Nagpatotoo si Juan sa Komite ng konseho
Ibinigay ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang patotoo sa komite mula sa konseho.
Sa Bethania sa kabila ng Jordan
A.D. 26
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Juan 1:19–28
1:19 Ngayon ito ang patotoo ni Juan nang ang mga Judio ay nagpadala sa kaniya ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin siyang, “Sino ka?” 20 Malaya niyang inilahad, at hindi ikinaila, ngunit tumugon, “Hindi ako ang Cristo.”
21 Kaya siya ay tinanong nila, “Ano ka kung gayon? Ikaw ba si Elias?” Sabi niya, “Hindi ako.” Sabi nila, “Ikaw ba ang propeta?” Sumagot siya, “Hindi.”
22 Pagkatapos ay sinabi nila sa kaniya, “Sino ka, upang may maibigay kaming sagot sa mga nagsugo sa amin? Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
23 Sinabi niya, “Ako ang boses ng isang sumisigaw sa ilang: 'Gawin ninyong tuwid ang daraanan ng Panginoon,' gaya nang sinabi ni Isaias na propeta.”
24 Ngayong mayroong mga isinugo duon mula sa mga Pariseo. Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya, 25 “Kung ganoon bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Cristo, ni hindi si Elias, ni hindi ang propeta?”
26 Tumugon si Juan sa kanila sinasabi, “Nagbabautismo ako ng tubig. Subalit, sa kalagitnaan ninyo ay nakatayo ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang darating kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magtanggal ng tali ng kaniyang sandalyas.”
28 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Bethania sa kabilang ibayo nang Jordan, kung saan si Juan ay nagbabautismo.
Ipinakilala ni Juan si Jesus Bilang Mesias
Sa Bethania sa kabila ng Jordan
Juan 1:29–34
1:29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo! 30 Siya ang sinabi ko sa inyo na, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.' 31 Hindi ko siya nakilala, ngunit ito ay nangyari upang maihayag siya sa Israel na siyang dahilan na ako ay nagbabautismo ng tubig.”
32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit tulad ng isang kalapati, at ito ay nanatili sa kaniya. 33 Hindi ko siya nakilala, ngunit ang sabi sa akin ng nagsugo sa akin na magbautismo sa tubig, 'Kung kanino mo makikita ang Espiritu na bumababa at nananatili, siya ang magbabautismo ng Banal na Espiritu.' 34 Pareho kong nakita at napatotohanan na ito ang Anak ng Diyos.
Nagkaroon si Jesus ng Kaniyang mga Unang Alagad
Sa Bethania sa kabila ng Jordan
Juan 1:35–51
1:35 Muli, sa sumunod na araw, habang si Juan ay nakatayong kasama ang dalawang alagad 36 nakita nila si Jesus na naglalakad sa malapit, at sinabi ni Juan, “Tingnan ninyo, ayun ang Kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang alagad na sinabi ni Juan ito, at sila ay sumunod kay Jesus.
38 At si Jesus ay lumingon at nakita silang sumusunod at sinabi sa kanila, “Anung nais ninyo?” Sumagot sila, “Rabi (na ang ibig sabihin ay 'Guro'), saan ka nakatira?”
39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan.” At sila ay pumaroon at nakita kung saan siya nakatira; sila ay tumira kasama niya sa araw na iyon sapagkat noon ay halos mag-aalas kuwatro na.
40 Isa sa dalawang nakarinig na nagsalita si Juan at pagkatapos sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang nakita ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya, “Nakita na namin ang Mesias,” (na sinalin na, 'ang Cristo').
42 Dinala niya siya kay Jesus. Si Jesus ay tumingin sa kaniya at sinabi, “Ikaw si Simon anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cepas” (na ang ibig sabihin ay 'Pedro').
43 Kinabukasan, nang si Jesus ay nais na umalis para pumunta sa Galilea, nakita niya si Felipe at sinabi sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Ngayon si Felipe ay galing sa Bethsaida, ang lungsod nila Andres at Pedro.
45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa kaniya, “Ang siyang naisulat sa kaustusan ni Moises at ng mga propeta - ay nakita namin, si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.”
46 Sinabi ni Nathanael, “Maaari bang may magandang bagay na magmula sa Nazaret?” Sinabi ni Felipe sa kaniya, “Halika at tingnan mo.”
47 Nakita ni Jesus na palapit si Nataniel sa kaniya at sinabi ang tungkol sa kaniya, “Tingnan ninyo, isa ngang tunay na Israelita, na walang panlilinlang.”
48 Sinabi sa kaniya ni Nataniel, “Papaano mo ako nakikilala?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Bago ka tawagin ni Felipe, nang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.”
49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang Hari ng Israel!”
50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, 'Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos', naniniwala ka na? Makakakita ka ng mga bagay na mas higit pa kaysa dito.” 51 Sinabi ni Jesus, “Totoo, totoo itong sinasabi ko sa iyo, makikita mong magbukas ang mga kalangitan, at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa sa kinaroroonan ng Anak ng Tao.”
Ginawa ni Jesus ang Kaniyang Unang Himala
Sa Cana sa Galilea
Juan 2:1–11
2:1 Matapos ang tatlong araw, may kasalan sa Cana ng Galilea, at ang ina ni Jesus ay naroon. 2 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naanyayahan sa kasalan. 3 Nang maubos ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya, “Wala silang alak.”
4 Sumagot si Jesus, “Babae, ano ang kinalaman niyan sa akin? Ang oras ko ay hindi pa dumarating.”
5 Sinabi nang kaniyang ina sa mga lingkod, “Anumang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.”
6 Ngayon mayroon doong anim na mga banga ng tubig na ginagamit sa seremonya ng paghuhugas ng mga Judio, na ang bawa't isa ay naglalaman ng may dalawa hanggang tatlong metretes. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ang banga ng tubig.” Kaya pinuno nila ang mga ito hanggang labi.
8 Pagkatapos ay sinabi niya sa mga lingkod, “Kumuha kayo ng kaunti at ibigay sa punong tagapag-silbi.” Kaya ginawa nga nila. 9 Tinikman ng punong tagapag-silbi ang tubig na naging alak, ngunit hindi niya alam kung saan ito nanggaling (ngunit alam ito ng mga lingkod na kumuha ng tubig). Pagkatapos ay tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kaniya, “Ang unang hinahain ng bawa't isa ay ang mainam na alak at pagkatapos ay ang murang alak kapag ang mga tao ay lasing na. Ngunit itinira mo ang napakainam na alak hanggang ngayon.”
11 Ang himalang ito sa Cana ng Galilea ay ang simula ng mga mahimalang tanda na ginawa ni Jesus, ipinapahayag ang kaniyang kaluwalhatian, kaya ang mga alagad ay nananampalataya sa kaniya.