Ipinagtatanggol ni Pablo ang Kaniyang mga Karapatan Bilang Apostol

Dito ay ipinagtatanggol ni Pablo ang kaniyang pagkaapostol sa pamamagitan ng pagbanggit sa kanilang sariling pagtalikod sa paganismo at sa mga espirituwal na kaloob na ibinigay niya sa kanila. Sinasagot niya ang mga pagtutol laban sa kaniyang pagkatao bilang apostol na inihaharap ng kaniyang mga kaaway, na may mga pananaw at asal na lubos na salungat sa kaniyang mga pananaw at asal. Iginigiit niya na bagaman tumanggi siyang tumanggap ng suporta mula sa mga taga-Corinto, lubos siyang may karapatang hingin ito, kapwa para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang kapatid na babae, o asawa, gaya ng ibang mga apostol. Ipinagtatanggol niya ang kaniyang karapatang tumanggap ng suporta batay sa karaniwang kaugalian ng sangkatauhan, sa Kautusan ni Moises, at sa tahasang utos ni Cristo.

A.D. 57

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Corinto 9:1–14

1 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako isang apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus, ang ating Panginoon? Hindi ba't kayo ang aking mga gawa sa Panginoon? 2 Kung hindi ako apostol sa iba, gayunman, apostol naman ako sa inyo. Sapagkat kayo ang patunay ng aking pagka-apostol sa Panginoon.

3 Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatan na isama ang aming mga asawa na isang mananampalataya, gaya ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang dapat magtrabaho?

7 Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? O sino ang nag-aalaga ng kawan at hindi umiinom ng gatas mula sa mga ito?

8 Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito batay sa makataong kapangyarihan? Hindi ba sinabi din ito ng batas? 9 Sapagkat nasusulat sa kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil.” Ang baka nga ba talaga ang pinahahalagahan ng Diyos? 10 Hindi ba siya nagsasalita tungkol sa amin? Naisulat ito para sa amin, sapagkat ang siyang nag-aararo ay nag-aararo sa pag-asa at ang gumigiik ay kailangang gumiik na umaasa na makikibahagi sa ani.

11 Kung naghasik kami ng mga espirituwal na bagay sa inyo, kalabisan ba sa amin na umani ng mga materyal na bagay mula sa inyo? 12 Kung ginagawa ng iba ang karapatang ito mula sa inyo, hindi ba mas lalo na kami? Gayunman, hindi namin inangkin ang karapatang ito. Sa halip, tiniis namin ang lahat kaysa maging hadlang sa ebanghelyo ni Cristo.

13 Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay kumukuha ng pagkain mula sa templo? Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa altar ay nakikibahagi sa kung ano ang naihandog sa altar? 14 Sa ganoon ding paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga nagpapahayag ng ebanghelyo ay dapat kunin ang kanilang kabuhayan mula sa ebanghelyo.

Isinusuko ni Pablo ang Kaniyang Karapatang Tumanggap ng Suporta

Ibinibigay ni Pablo ang kaniyang mga dahilan sa hindi pag-angkin sa kaniyang karapatang suportahan ng iglesiang Kristiyano sa Corinto: nangamba siyang baka mabawasan ang tagumpay ng ebanghelyo kung pabibigatan niya sila. Ipinapahayag niya ang kaniyang matinding hangaring maging mahusay sa kaniyang ministeryo. Kontento sa tungkuling hindi niya maaaring pabayaan, ang pangangaral, ipinapakita niya kung paano siya umaangkop sa mga kahinaan at pagkiling ng lahat ng uri ng tao upang mahikayat niya sila kay Cristo. Mula sa talatang 24, ipinapakita ni Pablo na tama ang kaniyang pagharap sa mga paghihirap at mga pagpapagal na hindi naman kinakailangan, sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang kaugalian ng sarili nilang mga kababayan, na umaasang magkamit lamang ng isang koronang nasisira. Inaanyayahan niya ang lahat ng nahikayat sa pananampalataya na sundin ang kaniyang halimbawa, na pinasisigla ng tiyak na pag-asang magkamit ng isang koronang hindi nasisira. Hinihimok silang mamuhay nang may patuloy na pagtanggi sa sarili at pagpipigil sa sarili.

1 Corinto 9:15–27

15 Ngunit hindi ko inangkin ang kahit anuman sa mga karapatang ito. At hindi ako nagsusulat upang maganap ito sa akin. Mas gugustuhin ko pa ang mamatay kaysa bawian ako ng sinuman ng maipagmamalaki.

16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, wala akong dahilan para magmayabang dahil dapat ko itong gawin. At kaawa-awa ako kung hindi ko ipangangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung gagawin ko ito ng maluwag sa kalooban, may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, may responsibilidad pa rin ako sa ipinagkatiwala sa akin. 18 At ano ang aking gantimpala? Na kung ako ay nangangaral, maiaalok ko ang ebanghelyo nang walang bayad at hindi ko lubos na gagamitin ang aking karapatan sa ebanghelyo.

19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 20 Sa mga Judio, naging katulad ako ng isang Judio upang makahikayat ng mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautuan, naging katulad ako ng isang nasa ilalim ng batas upang makahikayat ng mga nasa ilalim ng batas. Ginawa ko ito kahit na wala ako sa ilalim ng batas. 21 Sa mga nasa labas ng kautusan, naging katulad ako ng nasa labas ng kautusan, kahit na ako mismo ay wala sa labas ng kautusan ng Diyos ngunit sa ilalim ng kautusan ni Cristo. Ginawa ko ito upang aking mahikayat ang mga nasa labas ng kautusan. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan.

