Sinuportahan ng mga Propesiya ni Mikas ang Pagbabago ni Hezekias (continued)
722 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon makinig kayo kung ano ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ni Mikas sa kaniya, “Tumayo ka at sabihin ang iyong paratang sa harap ng mga bundok, hayaang mapakinggan ng mga burol ang iyong tinig. 2 Makinig sa paratang ni Yahweh, kayong mga bundok at kayong matatag na pundasyon ng mundo. Sapagkat may paratang si Yahweh sa kaniyang mga tao at ipaglalaban niya sa hukuman laban sa Israel. 3 Aking mga tao, ano ang nagawa ko sa inyo? Paano ko kayo pinagod? Magpatotoo kayo laban sa akin! 4 Sapagkat inilabas ko kayo mula sa lupain ng Egipto at iniligtas ko kayo mula sa tahanan ng pagka-alipin. Pinadala ko si Moises, Aaron at Miriam sa inyo. 5 Aking mga tao, alalahanin ninyo ang mga inisip ni Balak na Hari ng mga Moab at ang sagot sa kaniya ni Balaam anak ni Boar sa iyong pagpunta sa Sitim hanggang Gigal upang malaman ninyo ang matuwid kong mga ginawa, si Yahweh.” 6 Ano ang aking dadalhin kay Yahweh bilang pagpapakumbaba sa kataas-taasang Diyos? Pupunta ba ako sa kaniya na may dalang isang taong gulang na mga guyang susunugin upang ialay? 7 Malulugod ba si Yahweh sa isang libong lalaking tupa o kaya sampung libong mga ilog ng langis? Dapat ko bang ibigay ang aking unang anak para sa aking pagsuway, ang bunga ng aking katawan para sa aking sariling kasalanan? 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos.
9 Gumagawa ng pagpapahayag ang tinig ni Yahweh sa mga lungsod, kahit ngayon kinikilala ng karunungan ang inyong pangalan: “Bigyang pansin ang pamalo at kung sino ang naglagay sa lugar nito. 10 Mayroong kayamanan sa mga tahanan ng mga masasamang hindi tapat at may mandarayang mga panukat na kasuklam-suklam. 11 Ituturing ko ba na walang sala ang isang tao kung gumagamit siya ng mapandayang panukat, kasama ang isang lalagyan na may dayang timbang? 12 Puno ng karahasan ang mga mayayaman, ang naninirahan sa kaniya ay nagsasalita ng kasinungalingan at mapanlinlang ang kanilang mga dila sa kanilang mga bibig. 13 Samakatuwid hinampas ko kayo ng isang malubhang sugat, winasak ko kayo dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo ngunit hindi mabubusog, ang inyong kawalan ay mananatili sa iyo. Mag-iimbak ka ng mga pagkain ngunit hindi makapagtatabi at kung ano ang iyong itinabi ay ibibigay ko sa espada. 15 Ikaw ay magtatanim ngunit hindi ka mag-aani, ikaw ay magpipiga ng olibo ngunit hindi mo mapapahiran ng langis ang iyong sarili. Ikaw ay magpipisa ng ubas ngunit hindi ka makakainom ng alak. 16 Ang mga kautusan na ginawa ni Omri ay sinunod, at lahat ng mga gawa ng sambahayan ni Ahab. Lumakad kayo sa pamamagitan ng kanilang payo. Kaya gagawin ko kayo na isang sirang lungsod at isang mangungutya ang mga naninirahan sa inyo at magdadala kayo ng kahihiyan bilang aking mga tao.”
