Inulit ni Moises ang Batas sa Paghuhukom (continued)

1451 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Deuteronomio 25–26

1 Kung may pagtatalo sa pagitan ng mga tao at pumunta sila sa hukuman, at hinatulan sila ng mga hukom, sa gayon ay pawawalang sala nila ang matuwid at parurusahan ang masama.

2 Kung ang maysala ay nararapat hampasin, sa gayon padadapain siya ng hukom at hahampasin sa kanilang presensya sa dami ng iniutos na palo, ayon sa kaniyang krimen. 3 Maaari siyang bigyan ng hukom ng apatnapung palo, pero hindi siya dapat lumampas sa bilang na iyon; dahil kung lalampas siya sa bilang na iyon at hampasin siya ng higit na maraming palo, sa gayon ay mapapahiya ang kapwa ninyo Israelita sa inyong harapan.

4 Hindi dapat ninyo busalan ang lalaking baka kapag siya ay naggigiik ng butil.

5 Kung ang magkapatid na lalaki ay magkasamang namumuhay at namatay ang isa sa kanila, na hindi nagkaroon ng anak, sa gayon ang asawa ng namatay na lalaki ay hindi dapat ipakasal sa ibang tao sa labas ng pamilya. Sa halip, ang kapatid ng kaniyang asawa ay dapat siyang sipingan at kunin siya sa kaniyang sarili bilang kaniyang asawa, at gawin ang tungkulin ng kaniyang kapatid bilang asawa niya. 6 Para ang unang niyang ipanganak ang papalit sa pangalan ng namatay na kapatid ng lalaking iyon, para ang pangalan niya ay hindi maglaho mula sa Israel.

7 Pero kung ang lalaki ay hindi nais kunin ang asawa ng kaniyang kapatid para sa kaniyang sarili, kung gayon ang asawa ng kapatid ay dapat umakyat sa tarangkahan sa mga nakatatanda at sabihin, 'Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging tumayo para sa pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang gampanan ang tungkulin ng isang kapatid ng asawa para sa akin.'

8 Pagkatapos ang mga nakatatanda ng kaniyang lungsod ay dapat siyang tawagin at kausapin siya. Pero ipagpalagay na magpumilit siya at sabihin, Hindi ko nais na kunin siya.' 9 Sa gayon ang asawa ng kapatid niya ay dapat pumunta sa kaniya sa presensya ng mga nakatatanda, hubarin ang kaniyang sandalyas mula sa kaniyang paa, at duraan ang kaniyang mukha. Dapat niya siyang sagutin at sabihan, 'Ito ang ginagawa sa lalaking hindi itataguyod ang bahay ng kaniyang kapatid.' 10 Ang kaniyang pangalan ay tatawagin sa Israel, 'Ang bahay niya na ang sandalyas ay hinubad.'

11 Kung ang mga lalaki ay mag-away, at ang asawa ng isa ay dumating para ipagtanggol ang kaniyang asawa mula sa kamay niya na humampas sa kaniya, at kung iunat niya ang kaniyang kamay at hawakan siya sa mga pribadong bahagi, 12 sa gayon ay dapat ninyong putulin ang kaniyang kamay; ang inyong mata ay hindi dapat maawa.

13 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong lalagyan ng magkakaibang timbangan, isang malaki at isang maliit. 14 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong bahay ng magkakaibang sukatan, isang malaki at isang maliit.

15 Isang ganap at tapat na timbangan ang dapat mayroon kayo; isang ganap at tapat na sukatan ang dapat mayroon kayo, para humaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh. 16 Dahil ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na iyon, lahat ng kumikilos nang hindi matuwid, ay isang kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

17 Isaisip kung ano ang ginawa sa inyo ng taga-Amalek sa daan habang palabas kayo mula sa Ehipto, 18 kung paano niya kayo sinalubong sa daan at sinalakay kayo sa likuran, lahat na mahina sa inyong likuran, nang kayo ay nanghina at pagod; hindi niya pinarangalan ang Diyos.

19 Kaya, kapag binigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng pahinga mula sa lahat ng inyong mga kaaway na nakapalibot, sa lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyo para angkinin bilang isang pamana, hindi dapat ninyo kalimutan na dapat ninyong pawiin ang alaala ng taga-Amalek mula sa silong ng langit.

