Sinuportahan ng mga Propesiya ni Mikas ang Pagbabago ni Hezekias

722 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mikas 3–5

1 Sinabi ko, “Ngayon makinig kayong mga pinuno ni Jacob at mga tagapamahala sa sambahayan ng Israel. Hindi ba matuwid para sa inyo na unawain ang katarungan? 2 Kayong napopoot sa kabutihan at umiibig sa kasamaan, kayo na pumilas ng kanilang balat, ng kanilang laman mula sa kanilang mga buto— 3 kayo rin na kumakain ng laman ng aking mga tao at pumipilas ng kanilang balat, bumabali ng kanilang mga buto at tumatadtad sa mga ito, tulad ng karne sa palayok, tulad ng karne sa kaldero. 4 At kayong mga tagapamahala ay dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo sasagutin. Ikukubli niya ang kaniyang mukha mula sa inyo sa panahong iyon, dahil gumawa kayo ng mga masamang gawa.”

5 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking mga tao: “Sapagkat sinasabi nila sa mga nagpapakain sa kanila, 'Magkakaroon ng kasaganaan.' Ngunit para sa mga walang maisubo sa kanilang mga bibig, nagsisimula sila ng isang digmaan laban sa kaniya. 6 Kaya, ito ay magiging gabi sa inyo na hindi na kayo magkakaroon ng pangitain; ito ay magiging madilim upang hindi kayo makapanghuhula. Lulubog ang araw sa mga propeta at magdidilim ang umaga sa kanila. 7 Mapapahiya ang mga propeta at malilito ang mga manghuhula. Tatakpan nilang lahat ang kanilang mga labi, sapagkat walang sagot na magmumula sa akin.” 8 Ngunit para sa akin, puno ako ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu ni Yahweh at puno rin ako ng katarungan at lakas, upang ipahayag kay Jacob ang kaniyang pagsuway, at kay Israel ang kaniyang kasalanan. 9 Ngayon pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob at mga tagapamahala sa sambahayan ng Israel, kayong napopoot sa katarungan at bumabaluktot sa lahat ng matuwid. 10 Itinayo ninyo ang Sion sa pamamagitan ng dugo at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. 11 Humahatol ang inyong mga pinuno para sa isang suhol, nagtuturo ang inyong mga pari para sa isang gantimpala at nanghuhula ang inyong mga propeta para sa pera. Gayunman, umaasa kayo kay Yahweh at sinasabi, “Hindi ba't kasama natin si Yahweh? Walang darating sa atin na kapahamakan.” 12 Kaya, dahil sa inyo, aararuhin ang Sion tulad ng isang bukid, ang Jerusalem ay magiging isang bunton ng mga guho at magiging masukal na burol ang burol ng templo.

4:1 Ngunit sa mga huling araw, mangyayari na ang bundok na kinatatayuan ng tahanan ni Yahweh ay itatatag sa ibabaw ng iba pang mga bundok. Ito ay dadakilain nang higit sa mga burol, at magpupuntahan ang mga tao rito. 2 Maraming bansa ang pupunta at sasabihin, “Halikayo, umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa tahanan ng Diyos ni Jacob. Ituturo niya sa atin ang kaniyang mga kaparaanan at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” Sapagkat mula sa Zion lalabas ang kautusan, at ang salita ni Yahweh mula sa Jerusalem. 3 Hahatulan niya ang karamihan sa mga tao at magpapasiya tungkol sa maraming bansa na malalayo. Papandayin nila ang kanilang mga espada upang maging mga talim ng araro at ang kanilang mga sibat upang maging mga kutsilyong pamutol. Ang bansa ay hindi na magtataas ng espada laban sa bansa, ni kailanman matututunan kung paano magsimula ng digmaan. 4 Sa halip, uupo ang bawat tao sa ilalim ng kaniyang tanim na ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos. Walang sinuman ang mananakot sa kanila, sapagkat nagsalita si Yahweh, ang pinuno ng mga hukbo. 5 Sapagkat lumalakad ang lahat ng tao, ang bawat isa, sa pangalan ng kanilang diyos. Ngunit lalakad tayo sa pangalan ni Yahweh na ating Diyos magpakailan pa man.

