Kinokongratula ni Hiram si David

Kinokongratula ni Hiram si David. Nanlulusob ang mga Filisteo.

1047 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Samuel 5:11–25

11 Pagkatapos nagpadala ng mga mensahero si Hiram hari ng Tyre kay David, at mga punong sedro, karpintero, at mason. Nagtayo sila ng bahay para kay David.

12 Alam ni David na itinalaga siya ni Yahweh bilang hari sa buong Israel, at sa gayon naging dakila ang kaniyang kaharian para sa kapakanan ng kaniyang bayang Israel.

13 Pagkatapos nilisan ni David ang Hebron at pumunta sa Jerusalem, kumuha siya ng maraming kerida at mga asawa sa Jerusalem, at maraming mga lalaking anak at mga babaeng anak ang ipinanganak sa kaniya. 14 Ito ang mga pangalan ng mga bata na ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem: Sammua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada, at Elifelet.

17 Ngayon nang mabalitaan ng mga Filisteo na nahirang na si David bilang hari ng buong Israel, lumabas silang lahat para makita siya. Pero nabalitaan ni David ito at bumaba siya sa kuta.

18 Ngayon dumating ang mga Filisteo at nagsikalat sa lambak ng Refaim. 19 Pagkatapos humingi si David ng tulong mula kay Yahweh. Sinabi niya, “Kailangan ko bang salakayin ang Filisteo? Bibigyan mo ba ako ng tagumpay laban sa kanila?” Sinabi ni Yahweh kay David, “Salakayin mo, dahil siguradong bibigyan kita ng tagumpay laban sa Filisteo.”

20 Kaya sinalakay ni David ang Baal Perazim, at doon tinalo niya sila. Sinabi niya, “Pinatumba ni Yahweh ang aking mga kalaban sa aking harapan katulad ng isang rumaragasang tubig baha.” Kaya naging Baal Perazim ang pangalan ng lugar na iyon. 21 Iniwan ng mga taga-Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan doon, at dinala ni David at kaniyang mga tauhan ang mga ito.

22 Pagkatapos umakyat muli ang mga taga-Filisteo at nagsikalat sa lambak ng Refaim. 23 Kaya muling humingi si David ng tulong mula kay Yahweh, at sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Hindi mo dapat salakayin ang kanilang harapan, pero palibutan mo ang likuran nila at lapitan mo sila sa pamamagitan ng mga kahoy ng balsam. 24 Kapag narinig mo ang tunog ng pag-ihip ng hangin sa itaas ng mga punong balsam, salakayin mo sila nang may lakas. Gawin mo ito dahil pangungunahan ka ni Yahweh para salakayin ang hukbong ng mga taga-Filisteo.''

25 Kaya ginawa ni David ang inutos ni Yahweh sa kaniya. Pinatay niya ang mgataga-Filisteo mula sa Geba hanggang sa Gezer.

1 Mga Cronica 14:17

17 Pagkatapos, naipamalita ang katanyagan ni David sa lahat ng lupain at ginawa ni Yahweh na matakot ang lahat ng bansa kay David.

1 Mga Cronica 14:1–16

1 Pagkatapos, nagpadala si Hiram na hari ng Tiro ng mga mensahero kay David at cedar na kahoy, mga karpintero at mga mason. Nagtayo sila ng bahay para sa kaniya. 2 Alam ni David na hinirang siya ni Yahweh bilang hari sa buong Israel at naitaas ang kaniyang kaharian para sa kapakanan ng kaniyang bayang Israel.

3 Nag-asawa pa ng marami si David sa Jerusalem, at siya ay naging ama ng maraming anak na lalaki at babae. 4 Ito ang pangalan ng kaniyang mga anak na isinilang sa Jerusalem: Sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 5 Ibhar, Elisua, Elpelet, 6 Noga, Nefeg, Jafia, 7 Elisama, Beeliada, at Elifelet.

8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na hinirang si David bilang hari sa buong Israel, umalis silang lahat upang hanapin siya. Ngunit nabalitaan ni David ang tungkol dito at umalis upang labanan sila.

9 Dumating ang mga Filisteo at nilusob ang lambak ng Refaim. 10 Pagkatapos, humingi si David ng tulong mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dapat ko bang lusubin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin mo ba ako laban sa kanila?” Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Lusubin mo sila, sapagkat tiyak na ibibigay ko sila sa iyo.”

11 Kaya, pumunta sila sa Baal-perazim at tinalo ang mga Filisteo doon. Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking mga kamay tulad ng rumaragasang tubig baha.” Kaya ang pangalan ng lugar na iyon ay Baal-perazim. 12 Iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan doon at nagbigay si David ng utos na dapat sunugin ang mga iyon.

13 Pagkatapos, muling nilusob ng mga Filisteo ang lambak. 14 Kaya muling humingi si David ng tulong sa Diyos. Sinabi ng Diyos sa kaniya, “Huwag mong lusubin ang kanilang harapan, sa halip umikot ka at lusubin mo sila sa likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang tunog ng martsa sa hangin na umiihip sa itaas ng mga puno ng balsam, lumusob ka nang buong lakas. Gawin mo ito dahil ang Diyos ay mauuna sa iyo upang lusubin ang hukbo ng mga Filisteo.”

16 Kaya ginawa ni David ang inutos ng Diyos sa kaniya. Tinalo niya ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.