Ang Ministeryo ni Pablo sa mga Gentil at ang Kaniyang mga Plano

Ngayong natapos na ang mga bahaging pangdoktrina at praktikal ng kaniyang liham, higit na tinutuunan ni Pablo ang mga Gentil. Kumbinsido siyang puspos sila ng kabutihan at kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos para sa kanila kaya kaya nilang magpaalalahanan. Gayunman, buong tapang siyang sumulat sa kanila dahil sa kaniyang tungkulin bilang apostol, na tinanggap niya mula sa Diyos para sa pagbabalik-loob ng mga Gentil, na inihahandog niya ngayon sa Diyos bilang isang katanggap-tanggap na alay. Ipinagmamalaki niya ang tagumpay ng sarili niyang ministeryo, na si Cristo ay gumagawang kasama niya at nagpapatibay kapuwa sa kaniyang pagtuturo at misyon sa pamamagitan ng makapangyarihang mga tanda at kababalaghan, sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang kaniyang pananabik na ipangaral ang ebanghelyo sa mga lugar na hindi pa ito kilala ang naging hadlang sa pagdalaw niya sa Roma, kung saan naitatag na ito. Ngunit ngayon, dahil wala na siyang ibang dapat gawin, umaasa siyang makita sila habang papunta sa Espanya at masiyahan sa kanilang pakikisama sa paglalakbay niya roon. Binabanggit niya ang balak niyang paglalakbay sa Jerusalem upang dalhin ang mga ambag ng mga Gentil na naakay niya sa pananampalataya sa mga Judiong naakay sa pananampalataya sa Jerusalem, sa pag-asang mapagkasundo sila sa isa't isa sa pamamagitan nito: yamang nakilala ng mga Gentil ang mga espirituwal na bagay sa pamamagitan ng mga Judio, tungkulin nilang gumanti sa kanila sa mga materyal na bagay. Inuulit niya na balak niyang dalawin sila matapos maihatid ang mga ambag, dala ang mga kaloob at pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo. Hinihimok niya silang taimtim na manalangin upang mailigtas siya mula sa mga di-sumasampalatayang Judio, na naghahangad na patayin siya, at upang maging katanggap-tanggap ang kaniyang ambag sa mga Kristiyanong Judio. Nagtatapos siya sa kaniyang pag-asang makita sila upang kapuwa sila mapalakas sa pagbabahaginan ng mga espirituwal na kaloob, at sa kaniyang basbas.

A.D. 58

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Taga-Roma 15:14–33

14 Ako man sa aking sarili ay naniniwala tungkol sa inyo, aking mga kapatid. Naniniwala din ako na kayo mismo ay puno ng kabutihan, puno ng lahat ng kaalaman. Naniniwala ako na kayo ay may kakayahan ding payuhan ang isa't isa. 15 Ngunit mas matapang akong sumusulat sa inyo tungkol sa ilang mga bagay upang paalalahanan kayong muli, dahil sa kaloob na ibinigay sa akin ng Diyos. 16 Itong kaloob na dapat akong maging lingkod ni Cristo Jesus na isinugo sa mga Gentil, upang ihandog bilang isang pari ang ebanghelyo ng Diyos. Kailangan kong gawin ito upang ang handog ng mga Gentil ay maging katanggap-tanggap, nakalaan sa Diyos sa pamamangitan ng Banal na Espiritu.

17 Kaya ang aking kagalakan ay kay Cristo Jesus at sa mga bagay na mula sa Diyos. 18 Sapagkat hindi ako mangangahas na magsalita ng kahit na ano maliban sa mga bagay na ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko para sa pagsunod ng mga Gentil. Ito ay mga bagay ng ginawa sa pamamagitan ng salita at gawa, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga tanda at mga kahanga-hangang gawa, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ito ay nangyari mula sa Jerusalem, at sa palibot hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko nang lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

20 Sa ganitong paraan, ang aking hangarin ay ang maipahayag ang ebanghelyo, ngunit hindi kung saan kilala ang pangalan ni Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa pundasyon ng ibang tao. 21 Katulad ng nasusulat: “Makikita siya ng mga hindi dinatnan ng balita tungkol sa kaniya, at maiintindihan ng mga hindi nakarinig.”