6 “Sa araw na iyon”, sinabi ni Yahweh, “Pag-iisahin ko ang mga pilay at titipunin ko ang mga itinakwil, sila aking sinaktan. 7 Gagawin kong natitira ang mga pilay at ang mga itinaboy sa isang matatag na bansa, at Ako si Yahweh, ang maghahari sa kanila sa Bundok ng Zion ngayon at magpakailan man. 8 At ikaw, ang bantayan para sa kawan, ang burol ng anak na babae ng Zion, darating ito sa iyo— darating ang dating pamumuno, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem. 9 Ngayon, bakit ka umiiyak nang malakas? Wala na ba sa iyo ang hari, namatay na ba ang iyong tagapayo, sumapit sa iyo ang matinding kirot katulad ng babaeng manganganak? 10 Magdusa ka at maghirap sa panganganak, anak na babae ng Zion, katulad ng isang babaeng nanganganak. Sapagkat ngayon aalis ka sa iyong lungsod, titira sa parang at pupunta sa Babilonia. Doon ay maliligtas ka. Ililigtas ka ni Yahweh doon mula sa kamay ng iyong mga kaaway. 11 Ngayon, maraming mga bansa ang nagtipon laban sa iyo; sabi nila, 'Hayaan siyang madungisan; ititig natin ang ating mga mata sa Zion.”' 12 Sinabi ng propeta, Hindi nila alam ang mga kaisipan ni Yahweh, ni nauunawaan man ang kaniyang mga plano, sapagkat tinipon niya sila na gaya ng mga bigkis para sa giikan. 13 Sinabi ni Yahweh, “Tumindig ka at gumiik, anak na babae ng Zion, sapagkat gagawin kong bakal ang iyong sungay at gagawin kong tanso ang iyong mga kuko. Dudurugin mo ang maraming tao. Itatalaga ko ang kanilang mga kayamanan na kinuha sa hindi makatarungang pamamaraan at ang kanilang mga ari-arian sa akin, ako si Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo.”

5:1 Ngayon ay humanay kayong lahat para sa labanan, mga taga-Jerusalem. Napapalibutan ng pader ang inyong lungsod, ngunit hahampasin nila ang pinuno ng Israel sa pisngi gamit ang isang pamalo. 2 Ngunit ikaw Bethlehem Efrata, kahit ikaw ay maliit sa mga angkan ni Juda, mula sa iyo ay may darating sa akin upang pamunuan ang Israel, na ang pinagmulan ay sa mga unang panahon, mula sa walang hanggan. 3 Kaya nga hahayaan na lang sila ng Diyos hanggang sa panahon na isang babae ang mahihirapan sa panganganak ng isang sanggol at ang iba niyang mga kapatid na lalaki ay babalik sa mga tao ng Israel. 4 Tatayo siya at ipapastol ang kaniyang kawan sa lakas ni Yahweh, sa kaluwalhatian ng pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos. Mananatili sila sapagkat magiging dakila siya sa bawat sulok ng mundo. 5 Siya ang magiging kapayapaan natin. Kung darating ang mga taga-Asiria sa ating lupain, kapag nagmartsa sila laban sa ating mga tanggulan, tatayo tayo laban sa kanila, pitong pastol at walong pinuno ng mga kalalakihan. 6 Pamumunuan ng mga kalalakihang ito ang lupain ng Asiria sa pamamagitan ng espada at ang lupain ng Nimrod dala ang mga espada sa kanilang mga kamay. Ililigtas niya tayo mula sa mga taga-Asiria kung darating sila sa ating lupain, kapag nagmamartsa sila sa loob ng ating mga hangganan.

7 Ang mga natitira mula kay Jacob ay mapapabilang sa maraming tao, tulad ng hamog mula kay Yahweh, tulad ng ambon sa mga damo na hindi naghihintay sa tao, hindi sa mga tao. 8 Ang mga natitira kay Jacob ay mapapabilang sa mga bansa, kasama ng maraming tao. Tulad ng isang leon na kasama ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng isang batang leon na kasama sa mga kawan ng tupa. Kapag daraan siya sa kanila, sila ay kaniyang tatapakan at pagpipira-pirasuhin sila at walang sinuman ang makapagligtas sa kanila. 9 Maitataas ang inyong kamay laban sa inyong mga kaaway at wawasakin sila nito. 10 “Mangyayari ito sa araw na iyon,” sinabi ni Yahweh “na aking wawasakin ang inyong mga kabayo kasama ninyo at gigibain ko ang inyong mga karwahe. 11 Wawasakin ko ang mga lungsod sa inyong lupain at pababagsakin ko ang inyong mga tanggulan. 12 Sisirain ko ang pangkukulam sa inyong kamay at hindi na kayo kailanman magkakaroon ng anumang manghuhula. 13 Sisirain ko ang mga imahen na inukit ng inyong mga kamay at ang mga batong haligi na kasama ninyo. Hindi na kayo kailanman sasamba sa mga ginawa ng inyong mga kamay. 14 Bubunutin ko ang haligi ni Ashera na kasama ninyo at wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Paiiralin ko ang paghihiganti sa galit at poot sa mga bansa na hindi nakikinig.