26:1 Kapag dumating kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos bilang pamana, at naangkin na ninyo iyon at nanirahan doon, 2 sa gayon dapat ninyong kunin ang ilan sa lahat ng mga naunang ani sa lupain na dinala ninyo mula sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Dapat ninyong ilagay iyon sa basket at pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos na kaniyang santuwaryo. 3 Dapat kayong pumunta sa pari na naglilingkod sa mga araw na iyon at sabihin sa kaniya, 'Kinikilala ko ngayon si Yahweh na iyong Diyos kaya pumarito ako sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.'

4 Kukunin ng pari ang basket mula sa inyong kamay at ilalagay ito sa harapan ng altar ni Yahweh na inyong Diyos. 5 Dapat ninyong sabihin sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, 'Ang aking ninuno ay isang pagala-galang Arameo. Bumaba siya sa Ehipto at nanatili roon, at ang kaniyang lahi ay kakaunti ang bilang. Doon siya ay naging dakila, malakas at mataong bansa. 6 Ang mga taga-Ehipto ay pinakitunguhan kami ng masama at pinahirapan kami. Pinagawa nila sa amin ang gawain ng mga alipin. 7 Humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ama, at narinig niya ang aming boses at nakita ang aming paghihirap, ang aming trabaho, at ang aming pagtitiis sa hirap. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Ehipto na may makapangyarihang kamay, nang pagpapakita ng kaniyang kapangyarihan, na labis na nakakatakot, na may mga tanda, at mga kamangha-manghang bagay; 9 at dinala kami sa lugar na ito at ibinigay sa amin ang lupaing ito, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. 10 Ngayon tingnan, dinala ko ang unang ani ng lupain sa iyo Yahweh, na nagbigay sa akin.' Dapat ninyong ilagay ito sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos at siya'y sambahin sa kaniyang harapan; 11 at dapat kayong magsaya sa lahat ng mabuting ginawa ni Yahwen na inyong Diyos para sa inyo, para sa inyong tahanan—kayo, at ang Levita, at ang dayuhang kasama ninyo.

12 Kapag natapos kayo sa pagbibigay ng lahat ng ikapu ng inyong ani sa ikatlong taon, iyon ay, ang taon ng pag-iikapu, kung gayon dapat ninyong ibigay ito sa Levita, sa dayuhan, sa ulila, at sa balo, para makakain sila sa loob ng mga tarangkahan ng inyong lungsod at mabusog.

13 Dapat ninyong sabihin sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, 'Inilabas ko mula sa aking tahanan ang mga bagay na nabibilang kay Yahweh, at ibinigay ang mga iyon sa Levita, sa dayuhan, sa ulila, at sa balo, ayon sa lahat ng mga utos na ibinigay mo sa akin. Hindi ako sumuway sa anuman sa iyong mga utos, ni kalimutan ang mga ito. 14 Hindi ko kinain ang anuman sa mga ito sa aking pagluluksa, ni inilagay ito sa ibang lugar nang ako ay marumi, hindi ko ibinigay ang anuman nito sa karangalan ng patay. Nakinig ako sa boses ni Yahweh na aking Diyos; sinunod ko lahat ng bagay na inutos mong gawin ko. 15 Tumingin pababa mula sa banal na lugar kung saan ka nakatira, mula sa langit, at pagpalain ang iyong bayang Israel, at ang lupaing ibinigay mo sa amin, tulad ng ipinangako mo sa aming mga ama, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.'

16 Sa araw na ito si Yahweh na inyong Diyos ay inuutusan kayong sundin ang mga batas at panuntunang ito; sa gayon panatilihin ninyo ang mga ito at gawin ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa.

17 Kinilala ninyo ngayon na si Yahweh ay inyong Diyos, at lalakad kayo sa kaniyang mga kaparaanan at susundin ang kaniyang mga batas, kaniyang mga utos, at kaniyang mga panuntunan, at makikinig kayo sa kaniyang boses.

18 At sa araw na ito kayo ay kinilala ni Yahweh na mga taong kaniyang pag-aari, tulad ng pinangako niyang gawin sa inyo, at ndapat ninyong sundin ang lahat ng kaniyang mga utos. 19 Si Yahweh ay kinilala ngayon na ilalagay niya kayo ng mataas sa ibabaw ng lahat ng ibang mga bansang ginawa niya, sa respeto para papurihan, para sa pagkakilala, at para prangalan. Kayo ay magiging mga taong ibinukod para kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng sinabi niya.”