Nananawagan si Jeremias ng Pagsisisi at Nanaghoy
Hinihimok ni Jeremias ang mga tao na magsisi, at nananaghoy sa kanilang mga paghihirap habang papalapit ang pagkabihag.
612 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Yahweh, 2 “Tumayo ka sa tarangkahan ng tahanan ni Yahweh at ipahayag mo ang mga salitang ito! Sabihin mo, 'Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, lahat kayong mga taga-Juda, kayong mga pumasok sa mga tarangkahan na ito upang sambahin si Yahweh. 3 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo na Diyos ng Israel: Gawin ninyo nang may kabutihan ang inyong mga kaparaanan at kaugalian at hahayaan ko kayong mamuhay sa lugar na ito. 4 Huwag ninyong ipagkatiwala ang inyong mga sarili sa mga mapanlinlang na salita at sabihin, “Templo ni Yahweh! Templo ni Yahweh! Templo ni Yahweh!”
5 Sapagkat kung ganap ninyong gagawing mabuti ang inyong mga kaparaanan at mga kaugalian, kung ganap ninyong ipinapakita ang katarungan sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang kapwa. 6 Kung hindi ninyo sinasamantala o inaabuso ang isang tao na naninirahan sa lupain, ang ulila o ang balo at hindi dumanak ang inosenteng dugo sa lugar na ito at hindi kayo sumunod sa ibang mga diyos para sa inyong sariling kapahamakan. 7 Hahayaan ko kayong manatili sa lugar na ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno magmula pa noong unang panahon at magpakailanman.
8 Masdan ninyo! Nagtitiwala kayo sa mga mapanlinlang na salita na hindi nakakatulong sa inyo. 9 Nagnakaw ba kayo, pumatay at nangalunya? At nangako ba kayo nang may panlilinlang at nag-alay ng insenso kay Baal at sumunod sa iba pang mga diyos na hindi ninyo kilala? 10 Kung gayon, pumunta ba kayo at tumayo sa aking harapan sa tahanang ito kung saan inihayag ang aking pangalan at sinabi, “Naligtas kami,” kaya magagawa ninyo ang lahat ng mga kasuklam-suklam na bagay na ito? 11 Ang tahanan bang ito na nagtataglay ng aking pangalan ay isang kuta ng mga magnanakaw sa inyong paningin? Ngunit masdan ninyo, nakita ko ito. Ito ang pahayag ni Yahweh.'
12 'Kaya pumunta kayo sa aking lugar na nasa Shilo, kung saan hinayaan ko ang aking pangalan na manatili doon sa simula pa at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko doon dahil sa kasamaan ng aking mga taong Israel. 13 Kaya ngayon dahil sa paggawa ninyo ng lahat ng mga kaugaliang ito, ito ang pahayag ni Yahweh, 'Paulit-ulit ko kayong sinabihan ngunit hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot. 14 Kaya, kung ano ang ginawa ko sa Shilo, gagawin ko rin sa tahanang ito na tinawag sa aking pangalan, ang tahanan kung saan kayo nagtiwala, ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 15 Sapagkat palalayasin ko kayo sa aking harapan gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ng inyong mga kapatid, ang lahat ng mga kaapu-apuhan ni Efraim.'
16 At ikaw, Jeremias, huwag kang manalangin para sa mga taong ito at huwag kang tumangis ng panaghoy o manalangin para sa kanila at huwag kang makiusap sa akin sapagkat hindi kita pakikinggan. 17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang ginagawa nila sa lungsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Nagtitipon ng kahoy ang mga bata at sinisindihan ito ng kanilang mga ama! Nagmamasa ng harina ang mga kababaihan upang gumawa ng mga tinapay para sa reyna ng kalangitan at nagbubuhos ng mga inuming handog para sa ibang mga diyos upang galitin ako. 19 Ito ang pahayag ni Yahweh. Sinasaktan ba talaga nila ako? Hindi ba ang sarili nila ang kanilang sinasaktan, kaya nasa kanila ang kahihiyan?
20 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Tingnan ninyo, bubuhos ang aking poot at galit sa lugar na ito, sa tao at sa hayop, sa puno sa mga bukirin at sa bungang kahoy sa lupa. Aapoy ito at hindi mapapatay kailanman.'
