Dapat Magsisi ang Lahat o Mapahamak
Dapat magsisi ang lahat o mapahamak (dalawang trahedya noong panahong iyon). Ang talinghaga ng puno ng igos na hindi namumunga.
Malamang sa Judea
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Lucas 13:1–9
13:1 Nang panahong iyon, sinabi sa kaniya ng ilang tao na naroon ang tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa kanilang mga sariling alay. 2 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan ang mga taga-Galilea na ito kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila sa ganitong paraan? 3 Hindi, sinasabi ko sa inyo. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat sa ganoon ding paraan. 4 O iyong labing walong tao sa Siloam na nabagsakan ng tore at namatay, sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang tao sa Jerusalem? 5 Hindi, sinasabi ko. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo ay mamatay din.”
6 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, “May isang taong may isang puno ng igos na nakatanim sa kaniyang ubasan at dumating siya at naghanap ng bunga nito ngunit wala siyang matagpuan. 7 Sinabi niya sa hardinero, 'Tingnan mo, tatlong taon na akong pumaparito, at sinubukang maghanap ng bunga ng puno ng igos na ito ngunit wala akong natagpuan. Putulin mo ito. Bakit hahayaang sayangin nito ang lupa?'
8 Sumagot ang hardinero at sinabi, 'Pabayaan mo muna ito sa taong ito hanggang sa aking mahukayan ang palibot nito at malagyan ito ng pataba. 9 Kung mamunga ito sa susunod na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin mo ito!”'
Pinagaling ni Jesus ang Isang Babaeng May Kapansanan sa Araw ng Pamamahinga
Pinagaling ni Jesus ang isang babaeng may kapansanan sa Araw ng Pamamahinga at ipinagtatanggol ang kaniyang sarili laban sa pinuno ng sinagoga. Inuulit niya ang mga talinghaga ng buto ng mustasa at ng pampaalsa.
Lucas 13:10–21
13:10 Ngayon, nagtuturo si Jesus sa isa sa mga sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. 11 Masdan, may isang babaeng naroon na labing-walong taon nang may masamang espiritu ng panghihina, at siya ay baluktot at hindi siya lubusang makatayo. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag niya ito at sinabi, “Babae, napalaya ka na mula sa iyong panghihina.” 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa babae, at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 Ngunit nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya sumagot ang pinuno at sinabi sa maraming mga tao, “May anim na araw kung saan kinakailangang magtrabaho. Pumarito kayo at mapagaling sa mga araw na iyon, huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
15 Sinagot siya ng Panginoon at sinabi, “Mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalag ng bawat isa sa inyo ang tali ng kaniyang asno o baka mula sa sabsaban nito upang painumin sa Araw ng Pamamahinga? 16 Kaya ito ring babaeng anak ni Abraham, na labing-walong taon nang iginapos ni Satanas, hindi ba nararapat kalagan ang kaniyang gapos sa Araw ng Pamamahinga?”
17 Nang sinabi niya ang mga bagay na ito, lahat ng sumalungat sa kaniya ay napahiya, ngunit nagagalak ang maraming tao sa mga maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.
18 At sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos, at ano ang maaari kong ihambing dito? 19 Ito ay tulad ng isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan, at ito ay tumubo at naging isang malaking puno, at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 Muli, sinabi niya, “Saan ko maaaring ihambing ang salita ng Diyos? 21 Ito ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa ito ay umalsa.”
Sa Pista ng Pagtatalaga, Tinangkang Batuhin ng mga Judio si Jesus
Sa Pista ng Pagtatalaga, ayaw pang sabihin ni Jesus nang hayagan na siya ang Mesias. Tinatangka siyang batuhin ng mga Judio.
Dito ay muling ipinagpapatuloy ng Ebanghelyo ni Juan ang salaysay, at dinadala tayo sa Jerusalem, at pagkatapos ay sa Perea.
Jerusalem
Juan 10:22–39
10:22 At dumating ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Jerusalem. 23 Taglamig noon, at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon. 24 At pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kaniya, “Hanggang kailan mo kami pananatilihing bitin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo nang maliwanag.”
25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabihan ko kayo, ngunit hindi kayo naniwala. Ang mga gawain na aking ginawa sa ngalan ng aking Ama, ang mga ito ang magpapatotoo patungkol sa akin. 26 Gayunman hindi kayo naniwala dahil hindi ko kayo mga tupa. 27 Naririnig ng aking tupa ang aking boses; kilala ko sila, at sila ay sumusunod sa akin. 28 Ibinigay ko sa kanila ang buhay na walang hanggang; hindi sila malilipol, at walang sinumang makaaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin, ay dakila kaysa sa lahat, at walang sinuman na kayang umagaw sa kanila sa kamay ng Ama. 30 “Ako at ang Ama ay iisa.”
31 Pagkatapos ay kumuhang muli ng mga bato ang mga Judio upang batuhin siya. 32 Sinagot sila ni Jesus, “Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawain mula sa Ama. Alin sa mga gawaing ito ang dahilan na pagbabatuhin ninyo ako?”
33 Sumagot ang mga Judio sa kaniya, “Hindi ka namin binabato dahil sa anumang mabuting gawain, kundi dahil sa paglapastangan, dahil ikaw na isang tao, ginagawa mong Diyos ang iyong sarili.”
34 Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, 'Sinabi ko, “kayo ay mga diyos?'” 35 Kung tinatawag niyang mga diyos sila na dinatnan ng salita ng Diyos (at ang kasulatan ay hindi maaaring sirain), 36 sinasabi ba ninyo ang tungkol sa kaniya na siyang itinalaga ng Ama at isinugo sa mundo, 'Ikaw ay naglalapastangan,' dahil sinabi kong, 'Ako ang Anak ng Diyos'?
37 Kung hindi ko ginagawa ang gawain ng aking Ama, huwag kayong manampalataya sa akin. 38 “Subalit, kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi kayo manampalataya sa akin, maniwala kayo sa mga gawain upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa sa akin at ako ay nasa sa Ama.”
39 Sinubukan muli nilang lupigin si Jesus, ngunit siya ay umalis sa kanilang mga kamay.