Bahagi 2: Ipinangaral ang Ebanghelyo sa mga Debotong Gentil

Naipangaral na ang ebanghelyo sa mga Judio sa Jerusalem, Judea, Samaria, at mga lalawigan. Dumating ang panahon para sa pagbabalik-loob ng mga debotong Gentil, o mga proselito ng pintuang-bayan.

Isang Pangitain ang Nagpadala kay Pedro sa Isang Gentil

Nakakita si Pedro ng isang pangitain kung saan inutusan siyang dalawin ang isang Gentil, na sinabihan sa pamamagitan ng isang himala na ipasundo si Pedro.

humigit-kumulang A.D. 40

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Gawa 10:1–16

1 Ngayon may isang tao sa lungsod ng Cesarea, na nagngangalang Cornelio, isang senturiong tinawag na hukbong Italyano. 2 Siya ay isang maka-diyos, na sumasamba sa Diyos kasama ang lahat ng kaniyang sambahayan; siya ay nagbigay ng malaking halaga ng salapi sa mga Judio at palaging nananalangin sa Diyos. 3 Bandang alas tres ng hapon, malinaw niyang nakita sa pangitain ang isang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Ang sabi ng anghel sa kaniya, “Cornelio!”

4 Tumitig si Cornelio sa anghel at takot na takot na sinabi, “Ano po iyon, ginoo?” Sinabi ng anghel sa kaniya, “Ang iyong mga panalangin at mga kaloob sa mga mahihirap ay pumaitaas bilang alaala na alay sa harapan ng Diyos. 5 Ngayon magpadala ka ng mga lalaki sa lungsod ng Joppa upang sunduin ang lalaking nagngangalang Simon, na pinangalanan ding Pedro. 6 Siya ay naninirahan sa bahay ng mambibilad ng balat ng hayop na si Simon, na ang bahay ay nasa tabing dagat.”

7 Nang makaalis ang anghel na kumausap sa kaniya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod sa bahay, at isang sundalo na sumasamba sa Diyos na kabilang sa mga sundalong naglilingkod rin sa kaniya. 8 Sinabi ni Cornelio sa kanila ang lahat nang nangyari at sila ay pinapunta sa Joppa.

9 Bandang tanghali kinabukasan, sa kanilang paglalakbay papalapit sa lungsod, si Pedro ay pumunta sa bubungan upang manalangin. 10 Nagutom siya at gusto niya ng kumain, ngunit habang nagluluto ang mga tao ng pagkain, nabigyan siya ng isang pangitain, 11 at nakita niyang bumukas ang langit at may isang sisidlan na bumababa mula sa langit, katulad ng isang malaking kumot na ipinababa sa lupa sa pamamagitan ng apat na mga sulok nito. 12 Naroon ang lahat na uri ng hayop na may apat na paa, at mga bagay na gumagapang sa lupa, at mga ibon sa himpapawid. 13 At may tinig na kumausap sa kaniya: “Bumangon ka Pedro, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari Panginoon, dahil ni minsan hindi ako kumain ng anumang marumi at hindi malinis.”

15 Ngunit muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: “Huwag mong ituring na marumi ano man ang nilinis na ng Diyos.”

16 Nangyari ito nang tatlong beses; at agad na ibinalik sa langit ang sisidlan.

Dinalaw ni Pedro si Cornelio, Isang Senturyong Romano

Mga Gawa 10:17–33

17 Ngayon habang naguguluhan pa si Pedro tungkol sa kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga lalaki na ipinadala ni Cornelio na nakatayo sa harapan ng tarangkahan, pagkatapos nilang tanungin ang daan patungo sa tahanan. 18 At sila ay tumawag at nagtanong kung naninirahan doon si Simon na tinatawag ding Pedro.

19 Habang iniisip pa rin ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi ng Espiritu sa kaniya, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo. 20 Bumangon ka at bumaba at sumama sa kanila. Huwag kang matakot na sumama sa kanila, dahil ipinadala ko sila.”

21 Kaya bumaba si Pedro at sinabi sa mga lalaki, “Ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?”

22 Sinabi nila, “Ang senturion na nagngangalang Cornelio, isang matuwid na tao at sumasamba sa Diyos, at mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng lahat ng mga Judio sa bansa, ay sinabihan ng isang banal na anghel ng Diyos na papuntahan ka para isama ka sa kaniyang bahay, upang siya ay makinig ng mensahe mula sa iyo.”

23 Kaya inanyayahan sila ni Pedro na pumasok at manatili na kasama niya. Kinabukasan bumangon siya at sumama sa kanila, at sinamahan siya ng ilang mga kapatid na taga-Joppa.

24 Noong sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Hinihintay sila ni Cornelio; tinipon niya ang kaniyang mga kamag-anak at kaniyang mga malalapit na kaibigan. 25 Nangyari nga na nang papasok na si Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at lumuhod sa kaniyang paanan para parangalan siya. 26 Ngunit pinatayo siya ni Pedro at sinabi na, “Tumayo ka; ako rin ay isang tao lamang.

27 Habang nakikipag-usap si Pedro sa kaniya, pumasok siya at natagpuan niya ang napakaraming tao na nagtipon-tipon doon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Batid ninyo mismo na hindi naaayon sa batas para sa isang Judio na makihalubilo o bumisita sa kaninuman galing sa ibang bansa. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat tawagin ang sinuman na marumi o hindi malinis. 29 Kaya pumunta ako na hindi na nakipagtalo nang ako ay papuntahin dito. Kaya tinatanong ko kayo kung bakit ninyo ako pinapunta.”

30 Sinabi ni Cornelio, “ May apat na araw na ngayon ang nakakalipas sa ganito ring oras, bandang alas-tres nananalangin ako sa aking bahay; at nakita ko ang isang lalaking nakatayo sa aking harapan na may maliwanag na kasuotan. 31 At sinabi niya, “Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong panalangin at ang ibinibigay mo sa mga mahihirap ay nagpaalala sa Diyos tungkol sa iyo. 32 Kaya magpadala ka ng tao sa Jopa, at ipatawag ang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Nakikitira siya sa bahay ng isang taong mambibilad ng balat ng hayop na nangngangalang Simon, sa tabing-dagat. (Pagdating niya, kakausapin ka niya.)

33 kaya agad kitang ipinatawag, mabuti at dumating ka. At ngayon nandito kaming lahat sa harapan ng Diyos upang makinig sa lahat ng mga itinuro sa iyo ng Diyos na sasabihin mo.”