21 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo na Diyos ng Israel, 'Idagdag ninyo ang mga handog na susunugin sa inyong mga alay at ang mga karne mula sa mga ito. 22 Sapagkat nang pinalaya ko mula sa lupain ng Egipto ang inyong mga ninuno, wala akong hiningi na anuman mula sa kanila. Wala akong ibinigay na utos tungkol sa handog na susunugin at sa mga alay. 23 Ibinigay ko lamang sa kanila ang utos na ito, “Makinig kayo sa aking tinig at ako ang magiging Diyos ninyo at kayo ay magiging aking mga tao. Kaya lumakad kayo sa lahat ng kaparaanan na iniuutos ko sa inyo upang maging maayos ito sa inyo.”
24 Ngunit hindi sila nakinig o nagbigay pansin. Namuhay sila sa pamamagitan ng mga mapagmataas na balak ng kanilang mga masasamang puso, kaya sila ay paurong at hindi pasulong. 25 Simula pa noong araw na lumabas sa lupain ng Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ipinadala ko sa inyo ang lahat ng aking mga lingkod at mga propeta. Nagtiyaga akong ipadala sila. 26 Ngunit hindi sila nakinig sa akin. Hindi nila binigyan ng pansin. Sa halip, pinatigas nila ang kanilang mga leeg. Mas masama sila kaysa sa kanilang mga ninuno.'
27 Kaya ipahayag mo sa kanila ang lahat ng mga salitang ito, ngunit hindi ka nila pakikinggan. Ipahayag mo sa kanila ang mga bagay na ito, ngunit hindi ka nila sasagutin. 28 Sabihin mo sa kanila, 'Ito ay isang bansa na hindi nakikinig sa tinig ni Yahweh na kaniyang Diyos at hindi tumatanggap ng pagtutuwid. Nasira at naalis ang katotohanan mula sa kanilang mga bibig. 29 Gupitin ninyo ang inyong buhok at mag-ahit kayo at itapon ninyo ang inyong buhok. Umawit kayo ng mga awiting panlibing sa mga bukas na lugar. Sapagkat itinakwil at tinalikuran ni Yahweh ang salinlahing ito dahil sa kaniyang matinding galit.
30 Sapagkat gumawa ng kasamaan sa aking paningin ang mga anak ni Juda, inilagay nila ang mga bagay na kasuklam-suklam sa tahanan kung saan inihayag ang aking pangalan, upang dungisan ito. Ito ang pahayag ni Yahweh. 31 Pagkatapos, itinayo nila ang dambana ng Tofet na nasa lambak ng Ben Hinom. Ginawa nila ito upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak, bagay na hindi ko ipinag-utos. Hindi ito kailanman sumagi sa aking isipan.
32 Kaya tingnan ninyo, paparating na ang panahon na hindi na ito tatawagin na Tofet o nayon ng Ben Hinom. Magiging lambak ito ng Pagpatay, ililibing nila sa Tofet ang mga bangkay hanggang wala nang maiiwang silid doon. Ito ang pahayag ni Yahweh. 33 Magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa ang mga bangkay ng mga tao na ito at walang sinumang makakapagpaalis sa mga ito.
34 Wawakasan ko ang mga lungsod ng Juda at ang mga lansangan ng Jerusalem, ang mga himig ng pagpaparangal at pagsasaya, ang mga himig ng mga lalaki at babaing ikakasal, yamang magiging isang malagim ang lupain.”
8:1 Ito ang pahayag ni Yahweh, “Sa panahong iyon, ilalabas nila mula sa mga libingan ang mga buto ng mga hari ng Juda at ng mga opisyal nito, ang mga buto ng mga pari at ng mga propeta at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem. 2 Pagkatapos, ikakalat nila ang mga ito sa liwanag ng araw, ng buwan at ng mga bituin sa kalangitan, ang mga bagay na ito sa langit na kanilang sinunod at pinaglingkuran, na kanilang nilapitan at hinanap at kanilang sinamba. Hindi na muling titipunin o ililibing ang mga buto. Magiging gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa. 3 Sa bawat natitirang lugar kung saan ko sila ipinatapon, pipiliin nila ang kamatayan sa halip na buhay para sa kanilang mga sarili, ang lahat ng mga natitira pa mula sa masamang bansa na ito. Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo.
