintuan sa bahay ng hari. 11 Nangyari na sa tuwing pumapasok ang hari sa tahanan ni Yaweh, binubuhat ng mga tagabantay ang mga kalasag at pagkatapos ay ibabalik sa silid ng mga tagabantay.

12 Nang magpakumbaba si Rehoboam, nawala ang poot ni Yaweh sa kaniya, at hindi na niya pinuksa si Rehoboam nang lubusan; bukod dito may matatagpuan paring mabuti sa Juda.

13 Kaya, pinalakas ni Haring Rehoboam ang kaniyang paghahari sa Jerusalem at nagpatuloy ang kaniyang pagiging hari. Apatnapu't isang taon si Rehoboam nang magsimula siyang maghari, at naghari siya ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ni Yaweh sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maipahayag ang kaniyang pangalan doon. Naama ang pangalan ng kaniyang ina na isang Ammonita. 14 Masama ang kaniyang ginawa, dahil hindi niya itinuon ang kaniyang puso sa paghahanap kay Yahweh.

15 Tungkol sa iba pang mga bagay na may kinalaman kay Rehoboam, mula umpisa at hanggang sa huli, hindi ba isinulat ang mga ito sa sulat ng propetang si Semaias at ng propetang si Iddo, na mayroon ding mga talaan ng mga angkan at ang malimit na digmaan sa pagitan ni Rehoboam at Jeroboam? 16 Namatay si Rehoboam at inilibing siyang kasama ang kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. Si Abija na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Cronica 10:1–11:4

1 Pumunta sa Shekem si Rehoboam, dahil darating ang lahat ng mga taga-Israel sa Shekem upang gawin siyang hari. 2 Narinig ito ni Jeroboam na anak ni Nebat (dahil nasa Egipto siya, kung saan siya tumakas mula kay haring Solomon, ngunit bumalik si Jeroboam mula sa Ehipto). 3 Kaya ipinatawag nila siya, dumating si Jeroboam at ang lahat ng Israelita. Kinausap nila si Rehoboam at sinabi, 4 “Ginawang mahirap ng iyong ama ang aming mga pasanin. Kaya ngayon, gawin mong mas madali ang mahirap na gawain ng iyong ama, at pagaanin mo ang mabigat na pasanin na ibinigay niya sa amin at paglilingkuran ka namin.”

5 Sinabi ni Rehoboam sa kanila, “Bumalik kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw.” Kaya, umalis na ang mga tao.

6 Sumangguni si Haring Rehoboam sa mga matandang kalalakihan na nagpayo kay Solomon na kaniyang ama noong nabubuhay pa siya. sinabi niya, “Paano ninyo ako papayuhan upang mabigyan ng kasagutan ang mga taong ito?”

7 Nakipag-usap sila sa kaniya at sinabi, “Kung magiging mabuti ka sa mga taong ito at bibigyang-lugod mo sila at magsasabi ng mga mabubuting salita sa kanila, magiging alipin mo sila sa habang panahon.

8 Ngunit hindi pinakinggan ni Rehoboam ang payo na ibinigay ng mga matandang kalalakihan sa kaniya at sumangguni siya sa mga kabataang lalaki na kasabayan niyang lumaki at nagpapayo sa kaniya. 9 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang maibibigay ninyong payo sa akin upang sagutin natin ang mga taong ito na nakipag-usap sa akin at sinasabi, “Pagaanin mo ang mga pasanin na ibinigay ng iyong ama sa amin'?”

