Mga Pagkaing Pinahihintulutan at ang Ikabubuti ng Iba
Pinagtitibay ni Pablo na bagaman pinahihintulutan sa ilalim ng ebanghelyo ang lahat ng pagkain, ipinahahayag niya laban sa mga bulaang guro na hindi lahat ay nararapat kainin, sapagkat dapat unahin ang pagpapatatag sa iba. Maaaring kainin ng mga taga-Corinto ang anumang ipinagbibili sa pamilihan ng karne o inihahain sa hapag ng isang pagano, maliban kung sa paggawa nito ay nasasaktan nila ang budhi ng mga kapatid na mahihina. Kahit sa mga gawaing hindi likas na tama o mali, dapat hangarin ng mga Kristiyano ang kaluwalhatian ng Diyos at ang kabutihan ng iba sa halip na ang sarili nilang mga kagustuhan. Tinatawag silang tularan ang pagiging di-makasarili ni Pablo, na sumunod kay Cristo.
A.D. 57
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
23 Ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi lahat ay makakapagpatibay sa tao. 24 Walang sinuman ang dapat na maghahanap sa sarili niyang kabutihan. Sa halip, hanapin ng bawat isa ang ikabubuti ng kaniyang kapwa.
25 Maaari niyong kainin ang lahat ng nabibili sa pamilihan, na walang katanungan sa budhi. 26 Sapagkat “Ang mundo ay sa Diyos at ang kabuuan nito.”
27 Kung ang isang hindi mananampalataya ay inanyayahan kayong kumain, at gusto ninyong pumunta, kainin ninyo ang anumang inihanda sa inyong harapan na walang katanungan sa budhi. 28 Ngunit kung ang isang tao ay nagsabi sa inyo, “Ang pagkain na ito ay mula sa handog ng pagano,” huwag ninyong kainin. Ito ay para sa kapakanan ng isang nagsabi sa inyo, at para sa kapakanan ng budhi. 29 Hindi ko tinutukoy ang inyong sariling budhi kundi ang budhi ng ibang tao. Sapagkat bakit hinuhusgahan ang aking kalayaan sa pamamagitan ng ibang budhi? 30 Kung kakain ako ng pagkain ng may pasasalamat, bakit ako iinsultuhin sa pinagpasalamatan ko?
31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng ikagagalit ng mga Judio at mga Griyego, o sa iglesia ng Diyos. 33 Subukan ninyo na gaya ko na nagbibigay lugod ako sa mga tao sa lahat ng bagay. Hindi ko hinanap ang aking kapakinabangan, kundi sa karamihan. Ginagawa ko ito upang sila ay maligtas.
11:1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Ipinagbabawal ni Pablo sa mga Babae ang Pagharap nang Walang Lambong
Pinupuri sila ni Pablo sa pagsunod sa kaniyang mga tagubilin. Ipinaliliwanag niya ang katangian ng mga ito sa pagpapakitang ang lahat ng lalaki ay nasasakop ni Cristo, ang babae ay nasasakop ng lalaki, at si Cristo ay nasasakop ng Diyos. Yamang ang lambong ay tanda ng pagiging nakabababa at pagpapasakop, ipinagbabawal sa mga babae ang pagharap nang walang lambong.
2 Ngayon pinupuri ko kayo dahil naalala ninyo ako sa lahat ng bagay. Pinupuri ko kayo dahil pinanghawakan ninyo ng mahigpit ang mga tradisyong gaya ng pagturo ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong maintindihan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae, at ang Diyos ang ulo ni Cristo.
4 Sinumang lalaki ang mananalangin at magpapahayag ng propesiya na may takip ang kaniyang ulo ay hindi niya ginagalang ang kaniyang ulo. 5 Ngunit hindi ginagalang ng sinumang babae ang kaniyang ulo kapag nananalangin at nagpapahayag ng propesiya nang walang takip ang kaniyang ulo. Sapagkat iisa at parehong bagay na parang ang kaniyang ulo ay inahitan. 6 Sapagkat kung hindi magtatakip ng kaniyang ulo ang babae, dapat niyang gupitan ang kaniyang buhok ng maiksi. Kung kahihiyan ito sa isang babae na magpagupit ng maiksi o magpaahit ng kaniyang ulo, takpan niya ang kaniyang ulo.
7 Sapagkat hindi dapat magtakip ng kaniyang ulo ang lalaki, dahil siya ang larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit ang babae ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat hindi ginawa ang lalaki mula sa babae. Sa halip, ang babae ang ginawa mula sa lalaki. 9 Sapagkat, hindi rin nilikha ang lalaki para sa babae, kundi nilikha ang babae para sa lalaki. 10 Ito ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng kapamahalaan sa kaniyang ulo, dahil sa mga anghel.
