Inihula ni Isaias ang Pagkawasak ng Tiro

715 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 23

1 Isang pahayag tungkol sa Tiro: Umungol kayo, kayong mga barko ng Tarsis; dahil wala na kayong tahanan ni daungan; naihayag ito sa kanila mula sa lupain ng Kittim. 2 Mamangha, kayong mga naninirahan sa baybayin, kayong mangangalakal ng Sidon, na naglalayag sa karagatan, na ang mga kinatawan ang nagtutustos sa inyo. 3 At sa malawak na katubigan ang butil ng rehiyon ng Sihor, ang ani ng Nilo ay dinala sa Tiro; siya ang pamilihang lugar ng mga bansa. 4 Mahiya kayo lupain ng Sidon; dahil nagsalita na ang dagat, ang isang makapangyarihang dagat. Sinasabi niya, “hindi ako naghirap o nanganak, ni nag-alaga ng mga batang lalaki o nagpalaki ng mga batang babae.” 5 Kapag dumating ang balita sa Ehipto, magdadalamhati sila tungkol sa Tiro. 6 Tumawid kayo sa Tarsis; manangis, kayong mga naninirahan sa baybayin. 7 Nangyari ba ito sa inyo, ang masayahing lungsod, na nagmula sa sinaunang panahon, na dinala siya ng kaniyang mga paa sa napakalayong dayuhan lugar para manirahan? 8 Sino ang nagplano nito laban sa Tiro? ang tagapagbigay ng mga korona, na ang mga negosyante ay mga prinsipe, na ang mga mangangalakal ay silang may karangalan sa lupa? 9 Si Yahweh ng mga hukbo ang nagplano nito para ilagay sa kahihiyan ang kaniyang pagmamataas at lahat ng kaniyang kaluwalhatian, para ipahiya ang lahat ng kaniyang pinarangalan sa lupa. 10 Araruhin ninyo ang inyong lupain, gaya ng nag-araro ng Nilo, anak na babae ng Tarsis. Wala nang pamilihan sa Tiro. 11 Inabot ni Yahweh ang kaniyang kamay sa karagatan, at niyanig ang mga kaharian; nagbigay siya ng utos ukol sa Ponecia, para sirain ang matibay na kutang tanggulan. 12 Sinabi niya, “Hindi ka na muling makapagdiriwang, pinahirapang birheng dalagang anak ng Sidon; bumangon ka, dumaan ka sa Sayprus; pero kahit doon ay wala kang kapahingahan.” 13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldea. Wala na ang mga tao nito; ginawa itong ilang ng mga taga-Asirya para sa mga mababangis na hayop. Inilagay nila ang kanilang mga toreng taguan. Sinira nila ang mga palasyo nito; Ginawa nila itong tambakan ng mga guho. 14 Umungol kayo, kayong mga barko ng Tarsis; dahil nasira na ang inyong kanlungan.

15 Sa araw na iyon, makakalimutan ang Tiro nang pitumpung taon, tulad ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon may isang bagay na mangyayari sa Tiro tulad ng awit ng babaeng bayaran. 16 Kumuha ka ng alpa, pumunta sa lungsod, ikaw na kinalimutang taong bayaran; tugtugin mo ito ng mabuti, at umawit ng maraming mga awit, para ikaw ay maalaala.

17 Darating ito pagkatapos ng pitumpung taon, si Yahweh ang tutulong sa Tiro, at babalik siya sa kaniyang pagpapaupa. Ipagbibili niya ang kaniyang sarili sa lahat ng kaharian sa lahat ng sulok ng mundo. 18 “Lahat ng kaniyang mga tinubo at mga kinita ay ilalaan kay Yahweh. Hindi maiimbak ang mga ito o maitatabi. Ang mga nananahan sa presensya ni Yahweh— ang kaniyang paninda ay magiging pagkain sa kanila at para magkaroon ng pangmatagalang kasuotan.

Inihula ni Isaias ang Pagsalakay ng mga taga-Asiria

Ang hula ni Isaias tungkol sa pagsalakay ng hukbo ng Asiria sa Palestina.

Isaias 10:5–34

5 Anong kapighatian ang nakalaan sa mga taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit, ang pamalo ng aking poot! 6 Ipapadala ko siya laban sa isang mayabang na bansa at laban sa mga taong pasan ang nag-uumapaw kong poot. Inutusan ko siyang samsamin ang mga kayamanan, para kunin ang biktima, at para apakan sila tulad ng mga putik sa mga lansangan. 7 Pero hindi ito ang kaniyang intensyon, o hindi niya inisip ang ganitong pamamaraan. Nasa kaniyang puso ang wasakin ang maraming bansa. 8 Dahil sinabi niya, “Hindi ba lahat ng aking mga prinsipe ay mga hari? 9 Hindi ba tulad ng Calno ang Carquemis? Hindi ba ang Hamat ay tulad ng Arpad? Hindi ba ang Samaria ay tulad ng Damasco? 10 Gaya ng pagsakop ko sa mga paganong kaharian, na ang mga inukit na rebulto ay mas malaki kaysa sa Jerusalem at Samaria, 11 tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa mga walang kwenta niyang diyus-diyosan, hindi ko rin ba ito gagawin sa Jerusalem at sa kaniyang mga diyus-diyosan?”