10 Nagsalita ang mga kabataang lalaki na kasabayang lumaki ni Rehoboam na nagsasabi, “Makipag-usap ka sa mga taong nagsabi sa iyo na ginawang mabigat ng iyong amang si Solomon ang kanilang mga pasanin, na kailangan mong gawing mas magaan. Dapat mong sabihin sa kanila, 'Mas makapal ang aking hinliliit kaysa sa baywang ng aking ama. 11 Kaya ngayon, bagaman pinapasan kayo ng aking ama ng isang mabigat na pasanin, dadagdagan ko pa ang inyong mga pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”'

12 Kaya pumunta si Jeroboam at ang lahat ng tao kay Rehoboam sa ikatlong araw, kagaya ng iniutos ng hari sa kanila ng sabihin niya, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.” 13 Marahas silang sinagot ng hari. Hindi pinansin ni Haring Rehoboam ang payo ng mga matandang kalalakihan. 14 Nakipag-usap siya sa kanila na sinunod ang payo ng mga kabataang lalaki at sinabi, “Gagawin kong mas mabigat ang inyong mga pasanin at dadagdagan ko pa ito. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”

15 Hindi nakinig ang hari sa mga tao, sapagkat ito ang isang pangyayaring pinahintulutan ng Diyos, upang matupad ni Yahweh ang kaniyang salita na sinabi niya sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.

16 Nang makita ng mga taga-Israel na hindi nakinig ang hari sa kanila, sinagot siya ng mga tao at sinabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse! Bumalik na kayong mga taga-Israel sa inyong mga tolda. Ngayon David, bahala ka ng tumingin sa iyong sariling tolda.” Kaya, bumalik na ang bawat isa sa mga Israelita sa kanilang mga tolda. 17 Ngunit ang mga taga-Israel na nakatira sa mga lungsod ng Juda, pinamunuan sila ni Rehoboam.

18 Pagkatapos, ipinadala ni Haring Rehoboam si Adoram na namumuno sa sapilitang panggawa, ngunit binato siya ng mga Israelita hanggang sa namatay siya. Kaagad na tumakas si Haring Rehoboam sakay ng kaniyang karwahe patungo sa Jerusalem. 19 Kaya, nagrerebelde ang Israel laban sa sambahayan ni David hanggang sa mga panahong ito.

11:1 Nang makarating si Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang sambahayan ni Juda at Benjamin, 180, 000 na piling mga lalaking mandirigma na makikipaglaban sa Israel upang maibalik kay Rehoboam ang kaharian. 2 Ngunit natanggap ni Semaias na lingkod ng Diyos ang salita ni Yahweh, na nagsasabi, 3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon na hari ng Juda at sa buong Israel na nasa Juda at Benjamin. 4 Sinabi ito ni Yahweh, 'Hindi ninyo dapat salakayin o kalabanin ang inyong mga kapatid. Dapat bumalik ang bawat isa sa kaniyang tahanan sapagkat ang bagay na ito ay pinahintulutan kong mangyari.'” Kaya nakinig sila sa mga salita ni Yahweh at hindi na nila kinalaban si Jeroboam.

1 Mga Hari 14:25–31

25 Nangyari nang ika-limang taon ng paghahari ni Haring Rehoboam na sinalakay ni Shishak hari ng Ehipto ang Jerusalem. 26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa bahay ni Yahweh, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari. Sinamsam niya ang lahat ng bagay; kinuha niya rin ang lahat ng mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon.

27 Gumawa ng mga tansong kalasag si Haring Rehoboam kapalit nila at ipinagkatiwala sila sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nagbabantay ng pintuan sa bahay ng hari. 28 Ito ay nangyayari kapag pumapasok ang hari sa bahay ni Yahweh, dala-dala ito ng mga bantay; pagkatapos sila ay ibabalik nila sa himpilan ng bantay.

29 Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Rehoboam, at sa lahat ng ginawa niya, hindi ba nasusulat sila sa Ang Aklat ng mga Kaganapan ng mga Hari ng Juda?

30 Mayroong patuloy na digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Rehoboam at sa sambahayan ni Jeroboam. 31 Kaya humimlay si Rehoboam kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing kasama nila sa lungsod ni David. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita. Si Abias na kaniyang anak na lalaki ang naging hari na kaniyang kahalili.