Sinasaway ni Jeremias ang Pagtalikod ng mga Tao

Sinasaway ni Jeremias ang mga tao dahil sa kanilang pagtalikod matapos ang reporma ni Josias.

612 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 3:6–25

6 Kaya sinabi sa akin ni Yahweh sa mga araw ni Josias na hari, 'Nakikita mo ba kung gaano kataksil ang Israel sa akin? Nagtutungo siya sa bawat mataas na bundok at sa ilalim ng bawat mayabong na punong kahoy at doon, siya ay kumikilos gaya ng babaing bayaran. 7 Sinabi ko, 'Pagkatapos niyang gawin ang lahat ng mga bagay na ito, babalik siya sa akin,' ngunit hindi siya bumalik. At nakita ng taksil niyang kapatid na Juda ang kaniyang ginawa.

8 Kaya nakita ko na sa lahat ng mga dahilang ito, nangalunya siya. Israel na tuluyang tumalikod! Pinalayas ko siya at binigyan ng mga atas ng pakikipaghiwalay. Ngunit hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda, lumabas at kumilos din siya gaya ng babaing bayaran! 9 Walang halaga sa kaniya na dinungisan niya ang lupain, kaya gumawa sila ng mga diyus-diyosan mula sa bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, hindi bumalik sa akin nang buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi isang kasinungalingan! Ito ang pahayag ni Yahweh.”

11 At sinabi ni Yahweh sa akin, “Ang taksil na Israel ay mas matuwid kaysa sa taksil na Juda! 12 Pumunta ka at ihayag ang mga salitang ito sa hilaga. Sabihin mo, 'Magbalik ka taksil na Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat tapat ako, hindi ako mananatiling galit magpakailanman. Ito ang pahayag ni Yahweh 13 Aminin mo ang iyong malaking kasalanan, sapagkat lumabag ka laban kay Yahweh na iyong Diyos, nakisama ka sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat mayabong na punongkahoy! Sapagkat hindi mo pinakinggan ang aking tinig! Ito ang pahayag ni Yahweh.

14 Magbalik kayo mga taksil na tao! Sapagkat pinakasalan ko kayo! Kukunin ko kayo, isa sa isang lungsod, dalawa sa isang angkan at dadalhin ko kayo sa Zion! Ito ang pahayag ni Yahweh. 15 Bibigyan ko kayo ng mga pastol na umiibig sa akin at pamumunuan nila kayo nang may katalinuhan at kaalaman.

16 At mangyayari nga na dadami kayo at mamumunga sa lupain sa mga araw na iyon. Ito ang pahayag ni Yahweh. Hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ni Yahweh!” Hindi na aalalahanin ng kanilang mga puso ang bagay na ito, sapagkat hindi na nila iisipin ang tungkol dito o bibigyang pansin ito. Ang pahayag na ito ay hindi na gagawin.'

17 Sa oras na iyon ihahayag nila ang tungkol sa Jerusalem, 'Ito ang trono ni Yahweh at magtitipon ang lahat ng bansa sa Jerusalem sa ngalan ni Yahweh. Hindi na sila maglalakad sa katigasan ng kanilang mga masasamang puso. 18 Sa mga araw na iyon, maglalakad ang sambahayan ng Juda kasama ang sambahayan ng Israel. Magkasama silang pupunta mula sa lupain sa hilaga patungo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno bilang kanilang mana. 19 Para sa akin, sinabi ko, 'Gayon na lamang kita nais parangalan bilang aking anak na lalaki at bigyan ka ng kaaya-ayang lupain, isang mana na mas maganda kaysa sa anumang nasa ibang bansa!' Sasabihin ko, 'Tatawagin mo ako, “aking Ama”.' Sasabihin ko na hindi ka dapat tumalikod sa pagsunod sa akin. 20 Ngunit gaya ng isang babaing taksil sa kaniyang asawa, pinagtaksilan mo ako, sambahayan ng Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh.” 21 “Isang ingay ang narinig sa mga kapatagan, ang pag-iyak at pagsusumamo ng mga Israelita! Sapagkat binago nila ang kanilang mga pamamaraan, nilimot nila ako, si Yahweh na kanilang Diyos. 22 Magbalik kayo, mga taong taksil! Pagagalingin ko kayo sa inyong kataksilan!” “Masdan! Lalapit kami sa iyo, sapagkat ikaw si Yahweh na aming Diyos! 23 Kasinungalingan lamang ang nagmumula sa mga burol, mula sa mga kabundukan. Tiyak na ang kaligtasan ng Israel ay na kay Yahweh lamang na ating Diyos. 24 Ngunit inubos ng kahiya-hiyang mga diyus-diyosan ang pinaghirapan ng ating mga ninuno, ang kanilang mga kawan at baka, ang kanilang mga anak na lalaki at babae! 25 Humiga tayo sa kahihiyan. Takpan nawa tayo ng ating kahihiyan, sapagkat nagkasala tayo kay Yahweh na ating Diyos! Tayo mismo at ang ating mga ninuno, mula sa panahon ng ating kabataan hanggang sa kasalukuyan ay hindi nakinig sa tinig ni Yahweh na ating Diyos.

