Nananawagan si Jeremias ng Pagsisisi at Nanaghoy (continued)

Hinihimok ni Jeremias ang mga tao na magsisi, at nananaghoy sa kanilang mga paghihirap habang papalapit ang pagkabihag.

612 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 9–10

1 Kung maaari lamang magpalabas ng tubig ang aking ulo at maging bukal ng luha ang aking mga mata! Sapagkat nais kong umiyak sa umaga at gabi para sa mga anak ng aking mga tao na pinatay. 2 Kung may makapagbibigay lamang sa akin ng isang lugar sa ilang na para sa mga manlalakbay upang panirahan, na aking mapupuntahan upang talikuran ang aking bayan. Kung maaari ko lamang silang iwanan, yamang mga nakikiapid silang lahat, isang pangkat ng mga taksil! 3 Ipinahayag ni Yahweh, “Nagsasabi ang kanilang mga dila ng mga kasinungalingan, na kanilang mapanlinlang na sandata, ngunit hindi sila dakila sa katapatan sa lupa. Patuloy silang gumagawa ng masama sa iba. Hindi nila ako kilala.” 4 Bantayan ng bawat isa sa inyo ang inyong kapwa at huwag magtiwala sa sinumang kapatid. Sapagkat mandaraya ang bawat kapatid at namumuhay sa paninirang-puri ang bawat kapwa. 5 Kinukutya ng bawat isa ang kaniyang kapwa at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nagtuturo ng mga mapanlinlang na bagay ang kanilang mga dila. Pagod na pagod sila sa paggawa ng malaking kasalanan. 6 Namuhay kayo sa gitna ng pandaraya. Sa kanilang panlilinlang, tinanggihan nila akong kilalanin. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

7 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Tingnan ninyo, susubukin at susuriin ko sila. Ano pa ang aking gagawin para sa anak ng babae ng aking mga tao? 8 Matatalas na palaso ang kanilang mga dila at nagsasalita sila ng mga bagay na kasinungalingan. Sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, naghahayag sila ng kapayapaan sa kanilang kapwa, ngunit sa kanilang mga puso inaabangan nila sila. 9 Hindi ko ba sila dapat parusahan dahil sa mga bagay na ito at hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili sa bansang tulad nito? Ito ang pahayag ni Yahweh. 10 Aawit ako ng mga awiting panluksa at panaghoy para sa mga kabundukan, at isang awit na panlibing ang aawitin para sa kaparangan. Sapagkat nasunog ang mga ito kaya walang sinuman ang makadadaan dito. Hindi sila makaririnig ng anumang huni ng baka. Nagsilayo lahat ang mga hayop at ang mga ibon sa kalangitan. 11 Kaya gagawin kong bunton ng pagkasira ang Jerusalem, isang taguan ng mga asong-gubat. Gagawin kong mga wasak na lugar ang mga lungsod ng Juda na walang maninirahan.

12 Sino ang matalinong tao na makauunawa nito? Ano ang ipinahayag ni Yahweh sa kaniya upang maaari niya itong iulat? Bakit nawasak ang kalupaan? Nawasak ito tulad ng ilang, kung saan walang sinuman ang makadadaan dito.

13 Sinasabi ni Yahweh, “Dahil ito sa pagtalikod nila sa kautusan na aking ibinigay sa kanila at dahil hindi nila pinakinggan ang aking tinig o ipinamuhay ito. 14 Ito ay dahil namuhay sila sa pamamagitan ng kanilang mga matitigas na puso at sa pagsunod sa mga Baal tulad ng itinuro sa kanila ng kanilang mga ama na gagawin nila.

15 Kaya, ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel. 'Tingnan ninyo, pakakainin ko ang mga taong ito ng mapapait na halaman at paiinumin ng nakalalasong tubig. 16 At ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno. Magpapadala ako ng espadang tutugis sa kanila hanggang sa ganap ko silang mawasak.”'

