Bahagi 10: Ang Ministeryo sa Perea sa Dakong Huli

Malamang mula sa Pista ng Pagtatalaga noong AD 29 hanggang sa huling paglalakbay noong AD 30 (mga tatlo at kalahating buwan)

Umalis si Jesus Patungong Bethania sa Kabilang Panig ng Jordan

Umalis si Jesus mula sa Jerusalem patungong Bethania sa kabilang panig ng Jordan.

Pereya

A.D. 29 hanggang 30

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Juan 10:40–42

10:40 Umalis muli si Jesus patungo sa ibayo ng Jordan sa lugar nang una'y pinagbabautismuhan ni Juan, at siya ay nanatili doon. 41 Maraming tao ang lumapit kay Jesus. Patuloy nilang sinasabi, “Sa katunayan walang ginawang mga tanda si Juan, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” 42 Doon ay maraming sumampalataya kay Jesus.

Nagtuturo si Jesus sa Perea at Binalaan Tungkol kay Herodes

Nagtuturo si Jesus sa Perea habang naglalakbay patungong Jerusalem, at binalaan siya tungkol kay Herodes Antipas.

Lucas 13:22–35

13:22 Binisita ni Jesus ang bawat bayan at baryo sa daan patungong Jerusalem at tinuruan sila. 23 May nagsabi sa kaniya, “Panginoon, kakaunti lamang bang tao ang maliligtas?” Kaya sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan, dahil marami ang susubok ngunit hindi sila makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at isinara ang pintuan, at kayo ay tatayo sa labas at kakalabugin ang pinto at sasabihin, 'Panginoon, Panginoon, papasukin mo kami.' At siya ay sasagot at sasabihin sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala o kung taga-saan kayo.'

26 Pagkatapos ay inyong sasabihin, 'Kami ay kumain at uminom sa iyong harapan at nagturo ka sa aming mga lansangan.'

27 Ngunit sasagot siya, 'Sinasabi ko sa inyo, hindi ko alam kung taga-saan kayo. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!'

28 Magkakaroon ng pagnanangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, ngunit kayo—kayo ay itinapon sa labas. 29 Darating sila mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog at sila ay uupo sa hapag-kainan sa kaharian ng Diyos. 30 At alamin ninyo ito, ang mga pinakahuli ay ang mga una, at ang una ay magiging huli.”

31 Hindi nagtagal, may ilang mga Pariseong dumating at sinabi sa kaniya, “Pumunta ka at umalis dito dahil nais kang patayin ni Herodes.”

32 Sinabi ni Jesus, “Pumunta kayo at sabihin sa asong-gubat na iyon, 'Tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ako ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay maaabot ko ang aking layunin.' 33 Gayunman, kinakailangan na ako ay magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw, sapagkat hindi katanggap-tanggap na pumatay ng isang propeta sa labas ng Jerusalem.

34 Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga ipinadala sa iyo. Kaydalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi mo ito ninais. 35 Tingnan mo, iniwan ang iyong bahay. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo ako makikita hanggang sabihin mo, 'Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.”'

Habang Kumakain Kasama ng Isang Kilalang Pariseo, Muling Nagpagaling si Jesus

Habang kumakain (sa almusal) kasama ng isang kilalang Pariseo, muling nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga at ipinagtatanggol ang kaniyang sarili. Ang pagkakataong ito ang nagbibigay ng paksa para sa tatlong talinghaga.

Malamang sa Perea

Lucas 14:1–24

14:1 Nangyari sa isang Araw ng Pamamahinga, nang pumunta si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Pariseo upang kumain ng tinapay, na minamanmanan nila si Jesus. 2 Masdan ito, doon sa kaniyang harapan ay may isang lalaking nagdurusa dahil sa pamamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa kautusan ng Judio at ang mga Pariseo, “Naaayon ba sa batas na magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”

4 Ngunit nanatili silang tahimik. Kaya hinawakan siya ni Jesus, pinagaling siya at pinaalis. 5 Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang may isang lalaking anak o isang baka na kapag mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, ang hindi kaagad mag-aahon sa kaniya?”

6 Hindi sila nakapagbigay ng sagot sa mga bagay na ito.

7 Nang mapansin ni Jesus kung paano pinili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, nagsabi siya ng isang talinghaga, sinasabi sa kanila, 8 “Kapag inanyayahan ka ng isang tao sa isang kasalan, huwag kang umupo sa mga upuang pandangal dahil maaaring may isang taong naanyayahan na mas pinararangalan kaysa sa iyo. 9 Kapag dumating ang taong nag-anyaya sa inyong dalawa, sasabihin niya sa iyo, 'Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan,' at sa kahihiyan lilipat ka sa kababababaang dako.

10 Ngunit kapag ikaw ay inanyayahan, pumunta ka at umupo sa kababababaang dako, upang kung dumating ang taong nag-anyaya sa iyo, maaari niyang sabihin sa iyo, 'Kaibigan, lumipat ka sa mas mataas.' At ikaw ay mapararangalan sa harapan ng lahat ng kasalo mo sa hapag. 11 Sapagkat ang bawat nagmamataas ay maibababa at siya na nagpapakababa ay maitataas.

12 Sinabi rin ni Jesus sa taong nag-anyaya sa kaniya, “Kapag naghanda ka ng pananghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak o ang mga mayayaman mong kapit-bahay, sapagkat maaari ka din nilang anyayahan at ikaw ay mababayaran. 13 Ngunit kapag ikaw ay maghahanda ng salu-salo, anyayahan mo ang mga mahihirap, ang mga lumpo, ang mga pilay, at ang mga bulag, 14 at ikaw ay pagpapalain dahil hindi ka nila mababayaran. Sapagkat ikaw ay mababayaran sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

15 Nang marinig ng isa sa mga taong kasalo ni Jesus ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Jesus, “Pinagpala siya na kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos!”

16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “May isang taong naghanda ng malaking hapunan at inanyayahan ang marami. 17 Nang maihanda na ang hapunan, inutusan niya ang kaniyang utusan na sabihin sa mga naanyayahan, 'Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.'

18 Silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sabi ng una sa kaniya, 'Bumili ako ng bukid at kinakailangan kong umalis at tingnan ito.' Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.'

19 At sinabi naman ng isa, 'Bumili ako ng limang pares na baka, at pupunta ako upang subukan ang mga ito. Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.'

20 At sabi naman ng isang lalaki, 'Kakakasal ko pa lamang sa aking asawa, at kaya hindi ako makakadalo.'

21 Dumating ang utusan at sinabi sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Pagkatapos, nagalit ang panginoon ng bahay at sinabi sa kaniyang utusan, 'Bilisan mo, pumunta ka sa mga kalye at sa mga daanan ng lungsod at dalhin mo dito ang mga mahihirap, ang mga bulag, at ang mga pilay.'

22 Sinabi ng utusan, 'Panginoon, ang iyong iniutos ay nagawa na, ngunit mayroon pa ring silid.'

23 Sinabi ng panginoon sa utusan, 'Pumunta ka sa mga kalsada at sa mga bakuran at pilitin mo silang pumasok, upang mapuno ang aking bahay. 24 Sapagkat sinasabi ko sa iyo, wala sa mga taong naunang naanyayahan ang makakatikim ng aking hapunan.'”