Sumagot si Job kay Elifaz
2130 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pagkatapos sumagot si Job at sinabing, 2 “O, kung titimbangin lamang ang aking paghihirap, at susukatin ang lahat ng aking mga sakuna! 3 Sa ngayon mas magiging mabigat pa ito kaysa sa lahat ng buhangin sa dagat. Kaya nga naging padalos-dalos ako sa aking mga salita. 4 Dahil ang mga palaso ng Makapangyarihan ay nakaabang sa akin, ang aking espiritu ay iniinom ang lason; ang mga kaparusahan ng Diyos ay nagsunod-sunod laban sa akin. 5 Ang isa bang mabangis na asno ay uungal kung marami namang damo? O ang mga baka ba ay uungal kung may dayami naman silang makakain? 6 Ang isang pagkain ba na walang lasa ay makakain kung walang asin? O may kung anong lasa ba sa puti ng itlog? 7 Tumatanggi akong hawakan sila; tulad sila ng mga nakakapandiring pagkain sa akin. 8 O, sana matanggap ko na ang aking hinihiling, oh, ibigay na sana ng Diyos ang aking minimithi; 9 na malugod ang Diyos na durugin niya ako ng isang beses, na bitawan niya ako at putulin sa buhay na ito. 10 Sana ito na lang ang aking maging pampalubag-loob—kahit na magsaya ako sa hindi napapawing hapdi: na hindi ko sinuway ang mga salita ng Tanging Banal. 11 Ano ba ang aking lakas, na kailangan ko pang maghintay? Ano ba ang aking katapusan, na kailangan kong pahabain ang aking buhay? 12 Ang lakas ko ba ay kasing lakas ng mga bato? O ang aking mga kalamnan ay gawa sa tanso? 13 Hindi ba totoo na hindi ko kayang tulungan ang aking sarili, at ang karunungan ay tinanggal sa akin? 14 Para sa isang taong malapit nang mawalan ng malay, dapat ipakita ng kaniyang kaibigan ang katapatan; kahit na pinabayaan niya pa ang kaniyang takot sa Makapangyarihan. 15 Pero naging matapat ang mga kapatid ko sa akin, na tulad ng mga batis sa disyerto, na tulad ng mga daluyan ng tubig na natutuyo, 16 na dumidilim dahil sa mga yelong tumatakip sa mga ito, at dahil sa mga niyebe na ikinukubli ang sarili sa kanila. 17 Kapag sila ay natunaw, sila ay mawawala; kapag ang panahon ay mainit, nalulusaw sila sa kanilang kinalalagyan. 18 Ang mga karawan ay gumigilid para maghanap ng tubig, nagpapaikot-ikot sila sa tuyong lupain at saka mamamatay. 19 Ang mga karawan mula sa Tema ay pinagmamasdan sila, gayun din sa pangkat ng mga taga-Sheba na umaasa sa kanila. 20 Sila ay nabigo dahil umaasa sila na makakahanap ng tubig; pumunta sila roon pero sila ay nilinlang. 21 Kaya ngayon, kayong mga kaibigan ko ay wala nang halaga sa akin; nakita ninyo ang aking kaawa-awang kalagayan pero kayo ay natatakot. 22 'Sinabi ko ba sa inyo na bigyan ninyo ako ng kahit ano?' 'O, regaluhan ninyo ako mula sa inyong kayamanan?' 23 O, 'Iligtas ako mula sa kamay ng aking kalaban?' O, 'Tubusin ako sa kamay ng mga nang-aapi sa akin?' 24 Ituro ninyo sa akin, at ako ay mananahimik, ipaintindi ninyo sa akin kung saan ako nagkamali. 25 Sadya ngang napakasakit ng katotohanan! Pero ang inyong mga sinasabi, paano ba nito ako maitutuwid? 26 Balak ba ninyong hindi pansinin ang aking mga sinasabi, ituring ito ang salita ng isang tao na parang ito ay hangin? 27 Totoo nga, pinagpupustahan ninyo ang naulila sa ama, at pinagtatalunan ang inyong kaibigan na tulad ng isang kalakal. 28 Subalit ngayon, tingnan ninyo ako at papatunayan ko sa inyo na hindi ako nagsisinungaling. 29 Pigilan ninyo ang inyong sarili, parang awa ninyo na; maging makatarungan kayo, maghunos-dili kayo dahil nasa tamang panig ako. 30 May kasamaan ba sa aking dila? Hindi ba malalaman ng aking bibig ang malisyosong mga bagay?
7:1 Hindi ba't may mabigat na gawain ang bawat isang tao sa ibabaw ng lupa? 2 Hindi ba na ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang taong upahan? 3 Katulad ng isang alipin na maalab na ninanais ang mga anino ng gabi, katulad ng isang taong upahan na naghihintay sa kaniyang mga sahod- kaya nagtiis ako sa mga buwan ng kahirapan; nagkakaroon ako ng mga gabing punong-puno ng kaguluhan. 4 Kapag ako ay humihiga, sinasabi ko sa aking sarili, “Kailan ako babangon at kailan lilipas ang gabi? Punong-puno ako ng kabalisahan hanggang sa magbukang-liwayway. 5 Ang aking laman ay nadadamitan ng mga uod at mga tipak ng alikabok; nanigas na ang mga sugat sa aking balat at saka malulusaw at mananariwang muli. 6 Ang aking mga araw ay mas mabilis kaysa sa panghabi; lilipas sila nang walang pag-asa. 7 Alalahanin mo O Diyos na ang aking buhay ay isa lamang hininga; ang aking mata ay hindi na makakakita pa ng kabutihan. 8 Ang mata ng Diyos, na nakikita ako, ay hindi na muli ako makikita; Ang mga mata ng Diyos ay tutuon sa akin pero hindi na ako mabubuhay. 9 Gaya ng isang ulap na napapawi at nawawala, gayon din ang siyang bumababa sa sheol ay hindi na aahon pa. 10 Siya ay hindi na babalik pa sa kaniyang tahanan; ni makikilala pa siya muli sa kaniyang lugar. 11 Kaya hindi ko pipigilin ang aking bibig; Magsasalita ako sa kadalamhatian ng aking espiritu; Ako ay dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa. 12 Ako ba ay isang dagat, o isang halimaw sa dagat para lagyan mo ng bantay? 13 Kapag sinasabi ko, 'Aaliwin ako ng aking higaan, at pakakalmahin ng aking upuan ang aking daing, 14 pagkatapos tinatakot mo ako sa mga panaginip at ako ay sinisindak sa mga pangitain, 15 kaya pipiliin ko ang magbigti at kamatayan sa halip na panatilihin pang buhay ang aking mga buto. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay; Hindi ko hinahangad na patuloy akong mabuhay; hayaan mo akong mag-isa dahil walang silbi ang aking mga araw. 17 Ano ang tao na dapat bigyan mo ng pansin, na dapat iyong ituon ang isip sa kaniya, 18 na dapat mong bantayan tuwing umaga at sinusubok mo siya sa bawat sandali? 19 Gaano katagal bago mo alisin ang iyong tingin sa akin? bago mo ako hayaang mag-isa nang may sapat na panahon para lunukin ang aking sariling laway? 20 Kahit ako ay nagkasala, ano ang magagawa nito sa iyo, ikaw na nagbabantay sa mga tao? Bakit mo ako ginawang isang pakay, para ba ako ay maging pasanin sa iyo? 21 Bakit hindi mo mapatawad ang aking mga pagsuway at alisin ang aking kasamaan? Sa ngayon ako ay hihiga sa alikabok; maingat mo akong hahanapin, pero wala na ako.”