Ang Reporma ni Josias sa Relihiyon
624 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
4 Inutusan ng hari ang punong pari na si Hilkias, ang mga pari sa ilalim niya, at ang mga bantay ng tarangkahan, na ilabas mula sa templo ni Yahweh lahat ng mga sisidlan na ginawa para kay Baal at Asera, at para sa lahat ng mga bituin ng langit. Sinunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa mga bukid sa Lambak ng Kidron at dinala ang kanilang abo sa Bethel.
5 Inalis niya ang mga pari ng mga diyus-diyosan na pinili ng mga hari ng Juda para magsunog ng insenso sa mga dambana sa mga lungsod ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem - ang mga nagsunog ng insenso para kay Baal, para sa araw at sa buwan, para sa mga planeta at sa lahat ng mga butuin ng langit.
6 Inilabas niya ang poste ni Asera mula sa templo ni Yahweh, sa labas ng Jerusalem sa Lambak ng Kidron at sinunog ito roon. Ipinadurog niya ito at itinapon ang mga abo na iyon sa mga libingan ng mga karaniwang tao. 7 Inalis niya ang mga gamit sa mga silid ng mga gumagawa ng mahahalay na ritwal bilang pagsamba, sa templo ni Yahweh, kung saan humabi ang mga babae ng mga kasuotan para kay Asera.
8 Inilabas ni Josias ang lahat ng mga pari mula sa mga lungsod ng Juda at nilapastangan ang mga dambana kung saan nagsunog ng insenso ang mga pari, mula Geba hanggang Beerseba. Winasak niya ang mga dambana sa mga tarangkahan, ang mga dambana na nasa pasukan patungo sa Tarangkahan ni Josue, na itinayo ng isang gobernador ng lungsod na nagngangalang Josue. Ang mga dambanang ito ay nasa gawing kaliwa ng tarangkahan ng lungsod sa pagpasok ng lungsod. 9 Kahit na hindi pinapayagan ang mga pari ng mga dambanang iyon na paglingkuran ang altar ni Yahweh sa Jerusalem, pinayagan sila na kumain ng tinapay na walang pampaalsa, tulad ng mga kapwa nila pari.
10 Nilapastangan ni Josias ang Tofet, na nasa lambak ng Ben Hinom, para walang makapaghandog ng kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae bilang isang sinunog na handog sa apoy para kay Molec. 11 Inalis niya ang mga kabayo na ibinigay ng mga hari ng Juda sa araw. Nasa isang lugar ang mga iyon sa pasukan patungo sa templo ni Yahweh, malapit sa silid ni Natan Melec, ang katiwala. Sinunog ni Josias ang mga karwahe ng araw.
12 Winasak ng haring si Josias ang mga altar na nasa bubong ng kaitaasang silid ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga altar na ginawa ni Manases sa dalawang patyo ng templo ni Yahweh. Winasak ni Josias ang mga ito sa maraming piraso at tinapon ang mga ito sa Lambak ng Kidron.
13 Hinamak ni Josias ang mga dambana na nasa silangan ng Jerusalem, sa katimugan ng Bundok ng Katiwalian na itinayo ni Solomon ang hari ng Israel para kay Astoret, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng Moab; at para kay Milcom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga mamamayan ng Ammon. 14 Binasag ni Haring Josias ang mga sagradong batong haligi, giniba ang mga poste ni Asera, at pinuno ang kanilang mga lugar ng mga buto ng tao.
15 Giniba rin ni Josias ang altar na nasa Bethel at ang dambana na itinayo ni Jeroboam, anak na lalaki ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Sinunog niya ang altar sa dambana at dinurog ito; sinunog niya rin ang poste ni Asera. 16 Nang makita ni Josias ang lugar, napansin niya ang mga libingan na nasa gilid ng burol. Ipinadala niya ang mga lalaki para kunin ang mga kalansay mula sa mga libingan; pagkatapos sinunog niya ang mga iyon sa altar, na lumapastangan nito. Ito ay sang-ayon sa salita ni Yahweh na sinabi ng lingkod ng Diyos, ang lalaki na sa simula pa ay nagsabi ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos sinabi niya, “Anong bantayog iyon na nakikita ko?' Sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng lungsod, “Iyon ay ang libingan ng lingkod ng Diyos na nanggaling sa Juda at nagsalita tungkol sa mga bagay na ito na kagagawa mo lamang laban sa altar ng Bethel.”
18 Kaya sinabi ni Josias, “Pabayaan ninyo ito. Walang dapat gumalaw ng kaniyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang kaniyang kalansay, kasama ng kalansay ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 Ang lahat ng mga templo at dambana na nasa mga lungsod ng Samaria, na dinulot ng mga hari ng Israel na pumukaw ng galit ni Yahweh - ipinagiba ni Josias ang mga iyon. Ginawa niya sa kanila eksakto kung ano ang nagawa sa Bethel. 20 Pinatay rin niya ang lahat ng mga pari ng mga dambana sa mga altar doon, at sinunog ang mga kalansay ng tao sa mga iyon. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.
21 Pagkatapos inutos ng hari sa lahat ng mga tao, na sinasabing, “Ipagdiwang ang Paskwa para kay Yahweh ang inyong Diyos, tulad ng nasusulat sa aklat ng tipan na ito.”