22 Kaya maraming beses din akong hinadlangan na tumungo sa inyo.

23 Ngunit ngayon, wala na akong iba pang lugar sa mga lupaing ito, at inaasam ko ng maraming taon na makapunta ako sa inyo. 24 Kaya sa tuwing pumupunta ako sa Espanya, umaasa akong makita kayo sa aking pagdaan, at inasahan ko din na kayo ang tutulong sa aking pag-alis pagkatapos akong magsaya kasama kayo kahit panandalian lang.

25 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa Jerusalem upang maglingkod sa mga mananampalataya. 26 Sapagkat ito ay kasiyahan ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaya na magambag-ambag para sa mga mahihirap na mananampalataya na nasa Jerusalem. 27 Oo, ito ay kanilang kasiyahan, at sa katunayan, sila ang mga may utang sa kanila. Sapagkat kung ang mga Gentil ay nakibahagi sa kanilang mga espirituwal na bagay, dapat lang silang maglingkod sa kanila sa mga materyal na bagay.

28 Kaya, kapag natapos kong gawin ito at mapatunayan ang bungang ito sa kanila, dadaan ako diyan sa inyo pagpunta ko sa Espanya. 29 Alam ko, na kapag pumunta ako sa inyo, pupunta ako ng may buong pagpapala ni Cristo.

30 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa pamamagitan ng pag-ibig ng Banal na Espirito, na magsumikap kayo kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos patungkol sa akin. 31 Ipanalangin ninyo na ako ay maligtas sa mga hindi sumusunod na nasa Judea at ang aking paglilingkod sa Jerusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga mananampalataya. 32 Ipanalangin ninyo na ako ay makapunta sa inyo ng may galak sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at ako nawa ay makasumpong ng kapahingahan ka kasama ninyo.

33 Nawa ay sumainyong lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

Ipinagkakatiwala ni Pablo si Febe at Binabati ang Kaniyang mga Kaibigan

Ipinagkakatiwala ni Pablo si Febe, na nagdala ng liham na ito, sa pagtulong ng mga Kristiyano sa Roma. Binabati niya sina Aquila at Priscila, na lubos niyang pinupuri, at ang iglesya sa kanilang bahay. Binabati niya ang marami sa kaniyang mga Kristiyanong kaibigan na naninirahan na ngayon sa Roma, na ang ilan ay malamang na siya mismo ang umakay sa pananampalataya.

Mga Taga-Roma 16:1–16

1 Inihahabilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na isang lingkod ng iglesiya na nasa Cencrea, 2 upang siya ay tanggapin ninyo sa Panginoon. Gawin ninyo ito sa paraan na karapat-dapat sa mga mananampalataya, at tulungan ninyo siya sa anumang mga pangangailangan niya. Sapagkat siya mismo ay tumulong din sa marami, at ganun din sa akin.

3 Batiin ninyo sina Prisca at Aquila, na mga kapwa ko manggagawa kay Cristo Jesus, 4 na inilagay sa panganib ang kanilang mga buhay para sa aking buhay. Nagpapasalamat ako sa kanila, at hindi lamang ako, kundi pati na rin ang lahat ng mga iglesiya ng mga Gentil. 5 Batiin ninyo ang iglesiya na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na aking minamahal, na siyang kauna-unahang bunga ng Asia kay Cristo.

6 Batiin ninyo si Maria na naglingkod ng lubos para sa inyo.

7 Batiin ninyo sina Andronico at Junia, na aking mga kamag-anak, at kasamahan kong mga bilanggo. Kilala sila sa mga apostol, na nauna pang nakakilala kay Cristo kaysa sa akin.