4 Kaya sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh, May tao bang nadapa at hindi bumangon? May tao bang naligaw at hindi sinubukang bumalik? 5 Bakit ang mga taong ito, ang Jerusalem, ay tumalikod ng walang hanggang pagtalikod? Nagpatuloy sila sa pagtataksil at tumangging magsisi. 6 Binigyan ko sila ng pansin at pinakinggan ngunit hindi tama ang kanilang sinabi. Walang sinuman ang nagsisi sa kaniyang kasamaan, walang sinuman ang nagsabi, “Ano ang nagawa ko?” Pumupunta silang lahat kung saan nila nais, gaya ng kabayong pandigma na tumatakbo patungo sa labanan. 7 Kahit ang ibon sa langit, mga kalapati, mga layang-layang at ang mga tagak ay nalalaman ang mga tamang panahon. Pumupunta ang mga ito sa kanilang mga paglilipatan sa tamang panahon ngunit hindi alam ng aking mga tao ang mga atas ni Yahweh. 8 Bakit sinasabi ninyo, “Marurunong kami! At nasa amin ang kautusan ni Yahweh?” Sa katunayan tingnan ninyo! Lumikha ng panlilinlang ang mapanlinlang na panulat ng mga eskriba. 9 Mapapahiya ang mga marurunong na tao. Nabigo sila at nabitag. Tingnan ninyo! Itinakwil nila ang salita ni Yahweh, kaya anong silbi ng kanilang karunungan? 10 Ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawang babae at ang kanilang mga bukirin ay sa mga magmamay-ari ng mga iyon, sapagkat magmula sa pinakabata hanggang sa pinakadakila, napakasakim nilang lahat! Magmula sa propeta hanggang sa pari, lahat sila ay nagsasagawa ng panlilinlang. 11 Sapagkat ginagamot nila ang bali ng anak na babae ng aking mga tao na para bang wala itong halaga. Sinabi nila, “Kapayapaan, Kapayapaan” ngunit walang kapayapaan. 12 Nahihiya ba sila kapag gumagawa sila ng mga kasuklam-suklam na gawain? Hindi sila nahihiya. Wala silang kapakumbabaan. Kaya babagsak sila sa panahon ng kanilang kaparusahan kasama ng mga bumagsak na. Ibabagsak sila, sabi ni Yahweh. 13 Ganap ko silang aalisin, ito ang pahayag ni Yahweh, hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, ni magkakaroon ng mga igos sa mga puno ng igos. Sapagkat malalanta ang mga dahon at mawawala ang ibinigay ko sa kanila.
14 Bakit tayo nakaupo dito? Magsama-sama tayo, pumunta tayo sa mga matitibay na lungsod at magiging tahimik ang ating kamatayan doon. Sapagkat patatahimikin tayo ni Yahweh na ating Diyos. Paiinumin niya tayo ng lason yamang nagkasala tayo laban sa kaniya. 15 Umaasa tayo para sa kapayapaan ngunit walang magiging mabuti. Umaasa tayo sa oras ng kagalingan, ngunit tingnan ninyo, magkakaroon ng kaguluhan. 16 Narinig mula sa Dan ang pagsinghal ng kaniyang mga kabayong lalaki. Nayayanig ang buong daigdig sa tunog ng halinghing ng kaniyang mga malalakas na kabayo. Sapagkat darating sila at kukunin ang lupain at ang kayamanan nito, ang lungsod at ang mga naninirahan dito. 17 Sapagkat tingnan ninyo, magpapadala ako sa inyo ng mga ahas, mga ulupong na hindi ninyo kayang paamuhin. Tutuklawin kayo ng mga ito, ito ang pahayag ni Yahweh.”
18 Walang katapusan ang aking kalungkutan at nasasaktan ang aking puso. 19 Pakinggan ninyo! Ang hiyaw ng anak na babae ng aking mga tao mula sa malayong lupain! Hindi ba nasa Zion si Yahweh? O hindi ba nasa kaniya ang kaniyang hari? Bakit kaya nila sinasaktan ang aking damdamin sa pamamagitan ng kanilang mga inukit na imahen at mga walang kabuluhang diyus-diyosan ng mga dayuhan? 20 Lumipas na ang anihan, tapos na ang tag-init. Ngunit hindi tayo naligtas. 21 Nasaktan ako dahil sa sakit na naramdaman ng anak na babae ng aking mga tao. Nagluksa ako dahil sa mga katakot-takot na bagay na nangyari sa kaniya, pinanghinaan ako ng loob. 22 Wala bang lunas sa Galaad? Wala bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang anak ng aking mga tao?