33 Tinanggal ni Josias ang lahat ng mga kasuklam-suklam na bagay mula sa mga lupain na pagmamay-ari ng mga Israelita. Pinasamba niya ang lahat ng mga Israelita kay Yahweh, na kanilang Diyos. Sa lahat ng kaniyang mga araw, hindi sila tumalikod sa pagsunod kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
Ipinagdiriwang ni Josias ang Paskwa 623 B.C.
Ang pagdiriwang ng Paskwa.
1 Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa para kay Yahweh sa Jerusalem at pinatay nila ang mga tupang pampaskwa sa ikalabing apat na araw ng unang buwan. 2 Itinalaga niya ang mga pari sa kani-kanilang mga posisyon at hinikayat silang maglingkod sa tahanan ni Yahweh.
3 Sinabi niya sa mga Levitang nagturo sa buong Israel, na tapat kay Yahweh, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel. Huwag na ninyo itong buhatin sa inyong mga balikat. Ngayon ay sambahin ninyo si Yahweh, na inyong Diyos, at paglingkuran ang kaniyang sambayanang Israel. 4 Ayusin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa pangalan ng inyong mga sambahayan at inyong mga pangkat, na sinusunod ang mga nakasulat na tagubilin ni David, ang hari ng Israel at ni Solomon na kaniyang anak.
5 Tumayo kayo sa banal na lugar, ayon sa inyong posisyon kasama ang inyong mga pangkat sa loob ng mga sambahayan ng inyong mga kapatid, ang mga kaapu-apuhan ng mga tao, at ayon sa inyong posisyon sa inyong mga pangkat sa loob ng sambahayan ng mga Levita. 6 Katayin ninyo ang mga tupang pampaskwa at ilaan ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh. Ihanda ninyo ang mga tupa para sa inyong mga kapatid na mga Israelita. Gawin ninyo iyon bilang pagsunod sa salita ni Yahweh na ibinigay kay Moises.”
7 Nagbigay si Josias sa lahat ng taong naroon ng tatlumpung libong tupa at mga batang kambing mula sa mga kawan para sa mga handog para sa Paskwa. Nagbigay din siya ng tatlong libong toro, ang mga ito ay mula sa mga pagmamay-ari ng hari.
8 Ang kaniyang mga tagapamuno ay nagbigay ng kusang loob na handog sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias at Jehiel, ang mga opisyal na namamahala sa bahay ng Diyos ay nagbigay sa mga pari para sa mga handog sa Paskwa ng 2, 600 na maliliit na mga kambing at tatlong daang baka. 9 Gayun din sina Conanias, at Semaya, Natanael, ang kaniyang mga kapatid, sina Hosabias, Jehiel at Jozabad, ang mga pinuno ng mga Levita ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa Paskwa ng limang libong maliliit na kambing at limang daang mga baka.
10 Kaya ang paglilingkod ay nakahanda na at tumayo ang mga pari sa kani-kaniyang mga puwesto, kasama ng mga Levita sa kani-kanilang mga pangkat bilang pagsunod sa utos ng hari. 11 Kinatay nila ang mga tupang pampaskwa at isinaboy ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa mga kamay ng mga Levita at binalatan naman ng mga Levita ang mga tupa. 12 Inalis nila ang mga handog na susunugin upang ibigay ito sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga tao, upang ihandog ang mga ito kay Yahweh, gaya ng nasusulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro.
13 Inihaw nila sa apoy ang mga tupang pampaskwa gaya ng sinasabi ng tagubilin. Para naman sa mga handog na nakalaan, pinakuluan nila ito sa mga palayok, kaldero at mga kawali, at mabilis nila itong dinala sa mga tao. 14 Hindi nagtagal ay inihanda nila ang mga handog para sa kanilang mga sarili at para sa mga pari, dahil ang mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na susunugin at ang taba hanggang sa gumabi, kaya inihanda ng mga Levita ang mga handog para sa kanilang sarili at para sa mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Aaron.
15 Ang mga mang-aawit, ang mga kaapu-apuhan ni Asaf ay nasa kanilang mga pwesto, gaya ng iniutos ni David, sina Asaf, Heman at Jeduthun, ang mga propeta ng hari. Nasa bawat tarangkahan ang mga bantay, hindi nila kinakailangang umalis sa kanilang mga pwesto dahil ang kanilang mga kapatid na mga Levita ang naghanda ng mga handog para sa kanila.
16 Kaya, sa panahon iyon, ang kabuuan ng paglilingkod kay Yahweh ay ginawa para sa pagdiriwang ng Paskwa at para maghandog ng handog na susunugin sa altar ni Yahweh, gaya ng iniutos ni Haring Josias. 17 Ipinagdiwang ng mga Israelitang naroon ang Paskwa sa panahong iyon at pagkatapos ay ang Pista ng Tinapay na Walang Lebadura sa loob ng pitong araw. 18 Hindi pa nagkaroon ng ganitong pagdiriwang ng Paskwa mula sa panahon ng propetang si Samuel, at hindi ipinagdiwang ng kahit sino sa mga naging hari ng Israel ang Paskwa na gaya ng ginawa ni Josias, kasama ang mga pari, ang mga Levita, at lahat ng mga tao ng Juda at Israel na naroon at ang mga mamamayan ng Jerusalem. 19 Ipinagdiwang ang Paskwang ito sa ikalabing-walong taon ng paghahari ni Josias.