Inihula ni Isaias ang Pagsalakay ng mga taga-Asiria (continued)
Ang hula ni Isaias tungkol sa pagsalakay ng hukbo ng Asiria sa Palestina.
715 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Isang sibol ang magmumula sa ugat ni Jesse, at ang isang sanga mula sa kaniyang ugat ang magbubunga. 2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh. 3 Ang pagkatakot kay Yahweh ang magiging kagalakan niya; hindi siya manghahatol ayon sa nakikita ng kaniyang mga mata, ni magpapasya ayon sa naririnig ng kaniyang tainga. 4 Sa halip, hahatulan niya ang mahihirap nang makatwiran at magpapasya ng patas sa mga mapagkumbaba sa mundo. Hahampasin niya ang mundo ng pamalo ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng kaniyang mga labi, papatayin niya ang masasama. 5 Ang katuwiran ang magiging sinturon niya sa kaniyang baywang, at katapatan ang sinturon na nakasuot sa kaniyang balakang. 6 Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila. 7 Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka. 8 Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas. 9 Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat.
10 Sa araw na iyon, titindig ang ugat ni Jesse bilang isang bandila para sa mga tao. Hahanapin siya ng mga bansa, at magiging maluwalhati ang kaniyang lugar ng kapahingahan. 11 Sa araw na iyon, muling iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay para mabawi ang nalabi sa kaniyang mga tao sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Sinar, Hamat, at mga isla sa karagatan. 12 Maglalagay siya ng bandila para sa mga bansa at titipunin ang mga taga-Israel at Juda na tinapon mula sa apat na sulok ng mundo. 13 Ititigil niya ang inggit ng Efraim, at aalisin niya ang mga laban sa Juda. Hindi na maiinggit ang Efraim sa Juda, at hindi na laban ang Juda sa Efraim. 14 Sa halip, lulusob sila sa mga burol ng Filisteo sa kanluran, at sama-sama nilang susugurin ang mga tao sa silangan. Lulusubin nila ang Edom at Moab, at susunod sa kanila ang bayan ng Ammon. 15 Lubusang wawasakin ni Yahweh ang gulpo ng dagat ng Ehipto. Sa pamamagitan ng tuyong hangin, iwawagayway niya ang kaniyang kamay sa Ilog ng Eufrates at hahatiin ito sa pitong batis, para matawiran gamit ang mga sandalyas. 16 Magkakaroon doon ng malapad na daanan para sa mga nalabing tao na bumalik mula sa Asiria, kung paanong nakadaan ang Israel palabas mula sa lupain ng Ehipto.
12:1 Sa araw na iyon, sasabihin ninyo, “Magbibigay kami ng papasalamat sa iyo, Yahweh. Kahit na galit ka sa amin, nawala na ang iyong poot, at inaliw mo kami. 2 Tingnan ninyo, ang Diyos ang aming kaligtasan; magtitiwala kami at hindi matatakot, dahil si Yahweh, oo, si Yahweh ang aming kalakasan at awitin. Siya ang aming naging kaligtasan.”
3 Masaya kayong kukuha ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan. 4 Sa araw na iyon, inyong sasabihin, “Magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at tumawag sa kaniyang pangalan; sabihin ang kaniyang mga ginawa sa kalagitnaan ng mga tao, ihayag ang dakila niyang pangalan. 5 Umawit kay Yahweh, dahil gumawa siya ng mga dakilang bagay; ipaalam ito sa buong mundo. 6 Umiyak nang malakas at sumigaw sa tuwa, kayong mga naninirahan sa Sion, dahil nasa inyong kalagitnaan ang Banal na Diyos ng Israel.”