11 Gayon pa man, sa Panginoon, hindi malaya ang babae sa lalaki, ni hindi rin malaya ang lalaki sa babae. 12 Sapagkat nagmula sa lalaki ang babae, gayon din ang lalaki ay nagmula sa babae. At nagmula sa Diyos ang lahat ng bagay.
13 Kayo na ang humatol: Angkop ba ito sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang takip ang kaniyang ulo? 14 Hindi ba't kahit ang kalikasan mismo ay tinuturuan kayo na kapag may mahabang buhok ang lalaki, kahihiyan ito sa kaniya? 15 Hindi ba't tinuturo din ng kalikasan sa inyo na kapag may mahabang buhok ang babae, ito ay kaniyang kaluwalhatian? Sapagkat ibinigay sa kaniya ang kaniyang buhok bilang pantakip. 16 Ngunit, kung may sinumang gustong makipagtalo sa bagay na ito, wala kaming ibang kaugalian, gayon din ang mga iglesiya ng Diyos.
Sinasaway ni Pablo ang Kaguluhan sa Hapunan ng Panginoon
Sinasaway sila ni Pablo dahil sa kanilang mga pagkakabaha-bahagi at magkakahiwalay na pangkat kapag nagtitipon sila upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon. Hindi lamang sila dapat magtipon sa isang lugar kundi makibahagi rin sa Hapunan ng Panginoon bilang iisang katawan, na nagkakaisa sa pag-alaala sa kamatayan ni Cristo. Hinahatulan niya sila sa pagdadala ng pagkain sa iglesya at pagdaragdag nito sa Hapunan ng Panginoon, na lumalapastangan sa banal na tuntunin. Upang ituwid ang mga kaguluhang ito, isinasalaysay ni Pablo kung paano itinatag ang Eukaristiya, kalakip ang mga tagubilin sa wastong pagdaraos nito.
17 Sa mga sumusunod na mga tagubilin, hindi ko kayo pupurihin. Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ito para sa ikabubuti subalit sa ikasasama. 18 Sapagkat sa simula pa lang, narinig kong kapag kayo ay nagtitipun-tipon sa iglesiya, ay may mga pagkakabaha-bahagi sa inyo, at bahagya ako ay naniniwala. 19 Sapagkat dapat may mga pangkat rin kayo, upang makilala sa inyong kalagitnaan ang mga karapat-dapat.
20 Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ang Banal na Hapunan ng Panginoon ang inyong pinagsasaluhan. 21 Kapag kumakain kayo, kinakain ng bawat isa ang kaniyang sariling pagkain bago kumain ang iba. Ang iba ay nagugutom, at ang iba ay nalalasing na. 22 Wala ba kayong mga bahay upang doon kayo kumain at uminom? Hinahamak ba ninyo ang iglesiya ng Diyos at ibinababa ang mga walang-wala? Ano ang kailangan kong sabihin sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Hindi ko kayo pupurihin para dito!
23 Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang ibinibigay ko sa inyo na ang Panginoong Jesus, sa gabing siya ay ipagkanulo, humuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: “Ito ang aking katawan, na para sa inyo. Gawin ninyo ito upang alalahanin ako.” 25 Sa ganoon ding paraan, matapos ang Hapunan, kinuha niya ang tasa at kaniyang sinabi, “Ito ang tasa ng bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo itong madalas na pag-inom, upang alalahanin ako.” 26 Sapagkat sa tuwing kumakain kayo ng tinapay na ito at umiinom sa tasang ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kaniyang pagbabalik.
27 Sinuman ang kakain ng tinapay o iinom sa tasa ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na pamamaraan, magkakasala siya sa katawan at sa dugo ng Panginoon. 28 Siyasatin muna ng isang tao ang kaniyang sarili, at sa paraang ito hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang katawan, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit marami ang may karamdaman at may sakit sa inyo, at ang ilan sa inyo ay namatay na.
31 Ngunit kung sinisiyasat natin ang ating mga sarili hindi tayo mahahatulan. 32 Ngunit kapag hinatulan tayo ng Panginoon, dinisiplina tayo, upang hindi na tayo mahatulan pa kasama ang mundo.
33 Kaya, mga kapatid, kung nagtitipun-tipon kayo upang kumain, hintayin ninyo ang isa't isa. 34 Kung sinuman ang nagugutom, kumain siya sa tahanan, nang sa gayon, kapag nagtitipun-tipon kayo, hindi ito para sa kahatulan. At tungkol sa ibang mga bagay na inyong isinulat, bibigyan ko kayo ng mga panuto kapag dumating ako diyan.