17 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Unawain ninyo ito: Tawagin ninyo ang mga mang-aawit sa paglilibing at hayaan silang lumapit, magpadala kayo ng mga babaeng mahuhusay sa pagdadalamhati at hayaan silang lumapit. 18 Madaliin sila at paawitin ng awiting panluksa sa atin, upang dumaloy ang luha sa ating mga mata at daluyan ng tubig ang talukap ng ating mga mata. 19 Sapagkat narinig sa Zion ang hiyaw ng panaghoy. 'Ganap kaming nawasak. Labis kaming nahiya, sapagkat nilisan namin ang lupain matapos nilang gibain ang aming mga tahanan.' 20 Kaya kayong mga kababaihan, pakinggan ang salita ni Yahweh, bigyang pansin ang mga mensahe na nagmula sa kaniyang bibig. At turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng awiting panluksa at sa kapwa babae ng awiting panlibing. 21 Sapagkat dumating na ang kamatayan sa ating mga bintana, pupunta ito sa ating mga palasyo, pupuksain nito ang mga bata na nasa labas at mga kabataang nasa mga pamilihan ng lungsod.

22 'Ito ang pahayag ni Yahweh. 'Ipahayag ninyo ito, Malalaglag ang mga bangkay ng mga tao tulad ng dumi sa kabukiran at tulad ng mga tangkay ng butil sa likod ng manggagapas at walang sinuman ang magtitipon sa kanila.'”

23 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Huwag ninyong hayaang magyabang ang mga matatalino sa kanilang karunungan o ang mandirigma sa kaniyang kalakasan. Huwag ninyong hayaang magyabang ang mayamang tao sa kaniyang kayamanan. 24 Sapagkat kung magyayabang ang isang tao sa anumang bagay, ito dapat ang mayroon sa kaniya, na mayroon siyang pang-unawa at pagkilala sa akin. Sapagkat ako si Yahweh, na gumagawa ng matapat na kasunduan, katarungan at katuwiran sa sanlibutan. Sapagkat ito ang mga bagay na aking kinagagalak. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

25 Tingnan ninyo, darating ang mga araw na parurusahan ko ang lahat ng tuli lamang sa kanilang mga katawan. Ito ang pahayag ni Yahweh. 26 Parurusahan ko ang Egipto, Juda, Edom, mga tao sa Ammon, Moab at lahat ng tao na nagpaputol ng kanilang mga buhok sa ulo, na naninirahan sa disyerto. Sapagkat hindi tuli ang lahat ng bansang ito at matigas ang puso ng lahat ng nasa sambahayan ng Israel.”

10:1 Pakinggan ninyo ang mga salitang ihahayag sa inyo ni Yahweh, sambahayan ng Israel. 2 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, 'Huwag ninyong pag-aralan ang mga kaparaanan ng ibang mga bansa at huwag kayong mabahala sa mga palatandaan sa mga kalangitan, sapagkat nababahala ang mga bansa ng dahil dito. 3 Sapagkat walang kabuluhan ang mga kaugalian ng mga tao. Sapagkat may pumuputol ng punong kahoy sa kagubatan. Ang mga kamay ng manlililok ang gumagawa nito sa pamamagitan ng palakol. 4 Pagkatapos, pinapalamutian nila ito ng pilak at ginto. Pinatitibay nila ito gamit ang martilyo at mga pako upang hindi ito bumagsak. 5 Tulad ng panakot ng ibon sa taniman ng pipino ang mga diyus-diyosang ito sapagkat hindi sila makapagsalita ng anuman. Kailangan silang buhatin, sapagkat hindi man lang sila makahakbang. Huwag ninyo silang katakutan, sapagkat hindi nila kayang gumawa ng masama ni makagagawa ng anumang mabuti.'” 6 Wala kang katulad, Yahweh. Dakila ka at dakila ang kapangyarihan ng iyong pangalan. 7 Sino ang hindi matatakot sa iyo, hari ng mga bansa? Sapagkat ito ang karapat-dapat sa iyo, sapagkat wala kang katulad sa lahat ng matatalinong tao sa mga bansa o sa lahat ng kanilang mga maharlikang kaharian. 8 Pare-pareho silang lahat, malulupit sila at hangal, mga alagad ng diyus-diyosan na mga kahoy lamang. 9 Nagdadala sila ng pilak na pinanday mula sa Tarsis at ginto mula sa Upaz na gawa ng mga manggagawa at ng kamay ng mga panday. Asul at lila ang kanilang mga damit. Ang kanilang mga dalubhasang tauhan ang gumawa ng lahat ng bagay na ito. 10 Ngunit si Yahweh ang tunay na Diyos. Siya ang buhay na Diyos at hari magpakailanman. Nayayanig ang mundo at hindi kayang tiisin ng mga bansa ang kaniyang galit.