Nakikita ni Jeremias ang Darating na mga Dalamhati ng Pagkabihag

Bilang propeta, inilalarawan ni Jeremias nang patiuna ang mga dalamhati ng darating na pagkabihag.

Jeremias 4

1 Ito ang pahayag ni Yahweh. “Kung babalik ka Israel, dapat lamang na sa akin ka bumalik. Kung inalis mo ang mga kasuklam-suklam na bagay sa aking harapan at hindi na lilihis muli sa akin 2 at kung ipapangako mo, 'Namumuhay si Yahweh sa katotohanan, katarungan at katuwiran,' hihilingin ng mga bansa ang aking pagpapala at pupurihin nila ako.

3 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa bawat tao sa Juda at Jerusalem, 'Bungkalin ninyo ang sarili ninyong lupain at huwag kayong maghasik sa mga matitinik. 4 Maging tuli kay Yahweh at alisin ninyo ang kasamaang bumabalot sa inyong puso, mga kalalakihan ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem, kung hindi, lalabas ang aking galit gaya ng apoy at sunog na walang sinumang makapapatay nito. Mangyayari ito dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.

5 Ibalita sa Juda at hayaan itong marinig sa Jerusalem. Sabihin ninyo, “Hipan ang trumpeta sa lupain.” Ihayag ninyo, 'Magtipun-tipon. Pumunta tayo sa matitibay na mga lungsod.” 6 Itaas ang bandilang panghudyat at ituro ito sa Zion at tumakbo para sa kaligtasan! Huwag kayong manatili sapagkat magdudulot ako ng sakuna mula sa hilaga at isang malaking pagkawasak. 7 Isang leon ang paparating mula sa kasukalan at naghahanda na ang wawasak ng mga bansa. Iiwan niya ang kaniyang lugar upang magdala ng matinding takot sa inyong lupain, upang wasakin ang inyong mga lungsod kung saan walang sinuman ang maninirahan. 8 Dahil dito, magsuot kayo ng damit panluksa, magsipanaghoy at magsitangis. Sapagkat hindi nawala ang matinding poot ni Yahweh sa atin. 9 Ito ang pahayag ni Yahweh. At mangyayari ito sa araw na iyon, na ang puso ng hari at ng kaniyang mga opisyal ay mamamatay. Manlulumo ang mga pari at manginginig sa takot ang mga propeta.'”

10 Kaya sinabi ko, 'Oh! Panginoong Yahweh. Tunay nga na nilinlang mo ng lubusan ang mga taong ito at ang Jerusalem sa pagsasabi, 'Magkakaroon kayo ng kapayapaan.' Ngunit nag-aaklas ang mga espada laban sa kanilang mga buhay.