13:1 Isang pahayag tungkol sa Babilonia, na natanggap ni Isaias anak ni Amoz: 2 Sa kalbong bundok maglagay ka ng isang bandilang panghudyat, umiyak kayo ng malakas sa kanila, iwagayway ang inyong kamay para pumunta sila sa mga tarangkahan ng mga maharlika. 3 Inutusan ko ang aking mga banal, oo, tinawag ko ang malalakas kong mandirigma para isagawa ang aking galit, pati ang malalakas kong mandirigma ay matutuwa. 4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, ay gaya ng maraming tao! Ang ingay ng kaguluhan sa mga kaharian ay gaya ng maraming bansa na nagtipon-tipon! Tinitipon ni Yahweh ng mga hukbo ang mga kawal para sa labanan. 5 Nanggaling sila mula sa malayong bansa na hindi na natatanaw. Si Yahweh ang wawasak ng buong lupain gamit ang kaniyang mga instrumento ng paghahatol. 6 Umungol kayo, dahil papalapit na ang araw ni Yahweh; darating ito nang may pagwasak mula sa Makapangyarihan. 7 Dahil dito, manlalambot ang lahat ng kamay at matutunaw ang bawat puso; Matatakot sila; matinding kirot at kalungkutan ang lulupig sa kanila, gaya ng isang babaeng nanganganak. 8 Titingin sila ng may pagkamangha sa isa't-isa; mag-aalab ang kanilang mga mukha. 9 Tingnan ninyo, dadating ang araw ni Yahweh nang may mabagsik na poot at nag-uumapaw na galit, para gawing malagim ang lupain at para wasakin ang mga makasalanan doon. 10 Hindi ibibigay ng mga bituin sa langit at mga grupo ng bituin ang kanilang liwanag. Magdidilim ang araw kahit na bukang-liwayway, at hindi magniningning ang buwan. 11 Parurusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito at dahil sa kanilang kasalanan. Tatapusin ko ang kayabangan ng mga mapagmataas at ibababa ko ang kayabangan ng mararahas. 12 Gagawin kong mas madalang ang mga tao kaysa sa pinong ginto at mas mahirap hanapin kaysa sa purong ginto ng Ofir. 13 Dahil dito, papanginigin ko ang kalangitan, at yayanigin ang lupa sa kinalalagyan nito, sa pamamagitan ng matinding poot ni Yahweh ng mga hukbo, at sa araw ng kaniyang matinding galit. 14 Gaya ng isang hinahabol na gasel o gaya ng isang tupang walang pastol, babalik ang bawat tao sa kanilang sariling bayan at tatakas patungo sa sarili nilang lupain. 15 Ang bawat taong matatagpuan ay papatayin, at ang bawat taong mahuhuli ay mamamatay sa pamamagitan ng espada. 16 Dudurugin din ng pira-piraso ang kanilang mga anak sa kanilang harapan. Nanakawan ang kanilang mga bahay at huhulihin ang kanilang mga asawa at sisipingan. 17 Tingnan ninyo, pupukawin ko ang Medes para lusubin sila, na hindi iisipin ang tungkol sa pilak, ni hindi matutuwa sa ginto. 18 Tutusok ang mga palaso nila sa mga kabataan. Hindi sila maaawa sa mga sanggol at walang ititirang mga bata. 19 At Babilonia, ang pinakahinahangaan sa mga kaharian, ang pinagmamalaking kaluwalhatian ng Chaldea ay itatapon ng Diyos gaya ng Sodoma at Gomorra. 20 Hindi na ito matitirahan o pamumuhayan mula sa saling-lahi hanggang sa isa pang saling-lahi. Hindi na itatayo ng Arabo ang kaniyang tolda doon, ni pagpapahingahin ng pastol ang kawan ng tupa doon. 21 Pero ang mga mababangis na hayop ng ilang ang hihiga doon. Mapupuno ang kanilang mga bahay ng mga kwago; at mga ostrich at mga ligaw na kambing ang magluluksuhan doon. 22 Aatungal ang hiyena sa kanilang mga kuta, at mga asong-gubat sa magagandang palasyo. Nalalapit na ang oras niya, at hindi na magtatagal ang kaniyang mga araw.