8 Batiin ninyo si Ampliato, na aking minamahal sa Panginoon.

9 Batiin ninyo si Urbano, na ating kapwa manggagawa kay Cristo, at ang minamahal kong si Staquis.

10 Batiin ninyo si Apeles, na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Aristobulo.

11 Batiin ninyo si Herodion, na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Narciso, na nasa Panginoon.

12 Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa, na naglingkod nang lubos sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na naglingkod nang labis sa Panginoon.

13 Batiin ninyo si Rufo, na pinili ng Panginoon, at ang kaniyang ina at ina ko rin.

14 Batiin ninyo sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hemas at ang mga kapatid na kasama nila.

15 Batiin ninyo sina Filologo at Julia, Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at lahat ng mga mananampalataya na kasama nila.

16 Batiin ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng banal na halik. Lahat ng mga iglesiya ni Cristo ay binabati kayo.

Iwasan ang mga Nagdudulot ng Pagkakabaha-bahagi

Muling binabalaan sila ni Pablo na iwasan ang pagkakabaha-bahagi at ang mga taong nagdudulot nito. Hindi naglilingkod kay Cristo ang gayong mga tao sa pamamagitan ng pangangaral ng kaniyang aral, sapagkat makamundong pakinabang lamang ang kanilang hinahangad; at dahil wala silang mga espirituwal na kaloob, dinadaya o inililigaw nila ang puso ng mga walang kamalay-malay na bagong Kristiyano sa pamamagitan ng matatamis na pananalita at pambobola. Nagagalak siya sa kanilang kasalukuyang pagsunod, at hinihimok silang patuloy na unawain at gawin ang mabuti, at maging dalisay, o walang muwang, tungkol sa masama: ibig sabihin, iwasan ang lahat ng maling aral at lahat ng masamang halimbawa. Inihuhula niya ang mabilis na pagkalipol ng mga kampon ni Satanas, na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa iglesya, at nagtatapos sa kaniyang basbas.

Mga Taga-Roma 16:17–20

17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.

19 Sapagkat ang inyong halimbawa ng pagsunod ay umabot na sa lahat. Kaya nagagalak ako sa inyo, ngunit gusto kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at walang kamalayan sa kasamaan.

20 Hindi magtatagal, ang Diyos ng kapayapaan ay dudurugin si Satanas sa ilalim ng inyong mga paa. Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

Mga Pagbati at Kaluwalhatian sa Tanging Marunong na Diyos

Sa isang pahabol, ipinadadala ni Pablo ang mga pagbati ng ilang taong kasama niya. Nilalagom niya ang lahat sa pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, na siya lamang ang may kapangyarihang patatagin sila sa tunay na pananampalataya kay Cristo nang wala ang Kautusan ni Moises. Dati itong isang hiwaga, na inilihim (bagaman naihula na ang pagtawag sa mga Gentil), ngunit ngayo'y ipinahahayag sa utos ng walang hanggang Diyos na ipinahayag kay Pablo, upang sa pamamagitan ng kaniyang pangangaral ay makilala ng lahat ng bansa ang pagsunod na nagmumula sa pananampalataya, at sila'y sumampalataya at sumunod. “Sa tanging marunong na Diyos ang kaluwalhatian magpakailanman.”

Mga Taga-Roma 16:21–27

21 Binabati kayo ni Timoteo, ang aking kapwa manggagawa, at nina Lucius, Jason, at Sosipato, na aking mga kamag-anak.

22 Ako, si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23 Binabati kayo ni Gauis, na tinutuluyan ko at ng buong iglesiya. Binabati kayo ni Erasto, ang ingat-yaman ng lungsod, kasama ang kapatid na si Quarto. 24 [Nawa ang biyaya ng ating Panginoon Jesu-Cristo ay mapasainyong lahat. Amen] 25 Ngayon sa kaniya na may kakayahang kayo ay pagtibayin ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na itinago mula pa noon, 26 ngunit sa ngayon ay inilahad na at nalaman sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta ayon sa kautusan ng walang hanggang Diyos, para sa pagsunod ng mga Gentil dahil sa kanilang pananampalataya? 27 sa iisang Diyos na matalino, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.