12 Kapag natapos na ang ginagawa ng Diyos sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem, siya ay magsasabi ng “paparusahan ko ang mga kayabangan na sinabi ng hari ng Asiria at kaniyang mapagmataas na hitsura. 13 Dahil sinabi niya, “Sa pamamagitan ng aking lakas at katalinuhan kaya ko ito nagawa, at tinanggal ko ang mga hangganan ng mga tao. Ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at tulad ng isang makapangyarihang tao winasak ko silang mga nakaupo sa mga trono. 14 Kinuha ng aking kamay, na tila mula sa isang pugad, ang kayamanan ng mga bansa, na parang kumukuha lang ng mga naiwang itlog, ganoon ko kinamkam ang buong mundo. Walang nagpagaspas ng kanilang pakpak o nagbukas sa kanilang bibig para humuni.” 15 Makakapagmayabang ba ang palakol sa taong gumagamit nito? Pupurihin ba ng lagari ang kaniyang sarili nang higit pa kaysa sa mamumutol na gumagamit nito? O kaya naman kaya bang iangat ng pamalo ang namamalo o ang pamalo ba ay kayang buhatin ang bumubuhat sa kaniya? 16 Kaya magpapadala ng pagkagutom ang Panginoong Yahweh ng mga hukbo sa kaniyang mga magigiting na mandirigma, at sa silong ng kaniyang kaluwalhatian ay may nagniningas na apoy. 17 Ang liwanag ng Israel ay magiging isang apoy, at ang kaniyang Banal ay alab; tutupukin niya ang mga damo at mga tinik sa loob lang ng isang araw. 18 Tutupukin ni Yahweh ang kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan at ang kaniyang masaganang lupain, ang parehong kaluluwa at katawan, ito ay magiging tulad ng isang lalaking may sakit na unti-unting nawawalan ng buhay. 19 Ang mga maiiwan na bahagi ng mga puno sa kaniyang kagubatan ay kakaunti lamang, na kaya itong bilangin ng isang bata.

20 Sa araw na iyon, ang mga naiwan sa Israel, ang pamilya ni Jacob na nakatakas, ay hindi na patuloy aasa sa sumakop sa kanila, bagkus kay Yahweh na sila aasa, Ang Banal ng Israel. 21 May mga naiwan kay Jacob ang babalik kay Yahweh. 22 Kahit na ang iyong mamamayan, Israel, ay kasing dami ng mga buhangin sa dalampasigan, kakaunti lamang mula sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naitalaga na, ayon sa hinihingi ng nag-uumapaw na katuwiran. 23 Dahil ipapatupad na ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, ang hatol na wasakin ang lupain.

24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, “Ang aking bayan na nakatira sa Sion ay hindi natatakot sa mga taga-Asiria. Hahampasin niya kayo ng kaniyang pamalo, at papaluin ng kaniyang tungkod, na tulad ng ginawa sa mga taga-Ehipto. 25 Huwag kayong matakot sa kaniya, dahil sa konting sandali na lang ang aking galit sa inyo ay matatapos na, at itutuon ko naman sa kaniya ang aking galit na wawasak sa kaniya.” 26 At hahampasin sila ni Yahweh ng mga hukbo ng latigo, tulad nang pagtalo niya sa Midian sa bato ng Oreb. Itataas niya ang kaniyang pamalo sa ibabaw ng dagat tulad nang ginawa niya sa Ehipto. 27 Sa araw na iyon, ang mga pabigat ay aalisin sa inyong balikat at ang pamatok ay tatanggalin mula sa inyong mga leeg, at sisirain ang mga pamatok dahil malayo na ang inyong mga leeg mula rito. 28 Tinahak ng mga kalaban ang Migron at dumating sa Aiat, at inilagak ang kanilang mga kagamitan sa Micmas. 29 Tinawid nila ang lambak at gumawa ng kuta sa Geba. Nanginig sa takot ang Ramah at ang Gibea ni Saul ay tumakas. 30 Sumigaw kayo nang malakas, mga dalaga ng Galim! Makinig kayo, Laisa! Kayong mga kaawa-awang Anatot! 31 Tumatakas ang Madmenah, at ang mga nananahan sa Gebim ay naghanap ng mapagkakanlungan. 32 Ngayong araw mismo, titigil siya sa Nob at iuumang ang kaniyang kamao sa bundok ng anak ng Sion, sa bulubundukin ng Jerusalem. 33 Masdan, puputulin ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo ang mga sanga ng puno sa isang kasindak-sindak na pagbagsak; ang mga matataas na puno ay puputulin, at ang mga matatayog ay babagsak. 34 puputulin niya ang kasukalan ng kagubatan gamit ang palakol, at ang tanyag na Lebanon ay babagsak.