11 Ganito ang sasabihin mo sa kanila, “Malilipol sa lupa at sa ilalim ng kalangitan ang mga diyos na hindi lumikha ng kalangitan at ng lupa. 12 Ang lumikha ng daigdig sa kaniyang kapangyarihan ang nagtatag ng kalupaan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan at nagpalaganap ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang pang-unawa. 13 Ang kaniyang tinig ang lumilikha ng dagundong ng katubigan sa kalangitan at siya ang nagpapaangat ng hamog mula sa bawat sulok ng daigdig. Lumilikha siya ng kidlat para sa ulan at nagpapalabas ng hangin mula sa kaniyang kamalig. 14 Naging mangmang ang mga tao na walang kaalaman. Nailagay sa kahihiyan ang bawat panday dahil sa kaniyang diyus-diyosan sapagkat manlilinlang ang mga ginawa niyang imahen at walang buhay ang mga ito. 15 Walang silbi ang mga ito, ang gawa ng mga mangungutya. Malilipol sila sa panahon ng kanilang kaparusahan. 16 Ngunit hindi nito katulad ang Diyos na kabahagi ni Jacob sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay. Ang Israel ang tribo ng kaniyang mana, Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan.

17 Tipunin ang inyong bigkis at umalis sa lupain, kayong mga taong namumuhay sa ilalim ng pananakop. 18 Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh, “Tingnan ninyo, ipapatapon ko sa panahong ito ang mga naninirahan sa lupain. Pahihirapan ko sila at malalaman nila ito.” 19 Aba sa akin! Dahil sa mga nabali kong buto, malubha ang aking sugat. Kaya sinabi ko, “Tiyak na matinding paghihirap ito, ngunit dapat ko itong tiisin.” 20 Ganap na nawasak ang aking tolda at nahati sa dalawa ang lahat ng tali nito. Kinuha sa akin ang aking mga anak, kaya wala na sila. Wala ng maglalatag ng aking tolda o magtataas ng aking mga kurtina. 21 Sapagkat naging hangal ang mga pastol. Hindi nila hinanap si Yahweh kaya hindi sila nagtagumpay at nagsikalat ang lahat ng kanilang kawan. 22 Dumating na ang ulat ng mga balita, “Tingnan ninyo! Parating na ito! Isang malakas na lindol ang paparating mula sa hilagang lupain upang sirain ang mga lungsod ng Juda at maging taguan ng mga asong-gubat.”

23 Alam ko Yahweh na ang landas ng tao ay hindi nagmula sa kaniyang sarili. Walang tao ang nangunguna sa sarili niyang mga hakbang. 24 Ituwid mo ako Yahweh ng may katarungan ngunit hindi sa pamamagitan ng iyong galit at baka mapuksa mo ako. 25 Ibuhos mo ang iyong matinding galit sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo at sa mga pamilya na hindi tumatawag sa pangalan mo. Sapagkat nilamon nila si Jacob at inubos siya upang ganap na wasakin at buwagin ang kaniyang tirahan.