Ang Unang Pananatili ni Jesus sa Capernaum

Nanatili si Jesus sa Capernaum sa unang pagkakataon, kasama ang kaniyang pamilya at ang kaniyang mga unang alagad.

(Kalaunan ay magiging tahanan niya ang Capernaum.)

A.D. 26

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Juan 2:12

2:12 Pagkatapos nito, si Jesus, ang kaniyang ina, ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad ay pumunta pababa ng Capernaum, at duon nanatili sila ng mga ilang araw.

Unang Nilinis ni Jesus ang Templo sa Paskwa A.D. 27

Jerusalem. Malamang noong AD 27

Juan 2:13–22

2:13 Ngayon malapit na ang Paskwa ng mga Judio, kaya si Jesus ay umakyat sa Jerusalem. 14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagbebenta ng mga baka, tupa at mga kalapati. Ang mga tagapagpalit ng pera ay naroroon din at nakaupo. 15 Kaya gumawa siya nang isang panghagupit na lubid at pinaalis silang lahat palabas ng templo, pati na ang mga tupa at baka. Itinapon niya ang pera ng tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga taga-benta nang kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Tigilan ninyong gawing palengke ang tahanan ng aking Ama.”

17 Naalala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong tahanan ay tutupok sa akin.”

18 Pagkatapos ay tumugon ang mga may katungkulang Judio, sinasabi sa kaniya, “Anong tanda ang ipapakita mo sa amin dahil ginagawa mo ang mga bagay na ito?”

19 Sumagot si Jesus, “Wasakin ang templong ito, at sa tatlong araw aking itatayo ito.”

20 At sinabi ng mga may katungkulang Judio, “Umabot nang apatnapu't anim na taon para magawa ang templong ito, at itatayo mo ito sa tatlong araw?”

21 Subalit, siya ay nagsasalita tungkol sa templo ng kaniyang katawan. 22 Kaya't pagkatapos noon nang siya ay ibangon mula sa kamatayan, naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito, at sila ay nanalig sa kasulatan at sa pahayag na sinabi ni Jesus.

Nakipagkita si Nicodemo kay Jesus

Sa Jerusalem sa panahon ng Paskwa

Juan 2:23–3:21

2:23 Ngayon nang siya ay nasa Jerusalem, habang pista ng Paskwa, marami ang naniwala sa kaniyang pangalan, nang nakita nila ang ginawa niyang mapaghimalang tanda. 24 Ngunit walang tiwala si Jesus sa kanila dahil kilala niya lahat ng sangkatauhan. 25 Hindi niya kailangan ang sinuman para magpatotoo sa kaniya tungkol sa kung ano ang klase ng mga tao, sapagkat alam niya kung anong nasa sa kanila.

3:1 Ngayon mayroon isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo, kasapi ng Konseho ng Judio. 2 Pumunta ang taong ito kay Jesus nang bandang gabi, at sinabi niya “Rabi, alam namin ikaw ay isang guro galing sa Diyos dahil walang sinumang makagagawa ng mga tandang ito na ginawa mo maliban na nasa kaniya ang Diyos.”

3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”

4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”

5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu. 7 Huwag kayong mamangha na sinabi ko sa inyo, 'Dapat kayong ipanganak muli.' 8 Umiihip ang hangin kung saan niya gusto. Naririnig ninyo ang huni nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan ito nagmula o kung saan ito pupunta. Gayon din naman ang sinumang isilang sa Espiritu.”

9 Sumagot si Nicodemo, sinasabi, “Paano mangyayari ang mga bagay na ito?”

10 Sinagot siya ni Jesus, “Ikaw ba ay guro ng Israel, at hindi mo naiintindihan ang mga bagay na ito? 11 Tunay nga, sinasabi namin iyong alam namin, at pinatotohanan iyong nakita namin. Subalit kayong mga tao, hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo.

12 Kung sinabi ko sa iyo ang tungkol sa mga bagay na makalupa at hindi ka naniwala, paano ka maniniwala kung sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na makalangit? 13 Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas, 15 upang ang lahat ng mananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa. 20 Dahil ang sinuman na gumagawa ng masama ay galit sa liwanag at hindi lumalapit sa ilaw upang ang kaniyang mga gawa ay hindi malantad. 21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag upang ang kaniyang mga gawa ay malinaw na makita at ang mga iyon ay naganap dahil sa pagsunod sa Diyos.”