Sinabi ni Elifaz na Nagdurusa si Job Dahil sa Kaniyang mga Kasalanan

Ang unang pagtatalo ni Job at ng kaniyang mga kaibigan, na sinimulan ni Elifaz, na nagsasabing ang mga pagdurusa ni Job ay parusa sa kaniyang mga kasalanan.

2130 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Job 4–5

1 Sumagot si Elifaz ang Temaneo at sinabing, 2 “Kung sakaling may kumausap sa iyo, malulungkot ka ba? Pero sino ba ang makakapigil sa kaniyang sarili para magsalita? 3 Tingnan mo nga naman, nagturo ka sa marami, pinalakas mo ang mga nanghihinang kamay. 4 Inalalayan ng iyong salita ang mga nahuhulog, at ang mga nanlalambot na tuhod ay pinatigas mo. 5 Pero ngayong ikaw naman ang may kaguluhan, nanghihina ka; ikaw ay dinapuan ng kaguluhan, at ikaw ay naguluhan. 6 Hindi ba dapat ang takot mo sa Diyos ang nagbibigay sa iyo ng lakas ng loob? Hindi ba ang integridad mo sa iyong mga ginagawa ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa? 7 Parang awa mo na, isipin mo itong mabuti: may inosente bang naghirap? O kaya may matuwid bang pinalayas? 8 Ayon sa aking natunghayan, siyang nagbungkal ng kasalanan, at nagtanim ng kaguluhan, ay umani rin nito. 9 Sila ay mamamatay sa pamamagitan ng hininga ng Diyos; sa pagsabog ng kaniyang galit sila ay matutupok. 10 Ang atungal ng mga leon, ang tinig ng mabangis na leon, maging ang pangil ng mga batang leon—ang lahat ay nabasag. 11 Ang matandang leon ay namatay dahil sa kawalan ng mga biktima; ang mga batang leon ng inahin ay nagkalat saan mang lugar. 12 Subalit ngayon, may lihim na dumating sa akin, may bumulong sa aking tainga tungkol dito. 13 Sa mga kahulugan ng mga pangitain sa gabi, habang ang mga tao ay natutulog nang mahimbing. 14 Matinding takot ang siyang lumukob sa akin, at sa aking mga buto ay nanginig. 15 Pagkatapos isang espiritu ang dumaan sa aking harapan, at ang mga balahibo ko ay nagsipagtayuan. 16 Ang espiritu ay tumigil at tumayo, pero di ko maaninag ang kaniyang anyo. Isang anyo ang nasa aking harapan, tahimik ang paligid at may bigla akong narinig, 17 “Ang isang mortal na tao ba ay mas matuwid kaysa sa Diyos? Mas dalisay ba ang tao kaysa sa kaniyang Manlilikha? 18 Tingnan mo, kung hindi pinagkakatiwalaan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod, at pinaparatangan ang kaniyang mga anghel nang kahangalan, 19 ano pa kaya silang mga nakatira sa mga bahay na gawa sa putik, at ang mga pundasyon ay nasa buhangin, na mas marupok sa mga kulisap na madaling durugin? 20 Sa pagitan ng umaga at gabi sila ay winasak; naglaho na sila magpakailanman nang walang nakakapansin sa kanila. 21 Hindi ba nabunot ang tali ng kanilang mga tolda? Namatay sila, namatay sila nang walang karunungan.

5:1 Manawagan ka na ngayon, mayroon bang makikinig sa iyo? Sino sa mga banal ang malalapitan mo? 2 Dahil papatayin ng galit ang isang hangal, papatayin ng selos ang walang isip. 3 Nakakita na ako ng isang hangal na lumalalim na ang ugat, pero bigla kong sinumpa ang kaniyang tahanan. 4 Ang kaniyang mga anak ay malayo sa kaligtasan; naipit sila sa mga tarangkahan ng lungsod. Wala kahit isa ang magliligtas sa kanila — 5 ang ani nila ay kinain ng mga nagugutom, ng mga taong kumukuha nito mula sa mga matinik na lugar; ang mga kayamanan nila ay sinimot ng mga taong nauuhaw dito. 6 Sapagkat ang mga paghihirap ay hindi tumutubo mula sa lupa; kahit ang kaguluhan ay hindi umuusbong mula sa lupa; 7 Pero gumagawa ang sangkatuhan ng sarili niyang kaguluhan, gaya ng mga apoy na lumilipad paitaas. 8 Pero ako, sa Diyos ako lalapit, ipagkakatiwala ko sa Diyos ang aking kalagayan — 9 siya na gumagawa ng mga dakila at makabuluhang mga bagay, mga kamangha-manghang bagay na hindi na mabilang. 10 Nagbibigay siya ng ulan sa lupa, at nagpapadala ng tubig sa mga taniman. 11 Ginawa niya ito para itaas ang mga mabababa; para ilikas ang mga taong nagdadalamhati sa mga abo. 12 Binibigo niya ang mga balak ng mga tuso, para hindi makamit ang mga binalak nila. 13 Binibitag niya ang mga matatalino sa kanilang katusuhan; ang mga plano ng matatalino ay matatapos din. 14 Nagpupulong sila sa dilim tuwing umaga, at nangangapa sa tanghali na tulad nang sa gabi. 15 Pero inililigtas niya ang mga mahihirap mula sa mga espada na nasa kanilang mga bibig, at ang mga nangangailangan mula sa mga mayayaman. 16 Kaya may pag-asa ang mahihirap, at ang kawalan ng katarungan ay itinitikom ang kaniyang sariling bibig. 17 Tingnan mo, masaya ang taong tinutuwid ng Diyos; kaya huwag mong kamuhian ang pagtutuwid ng Makapangyarihan. 18 Dahil siya ay sumusugat at tumatapal, sumusugat siya at siya rin ang gumagamot. 19 Ililigtas ka niya sa anim na kaguluhan; lalo na, sa pitong kaguluhan, walang anumang masama ang makagagalaw sa iyo. 20 Sa tag-gutom ikaw ay kaniyang ililigtas mula sa kamatayan; sa digmaan mula sa kapangyarihan ng espada. 21 Ikukublli ka mula sa latay ng mga dila; at hindi ka matatakot kapag ang pagkawasak ay dumating. 22 Tatawanan mo ang pagkawasak at tag-gutom, at hindi ka matatakot sa mga mababangis na hayop. 23 Sapagkat may kasunduan ka sa mga bato sa iyong taniman; magiging mapayapa ka sa mga mababangis na hayop. 24 Matitiyak mo na ang iyong tolda ay ligtas; dadalawin mo ang iyong kawan at makikitang hindi ito nabawasan. 25 Matitiyak mo na dadami ang iyong lahi, na ang iyong mga anak ay matutulad sa mga damo sa lupa. 26 Uuwi ka sa iyong puntod sa iyong katandaan, tulad ng mga naipong mga tangkay ng palay na dinadala sa giikan. 27 Tingnan mo, siniyasat namin ang bagay na ito; ganito talaga ito; pakinggan mo ito at patunayan sa iyong sarili.”