7:1 Sa aba ko! Para sa akin ito ay katulad ng pagtatapos ng pag-aani ng mga bunga sa tag-araw, at kahit na maging ang pamumulot ng mga natitirang ubas sa ubasan. Wala ng mga kumpol ng bunga na makikita, ngunit nananabik pa rin ako sa unang hinog na mga bunga ng igos. 2 Namatay na ang mabuting tao sa lupa, ni isa ay wala ng natira na matuwidi sa mga tao. Sila ay nakahigang naghihintay upang magbubog ng dugo ng iba; ang bawat isa at ang kaniyang kapatid ay naghahanap ng mahuhuli sa pamamagitan ng isang lambat. 3 Ang kanilang mga kamay ay napakahusay sa paggawa ng pinsala. Ang mga pinuno ay humihingi ng pera, ang hukom ay handa sa mga suhol, at sinasabi ng makapangyarihang tao sa iba kung ano ang gusto niyang makuha. Kaya nagbalak sila ng masama. 4 Ang pinakamahusay sa kanila ay tulad ng dawag, ang pinakamatuwid ay isang bakod na mga tinikan. Ang araw na inihula sa pamamagitan ng inyong mga bantay, ang araw ng inyong kaparusahan. Ngayon, ang kanilang pagkalito ay dumating. 5 Huwag magtiwala sa kahit na sinong kalapit bahay. Huwag magtiwala sa kahit na sinong kaibigan. Mag-ingat tungkol sa inyong sinasabi maging sa babaeng nakahiga sa inyong mga kamay. 6 Sapagkat hindi igagalang ng isang anak ang kaniyang ama, ang anak na babae ay titindig laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyenang babae. Ang mga kaaway ng tao ay ang mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.
7 Ngunit para sa akin, ako ay titingin kay Yahweh. Maghihintay ako sa aking Diyos ng aking kaligtasan, pakikinggan ako ng aking Diyos.
8 Huwag kang magalak para sa akin, aking kaaway. Pagkatapos kung bumagsak, titindig ako. Kapag ako ay uupo sa kadiliman, si Yahweh ang magsisilbing liwanag para sa akin. 9 Dahil nagkasala ako laban kay Yahweh, titiisin ko ang kaniyang galit hanggang sa patawarin niya ang ang aking pagkasala, at isagawa ang paghatol para sa akin. Dadalhin niya ako sa liwanag, at makikita ko siyang ililigtas niya ako sa kaniyang katarungan. 10 At makikita ito ng aking mga kaaway, at kahihiyan ang babalot sa nagsabi sa akin na, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Titingnan siya ng aking mga mata, yayapakan siya tulad ng isang putik sa mga lansangan. 11 Darating ang araw na itatayo ninyo ang inyong mga pader. 12 Sa araw na iyon, ang mga hangganan ay lalong lalawak ang nasasakupan. Sa araw na iyon, darating ang mga sa inyo, mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, mula sa Egipto hanggang sa napakalaking Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at mula sa kabundukan. 13 At ang mga lupaing iyon ay mapapabayaan dahil sa mga taong naninirahan ngayon dito, dahil sa bunga ng kanilang mga kilos.
14 Patnubayan mo ang iyong mga tao gamit ang iyong tungkod, ang kawan ng iyong mana. Kahit na sila ay namumuhay mag-isa sa kagubatan ng Bundok ng Carmelo, pakainin mo sila sa Basan at Galaad na gaya noong mga unang araw. 15 Gaya noong araw nang inilabas mo sila sa lupain ng Egipto. Sinabi ni Yahweh, “Magpapakita ako sa kanila ng mga kamangha-manghang mga bagay.” 16 Makikita ng mga bansa at mapapahiya sa lahat ng kanilang kapangyarihan. Ilalagay nila ang kanilang mga kamay sa kanilang mga bibig, ang kanilang mga tainga ay mabibingi. 17 Didilaan nila ang alikabok ng gaya ng isang ahas, gaya ng nilalang na gumagapang sa lupa. Lalabas sila sa kanilang mga lungga na may takot, lalapit sila sa iyo na may takot, Yahweh na aming Diyos, at sila ay matatakot dahil sa iyo. 18 Sino ang Diyos na gaya mo, ikaw na nag-aalis ng kasalanan, ikaw na pinapalagpas ang mga pagkakasala ng mga natira ng iyong mana? Hindi mo pinapanatili ang iyong galit magpakailanman, dahil gustong-gusto mong ipakita sa amin ang iyong kasunduan ng katapatan. 19 Magkakaroon ka muli ng kahabagan sa amin. Tatapakan mo ang aming kasalanan at itatapon mo ang lahat ng aming kasalanan sa kailaliman ng dagat. 20 Ibibigay mo ang katotohanan kay Jacob at ang kasunduan ng katapatan kay Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno noong unang mga araw.
7 Kaya sinamahan ni Yahweh si Hezekias, at saanman siya pumunta siya ay sumagana. Naghimagsik siya laban sa hari ng Asiria at hindi siya pinaglingkuran. 8 Nilusob niya ang mga taga-Filisteo patungong Gaza at ang mga hangganang nasa paligid, mula sa tore ng bantay hanggang sa matibay na lungsod.