11 Sa oras na iyon, sasabihin ito sa mga tao at sa Jerusalem, “Isang nag-aapoy na hangin mula sa mga kapatagan sa disyerto ang darating sa anak na babae ng aking mga tao. Hindi ito ang magtatahip o maglilinis sa kanila. 12 Isang hangin na mas malakas pa dito ang darating sa aking utos, at ngayon ay hahatulan ko sila. 13 Tingnan ninyo, lumulusob siya katulad ng mga ulap at ang kaniyang mga karwahe ay gaya ng isang bagyo. Ang kaniyang mga kabayo ay mas mabilis pa kaysa sa mga agila. Kaawa-awa tayo sapagkat mawawasak tayo! 14 Linisin mo ang iyong puso mula sa kasamaan, Jerusalem, upang ikaw ay maaaring maligtas. Gaano katagal mong iisipin ng malalim ang tungkol sa kung paano magkasala? 15 Sapagkat ang isang tinig ay nagdadala ng mga balita mula sa Dan at narinig ang paparating na sakuna mula sa kabundukan ng Efraim. 16 Hayaang isipin ng mga bansa ang tungkol dito. Tingnan ninyo, ipahayag ninyo sa Jerusalem na paparating ang mga mananakop sa malayong lupain upang sumigaw ng pakikidigma laban sa mga lungsod ng Juda. 17 Magiging tulad sila ng mga kalalakihang tagapagbantay na nakapalibot sa sinasakang bukid, sapagkat naghihimagsik siya laban sa akin. 18 At ang iyong mga pag-uugali at mga gawain ang gumawa ng mga bagay na ito sa iyo. Ito ang magiging kaparusahan mo. Magiging katakot-takot ito! Tatagos ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang pahayag ni Yahweh.

19 Aking puso! Aking puso! Nagdadalamhati ang aking puso. Gulung-gulo ang aking puso. Hindi ako matahimik sapagkat naririnig ko ang tunog ng tambuli, isang hudyat ng labanan. 20 Pagkagiba pagkatapos ng pagkagiba ang inihayag, sapagkat biglang nawasak ang lahat ng lupain. Bigla nilang winasak ang aking tabernakulo at ang aking tolda. 21 Gaano katagal kong makikita ang pamantayan? Maririnig ko ba ang tunog ng tambuli? 22 Sapagkat ang kahangalan ng aking mga tao ay hindi nila ako kilala. Mga hangal silang tao at wala silang pang-unawa. Mahusay sila sa paggawa ng kasamaan ngunit hindi nila alam ang gumawa ng kabutihan. 23 Nakita ko ang lupain at tingnan mo! Wala itong hugis at walang laman. Sapagkat walang liwanag sa kalangitan. 24 Tiningnan ko ang mga kabundukan. Masdan, nanginginig sila at nayayanig ang lahat ng mga burol. 25 Tumingin ako. Masdan, wala ni isa man at nagsitakas ang lahat ng ibon sa kalangitan. 26 Tumingin ako. Masdan, ang mga halamanan ay naging isang ilang at ang lahat ng mga lungsod ay pinabagsak sa harapan ni Yahweh, sa harap ng kaniyang matinding poot.”

27 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ang lahat ng lupain ay mawawasak, ngunit hindi ko sila lubos na sisirain. 28 Sa kadahilanang ito, magdadalamhati ang lupain at ang kalangitan sa itaas ay magdidilim. Sapagkat inihayag ko ang aking mga layunin, hindi ko ito babawiin, hindi ko tatalikuran ang pagpapatupad ng mga ito. 29 Ang bawat lungsod ay tatakas mula sa ingay ng mga mangangabayo at mamamana, tatakbo sila sa kagubatan. Bawat lungsod ay aakyat sa mga mabatong lugar. Mapapabayaan ang mga lungsod, sapagkat walang sinuman ang maninirahan dito. 30 Ngayong nawasak ka na, ano ang gagawin mo? Bagaman nakasuot ka ng mapulang damit, nakagayak ng gintong alahas at pinalalaki ng pintang pampaganda ang iyong mga mata, itinakwil ka na ng mga kalalakihang nagnasa sa iyo. Sa halip, sinusubukan ka nilang patayin. 31 Kaya narinig ko ang ingay ng pagdadalamhati, pagdaing gaya ng pagsilang sa panganay na anak, ang ingay ng anak na babae ng Zion. Hinihingal siya. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay. 'Kaawa-awa ako! Nanghihina ako dahil sa mga mamamatay-taong ito.'”