Ipinahayag ni Pedro na si Cristo ang Tagapagligtas ng Lahat

Ipinahayag ni Pedro sa unang pagkakataon na si Cristo ang Tagapagligtas ng lahat ng sumasampalataya sa kanya, maging ng mga Gentil.

humigit-kumulang A.D. 40

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Gawa 10:34–43

34 At binuksan ni Pedro ang kaniyang bibig at sinabi, “Sa katotohanan, naunawaan ko ng lubusan na walang tinatangi ang Diyos. 35 Sa halip, sa bawat bansa ang sinumang sumasamba at gumagawa ng mga matuwid na gawain ay katanggap-tanggap sa kaniya. 36 Alam ninyo ang mensahe na ipinadala niya sa mga taga-Israel, nang ipahayag niya ang magandang balita tungkol sa kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na Panginoon ng lahat— 37 Alam ninyo mismo ang mga kaganapan na nangyari, na naganap sa buong Judea, na nagsimula sa Galilea, pagkatapos nang pagbautismo na ipinahayag ni Juan; 38 ang mga kaganapan na ukol kay Jesus ng Nazaret, kung paano siya pinuspus ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Naglibot siya na gumagawa ng kabutihan at nagpapagaling ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 Saksi kami sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa bansa ng mga Judio at sa Jerusalem —itong si Jesus na kanilang pinatay, na binitay sa isang kahoy. 40 Itong taong ito ay muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at ibinigay siya upang makilala, 41 hindi sa lahat ng mga tao, kundi sa mga saksi na noon pa man ay pinili na ng Diyos- kami mismo, na kumain at uminom kasama niya pagkatapos niyang muling mabuhay mula sa mga patay. 42 Inutusan niya kami upang mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang pinili ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay. 43 Ito ay para sa kaniya kaya nagpapatotoo ang mgapropeta, upang ang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay makatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”

Tinanggap ni Cornelio at ng Kanyang mga Kaibigan ang Espiritu

Tinanggap ni Cornelio at ng kanyang mga kaibigan ang Banal na Espiritu at nabautismuhan sila.

Mga Gawa 10:44–48

44 Habang sinasabi pa lamang ni Pedro ang mga bagay na ito, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa lahat ng mga nakikinig sa kaniyang mensahe. 45 Ang mga taong napabilang sa mga mananampalatayang tuli—lahat ng mga sumama kay Pedro— ay namangha, dahil ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naibuhos din sa mga Gentil. 46 Dahil narinig nila ang mga Gentil na nagsasalita ng iba't-ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Pagkatapos sinabi ni Pedro, 47 “Mayroon bang hahadlang sa mga taong ito upang hindi mabautismuhan sa tubig, ang mga taong ito na nakatanggap ng Banal na Espiritu na katulad natin?” 48 At sila ay inutusan niya na magpabautismo sa ngalan ni Jesu-Cristo. At hiniling nila na manatili siya sa kanila ng ilang araw.

Ipinagtanggol ni Pedro ang Pagbabautismo kay Cornelio

Ipinagtanggol ni Pedro ang kanyang ginawang pagdalaw at pagbabautismo kay Cornelio.

Mga Gawa 11:1–18

1 Ngayon narinig ng mga alagad at mga kapatiran na nasa Judea na ang mga Gentil ay tumanggap din ng salita ng Diyos. 2 Nang makarating si Pedro sa Jerusalem, pinuna ng mga taong nabibilang sa mga tinuling pangkat; 3 sinabi nila, “Nakihalubilo ka sa mga hindi tuling lalaki at kumain kasama nila!”

4 Ngunit nagsimulang ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang bagay na iyon ng detalyado; sinabi niya, 5 Nananalangin ako sa lungsod ng Joppa, nang ako'y makakita ng isang pangitain ng isang sisidlang bumababa, katulad ng malaking kumot na ipinababa sa pamamagitan ng apat na sulok nito. Ito ay bumaba sa akin. 6 Minasdan ko ito at inisip ko ang tungkol dito. Nakita ko ang mga may apat na paang mga hayop sa lupa, mga mababangis na hayop, mga hayop na gumagapang, at mga ibon sa himpapawid. 7 Pagkatapos narinig ko ang tinig na nagsabi sa akin, “Bumangon ka, Pedro; kumatay at kumain.”

8 Sinabi ko, “Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailanman walang hindi banal o hindi malinis na pumasok sa aking bibig.”

9 Ngunit ang tinig ay sumagot muli mula sa langit, “Ang ipinahayag ng Diyos na malinis, huwag mong ituring na hindi malinis.”

10 Nangyari ito ng tatlong beses, at pagkatapos noon ang lahat ay naibalik muli sa langit.

11 At narito, agad na may tatlong lalaki na nakatayo sa harap ng bahay kung saan kami naroon; sila ay ipinadala sa akin mula Cesarea. 12 Iniutos ng Espiritu sa akin na sumama sa kanila, at dapat hindi ako tatangi sa kanila. Itong anim na mga kapatid ay sumama sa akin, at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Sinabi niya sa amin kung paano niya nakita ang anghel na nakatayo sa kaniyang bahay at nagsasabing, “Magpadala ka ng mga lalaki sa Joppa at sunduin si Simon na ang isa pang pangalan ay Pedro. 14 Siya ay magsasalita sa iyo ng isang mensahe na sa pamamagitan nito maliligtas ka— ikaw at lahat ng iyong sambahayan.”

15 Nang magsimula akong magsalita sa kanila, dumating ang Banal na Espiritu sa kanila, gayang nangyari sa atin noong una. 16 Naalala ko ang mga salita ng Panginoon, kung paano niya sinabing, “Tunay nga na nagbautismo si Juan ng tubig, ngunit kayo ay babautismuhan sa Banal na Espiritu.” 17 At kung ibinigay ng Diyos sa kanila ang parehong kaloob na gaya ng ibinigay niya sa atin nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako upang salungatin ang Diyos?”

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, wala silang naisagot sa kaniya, ngunit nagpuri sila sa Diyos at sinabing, “ Kung ganoon ibinigay din ng Diyos sa mga Gentil ang pagsisisi sa buhay.”

Nangaral sa mga Debotong Gentil ang mga Nagbalik-loob na Nangalat A.D. 41

Ang mga nagbalik-loob na nangalat dahil sa pag-uusig matapos ang pagkamatay ni Esteban ay nangaral din sa mga debotong Gentil nang marinig nila ang tungkol sa pangitain ni Pedro.

Mga Gawa 11:19–21

19 Kaya kumalat ang mga mananampalataya mula Jerusalem dahil sa paghihirap na nagumpisa noong kamatayan ni Esteban—ang mga mananampalatayang ito ay umabot sa mga malalayong lugar ng Fenicia, Sayprus at Antioquia. Sinabi nila ang mensahe tungkol kay Jesus sa mga Judio lamang, at wala nang iba pa. 20 Ngunit ang ilan sa kanila, na mga lalaking taga- Sayprus at taga-Cirene, ay pumunta sa Antioquia at nagsalita sa mga Griego rin at ipinangaral ang Panginoong Jesus. 21 At ang kamay ng Panginoon ay kasama nila; malaking bilang ang nanampalataya at bumalik sa Panginoon.