23 Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito.

24 Hindi ba ninyo alam na sa isang takbuhan, ang lahat ng mananakbo ay tumatakbo, ngunit iisa lamang ang makatatanggap ng gantimpala? Kaya tumakbo ka upang makamit ang gantimpala. 25 Ginagawa ng manlalaro ang pagpipigil sa sarili sa lahat ng kaniyang pagsasanay. Ginagawa nila ito upang makatanggap ng koronang nasisira, ngunit tumatakbo tayo upang makatanggap ng koronang hindi nasisira. 26 Samakatwid hindi ako tumatakbo ng walang layunin o sumusuntok sa hangin. 27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin upang pagkatapos kong mangaral sa iba ay hindi ako maalisan ng karapatan.

Babala sa mga taga-Corinto ang Halimbawa ng Israel

Mula sa pag-uugali ng mga Israelita noong unang panahon, nais ni Pablo na kumbinsihin ang mga taga-Corinto na kung paanong ang bayang kinalulugdan ng Diyos ay pinarusahan nang napakabigat dahil sa kanilang mga kaguluhan at pagsamba sa mga diyus-diyosan, gayundin katiyak na parurusahan ang mga Kristiyano sa ilalim ng ebanghelyo na nagpapakasasa sa gayunding mga kasalanan at kasiyahan, gaya ng mga Israelita sa ilalim ng Kautusan. Sa pamamagitan ng mga halimbawang ito ay binabalaan niya silang iwasan ang gayunding mga paglabag. Binabalaan niya silang huwag labis na magtiwala sa kanilang sarili bilang mga miyembro ng iglesiang Kristiyano, kundi mag-ingat upang hindi rin sila mahulog sa kasalanan.

1 Corinto 10:1–12

1 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ating mga ninuno ay napasailalim sa ulap at tumawid silang lahat sa dagat. 2 Lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat, 3 at lahat ay kumain ng parehong espiritwal na pagkain. 4 Lahat ay nakainom ng parehong espirituwal na inumin. Sapagkat sila ay nakainom mula sa parehong espirituwal na bato na sumunod sa kanila, at ang batong ito ay si Cristo. 5 Ngunit hindi lubusang nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang kanilang mga bangkay ay nagkalat sa ilang.

6 Ngayon ang mga bagay na ito ay mga halimbawa para sa atin, upang tayo ay hindi manabik sa mga masasamang bagay na gaya ng kanilang ginawa. 7 Huwag kayong maging mapagsamba sa mga diyus-diyosan, na tulad ng ilan sa kanila. Ito ay gaya ng nasusulat, “Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw ng may sekswal na pagnanasa.” 8 Huwag tayong gumawa ng sekswal na imoralidad, na gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila. Dalawampu't tatlong libo ang namatay sa isang araw dahil dito. 9 Ni susubukin natin si Cristo, gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila at pinatay sila sa pamamagitan ng mga ahas. 10 Gayon din huwag kayong magreklamo na katulad ng ginawa ng karamihan sa kanila, at pinatay sa pamamagitan ng isang anghel nang kamatayan.

11 Ngayon nangyari ang mga ito sa kanila upang maging halimbawa para sa atin. Ito ay mga alituntunin na naisulat-para sa atin sa mga huling panahon. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak.

Dapat Iwasan ng mga taga-Corinto ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Hinihimok ang mga taga-Corinto, na nahaharap lamang sa mga tuksong nararanasan din ng iba, na lumayo sa pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa pagkain ng mga inihandog sa mga ito. Pinatutunayan ni Pablo, mula sa sarili nating Komunyon at sa kautusang seremonyal, na ang gayong gawain ay isang panlabas na pagsamba sa mga demonyo, na ang mga inihandog sa mga ito ay kanilang pinagsasaluhan at sa mga ito ay nakikiisa sila. Hindi maaaring magsama ang pagsamba sa tunay na Diyos at ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, at nilalapastangan nito si Cristo.

1 Corinto 10:13–22

13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

14 Samakatuwid, aking mga minamahal, lumayo kayo sa pagsamba ng diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang mga maalalahaning tao, upang inyo ngang hatulan kung ano ang aking sinasabi. 16 Ang tasa ng biyaya na ating pinagpala, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpira-piraso, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng katawan ni Cristo? 17 Sapagkat mayroong iisang tinapay, tayo na marami ay iisang katawan. Magsalu-salo tayong lahat sa iisang tinapay.

18 Tingnan ninyo ang mga tao ng Israel: hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay kabilang sa altar? 19 Ano nga ba ang aking sinasabi dito? Na ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang pagkain na naialay sa diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Ngunit ang sinasabi ko ay tungkol sa mga bagay na handog ng mga paganong Hentil, na kanilang inihahandog ang mga bagay na ito sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Ayaw ko kayong maging kabahagi ng mga demonyo! 21 Hindi kayo maaring uminom sa tasa ng Panginoon at sa tasa ng demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa mesa ng Panginoon at sa mesa ng mga demonyo. 22 O galitin ba natin ang Panginoon upang manibugho? Tayo ba ay mas malakas kaysa sa kaniya?